[Tula] Ang Puting Yeso At Ang Luntiang Pisara -ni Rene Boy Abiva

Ang Puting Yeso At Ang Luntiang Pisara
ni Rene Boy Abiva

Umaga pa’ y anong sigasig nang ikinukuskos
ni Titser Makabayan sa isa’t isa
yaring ‘sang pulgada sa habang puting yeso
sa waring gubat sa luntiang pisara
sa silid-aralang ‘di niluma ng panahon
sa ‘sang liblib na nayon
ng ‘sang bayang nais maka-alpas
sa tanikala ng pagka-alipin at kamangmangan.

Mag-uumpisa ang lahat sa kaliwa
na kanyang iguguhit pakanan
tsaka n’ya ihahagod paitaas- paibaba, paibaba-paitaas
paulit-ulit ‘to na parang sa ‘sang alon ng mga titik
hanggang sa mabuo ang salita,
mga salita, pangungusap, mga pangungusap sa pampang
hanggang sa wari na ‘tong nangangausap
sa mga musmos na pangarap;
hanggang sa wari na itong si Pilosopong Tasyo na magsasalita
na ang bawat butil ng kanyang laway na tumatalsik
ay waring patak ng ulan
na magpapayabong sa bawat dunong na madapuan
at sa ‘di maipaliwag na kaganapan
ay nagiging ‘sang makapangyarihang sandata
ang mga sulat-kamay sa luntiang pisara,
sandatang sing talim ng itak at sibat
pangitaing tila bumubuhay sa litanya noon ng Dakilang si Pepe
na may mga malilinis pang kaluluwa
at sila ang ngayo’y pag-asa ni Pilipinas
na ‘di maka-alpas-alpas;
hanggang sa mapudpod ang puting yeso
at mai-ukit nang ganap at malalim
sa dibdib ng luntiang pisara,
puso at dalumat ng mga musmos na nakatingala
ang salitang hiraya, hiraya, hiraya,
at marami pang iba
dahilan upang ‘di na rin sila karaniwan kung mangarap.
Maglalaro sa kanilang kukote
ang sala-salabat na katanungang uugaog
sa daigdig na sa akala ng marami’y
matagal nang payapa at tahimik:
“Bakit ang iba’y waring naka-upo sa hangin
gayong sa pag-ani naman ng kamataya’y
pare-parehong babalik ang lahat sa alabok
kahit pa yaong mga nakakalipad at ‘di nakikita
ng mata o ispirito?”

At gaya nga sa ‘sang itlog ng manok,
dumating ang yugtong ito’y napisa
at anong kasiguruhan ni Titser Makabayan
na isinilang ang mga inakay sa tamang panahon
upang ang bagong buhay at pag-asa
ay yumabong muli sa ibabaw ng lupa;
at dahil makailang-ulit n’ya silang isinubsob pailalim-paloob
sa nagniningas na matris ng baga at apoy,
taglay na ng bawat inakay ang pag-ibig
pag-ibig sa bayang ‘sing tigas ng asero
pag-ibig na iginawad sa kanila
ng pandayang- bakal na mula sa gatilyo ng kanyon-de-gera
na nasamsam ng mga gerilya
mula sa mga mananakop na Espanyol;
handa na nilang likhain ang ‘sang sining,
makinang at matalim na sining
na magpapalaya sa kayraming aliping-dalumat.

Pagkagat nang bukang-liwayway,
‘alang pag-aalinlanga’y dinaluhong ng mga inakay ang langit
at sumabog ang himagsik
nagpakawala ang alapaap ng ‘sang matulis na pisik
at nagsimulang lumaya ang mga alamat;
at muling nagsimulang magsulat si Titser Makabayan
sa luntiang pisara gamit ang yesong puti.
Kasaysayan ay ang kasalukuyan.
Ang hinaharap ay sa taumbayan
tuldok.

Agosto 27, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.