[Statement] Ibasura ang Pork Barrel! Pondo ng Bayan, Direktang Ilaan sa Serbisyo at Kabuhayan -KAMP

Ibasura ang Pork Barrel!
Pondo ng Bayan, Direktang Ilaan sa Serbisyo at Kabuhayan
Kahindik-hindik para sa Kampanya para sa Makataong Pamumuhay (KAMP) ang patuloy na pagkiling at pagtatanggol ng Pangulong Noynoy Aquino sa taunang alokasyon ng 25 bilyong pisong pondo ng bayan para sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na “pork barrel” sa kabila ng umaalingasaw na anomalyang kinasasangkutan dito ng maraming mga mambabatas, kasama na ang mga kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.
Malaking insulto sa mamamayan na hindi malaman ni PNoy kung paano at saan ilalaan ang pondo sakaling tanggalin ito sa kamay ng mga nagpapasasang konggresista’t senador. Nakapagtatakang may nakikita pa siyang kabutihang naidulot ng PDAF samantalang malinaw na hanggang ngayon ay nananatiling tatlo sa bawat sampung Pilipino o 27.9 porsyento ng kabuoang populasyon ng kanyang mga “boss” ay naghihikahos at nadagdagan ng 600,000 ang dami ng mga nakaranas ng gutom mula Enero hanggang Marso 2013.
Nasaan ang pakinabang at sino ang nakikinabang sa buwis ng sambayanan? Kapos na kapos ang serbisyong nararapat para sa mamamayan. Sa halip na gamitin ang pondo para sa pangkalahatang proteksyong panlipunang magtitiyak ng wastong pamamahagi ng kita at kayamanan ng bansa tungo sa makataong pamumuhay para sa lahat, pilit na pinanatili ni PNoy ang kalakarang nakasalalay sa personal na pagpapasya ng iilan kung paano gagastahin ang kaban ng bayan.
Wala raw pondo para sa pangunahing karapatang pantao
Noong Marso 2013, ibinasura ni PNoy ang mungkahing batas, Magna Carta of the Poor, na magtataguyod ng limang pangunahing karapatang-pantao: wasto at sapat na pagkain, disente at abot-kayang pabahay, trabaho at kabuhayan, de-kalidad na edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Ang dahilan: walang pondo at hindi nailagay sa dokumento ang katagang “progressive realization” o papa-unlad na pagsasakatuparan ng mga karapatang ito.
Ang taunang 25 bilyong pisong alokasyon sa PDAF ay katumbas ng pabahay para sa 62,500 pamilyang informal settler (P400,000 bawat isa). Halos 30 porsyento ng 92 milyong Pilipino ay informal settler. Tatlong taon nang naghihintay ang 104,000 pamilyang mahihirap na nakatira sa mga peligrosong lugar sa Metro Manila para sa katuparan ng P50 bilyong pabahay. Pautang pa ito ni PNoy samantalang ang PDAF ay libreng ipinamimigay!
Sa 25 bilyong piso, halos 14 milyong Pilipino na ang libreng maisasali sa programa ng PhilHealth gaano man kakapos ang serbisyong ibinibigay nito. Kahit paano’y maiibsan sana ang mahigit 50 porsyentong gastusin sa serbisyong pangkalusugan na direktang nanggagaling sa bulsa ng mamamamayan (Philippine National Health Accounts 2011).
Marami pang katumbas ang perang ito. Labas pa ito sa pondong nakalaan para sa mga programang nakatakda na sa ilalim ng mga ahensya ng pamahalaan at sa mismong pork barrel ng presidente.
Buwis, i-direkta sa Serbisyo, hindi sa bulsa ng sira-ulo
Tama si PNoy nang sabihin niya sa panayam ng mamamahayag na si Maki Pulido na kung sira-ulo ang magmamaneho ng kotse, pwedeng managasa. Pero alam na nga niyang sira-ulo, bakit bibigyan pa ng kotse? Unang-una, bakit ka mamimigay ng kotse na hindi naman sa iyo?
Malinaw na hindi buung-buong napapakinabangan ng mamamayang Pilipino ang PDAF. Panahon pa ng namayapang konggresistang si Romeo Candazo, ibinulaga na niya ang karumal-dumal na kalakaran sa paggasta sa pera ng mamamayan. May “kick-back” ang mga konggresista na umaabot sa mahigit kalahati ng presyo ng bawat proyektong pinopondohan ng pork barrel.
Tama at napapanahon na alisin na ang pork barrel. Tama at makatwiran na imbestigahan si Janet Lim-Napoles upang mapalutang ang mga senador at konggresistang kasabwat nito sa karumaldumal na krimen sa taumbayan. Ngunit, mas makakamit ang tunay na hustisya kung ang PDAF ay direktang pakikinabangan ng mga mamamayan.
Nararapat na ito ay ilaan sa proteksyon ng mamamayan laban sa lumalalang kahirapan at inekwalidad. Pondohan ang pagpapalawig sa serbisyong pangkalusugan, makataong programang pabahay lalo na sa mga maralita, paglikha ng trabaho, insurance para sa mga nawalan at hindi makakuha ng hanapbuhay, nakabubuhay na pension at suporta para sa mga matatanda at specially o differently abled, tiyak at de-kalidad na edukasyon para sa mga kabataan.
Alokasyon at Paggasta ng PDAF, walang Partisipasyon ang Mamamayan. Desisyon ng presidente ang alokasyon ng PDAF. Personal na diskresyon naman ng konggresista o senador kung paano gagastahin ang pondo.
Sa kalakhan, walang mahigpit na koordinasyon ang administrasyong Aquino sa mga civil society organizations kaya nakalusot ang mga pekeng NGO na naging kasabwat pa ng ilang mambabatas sa korupsyon sa pork barrel. Tama lang na maging mahigpit ang mga patakaran para sa mga grupong tumatanggap ng anumang tulong na gagamit ng mga pag-aari ng publiko.
Pagdating sa mga konsultasyon, kalimitang isinasali ng administrasyong PNoy ay mga kaalyadong organisasyon. Kung mapasama man ang mas malawak na pormasyon, puro mabilisang pagpupulong lang at madalas ay isinasantabi ang mga mungkahi ng mga ito sa kadahilanang walang “accreditation”. Suwertehin man na maimbita sa mga limitadong konsultasyon, wala pa ring saysay ang partisipasyon kung walang pagkilala ng mga ahensya ng pamahalaan.
Maraming paraan, hindi lang sa pamamagitan ng pork barrel, upang tiyaking ang buwis ng taumbayan ay direktang magsisilbi sa interes ng sambayanan. Ang mahalaga, paigtingin ng gobyerno ang mga mekanismo para sa malawak at makabuluhang partisipasyon ng mga mamamayan mula sa pagbubuo ng plano hanggang sa implementasyon at pagsubaybay dito. Ang kagyat na pagsasabatas ng Freedom of Information Bill ay isang kritikal na hakbang upang matiyak na sinusunod ng gobyerno ang mga prinsipyo ng accountability, transparency at partisipasyon ng publiko sa mga desisyon at gawain ng pamahalaan.
Honor ng mga Aquino: puro pagbabayad ng ilehitimong utang?
“Honor all debts” ang isang pamosong slogan ng ina ni PNoy, ang namayapang Presidente Cory Aquino. Dahil dito naisakripisyo ang serbisyong panlipunan para relihiyosong bayaran ang mga utang ng Pilipinas na karamihan ay hindi pinakinabangan. Nangutang pa ang gobyerno para bayaran ang mga ilehitimong utang na pinagpasasaan lang ng pamilyang Marcos at mga crony nito.
Ngayon, “honor all political debts” yata ang nasa likod ng katigasan ng sampalataya ni PNoy sa PDAF—isang paraan upang patuloy siyang suportahan ng mga pinagkaka-utangan niya ng kanyang tagumpay sa eleksyon at mapasunod o makontrol ang mga mambabatas. At kung ang batas na kaniyang sinusunod ay tulad ng Automatic Appropriations Law on Debt Servicing na awtomatikong nagtatakda ng budget sa pambayad-utang nang walang konsultasyon sa mamamayang pumapasan nito, delikado ang sambayanan.
Sa ganitong klaseng kalakaran, walang ibang natitirang sasandalan ang taumbayan kundi ang sarili niyang lakas at kapangyarihang singilin at sipain ang mga tila nagpapanggap na lingkod-bayan.
Sa ika-26 ng Agosto, aangkinin ng mamamayang Pilipino ang lakas at kapangyarihang ito: Isang milyong martsa sa Luneta at Mendiola. ###
Ibasura ang Pork Barrel!
Makataong Pamumuhay Para sa Lahat!
Kampanya para sa Makataong Pamumuhay (KAMP)
Ika-21 ng Agosto 2013
Iboto ang iyong #HRPinduterosChoice para sa HR NETWORKS POST.
Ang botohan ay magsisimula ngayon hanggang sa 11:59 ng Nov 15, 2013.
Ikaw para kanino ka pipindot? Simple lang bumoto:
• i-LIKE ang thumbnail/s ng iyong mga ibinoboto sa HRonlinePH facebook, i-share at
ikampanya.
• Bisitahin ang post sa HRonlinePH.com (links sa bawat thumbnail) at pindutin ang button sa
poll sa ilalim ng bawat nominadong post.
• Most number of the combined likes sa FB at sa poll buttons ang magiging 3rd HR Pinduteros
Choice na kikilalanin sa 2013 HR week celebration.Makiisa sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa karapatang pantao. Pindot na!
WHAT IS 3RD HR PINDUTEROS CHOICE AWARDS? https://hronlineph.com/2013/10/01/3rd-human-rights-
pinduteros-choice-awards/Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.