Tag Archives: Rene Boy E. Abiva

[Off-the-shelf] Tuligsa at iba pang mga Tula ni Rene Boy E. Abiva

#HumanRights #FreedomOfExpression

Tuligsa at iba pang mga Tula ni Rene Boy E. Abiva

Image from Popular Bookstore FB page

Pagmasdan mo aking Bayan ang aking
naging kapalaran nang ika’y aming pilit
ibangon sa bangis ng mabangis at malalim
na bangin.

Ang hininga’y samyo ng nabubulok na
waling-waling habang mahigpit sa
pagkakasiping ang paghihirap at
kalungkutan,dagdag pa ang animo’y latigo
sa bagsik na gubat ng kalawanging bakal
na krus at alambreng koronang tinik…

“Sa kulungan nahubog ang kanyang malikhaing pagtatala sa kanyang naging buhay. Mahusay niyang nagamit ang sining ng talinhaga at paggagap sa mga imahe’t simbolismo ng pakikibaka.Nabigo niya ang estado’t di maikakaila na malaking ambag ang kanyang akda sa pagpapatuloy na pag-usbong at pag-unlad ng panitikang progresibo at rebolusyunaryong marapat mabasa ng mamamayang Pilipino.”

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Off-the-shelf] SOLIDAGRO Anto sa yugto ng pandemiko – Tinipon ni RB Abiva

Magandang araw!

Batid ng lahat na malaganap ngayon sa buong daigdig ang COVID-19.

Hindi na ito bago sa kasaysayan ng daigdig. Noong 1340, sa Europa’y kumalat ang tinatawag na Black Death o Bubonic Plague. Ayon sa mga historyador, halos 400 na taon nanalasa ang nasabing sakit. At hindi rito nagtatapos. Taong 1918, pagkatapos ng Unang Digmaang Mundiyal, ay muling lumaganap ang isang pandemiya na higit na malakas sa Black Death. Ito ang Spanish Plague. Tinatayang noong 1920 ay umabot sa 50-100 milyon katao ang nasawi.
Sa kabilang banda, habang tayo’y nasa yugto ng Enhanced Community Quarantine, minabuti naming tipunin ang aming mga akda. Ang pangkalahatang layo’y maipakita, sa anyo ng tula, ang aming simpatya sa sambayanang Pilipino, sa santinakpan, at sa mga may mabubuting budhi na lingkod-bayan.

Ito ang ibig sabihin ng solidágro, solidaridad, pagbibigkis, o fraternidad.

Isa pang layunin ng kalipunang ito ay mapanatiling buhay ang pagiging malikhain ng mamamayan. Maisasalba lamang ito sa kumunoy ng buryong kung mapapanatili natin ang tradisyon ng pagbabasa, pagsusulat, at pakikisangkot. Kitang-kita naman ang maraming manipestasyon sa social media. Tandaan na mamamayan ang wika nga’y tagapaglikha ng kasaysayan.

Sa koleksiyong ito’y nagsama-sama ang mga makatang mula o nagmula sa magkakaibang istilo, tradisyon, lente, tensiyon, at intensiyon upang bigyan, kahit papaano, ng mukha ang kasalukuyang personal at indibidwal na danas ng bayan at lipunan. Halu-halong kalamay wika nga. Pero ganito naman dapat. Sa yugtong tila nasa harapan na natin ang pintuan ng langit at impiyerno’y wala tayong aasahan kundi ang lakas ng bawat isa.
Mahalagang makita at mabatid sa malikhaing pagtatala na ito hinggil sa kung paano tinugunan o tinutugunan (ng makata) ang tugon ng pamahaalan, ng pribadong sektor, at ng mamamayan ang pandemya.

Nawa’y hindi tayo malulong sa pantasya ng social distancing. Sa panahon ng krisis, higit nating kailangan ang social solidarity. Ang nauna’y walang ibang ibig sabihin kundi ang magkanya-kanya. Habang ang huli’y higit na pagkakaisa. Magkaibang-magkaiba.

Nais kong magpasalamat sa mga Makata ng Bayan na sina Christobal Alipio, Arlan Camba, Ryan Damaso, Joshua Diokno, Juan Ekis, Andyleen Feje, Jenny Linares, Marvin Lobos, John Christopher Lubag, Renz Rosario, at Domingo Santos sapagkat hindi nila binigo ang tawag ng panahon.

Hindi ko na pahahabain pa ang aking litanya. Kayo na ang humusga sa mga obrang naririto kung natugunan ba nito/nila ang pangangailangan ng panahon.
Muli, isang malaya, ligtas, matatag, at puno ng pag-ibig at pananalig sa kapwa na pagbabasa.

Mabuhay ang Sambayanan!
Mabuhay ang Solidágro!
R.B. Abiva
11 ng Abril, 2020
Bayan ng Magbubukid

Pls click the link to read the collection Solidagro-EBook

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] SIYANAWA, SANTA CORONA -ni R.B. Abiva

Oh dinggin mo nawa
Ang laman ng mga trompa
Ang dasal ng Papa
Maging ng kaniyang mga Kura,
Madre, Jakuno, at Jakunesa

Oh tanawin mo nawa
Ang kalagayang kay aba
Nilang walang-wala
Ni mumo ng biyaya
Sa butas-kupasing bulsa

Oh dinggin din nawa
Itong aming apela
Sa bansang Alemanya
Na ilabas na sana
Ang iyong relikya

Siyanawa

At siyanawa
Itong iparada sa mga abenida
At nang itong pandemya
Ay magapi nawa

Na siyanawa
Ay mapawi na
Itong sakit na buhat pa sa Tsina
Na ngayo’y walang-awa
Kung umaani ng buhay sa Italya,
Espanya, Bulgaria, at Amerika

Oh Santa Corona
Na pinatay sa dalawang puno ng palma
Sa nasasakupang lupa
Ni Marcus Aurelius ng Roma-Syria
Dinggin mo nawa
Ang pagsamo ng mga kawawa
Ang pagsamo ng mga kaluluwa

Siyanawa
Siyanawa

Pahabol mahal na Santa Corona
Nawa’y ang mga lingkod-bayang alibugha
Na walang ibang minahal kundi pera,
Kapangyarihan, at pagsasamantala,
Nawa’y magtapos na
Ang paghahari nila

Siyanawa
Siyanawa
Siyanawa

26 ng Marso, 2020

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] BERSO TRESE: Isandaang Taon Matapos Ang Spanish Plague -ni R. B. Abiva

1 Nakita nga ni Juan Kristo sa kanyang panaginip noong unang nasilayan ang kabus , sa loob ng tatlong gabi, sa buwan ng Marso si Apolaqui na nasa tungki ng Bundok Bulalakao. 2 Nakaluhod ito sa harapan ng isang tuyong sanga ng ipil-ipil pagkuwa’y bigla siyang tinitigan ni Apolaqui. 3 Sabi ni Juan Kristo, “ Nakita ko sa bola ng kanyang mata ang isang magaganap. 4 Dadapo sa mga bansang mayaman at mahirap ang isang uri ng sakit. 5 May mga mangabubuwal sa kanilang mga nasasakupan. 6 Mga lider. 7 Mga may sinasabi sa buhay. 8 Mayroon din namang mga karaniwan. 9 Magkakagulo dahil sa kabuhayan at pagkain. 10 Pipilitin ng mga tao na isalba ang kanilang sibilisasyon. 11 Nakita ko pang kailangang magtulungan ng mga bansa. 12 Kailangang pilitin nila magkakaiba man ang tibok ng kanilang puso at kumpas ng isipan maging ng sikmura. 13 Kailangan sapagkat kung hindi nila gagawi’y akin ngang nakita sa mata ni Apolaqui ang ikalawa niyang pagparito sa lupa. ”

Marso 21, 2020

Tala:
Kabus- Iluko ng full moon.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Cause I am Imelda? -ni Rene Boy Abiva

Cause I am Imelda?
ni Rene Boy Abiva

“We have to take into consideration may edad na kasi. In any arrest or anybody for that matter, that has to be taken [into] consideration, the age, the health, alam naman natin na andyan siya.” – PNP Chief Oscar Albayalde

Sentensyado ng anim at isang buwan hanggang labin-isang taon
sa kasong pangunguwalta habang nasa puwesto
kasama ang asawang diktador at ‘kuno’y’ beterano
dahilan upang ipalibing ni Santo Rodrigo
sa libingan ng mga kuno’y bayani.

Kaso
kesyo ‘she did not have three thousand pairs of shoes, she had one thousand and sixty.’
kesyo ‘she was no Marie Antoinette. She was not born to nobility, but she had a human right to nobility.’
kesyo ‘when they went into my closets looking for skeletons, but thank God, all they found were shoes, beautiful shoes.’
At ‘yun ang kaso.

Mukhang ‘di niya sasapitin ang sinapit
ni Eduardo Serrano o ni Marcos Aggalao
na sa kulungan ng mga patay na buhay pumanaw.
Hay, anong meron sa Pilipinas?
Isang ginintuang kabalintunaan:
ang mali ay tama, ang tama ay mali
banal ang masama, masama ang banal.

Hmm…kaya ‘di na rin masama
kung totoo mang marami ang nanlalaban gabi-gabi
‘ika nga ni Badong Cordova’y tablahan lang,
‘alang pikunan.

Nobyembre 12, 2018
Lunsod ng Quezon, Maynila

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Sa Panahon Ng Mga Halimaw -ni Rene Boy Abiva

Sa Panahon Ng Mga Halimaw
ni Rene Boy Abiva

 H’wag kayong magpapagabi sa daan,
iba na ang panahon ngayon,
‘di gaya noong aming panahon
na kay sarap magtampisaw
sa liwanag ng buwan;
na kay sarap magtago sa dilim
at maglaro ng tagu-taguan;
na kahit abutin ka nang bukang-liwayway
sa kasalan o lamaya’y ayos lang;
na kampante ka pa noong aakyat ng ligaw
sa dalagang pinipintuho ng ‘yong puso,
haharanahin at hahandugan ng tula
habang siya’y nakadungaw
sa bintanang yari sa pinagtapi-tagpi
at hugis kwadradong kapis.
‘Ala kang pangamba sa ‘yong pag-uwi
kahit mag-isa ka.
At kung nais mong sulitin ang mga sandali
ng malamig na gabi,
mainam noo’y sumilip at tumikim ka
ng maliligayang mga sandali sa perya.
Taya dito, taya doon.
Sa malaking bilog na roleta
o sa hila-bloke na may letra.
Kung nais mo namang makatsamba,
sa tumatakbong ilaw ka manaya.
At balita ko’y sa larong ‘yon mo napanalunan
ang plastik mong baril
na ni sa pagtulog ay ‘yong hawak-hawak.

E ngayon, mahirap na ‘tong gawin
at tila totoo ang noo’y kwento ng mga matatanda,
na may panahong ang mga aswang
ay namamahinga sa ilalim ng lupa
at pagkatapos nang mahaba nilang pamamahinga
ay aatake nga sila.
Ayon sa ilang mga nakakita,
may nakasabit kulang pilak na silbato
at tsapa sa dibdib
ng damit nilang magarbo.
Habang sa baywang,
may malaking bilog sa harap ng kanilang sinturon.
Gawa daw ‘to sa tanso
at may dala silang lagi na bakal na sandata.
Nakasapatos ng makintab
animoy tutubi ang mata
at sumasakay sila sa ‘sang bakal na kabayo.
Ganito na ang mga aswang ngayon.
Sabi pa ni Aling Lina,
‘yung maglalako ng galunggong sa malaking pamilihan?
ang bumubuhay daw sa mga halimaw na ito’y
ang Presidente, ang kanyang Sekretaryo,
lupon ng mga tagapayo at si Kongresman.
‘Di pa alam kung pati si Meyor.
Pero kahit nga si Meyor Bote ng Heneral Tinyo,
‘di sinanto.
Inasalto ‘sang gabi at patay
ngayo’y ayun, nasa libingan ng mga patay,
inuuod at kinakain ng lupa.

Gaya na lamang sa nangyari kay Ising,
si Ising na tindera ng isaw sa may paradahan ng dyip
na biyaheng Licab-Talavera,
aba’y nagulantang ang lahat
nang makita ang kanyang katawang ‘alang saplot.
Wakwak ang kanyang susong-dalaga
at mukhang ‘alang kaluluwa ang sumiping sa kanya
sapagkat sa bangis ng pagkarinyo nito’y halos mabunot
ang kulot na buhok ng kanyang hiyas.
Kahit mga binabae’y ‘di na rin sinasanto.
Gaya na lamang ni Shawi,
‘sang bakla na namamasukan sa ‘sang salon
sa San Leonardo,
aba’y kinilabutan na lamang ‘sang umaga
ang mga magsasaka ng nasabing bayan.
Paano ba naman kasi’y isinabit ang kanyang bangkay
sa poste ng kuryente.
‘Ala ding suot na damit pang-itaas ni pang-ibaba.
Masaklap pa’y waring Kristo na sinabitan ng karatula,
hari ng mga magnanakaw” ang ‘ika.
Tsaka ‘yung ‘sa,
‘yung si Junior,
‘yung nagkukumpuni ng sirang elektrikpan?
Naku, pinatay nung nakaraan.
Nung mismong ‘yong kaarawan!
Sabi sa radyo’y tulak at nanlaban daw
Kaya ayun,
‘sang araw ay pinagpipiyestahan na ng mga bangaw.

Kaya ‘yung plastik mong baril
itago mo, ‘yung ‘kaw lang ang nakaka-alam.
H’wag na h’wag mong ilalabas
at baka pagkamalan ka’t maturingang nanlaban
at malasing mapabilang sa libo-libong
ini-alay kay kamatayan.

Lalabas ka ba ngayong gabi?
Naku, dalhin mo ‘tong agimat ni Lilong mo.
Tuyong bunga ng atis?
Oo!
Bakit?
Basta.
Bakit nga?
Nang may pansagupa ka.

Agosto 10, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Sa Liblib Na Nayon -ni Rene Boy Abiva

Sa Liblib Na Nayon
ni Rene Boy Abiva

Humahampas ang matalim na dila ng batis

sa dibdib ng lumuting bato-

banayad at payapa ‘to

ngunit maya’t maya’y lumilikha rin

nang maliliit-malalaking mga tilamsik

na waring titis ng pugon

umaalingawngaw sa papawirin

ang tilaok ng mga tandang

na wari’y nagbubunyi

habang gumagapang ang papakubkob na ambon,

kumakaluskos ‘to sa ibabaw ng luntiang dahon

umuugaog at nagluluwal ng ligalig

sumasagitsit sa pandinig na waring sa pinakawalang tingga

sa dulo ng baril, mainit at mabangis kung dumaplis

ang pagtitiis ng mga api.

Oktubre 4, 2018

Bayan ng Plaridel, Bulacan    

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento. 

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Oras Na -ni Rene Boy Abiva

Oras Na

ni Rene Boy Abiva

Dinggin mo ang bulong sa bayan na yaon-

ang nakatutulig na iyak ng mga sanggol na gutom at uhaw

ang animo’y kulog na lumagapak na atungal

at alulong ng mga inang balo

habang nakaluhod sa harapan ng mga batong santo at kahoy na krus.

Nawa’y sa pagdampi ng katotohanang ito’y mabuo ang ‘yong pasya

na lipulin ang mga galamay ng Haring Pugita

gayundin ang patuyuin ang bukal ng kanilang ubod nang itim na kaluluwa.

Nawa’y sa pagsanib ng naipong himutok at himagsik sa ‘yong kaibuturan

ay mahanap mo ang ‘yong sarili sa piling ng mga laging api.

At kung mangyari man ‘tong ganap ay oras na

upang ika’y gumising sa dati mong kabaliwan

na ang hangganan ng mundo’y nagtatapos lamang

sa abot-tanaw ng ‘yong hubad na mata.

Oktubre 8, 2018

Lunsod ng Queson, Maynila 

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento. 

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Ang Puting Yeso At Ang Luntiang Pisara -ni Rene Boy Abiva

Ang Puting Yeso At Ang Luntiang Pisara
ni Rene Boy Abiva

Umaga pa’ y anong sigasig nang ikinukuskos
ni Titser Makabayan sa isa’t isa
yaring ‘sang pulgada sa habang puting yeso
sa waring gubat sa luntiang pisara
sa silid-aralang ‘di niluma ng panahon
sa ‘sang liblib na nayon
ng ‘sang bayang nais maka-alpas
sa tanikala ng pagka-alipin at kamangmangan.

Mag-uumpisa ang lahat sa kaliwa
na kanyang iguguhit pakanan
tsaka n’ya ihahagod paitaas- paibaba, paibaba-paitaas
paulit-ulit ‘to na parang sa ‘sang alon ng mga titik
hanggang sa mabuo ang salita,
mga salita, pangungusap, mga pangungusap sa pampang
hanggang sa wari na ‘tong nangangausap
sa mga musmos na pangarap;
hanggang sa wari na itong si Pilosopong Tasyo na magsasalita
na ang bawat butil ng kanyang laway na tumatalsik
ay waring patak ng ulan
na magpapayabong sa bawat dunong na madapuan
at sa ‘di maipaliwag na kaganapan
ay nagiging ‘sang makapangyarihang sandata
ang mga sulat-kamay sa luntiang pisara,
sandatang sing talim ng itak at sibat
pangitaing tila bumubuhay sa litanya noon ng Dakilang si Pepe
na may mga malilinis pang kaluluwa
at sila ang ngayo’y pag-asa ni Pilipinas
na ‘di maka-alpas-alpas;
hanggang sa mapudpod ang puting yeso
at mai-ukit nang ganap at malalim
sa dibdib ng luntiang pisara,
puso at dalumat ng mga musmos na nakatingala
ang salitang hiraya, hiraya, hiraya,
at marami pang iba
dahilan upang ‘di na rin sila karaniwan kung mangarap.
Maglalaro sa kanilang kukote
ang sala-salabat na katanungang uugaog
sa daigdig na sa akala ng marami’y
matagal nang payapa at tahimik:
“Bakit ang iba’y waring naka-upo sa hangin
gayong sa pag-ani naman ng kamataya’y
pare-parehong babalik ang lahat sa alabok
kahit pa yaong mga nakakalipad at ‘di nakikita
ng mata o ispirito?”

At gaya nga sa ‘sang itlog ng manok,
dumating ang yugtong ito’y napisa
at anong kasiguruhan ni Titser Makabayan
na isinilang ang mga inakay sa tamang panahon
upang ang bagong buhay at pag-asa
ay yumabong muli sa ibabaw ng lupa;
at dahil makailang-ulit n’ya silang isinubsob pailalim-paloob
sa nagniningas na matris ng baga at apoy,
taglay na ng bawat inakay ang pag-ibig
pag-ibig sa bayang ‘sing tigas ng asero
pag-ibig na iginawad sa kanila
ng pandayang- bakal na mula sa gatilyo ng kanyon-de-gera
na nasamsam ng mga gerilya
mula sa mga mananakop na Espanyol;
handa na nilang likhain ang ‘sang sining,
makinang at matalim na sining
na magpapalaya sa kayraming aliping-dalumat.

Pagkagat nang bukang-liwayway,
‘alang pag-aalinlanga’y dinaluhong ng mga inakay ang langit
at sumabog ang himagsik
nagpakawala ang alapaap ng ‘sang matulis na pisik
at nagsimulang lumaya ang mga alamat;
at muling nagsimulang magsulat si Titser Makabayan
sa luntiang pisara gamit ang yesong puti.
Kasaysayan ay ang kasalukuyan.
Ang hinaharap ay sa taumbayan
tuldok.

Agosto 27, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Patag Na Ngunit ‘Di Panatag Ang Nayon -ni Rene Boy E. Abiva

Patag Na Ngunit ‘Di Panatag Ang Nayon
ni Rene Boy E. Abiva

PATAG NA, PATAG NA
PINATAG NA ANG NAYON!

Unti-unti’y naglalaho na ang bukiring ipininta ni Amorsolo
New Clark City na daw ang uso ngayon
a city that is truly smart, clean and green
a city that is truly smart, clean and green
syudad na halaw sa mga bundok ng gusali
syudad na wawasak nang ‘alang pasubali.

Tinagpas na ng mga makinang pantabas
ang matatayog na puno ng niyog
ang akasyang daantao’ t maituturing na haligi ng kasaysayan
ang balangay ng mga saging na kakaway-kaway sa mga manlalakbay
at ang kawayang madalas i-ugoy ng hangin t’wing dapit-hapon.

Inukilkil ng tigatig at tigalgal
ang batalyon ng mga pipit, maya, tagak at kwago
na ngayo’y mga nangagsipaglayasan
na dati’y waring nakikisayaw sa palupo ng ginintuang palay
o nakikipagtagisan sa ibabaw ng mga palaisdaan
at pilit hinahamon ang mga tilapya, hito at dalag
na subukang lumipad nang makita nila ang ganda
ng buong nayon at daigdig.

Lumagitik ang buto ng mga nangagsipagtakbuhang kalabaw at kambing
nang kugkogin sila ng buldoser na animo’y pugita,
nagmatapang ang ilan at sama-samang inasalto ang dambuhala
hanggang sa mabalot ng kulay-lupang alikabok ang paligid
at paglao’y humugong ang alulong ng batang kalabaw at kambing
tumimbuwang ang kanilang ina nang pukpukin ng bakal na galamay,
lumangoy sila sa sarili nilang dugo at nangisay
kawawang mga paslit, kay bata-bata pa’y naulila na.

PATAG NA, PATAG NA
PINATAG NA ANG NAYON!

Tuyong-tuyo na ang dati’y sanga-sangang batis
animo’y ibinulid sa impiyerno ang noo’y rumarapido at malamig na ilog
mainit at marumi na ang likido nito
na parang laba na iwiniwisik minsan
ng noo’y nag-alburutong Bulkang Pinatubo.

Hinalinhan na ng tolda ang mga bahay-kubo at sawali,
dito nagsisiksikan ang mga mangagawang kumapit sa patalim
na pandayin ang daan tungong New Clark City
sa sentro’y nakatayo at nakapamaywang ang ‘sang Intsik
na lawit na lawit ang tiyan habang naka-tuksido
habang hawak ng kanan n’yang kamay
ang mahabang kadenang kumakalembang
na sa dulo’y nakakagat ang tutang askal
sa mga buto ng tao
kakahol-kahol ‘to at akmang ngangabngabin
ang sinumang magnanais bawiin
ang lupa sa kanyang tanawin.

Nalason na ang mga dati’y mabubuti’t kapanalig na bertud
laglag na ang kanilang diwa at panga
sa kwartang isinungalngal sa kanilang bunganga’t ispirito
at idinuldol sa kanilang manhid ng pusong yari sa marmol.

‘Ala na ang masigla at malusog na nayon,
‘ala na, ‘ala na…
mistula na ‘tong ‘sang malawak na sementeryo at disyerto
ni dagim ay iniwan na ‘to
sapagkat paano pa makalilikha ng ulap ang langit
kung ‘ala ng puno, damo, hayop at tao na sana’y kasiping ng himpapawid
sa pagbuo ng ulap ng mga pangarap?

NGUNIT ‘DI PANATAG ANG PINATAG NA NAYON
‘DI PANATAG, ‘DI PANATAG!

May natitirang ganda pa ang nayon
may natitira pa…
naka-ukit ‘to sa ala-ala ng mga magsasakang gaya ni Buscayno
ni Crispin, ni Dayang-Dayang, ni Saro, ni Roger,
ni Jacob, ni Rasul at Cadano
larawan na higit pa sa ipininta noon ni Amorsolo
o ng ibinabanderang syudad ng mga kapitalistang kuno’y pamoso
tama si Ka Daning sa pagsasabing ‘may bukas pa’
nakatindig pa si Arayat na s’yang kuta ng mga salamisim
na puno ng himagsik
o si Pinatubo na kaharian ni Apo Namalyari
na ubod ng bagsik,
na kada hapo’y sinusungkit ang langit
at umaasang sa bawat pagbuhos ng ulan,
ay sisibol mula sa mga guho
ang binhi ng mga taong mangangahas pihitin at kintalin ang kasaysayan
nang maganap ang hinihintay na paghuhukom.

Umaasa pa si Arayat at Pinatubo
na balang araw ay sasabog ang mga dagitab at bubuntong-hininga ang lupa
nang sa gayo’y magising sa kaululan ang buong nayon at bayan
lagi’t lagi’y dalangin nila
na sana’y magkalantugan ang karit, maso, pana at sibat
at dadayukdok ang himagsik sa mga nayon
nang madiligan ng dugo’t pawis ang mga natitirang sakahan
at sa pagpisik ng kidlat!
at sa pagpisik ng kidlat!
at sa pagpisik ng kidlat!
hahayaan nilang dilaan ng apoy ang pangkating taksil at tampalasan
na naroroon, nagtatago at nagkukuta sa Malakanyang!

SA GANITO MAPAPANATAG ANG NAYON
SA GANITO MAPAPANATAG ANG MGA NAYON.

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] “ ‘Ika” -ni Rene Boy E. Abiva

“ ‘Ika”
ni Rene Boy E. Abiva

Noon:

wawakasan ang ENDO
pupuksain ang iligal na droga sa loob ng anim na buwan
itatalaga sa gabinete ang mga kilalang personaheng progresibo
bubuhayin ang natigil na usaping pangkapayapaan
sisipain ang mga empleyado ng pamahalaang kurakot
gagaan ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino
ititirik ang bandila sa Pilipinas sa islang inaagaw ng Tsina
lilikha ng libong nakabubuhay na trabaho
isusubo sa bibig ang matamis na pangako ng demokrasya
rebolusyunaryo at ‘di terorista ang NPA
papalayain ang lahat ng mga bilanggong political
babawasan ang buwis na kinakaltas sa sahod ng mga manggagawa
kikilalanin ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa
aayusin ang sistemang pabahay sa mga syudad
gagawing makatao ang buhay sa loob ng kulungan
‘di gagaya sa yumaong diktador na si Makoy
galit sa mga TRAPO
itataas ang sahod ng mga kawani ng pamahalaan
at Pederalismong para sa mamamayan.

Ngayon:

ginawang ligal ang kontraktwalisasyon
pinahaba ang gera kontra droga
itinalaga ang mga dating Heneral sa gabinete
pinutol ang usaping pangkapayapaan
ang mga naupo’y mga sagad-saring kurakot din naman pala
bumigat lalo ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino
naging tuta ng Tsina ang Pilipinas
‘alang trabahong mapasukan
isinusubo sa bibig ang mapait na katas ng tiranya
ginawang terorista ang NPA
pinaghuhuli’t pinagkukulong ang mga kritiko.
isinabatas ang TRAIN
pinagsesemento ang malalawak na bukirin sa kanayunan
‘ala paring masilungan ang gaya ni Rita
ginawang hayop ang mga bilanggo
mas masahol pa pala sa iniidolong diktador
alipures din pala ng mga Arroyo
itinaas ng doble ang sahod ng Pulis at Militar
at Pederalismong para sa iilang dinastiya sa bansa.

Sus…sus ginoo,
ang mga matamis at magandang salita
ay mga salita lamang din pala
nanatiling mga salita
sapagkat ‘alang gawa
kung may nagawa man
‘yun ang taliwas sa mga sinalita
kaya ‘ala din palang pinagkaiba
‘tong Pangulo ng Pilipinas
sa mga tsismoso at tsismosang
mahilig at lulong
sa ‘ika-ika!
eh may mapapala ba tayo sa ‘ika?
‘ika nitong aking katabi
aba’y sumagot na ‘ala!
eh ano pa nga ba ang ating ginagawa?
‘ika ni Vilma sa kanyang pelikula
‘kung ‘di tayo kikilos, sinong kikilos
kung ‘di ngayon ay kailan?’

Kaya halika!
‘wag sana tayong mabuhay at makuntento sa ‘ika
‘ika ng mga taong pala-isip at pala-gawa
‘ika noon ng aking yumaong Lolo at Lola.

-Mayo 9, 2018
Lunsod ng Queson, Pilipinas