Category Archives: Literary

[Tula] Sa panahon ng mga robot -ni Greg Bituin Jr.

Sa panahon ng mga robot

sinanay sila upang maging mga ala-robot
sumunod lang sa chain-of-command at huwag sumagot
sinanay sa “yes sir”, tiger look na nakakatakot
sinanay raw nang sa laban ay di lalambot-lambot

kaya trato nila sa mga sibilyan ay plebo
na papaluin lang upang disiplinahin ito
hazing sa akademya’y dinala nila sa tao
babanatan agad ang pasaway o kalaboso

kaya sa kwarantina’y walang kara-karapatan
ang mamamayang tinatrato nang parang kalaban
nirerespeto lang nila’y naghahari-harian
tingin sa sarili’y mas mataas kaysa sibilyan

kasangkapan lang sila ng dalahirang rehimen
tanging kakampi niya’t sunud-sunurang alipin
kaya sa Terror Bill ay gigil isabatas na rin
na siyang magtatanggol sa pangulong utak-lumpen

ganyan ang utak ng mga robot na palamara
mabuti pang maalis ang lupit ng istruktura
at maitayo ang totoong depensa ng masa
mula sa mamamayang marunong makipagkapwa

karapatang pantao’y kanilang iginagalang
bawal sa kanila ang E.J.K. o pamamaslang
dinadaan sa wastong proseso ang bawat hakbang
sinanay silang magalang, di maging salanggapang

#JunkTerrorBillNow
#AyawNaminSaTerorismoNgEstado

– gregbituinjr.
06.13.2020

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc

[Tula] “Kumusta ka na?” -ni Leni del Rosario

“Kumusta ka na?”
ni Leni del Rosario

Malaki.

Malaking malaki ang ambag ng manggagawa sa buhay ng bansa.

Atsa kasalukuyan ay malinaw na nakikitang kung walang manggagawa ay walang kakayanang tumakbo ang isang bansa.

At walang yamang paghahatian ang iilang nagsasamantala sa lakas pag-gawa.

Bukambibig ngayon ang pagpipilit na magbalik trabaho na ang mga manggagawa kahit pa ang katumbas ay pagsasalang sa kanila sa peligro ng sakit.

Imbes na pagkakataon ngayong maipakita ang pagpapahalaga sa manggagawa sa pamamagitan ng ayuda,pagtitiyak na ligtas ang mga lugar-trabaho, ay gusto pa rin siyang pigain at pagkakitaan.

Ang banggit ay- “Magtrabaho na kayo.”

Ni wala man lang…
“Kumusta ka na?”

#TugtugPak
#HindiKamiMananahimik
#ArtistangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#SafeNeverSilent
#MassTestingPH
#AyudaParaSaMasa

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc

[Tula] May araw din ang mga ina… -ni Nina Somera

May araw din ang mga ina…

Aakalain mo na iyon ay karaniwang gabi.
Sa isang iglap tinangay at pinatay
ng buwitre at ng kanyang galamay:
Mga anak na minsa’y may minimithi.

Hindi pa rin umaaraw.
Ang Pebong Silang ay balot sa takot
Maging sa mga pabaong bangungot.
“Totoo ba ito?” Nais mong magduda…
Ililihis sa iba’t ibang mararahas na tagpo,
Bibingihin sa mga ingay ng mga sumasambang tao at kanilang bayarang anino sa poon na mamatay-tao.
Ngunit sadyang gising ang diwa.
May kamalayan sa katotohanan.
May kumikitil sa mga karapatan.

Sa pusod ng poot ay pangarap ng mga ina:
Sa dulo ng bangungot ay may mga mananagot.
Wala nang maitatago at makalulusot
kapag nakalaya ang ginapos na hustiya.

(Mga litrato ng mga ina – Lorenza de los Santos, ina ni Kian de los Santos, kuha ni Jonathan Cellona para sa ABSCBN; Nanette Castillo, ina ni Aldrin Castillo, kuha ni Noel Celis para sa AFP at nalathala sa Rappler; at kuha ni Ezra Acayan na kinilala sa Ian Parry Award sa kanyang dokumentasyon ng mga extrajudicial killing sa ilalim ng rehimen ni Rodrigo Duterte.)

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc

[Tula] May bukas pa -ni Pinong

HAWIIN ANG LAMBONG NG DILIM, MAY BUKAS PA KASAMA.

Sa higit isang buwan ng lockdown, madaming nabago sa takbo ng pag-iral ng ating buhay. Normal ang pagkabagot, pagkabalisa at matakot sa kahihinatnan ng buhay at kabuhayan pagkatapos ng lockdown.

Walang katapusang gutom at paghihintay sa ayuda, paulit-ulit tayong hinahaplit ng kahirapan, at ang walang pakundangang karahasan at kawalang pananagutan ng gubyerno sa mamamayan.

Sa lahat ng panahon, manatiling ligtas, magsilbing liwanag at pag-asa. May bukas na dapat tanawin at may panibagong lipunan tayong papandayin!

#TugTugPak
#HindiKamiMananahimik
#AristangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#SafeNeverSilent
#MassTestingNowPH
#AyudaParaSaMasa

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Kwarantyn -ni Pinong

Kwarantyn -ni Pinong

“Hindi magwawakas sa paglift-ng lockdown ang tungkulin ng mga Artistang Bayan na gamitin ang talento para magsulong ng demokrasya, karapatan, hustisya at pagpapanagot sa pamahalaan.

At hindi maipipiit ang ating pagkamalikhain ng buryong, o inip at lalong hindi,ng kawalang-pag-asa.

May bukas pa…may bukas pa tayong pagwawagian.”

#TugTugPak
#KayaNatin
#AristangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#MassTestingNowPH
#AyudaParaSaMasa

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Nay, laban! -ni Talidhay ng Kaisa Ka-Mindanao

Nay, laban!
Ni Talidhay ng Kaisa Ka-Mindanao

Nay, kumusta ka!
Nitong nakaraan bigla ka raw nanghina
Isang linggo ka na palang hindi dinadatnan
Hindi mo lang pinansin, sa mga gawain tuloy lang sa paggampan
At nuong isang araw nga, ikaw ay dinugo
Ni hindi mo naisip na sa ospital magtungo
May masasakyan ba, e may COVID pa
Ilang oras pa ba ang byahe kung sa ospital pupunta
Kaya ang sabi mo, iinom ka na lang ng gamot at magpapahinga.

Sa susunod na mga araw, iikot ka na namang parang trumpo
Gabundok na labahan maghapon mong binubuno
Maglilinis ng bahay at magluluto kung meron mang mailuluto
Sana kahit ngayon lang, palabigasan natin ay mapuno.

Sa gitna ng pangamba kung san kukuha ng panggastos
Araw-araw kang bumabangon, sumasabay sa agos.
Sa kabila ng pag-aalala sa balitang sa bayan ay may ‘positive’ na
Nagpapapakatatag kang lagi para sa pamilya
Bago matulog hindi mo nakakalimutan na isa-isa kaming halikan at sabihan ng “Mahal kita”.

Kahapon nabalitaan mong nagbibigay na ng ayuda sa kabilang baranggay
Kumpleto naman daw pero dito sa atin mukang hahatiin.
Aba! Galit mong wika.
‘Sabi sa batas pwedeng kasuhan ang barangay o DSWD pag hindi buong ibibigay ang ayuda.’

Napangiti ako,
Kahit gaano kahirap ang buhay
Alam mo ang iyong karapatan
Alam mo kung paano kami ipaglaban.

Nay, kumusta ka!
Gabi-gabi ka pa rin bang lumuluha?
Wag ka lang bibitaw nay.
Hintayin mong kami ay lumaki
At sabay tayong lalaban
para baguhin ang lipunan.

###

#TugTugPak
#KababaihanSaGitnaNgLockdown
#ArtistangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#SafeNotSilent
#AyudaParaSaMasa
#AyudaParasaKababaihan
#MassTestingNow

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] “Kumusta ka?” -ni Jhay de Jesus

“Ang tulang ito ay sumasalamin sa alalahanin ng mga kababayan nating mahihirap sa ilalim ng pandemya at krisis na nagaganap sa kasalukuyan. Mahirap maging mahirap, lalo sa panahong ito.”

“Kumusta ka?”
ni Jhay de Jesus

Kumusta ka?
Higit isang buwan na pala tayong di nagkikita
Kahapon nagluto ako ng isda
Ikaw, nakakain ka pa ba?
Araw-araw kong iniisip anong pwedeng lutuin,
Diyan ba may pangsahog ka pa?

Naalala ko yung sabi mo,
“Ang meron lang ako ay ang mga naiwang bawang na binabalatan ko.”
Naibenta mo ba?
May nakabili na ba?
Dalawang sako rin yan
Sana may kinita ka.

Limang linggo na pala
Parang namamalat ka nung tumawag ka sa akin
May kaunting ubo’t sumisinghot-singhot ka pa
Tinanong kita kung bukas ba diyan ang mga kilinika
Ang sagot mo lang,
“Kahit naman bukas sila, wala naman akong pera.”

Naipadala ko na
Sabi ko naman sa’yo mahahanapan kita ng pera
Pero pasensya ka na,
Limang daan lang ang nakolekta
Pinanghingi ko lang din yan
Wala naman din akong mahuhugot sa sarili kong bulsa

Naipadala ko na
Bat di ka sumasagot sa mga text ko
Di mo rin sinasagot ang tawag ko
Nakailang miss call na ako sa’yo
Huy!
Naipadala ko na

Ate?
Bat di sumasagot si mama?
Ate?
Natanggap n’yo na ba ang pera?
Ate?
Tinatawagan ko si mama.

“Nong, kulang ang limang daan pang-cremate kay mama.”

#TugTugPak
#ArtistangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#SafenotSilent
#MassTestingNowPH
#AyudaParaSaMasa

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] ” Tula ng Dukha” -ng Sining Dilaab at Ynd Cebu

” Tula ng Dukha”
ng Sining Dilaab at Ynd Cebu

Kumusta na?
Hindi paman tuloyang nakalaya
Hito na naman at lumuluha
mga kamay ku’y nakagapus
At hindi makapag salita

Nakalok-lok sa isang sulok
mga mata’y nanlulumo
Nakatitig sa mga anak ku’ng
Naghihintay na may maisusubo
Sa tiyan nilang kumokulo

Umaga tanghali’t gabi naghihintay
Sa ayuda’ng kinamkam ng iilan
Na ang nais kulang naman ay may maihahain sa hapagkainan
Di alam kung ano ang gagawin

At kung lalabas naman, ikaw ay huhulihin
Di makapaghanap buhay
dahil sa virus na nakamamatay
Ano nga ba ang dapat gawin
Kung kami’y wala nang makakain

Sa balita ay makikinig wala namang kuryente at tubig
Paano kami makakaiwas sa sakit
Kung mga bahay namin ay dikit-dikit
Ano ba ang dapat gawin
Sa isang katulad kung sa kahirapan ay alipin
Di alam ang gagawin, di alam ang gagawin

Sapat na ba ang pahihintay?
Sa pag-asang hindi naman ibinibigay?
Kailan kaya mararanasan ang matiwasay at mapayang pamumuhay
At hindi na tatawaging sa kaharipan ay alipin..

#TugTugPak
#ArtistangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#SafeNotSilent
#MassTestingNow
#AyudaParaSaMasa

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Sabi nila’y “Presente” ni Greg Bituin Jr.

“Presente”, ang sabi nilang may hawak na larawan
sa taunang Kalbaryo ng Kawalang Katarungan
patunay na ang mahal nila’y di nalilimutan
na winala noon, di na makita ang katawan

sila’y iwinala gayong pinaglaban ang tama
pagbabago ang adhika, bayan ay mapalaya
mula sa kuko ng mapagsamantala’t kuhila
hanggang ngayon, ang hinahanap na hustisya’y wala

“Presente” para sa lahat ng desaparesidos
ito rin ang sigaw kong nakikibaka ng lubos
sigaw rin ng ibang ang pakikibaka’y di tapos
na sa masa’y patuloy pang naglilingkod ng taos

tuloy ang paghahanap sa katawan at hustisya
ng mga nagmamahal at naulilang pamilya
hiling na kahit katawan sana’y matagpuan na
“Presente”, hustisyang asam nawa’y kamtin na nila

– gregbituinjr.
04.11.2020

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Pandemya -Tula Ni Pinong

Tumigil ang mundo
At natakot ang lahat
Nawalan ng halaga ang pera
Ang kapangyarihan ay nawalan ng pangil
Ang mga armas ay nawalan ng silbi para mangikil
At naningil ang mundo
Pilit nating pinakitunguhan ang moralidad na tila matagal na ring namamahay sa ating tahanan, hindi lamang natin napapansin
Alam nito ang bawat sulok ng ating bahay
Ang bawat lamok at gagambang kasama nyang nanirahan sa agiw
At ang mga librong nagtuturo at naghuhubog sa kawastuhan at pagpapakatao
Napapagpagan na ng alikabok at binabasa
Sa pagkainip
Sa pagkasawa sa paglalaro ng baraha
Ng pera
Ng barya
Na nawalan ng halaga
Panahon ng takot
Sa sakit na walang gamot
Naghari ang mga ibon
Nakakapaglaro na sila sa mga kalsada
Tuka rito tuka roon
Talon dito talon duon
Wala na ang mga namamasadang gumagambala sa kanila
Wala na ang nakakalasong usok na paboritong langhapin ng mga tao
Ang alulong ng aso sa gabi
Ay banta ng panibagong biktima
At natuto tayong magdasal
Mangumpisal
Magnilay…
– Tula Ni Pinong
Abirl 10, 2020 –

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Poem] Love in the Time of COVID- 19 -by Karlo Sevilla

If ever there is a quickie for a kiss, this is it

(far from French), between my wife and me

on our fifteenth wedding anniversary

that we celebrate tonight at home with our

three children whose classes are suspended

and will attend school again, at the earliest,

in a month (hopefully). For our special occasion—

while watching on TV news the imposition

of the lockdown, and reading online news

on my smartphone about the death of a patient

at Philippine Heart Center (which is less than a kilometer

from where we live and where my wife always passes by

on her way to work) – we dine on one small chocolate cake,

fried chicken, and beef pasta (which noodles are too thick

for spaghetti yet too thin for lasagna). Our dear children,

we haven’t kissed since when. But I couldn’t resist pinching

the cheek of our youngest, our six-year-old daughter

Maleeha (after sanitizing my hands with alcohol

which is neither beer nor wine). I pinch and pray.

I pinch, and pray.

(Published in Philippines Graphic, March 30 – April 6, 2020 issue.)

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Duguang Langit – ni Rene Boy Abiva

Pagkatapos mananghalia’y
ipinakita ni Sumatra
kay Ayu Putri Wijianti
ang mukha ng hinaharap–
pagkatapos hubaran ng makapal
na usok na sinlaki
ng mga bundok
mula sa nasusunog na
kagubatan– ang mapanlinlang
na bughaw na kalangitan:
nakapangingilabot pala
ang nalalapit na
paniningil ng
mata ng Diyos
na si Kratos!
At maging ang diyus-diyosang
si Widodo
ay tiyak mapupulbos!

Setyembre 24, 2019
Lungsod Quezon, maynila

Kratos- Anak ni Zeus; Diyos ng Digma.

Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Cause I am Imelda? -ni Rene Boy Abiva

Cause I am Imelda?
ni Rene Boy Abiva

“We have to take into consideration may edad na kasi. In any arrest or anybody for that matter, that has to be taken [into] consideration, the age, the health, alam naman natin na andyan siya.” – PNP Chief Oscar Albayalde

Sentensyado ng anim at isang buwan hanggang labin-isang taon
sa kasong pangunguwalta habang nasa puwesto
kasama ang asawang diktador at ‘kuno’y’ beterano
dahilan upang ipalibing ni Santo Rodrigo
sa libingan ng mga kuno’y bayani.

Kaso
kesyo ‘she did not have three thousand pairs of shoes, she had one thousand and sixty.’
kesyo ‘she was no Marie Antoinette. She was not born to nobility, but she had a human right to nobility.’
kesyo ‘when they went into my closets looking for skeletons, but thank God, all they found were shoes, beautiful shoes.’
At ‘yun ang kaso.

Mukhang ‘di niya sasapitin ang sinapit
ni Eduardo Serrano o ni Marcos Aggalao
na sa kulungan ng mga patay na buhay pumanaw.
Hay, anong meron sa Pilipinas?
Isang ginintuang kabalintunaan:
ang mali ay tama, ang tama ay mali
banal ang masama, masama ang banal.

Hmm…kaya ‘di na rin masama
kung totoo mang marami ang nanlalaban gabi-gabi
‘ika nga ni Badong Cordova’y tablahan lang,
‘alang pikunan.

Nobyembre 12, 2018
Lunsod ng Quezon, Maynila

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Asukal na Pula (alay sa Sagay 9) -ni Rene Boy Abiva

Asukal na Pula (alay sa Sagay 9)
ni Rene Boy Abiva

Sagay…
sa ibabaw ng lupa mong tiwangwang na wari sa ‘sang ulog
dekada ka nang kaulayaw ng mga pagal na kaluluwa ng mga sakada
at ang maalat-maasim nilang pawis ang tumubog
sa katas ng bawat sangang nakatirik na anong tamis
na sa katas ng bawat sangang nakatirik ay anong pait ang pagka-amis.

Sagay…
sa ibabaw mo’y mayroong munting dampa
dampang yari sa kawaya’t binubungan gamit ang lona
na moog na sanang maituturing ang nakapalibot na haliging yari sa tubo
na kung lumawiswis sa kalagitnaan ng paggawa
ay animo’y uyayi nang ‘di mabilang na ama at inang pinatatahan sa kanilang dibdib
ang pagod na katawan at utak ng mga Anak ng Sakada
na kung umatungal ay waring pagod na baka at kalabaw
na kung mangarap ay nais ding abutin ang lahat ng kanilang tanaw.

Hanggang sa…
pasado alas-nuwebe gabi ng Oktubre beinte
unang gabi ng bungkalan sa Hacienda Nene
sing linaw ng liwanag ng buwan sa ala-ala ni Danilo Canete
kung paano nilasog ng balang wari’y sa machete
ang mga katawan ng sakadang lalaki at babae-
kinse minutos na umulan ng bala
na sa dami’y animo’y mga alitaptap na nabulabog sa kailaliman ng gabi
binalot ng ingay at alingawngaw ang paligid
ng mga pagputok na wari’y mula sa kwitis na sinindihan
upang salubungin ang Bagong Taon,
sa may kalayua’y pipisikpisik ang bunganga ng mga kanyon
na waring sa ‘sang kidlat
nangamoy pulbura at kalburo ang hangin
bumigat at nangamoy dugo
ang dating simoy na mula sa dagta ng tubo,
sumisigaw at manakanaka’y nagtatawanan ang bando ng mga bandido
at ‘di nakuntento at lumapit ang ilan sa kanila
at pinagkakalabit sa ibabaw ng ulo at dibdib ng siyam na sakada
ang bakal na gatilyo ng kwarenta y singko at trenta y otso,
habang sa magarbong palasyo ni Carmen Tolentino at Allan Subinco
naka-upo ang dalawang Panginoong Maylupa sa silyon
tumotongga ng ‘sang bote ng vodka’t puluta’y ubas
habang inaawit ng radyo ang Silent Night.

Sagay…
magpapasko na naman at babaha ng mga putaheng matamis
sana’y sa kada-nguya ng mga panga sa malutong na balat ng letson
o sa manamis-namis na hibla ng ispageti
o sa ‘sang tasa ng mainit na kape,
mayroong maka-alala ni isa sa mga Pilipino
na noong unang gabi ng bungkalan sa Negros
may s’yam na nagbuwis ng buhay
sa ngalan ng pakaasam-asam na kalayaan
laban sa mapaniil na sistemang pyudal
na sa una ngunit ‘di huling pagkakataon
kahit ‘sang saglit
kahit ‘sang saglit
hayaan nating tayo’y gisingin ng pait
ng asukal na pula!

Oktubre 30, 2018
Lunsod ng Queson, Maynila

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Sa Panahon Ng Mga Halimaw -ni Rene Boy Abiva

Sa Panahon Ng Mga Halimaw
ni Rene Boy Abiva

 H’wag kayong magpapagabi sa daan,
iba na ang panahon ngayon,
‘di gaya noong aming panahon
na kay sarap magtampisaw
sa liwanag ng buwan;
na kay sarap magtago sa dilim
at maglaro ng tagu-taguan;
na kahit abutin ka nang bukang-liwayway
sa kasalan o lamaya’y ayos lang;
na kampante ka pa noong aakyat ng ligaw
sa dalagang pinipintuho ng ‘yong puso,
haharanahin at hahandugan ng tula
habang siya’y nakadungaw
sa bintanang yari sa pinagtapi-tagpi
at hugis kwadradong kapis.
‘Ala kang pangamba sa ‘yong pag-uwi
kahit mag-isa ka.
At kung nais mong sulitin ang mga sandali
ng malamig na gabi,
mainam noo’y sumilip at tumikim ka
ng maliligayang mga sandali sa perya.
Taya dito, taya doon.
Sa malaking bilog na roleta
o sa hila-bloke na may letra.
Kung nais mo namang makatsamba,
sa tumatakbong ilaw ka manaya.
At balita ko’y sa larong ‘yon mo napanalunan
ang plastik mong baril
na ni sa pagtulog ay ‘yong hawak-hawak.

E ngayon, mahirap na ‘tong gawin
at tila totoo ang noo’y kwento ng mga matatanda,
na may panahong ang mga aswang
ay namamahinga sa ilalim ng lupa
at pagkatapos nang mahaba nilang pamamahinga
ay aatake nga sila.
Ayon sa ilang mga nakakita,
may nakasabit kulang pilak na silbato
at tsapa sa dibdib
ng damit nilang magarbo.
Habang sa baywang,
may malaking bilog sa harap ng kanilang sinturon.
Gawa daw ‘to sa tanso
at may dala silang lagi na bakal na sandata.
Nakasapatos ng makintab
animoy tutubi ang mata
at sumasakay sila sa ‘sang bakal na kabayo.
Ganito na ang mga aswang ngayon.
Sabi pa ni Aling Lina,
‘yung maglalako ng galunggong sa malaking pamilihan?
ang bumubuhay daw sa mga halimaw na ito’y
ang Presidente, ang kanyang Sekretaryo,
lupon ng mga tagapayo at si Kongresman.
‘Di pa alam kung pati si Meyor.
Pero kahit nga si Meyor Bote ng Heneral Tinyo,
‘di sinanto.
Inasalto ‘sang gabi at patay
ngayo’y ayun, nasa libingan ng mga patay,
inuuod at kinakain ng lupa.

Gaya na lamang sa nangyari kay Ising,
si Ising na tindera ng isaw sa may paradahan ng dyip
na biyaheng Licab-Talavera,
aba’y nagulantang ang lahat
nang makita ang kanyang katawang ‘alang saplot.
Wakwak ang kanyang susong-dalaga
at mukhang ‘alang kaluluwa ang sumiping sa kanya
sapagkat sa bangis ng pagkarinyo nito’y halos mabunot
ang kulot na buhok ng kanyang hiyas.
Kahit mga binabae’y ‘di na rin sinasanto.
Gaya na lamang ni Shawi,
‘sang bakla na namamasukan sa ‘sang salon
sa San Leonardo,
aba’y kinilabutan na lamang ‘sang umaga
ang mga magsasaka ng nasabing bayan.
Paano ba naman kasi’y isinabit ang kanyang bangkay
sa poste ng kuryente.
‘Ala ding suot na damit pang-itaas ni pang-ibaba.
Masaklap pa’y waring Kristo na sinabitan ng karatula,
hari ng mga magnanakaw” ang ‘ika.
Tsaka ‘yung ‘sa,
‘yung si Junior,
‘yung nagkukumpuni ng sirang elektrikpan?
Naku, pinatay nung nakaraan.
Nung mismong ‘yong kaarawan!
Sabi sa radyo’y tulak at nanlaban daw
Kaya ayun,
‘sang araw ay pinagpipiyestahan na ng mga bangaw.

Kaya ‘yung plastik mong baril
itago mo, ‘yung ‘kaw lang ang nakaka-alam.
H’wag na h’wag mong ilalabas
at baka pagkamalan ka’t maturingang nanlaban
at malasing mapabilang sa libo-libong
ini-alay kay kamatayan.

Lalabas ka ba ngayong gabi?
Naku, dalhin mo ‘tong agimat ni Lilong mo.
Tuyong bunga ng atis?
Oo!
Bakit?
Basta.
Bakit nga?
Nang may pansagupa ka.

Agosto 10, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

 

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Sa Liblib Na Nayon -ni Rene Boy Abiva

Sa Liblib Na Nayon
ni Rene Boy Abiva

 

Humahampas ang matalim na dila ng batis

sa dibdib ng lumuting bato-

banayad at payapa ‘to

ngunit maya’t maya’y lumilikha rin

nang maliliit-malalaking mga tilamsik

na waring titis ng pugon

umaalingawngaw sa papawirin

ang tilaok ng mga tandang

na wari’y nagbubunyi

habang gumagapang ang papakubkob na ambon,

kumakaluskos ‘to sa ibabaw ng luntiang dahon

umuugaog at nagluluwal ng ligalig

sumasagitsit sa pandinig na waring sa pinakawalang tingga

sa dulo ng baril, mainit at mabangis kung dumaplis

ang pagtitiis ng mga api.

 

Oktubre 4, 2018

Bayan ng Plaridel, Bulacan    

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento. 

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Oras Na -ni Rene Boy Abiva

Oras Na

ni Rene Boy Abiva

Dinggin mo ang bulong sa bayan na yaon-

ang nakatutulig na iyak ng mga sanggol na gutom at uhaw

ang animo’y kulog na lumagapak na atungal

at alulong ng mga inang balo

habang nakaluhod sa harapan ng mga batong santo at kahoy na krus.

 

Nawa’y sa pagdampi ng katotohanang ito’y mabuo ang ‘yong pasya

na lipulin ang mga galamay ng Haring Pugita

gayundin ang patuyuin ang bukal ng kanilang ubod nang itim na kaluluwa.

 

Nawa’y sa pagsanib ng naipong himutok at himagsik sa ‘yong kaibuturan

ay mahanap mo ang ‘yong sarili sa piling ng mga laging api.

At kung mangyari man ‘tong ganap ay oras na

upang ika’y gumising sa dati mong kabaliwan

na ang hangganan ng mundo’y nagtatapos lamang

sa abot-tanaw ng ‘yong hubad na mata.

 

Oktubre 8, 2018

Lunsod ng Queson, Maynila 

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento. 

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Poetry] The Dead Rivers (Ang patay na Sapa) -by Vonn Adlawan

The Dead Rivers (Ang patay na Sapa)

I
I wish I could pave back time
white glossy stream flowing in rivers sigh
how it reflects the wide stormy sky
and birds’ song breaks the silent of night

II
And now, I no longer hear the birds hum
sheer the noise of the flashing floods
In the huge hallow of river dumps
I could no longer see the gloomy skies

III
I can hear huge rivers lonely cries
To see the lost birds tired
Death dump of blood in mining site piled
Stones remind us the soul of the graveyard

IV
How I wish we can return
like a throwback thursday lure
no birds nor rivers can cure
the doom we human condone!

#STOPMINING
#CLIMATEJUSTICENOW

Follow Vonn Adlawan @
Blog: https://vonadlawan.wordpress.com/
Facebook: @eastheticsofmargin

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Ang Puting Yeso At Ang Luntiang Pisara -ni Rene Boy Abiva

Ang Puting Yeso At Ang Luntiang Pisara
ni Rene Boy Abiva

Umaga pa’ y anong sigasig nang ikinukuskos
ni Titser Makabayan sa isa’t isa
yaring ‘sang pulgada sa habang puting yeso
sa waring gubat sa luntiang pisara
sa silid-aralang ‘di niluma ng panahon
sa ‘sang liblib na nayon
ng ‘sang bayang nais maka-alpas
sa tanikala ng pagka-alipin at kamangmangan.

Mag-uumpisa ang lahat sa kaliwa
na kanyang iguguhit pakanan
tsaka n’ya ihahagod paitaas- paibaba, paibaba-paitaas
paulit-ulit ‘to na parang sa ‘sang alon ng mga titik
hanggang sa mabuo ang salita,
mga salita, pangungusap, mga pangungusap sa pampang
hanggang sa wari na ‘tong nangangausap
sa mga musmos na pangarap;
hanggang sa wari na itong si Pilosopong Tasyo na magsasalita
na ang bawat butil ng kanyang laway na tumatalsik
ay waring patak ng ulan
na magpapayabong sa bawat dunong na madapuan
at sa ‘di maipaliwag na kaganapan
ay nagiging ‘sang makapangyarihang sandata
ang mga sulat-kamay sa luntiang pisara,
sandatang sing talim ng itak at sibat
pangitaing tila bumubuhay sa litanya noon ng Dakilang si Pepe
na may mga malilinis pang kaluluwa
at sila ang ngayo’y pag-asa ni Pilipinas
na ‘di maka-alpas-alpas;
hanggang sa mapudpod ang puting yeso
at mai-ukit nang ganap at malalim
sa dibdib ng luntiang pisara,
puso at dalumat ng mga musmos na nakatingala
ang salitang hiraya, hiraya, hiraya,
at marami pang iba
dahilan upang ‘di na rin sila karaniwan kung mangarap.
Maglalaro sa kanilang kukote
ang sala-salabat na katanungang uugaog
sa daigdig na sa akala ng marami’y
matagal nang payapa at tahimik:
“Bakit ang iba’y waring naka-upo sa hangin
gayong sa pag-ani naman ng kamataya’y
pare-parehong babalik ang lahat sa alabok
kahit pa yaong mga nakakalipad at ‘di nakikita
ng mata o ispirito?”

At gaya nga sa ‘sang itlog ng manok,
dumating ang yugtong ito’y napisa
at anong kasiguruhan ni Titser Makabayan
na isinilang ang mga inakay sa tamang panahon
upang ang bagong buhay at pag-asa
ay yumabong muli sa ibabaw ng lupa;
at dahil makailang-ulit n’ya silang isinubsob pailalim-paloob
sa nagniningas na matris ng baga at apoy,
taglay na ng bawat inakay ang pag-ibig
pag-ibig sa bayang ‘sing tigas ng asero
pag-ibig na iginawad sa kanila
ng pandayang- bakal na mula sa gatilyo ng kanyon-de-gera
na nasamsam ng mga gerilya
mula sa mga mananakop na Espanyol;
handa na nilang likhain ang ‘sang sining,
makinang at matalim na sining
na magpapalaya sa kayraming aliping-dalumat.

Pagkagat nang bukang-liwayway,
‘alang pag-aalinlanga’y dinaluhong ng mga inakay ang langit
at sumabog ang himagsik
nagpakawala ang alapaap ng ‘sang matulis na pisik
at nagsimulang lumaya ang mga alamat;
at muling nagsimulang magsulat si Titser Makabayan
sa luntiang pisara gamit ang yesong puti.
Kasaysayan ay ang kasalukuyan.
Ang hinaharap ay sa taumbayan
tuldok.

Agosto 27, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Swapang -ni Rene Boy Abiva

Swapang
ni Rene Boy Abiva

Anong manhid at lupit sumuso ng pamahalaan

sa barker ng dyip na si Bobong

at sa gasoline boy na si Buting:

mula sa pandesal na tres pesos ang isa

na s’yang agahan

sa gaya nilang maralita,

na madalas parisan ng kapeng tingi-tingi

sa tindahan ni Aling Lita

na malabnaw sa kulay

o mapakla sa lasa

sapagkat higit na mas madami

ang mainit na tubig

sa kape at asukal,

hanggang sa mangungutang muli

ng ‘sang lata ng sardinas

o boy bawang

na muling ipapares sa tirang kaning-lamig

para sa kanilang hapunan,

na kanila pang pagpapatsi-patsihin

upang muling maka-abot sa bukang-liwayway

nang sa gayo’ y malagyan ng karga

kahit papano ang kanilang sikmura

at makayanan ng kanilang payak

na laman at kalansay

ang maghapong pagtatawag ng mga pasehero

at pagpihit ng gripo ng gasolina

sa may sakayan ng dyip

na rutang Cubao-Antipolo.

At marami ang gaya ni Bobong at Buting

na salat sa kwartang nakakasapat.

Tuldok lamang sila

sa syudad na yari sa basura:

‘alang maayos na patubig,

‘alang maayos na kuryente,

lahat ay matiyagang kumakahig

nang higit pa sa kaya ng makina.

Mula sa pangangalkal ng kalakal

hanggang pagtitinda ng kung anu-anong kalakal sa talipapa

gaya ng tilapya, tahong, bangus,

pitaka, sinturon, relo, tsinelas, sigarilyo,

kakaning malagkit, anting-anting, rosaryo,

lana ng niyog, diyaryo, kendi, cellphone,

pamamalimos ng mga bulag

at nagbubulag-bulagan,

hanggang sa sukdulang pagbebenta ng aliw

ng mga babae

sa mga kabaret

na dama mo agad ang pait

na kanilang nadarama

dahil sa ilaw na pula

na lumagom sa kanilang puring kung sila lamang sana ang masusunod

ay anong ligaya nilang ihandog

sa lalaking s’yang tangi lamang may karapatan

na sumiping sa kanilang laman at kaluluwa.

Ano ba naman kasi ang aasahan ng mga gaya ni Bobong at Buting

sa lipunang mas madali pa ang mamatay kaysa mabuhay,

sa lipunang ang pinakamadaling lapitan at asahan

ay ang gaya ni Tang Pedring na ‘sang albularyo

o Manang Lita na partera,

‘di ang mga gaya ni Franciso Duque o Janette Garin,

mga doktor na nagpakadalubhasa sa malayong ibayo

kaso, daang libo naman ang serbisyo.

Sa kaso ng mga pobreng gaya ni Bobong at Buting

sinadya ng mga paham

na ‘di para sa kanila ang mundong ito

kaya’t kailangan na nilang agawain ang mundo

sa anumang paraan

sa anumang paraan

bago pa mahuli ang lahat.

 

Hulyo 13, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

« Older Entries