Tag Archives: Tula

[Tula] “Nakamamangha…” | ni Kelvin Vistan

“Nakamamangha…”

Isang tula.
(Binigkas: Nukes Coal-Free Bataan Movement Activity,
February 25, 2022)

Nakamamangha.
Nakamamangha nga namang
Sa pagbagwis ng kamalayan ng sangkatauhan
Ay natanto nyang
kayang
ilibid sa lubid ang kislap
ng pinagbanggang
sangkatining ng sangkatiting ng sangkatiting
at binaligtad ang pagsilang ng bituin,
kalamidad na inamo at nagawang pigain,
nakapagtatakang kayang ipunin,
na ningas at kidlat at kinalikot hanggang
pag-anyuing
dagitab.
Na isusubo sa sibilisasyong
Di maawat sa pag-abante’t pagkonsumo ng daigdig
Kaya madaling alukin ng kasinungalingang
“ligtas” ang mamuhunan sa nukleyar.
Kasinungalingan dahil
maningning na tuklas ay may kakambal
Na gimbal,
May kabakas na dahas.
Hindi simpleng nag-uumpisa
sa kislap ng kisapmatang salpukan
Dahil puhunan ay saling-ilang salinlahi nang
pagtungkab sa dawag ng gubat,
tayog ng bundok, buong pamayanan,
kapalit ng pirapirasong batong sangkap
na gamit sa pagluluto ng putaheng isusubo sa ambuklaw ng
kusinerong halimaw.

Read more

[Tula] May bukas pa -ni Pinong

HAWIIN ANG LAMBONG NG DILIM, MAY BUKAS PA KASAMA.

Sa higit isang buwan ng lockdown, madaming nabago sa takbo ng pag-iral ng ating buhay. Normal ang pagkabagot, pagkabalisa at matakot sa kahihinatnan ng buhay at kabuhayan pagkatapos ng lockdown.

Walang katapusang gutom at paghihintay sa ayuda, paulit-ulit tayong hinahaplit ng kahirapan, at ang walang pakundangang karahasan at kawalang pananagutan ng gubyerno sa mamamayan.

Sa lahat ng panahon, manatiling ligtas, magsilbing liwanag at pag-asa. May bukas na dapat tanawin at may panibagong lipunan tayong papandayin!

#TugTugPak
#HindiKamiMananahimik
#AristangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#SafeNeverSilent
#MassTestingNowPH
#AyudaParaSaMasa

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Kwarantyn -ni Pinong

Kwarantyn -ni Pinong

“Hindi magwawakas sa paglift-ng lockdown ang tungkulin ng mga Artistang Bayan na gamitin ang talento para magsulong ng demokrasya, karapatan, hustisya at pagpapanagot sa pamahalaan.

At hindi maipipiit ang ating pagkamalikhain ng buryong, o inip at lalong hindi,ng kawalang-pag-asa.

May bukas pa…may bukas pa tayong pagwawagian.”

#TugTugPak
#KayaNatin
#AristangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#MassTestingNowPH
#AyudaParaSaMasa

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] ” Tula ng Dukha” -ng Sining Dilaab at Ynd Cebu

” Tula ng Dukha”
ng Sining Dilaab at Ynd Cebu

Kumusta na?
Hindi paman tuloyang nakalaya
Hito na naman at lumuluha
mga kamay ku’y nakagapus
At hindi makapag salita

Nakalok-lok sa isang sulok
mga mata’y nanlulumo
Nakatitig sa mga anak ku’ng
Naghihintay na may maisusubo
Sa tiyan nilang kumokulo

Umaga tanghali’t gabi naghihintay
Sa ayuda’ng kinamkam ng iilan
Na ang nais kulang naman ay may maihahain sa hapagkainan
Di alam kung ano ang gagawin

At kung lalabas naman, ikaw ay huhulihin
Di makapaghanap buhay
dahil sa virus na nakamamatay
Ano nga ba ang dapat gawin
Kung kami’y wala nang makakain

Sa balita ay makikinig wala namang kuryente at tubig
Paano kami makakaiwas sa sakit
Kung mga bahay namin ay dikit-dikit
Ano ba ang dapat gawin
Sa isang katulad kung sa kahirapan ay alipin
Di alam ang gagawin, di alam ang gagawin

Sapat na ba ang pahihintay?
Sa pag-asang hindi naman ibinibigay?
Kailan kaya mararanasan ang matiwasay at mapayang pamumuhay
At hindi na tatawaging sa kaharipan ay alipin..

#TugTugPak
#ArtistangBayanMagingay
#TatambayDiTatahimik
#SafeNotSilent
#MassTestingNow
#AyudaParaSaMasa

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Ngayong Undas, gunitain ang mga biktima ng EJK -ni Greg Bituin Jr.

Ngayong Undas, alalahanin ang mga pinaslang
lalo ang mga inosenteng pinatay ng halang
kayraming biktimang itinumba sa murang gulang
hustisya ang hiyaw ng kamag-anak at magulang

bakit sila pinaslang nang wala man lang proseso
wala man lang paglilitis kung may sala nga ito
ganyan ba magpahalaga ang gobyerno sa tao
pinairal nila’y mga polisiyang barbaro

may tinatawag silang restoratibong hustisya
o restorative justice, may pagbabago pa sila
kung may sala, ikulong at bunuin ang sentensya
kung walang sala, huwag paslangin, mag-imbestiga

di wasto ang pamamaslang, ikulong pag maysala
huwag maging berdugo lalo sa harap ng dukha
huwag sumunod sa utos ng buwang na kuhila
huwag malasing sa dugo’t pawis ng iyong kapwa

sana’y igalang na ang proseso’t maging parehas
sana’y maging patas sila sa ilalim ng batas
ngayong Undas, gunitain ang buhay na nalagas
at magtirik ng kandila sa puntod ng inutas

– gregbituinjr.
Follow Greg Bituin Jr. @
Blogsite: http://matangapoy.blogspot.com/
Facebook: https://web.facebook.com/akdatulanigregbituinjr/

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Isa-isa nilang inuubos ang maralita -ni Greg Bituin

Isa-isa nilang inuubos ang maralita
Tila baga masakit sa mata ang mga dukha
Itinitimbuwang na lang ang mga walang-wala
Gipit na nga’y ginigipit, dukha’y isinusumpa
Iniisip bang krimen at droga’y di na lumala?

Laksa ang pinaslang, kayraming nasayang na buhay
Ang karapatang mabuhay ay hinayaang tunay
Naglipana sa komunidad ang maraming bangkay
Gamit ang kapangyarihan, dukha’y pinagbibistay
Pinurga ang dalita’t pinasok sa bahay-bahay

Adik sa droga’y parang kuto lang na tinitiris
Mga tao’y naligo sa sariling dugo’t pawis
Adik sa pagpatay na dulot ay lumbay at hapis
Mga taong tingin sa krimen ay dapat mawalis
Aktibong durugin ang mga naglipanang ipis

Sa mga nangyari, hustisya’y sigaw ng pamilya
Labag sa karapatan pagkat buhay ang kinuha
Ang paglilitis, tamang proseso’y balewala ba?
Na asam na katarungan kaya’y makakamtan pa?
Gumising ka, bayan, pigilan na ang pagdurusa!

– gregbituinjr.

Follow Greg Bituin Jr. @
Blogsite: http://matangapoy.blogspot.com/
Facebook: https://web.facebook.com/akdatulanigregbituinjr/

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Sa Panahon Ng Mga Halimaw -ni Rene Boy Abiva

Sa Panahon Ng Mga Halimaw
ni Rene Boy Abiva

 H’wag kayong magpapagabi sa daan,
iba na ang panahon ngayon,
‘di gaya noong aming panahon
na kay sarap magtampisaw
sa liwanag ng buwan;
na kay sarap magtago sa dilim
at maglaro ng tagu-taguan;
na kahit abutin ka nang bukang-liwayway
sa kasalan o lamaya’y ayos lang;
na kampante ka pa noong aakyat ng ligaw
sa dalagang pinipintuho ng ‘yong puso,
haharanahin at hahandugan ng tula
habang siya’y nakadungaw
sa bintanang yari sa pinagtapi-tagpi
at hugis kwadradong kapis.
‘Ala kang pangamba sa ‘yong pag-uwi
kahit mag-isa ka.
At kung nais mong sulitin ang mga sandali
ng malamig na gabi,
mainam noo’y sumilip at tumikim ka
ng maliligayang mga sandali sa perya.
Taya dito, taya doon.
Sa malaking bilog na roleta
o sa hila-bloke na may letra.
Kung nais mo namang makatsamba,
sa tumatakbong ilaw ka manaya.
At balita ko’y sa larong ‘yon mo napanalunan
ang plastik mong baril
na ni sa pagtulog ay ‘yong hawak-hawak.

E ngayon, mahirap na ‘tong gawin
at tila totoo ang noo’y kwento ng mga matatanda,
na may panahong ang mga aswang
ay namamahinga sa ilalim ng lupa
at pagkatapos nang mahaba nilang pamamahinga
ay aatake nga sila.
Ayon sa ilang mga nakakita,
may nakasabit kulang pilak na silbato
at tsapa sa dibdib
ng damit nilang magarbo.
Habang sa baywang,
may malaking bilog sa harap ng kanilang sinturon.
Gawa daw ‘to sa tanso
at may dala silang lagi na bakal na sandata.
Nakasapatos ng makintab
animoy tutubi ang mata
at sumasakay sila sa ‘sang bakal na kabayo.
Ganito na ang mga aswang ngayon.
Sabi pa ni Aling Lina,
‘yung maglalako ng galunggong sa malaking pamilihan?
ang bumubuhay daw sa mga halimaw na ito’y
ang Presidente, ang kanyang Sekretaryo,
lupon ng mga tagapayo at si Kongresman.
‘Di pa alam kung pati si Meyor.
Pero kahit nga si Meyor Bote ng Heneral Tinyo,
‘di sinanto.
Inasalto ‘sang gabi at patay
ngayo’y ayun, nasa libingan ng mga patay,
inuuod at kinakain ng lupa.

Gaya na lamang sa nangyari kay Ising,
si Ising na tindera ng isaw sa may paradahan ng dyip
na biyaheng Licab-Talavera,
aba’y nagulantang ang lahat
nang makita ang kanyang katawang ‘alang saplot.
Wakwak ang kanyang susong-dalaga
at mukhang ‘alang kaluluwa ang sumiping sa kanya
sapagkat sa bangis ng pagkarinyo nito’y halos mabunot
ang kulot na buhok ng kanyang hiyas.
Kahit mga binabae’y ‘di na rin sinasanto.
Gaya na lamang ni Shawi,
‘sang bakla na namamasukan sa ‘sang salon
sa San Leonardo,
aba’y kinilabutan na lamang ‘sang umaga
ang mga magsasaka ng nasabing bayan.
Paano ba naman kasi’y isinabit ang kanyang bangkay
sa poste ng kuryente.
‘Ala ding suot na damit pang-itaas ni pang-ibaba.
Masaklap pa’y waring Kristo na sinabitan ng karatula,
hari ng mga magnanakaw” ang ‘ika.
Tsaka ‘yung ‘sa,
‘yung si Junior,
‘yung nagkukumpuni ng sirang elektrikpan?
Naku, pinatay nung nakaraan.
Nung mismong ‘yong kaarawan!
Sabi sa radyo’y tulak at nanlaban daw
Kaya ayun,
‘sang araw ay pinagpipiyestahan na ng mga bangaw.

Kaya ‘yung plastik mong baril
itago mo, ‘yung ‘kaw lang ang nakaka-alam.
H’wag na h’wag mong ilalabas
at baka pagkamalan ka’t maturingang nanlaban
at malasing mapabilang sa libo-libong
ini-alay kay kamatayan.

Lalabas ka ba ngayong gabi?
Naku, dalhin mo ‘tong agimat ni Lilong mo.
Tuyong bunga ng atis?
Oo!
Bakit?
Basta.
Bakit nga?
Nang may pansagupa ka.

Agosto 10, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

 

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Sa Liblib Na Nayon -ni Rene Boy Abiva

Sa Liblib Na Nayon
ni Rene Boy Abiva

 

Humahampas ang matalim na dila ng batis

sa dibdib ng lumuting bato-

banayad at payapa ‘to

ngunit maya’t maya’y lumilikha rin

nang maliliit-malalaking mga tilamsik

na waring titis ng pugon

umaalingawngaw sa papawirin

ang tilaok ng mga tandang

na wari’y nagbubunyi

habang gumagapang ang papakubkob na ambon,

kumakaluskos ‘to sa ibabaw ng luntiang dahon

umuugaog at nagluluwal ng ligalig

sumasagitsit sa pandinig na waring sa pinakawalang tingga

sa dulo ng baril, mainit at mabangis kung dumaplis

ang pagtitiis ng mga api.

 

Oktubre 4, 2018

Bayan ng Plaridel, Bulacan    

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento. 

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Oras Na -ni Rene Boy Abiva

Oras Na

ni Rene Boy Abiva

Dinggin mo ang bulong sa bayan na yaon-

ang nakatutulig na iyak ng mga sanggol na gutom at uhaw

ang animo’y kulog na lumagapak na atungal

at alulong ng mga inang balo

habang nakaluhod sa harapan ng mga batong santo at kahoy na krus.

 

Nawa’y sa pagdampi ng katotohanang ito’y mabuo ang ‘yong pasya

na lipulin ang mga galamay ng Haring Pugita

gayundin ang patuyuin ang bukal ng kanilang ubod nang itim na kaluluwa.

 

Nawa’y sa pagsanib ng naipong himutok at himagsik sa ‘yong kaibuturan

ay mahanap mo ang ‘yong sarili sa piling ng mga laging api.

At kung mangyari man ‘tong ganap ay oras na

upang ika’y gumising sa dati mong kabaliwan

na ang hangganan ng mundo’y nagtatapos lamang

sa abot-tanaw ng ‘yong hubad na mata.

 

Oktubre 8, 2018

Lunsod ng Queson, Maynila 

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento. 

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Ang Puting Yeso At Ang Luntiang Pisara -ni Rene Boy Abiva

Ang Puting Yeso At Ang Luntiang Pisara
ni Rene Boy Abiva

Umaga pa’ y anong sigasig nang ikinukuskos
ni Titser Makabayan sa isa’t isa
yaring ‘sang pulgada sa habang puting yeso
sa waring gubat sa luntiang pisara
sa silid-aralang ‘di niluma ng panahon
sa ‘sang liblib na nayon
ng ‘sang bayang nais maka-alpas
sa tanikala ng pagka-alipin at kamangmangan.

Mag-uumpisa ang lahat sa kaliwa
na kanyang iguguhit pakanan
tsaka n’ya ihahagod paitaas- paibaba, paibaba-paitaas
paulit-ulit ‘to na parang sa ‘sang alon ng mga titik
hanggang sa mabuo ang salita,
mga salita, pangungusap, mga pangungusap sa pampang
hanggang sa wari na ‘tong nangangausap
sa mga musmos na pangarap;
hanggang sa wari na itong si Pilosopong Tasyo na magsasalita
na ang bawat butil ng kanyang laway na tumatalsik
ay waring patak ng ulan
na magpapayabong sa bawat dunong na madapuan
at sa ‘di maipaliwag na kaganapan
ay nagiging ‘sang makapangyarihang sandata
ang mga sulat-kamay sa luntiang pisara,
sandatang sing talim ng itak at sibat
pangitaing tila bumubuhay sa litanya noon ng Dakilang si Pepe
na may mga malilinis pang kaluluwa
at sila ang ngayo’y pag-asa ni Pilipinas
na ‘di maka-alpas-alpas;
hanggang sa mapudpod ang puting yeso
at mai-ukit nang ganap at malalim
sa dibdib ng luntiang pisara,
puso at dalumat ng mga musmos na nakatingala
ang salitang hiraya, hiraya, hiraya,
at marami pang iba
dahilan upang ‘di na rin sila karaniwan kung mangarap.
Maglalaro sa kanilang kukote
ang sala-salabat na katanungang uugaog
sa daigdig na sa akala ng marami’y
matagal nang payapa at tahimik:
“Bakit ang iba’y waring naka-upo sa hangin
gayong sa pag-ani naman ng kamataya’y
pare-parehong babalik ang lahat sa alabok
kahit pa yaong mga nakakalipad at ‘di nakikita
ng mata o ispirito?”

At gaya nga sa ‘sang itlog ng manok,
dumating ang yugtong ito’y napisa
at anong kasiguruhan ni Titser Makabayan
na isinilang ang mga inakay sa tamang panahon
upang ang bagong buhay at pag-asa
ay yumabong muli sa ibabaw ng lupa;
at dahil makailang-ulit n’ya silang isinubsob pailalim-paloob
sa nagniningas na matris ng baga at apoy,
taglay na ng bawat inakay ang pag-ibig
pag-ibig sa bayang ‘sing tigas ng asero
pag-ibig na iginawad sa kanila
ng pandayang- bakal na mula sa gatilyo ng kanyon-de-gera
na nasamsam ng mga gerilya
mula sa mga mananakop na Espanyol;
handa na nilang likhain ang ‘sang sining,
makinang at matalim na sining
na magpapalaya sa kayraming aliping-dalumat.

Pagkagat nang bukang-liwayway,
‘alang pag-aalinlanga’y dinaluhong ng mga inakay ang langit
at sumabog ang himagsik
nagpakawala ang alapaap ng ‘sang matulis na pisik
at nagsimulang lumaya ang mga alamat;
at muling nagsimulang magsulat si Titser Makabayan
sa luntiang pisara gamit ang yesong puti.
Kasaysayan ay ang kasalukuyan.
Ang hinaharap ay sa taumbayan
tuldok.

Agosto 27, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Swapang -ni Rene Boy Abiva

Swapang
ni Rene Boy Abiva

Anong manhid at lupit sumuso ng pamahalaan

sa barker ng dyip na si Bobong

at sa gasoline boy na si Buting:

mula sa pandesal na tres pesos ang isa

na s’yang agahan

sa gaya nilang maralita,

na madalas parisan ng kapeng tingi-tingi

sa tindahan ni Aling Lita

na malabnaw sa kulay

o mapakla sa lasa

sapagkat higit na mas madami

ang mainit na tubig

sa kape at asukal,

hanggang sa mangungutang muli

ng ‘sang lata ng sardinas

o boy bawang

na muling ipapares sa tirang kaning-lamig

para sa kanilang hapunan,

na kanila pang pagpapatsi-patsihin

upang muling maka-abot sa bukang-liwayway

nang sa gayo’ y malagyan ng karga

kahit papano ang kanilang sikmura

at makayanan ng kanilang payak

na laman at kalansay

ang maghapong pagtatawag ng mga pasehero

at pagpihit ng gripo ng gasolina

sa may sakayan ng dyip

na rutang Cubao-Antipolo.

At marami ang gaya ni Bobong at Buting

na salat sa kwartang nakakasapat.

Tuldok lamang sila

sa syudad na yari sa basura:

‘alang maayos na patubig,

‘alang maayos na kuryente,

lahat ay matiyagang kumakahig

nang higit pa sa kaya ng makina.

Mula sa pangangalkal ng kalakal

hanggang pagtitinda ng kung anu-anong kalakal sa talipapa

gaya ng tilapya, tahong, bangus,

pitaka, sinturon, relo, tsinelas, sigarilyo,

kakaning malagkit, anting-anting, rosaryo,

lana ng niyog, diyaryo, kendi, cellphone,

pamamalimos ng mga bulag

at nagbubulag-bulagan,

hanggang sa sukdulang pagbebenta ng aliw

ng mga babae

sa mga kabaret

na dama mo agad ang pait

na kanilang nadarama

dahil sa ilaw na pula

na lumagom sa kanilang puring kung sila lamang sana ang masusunod

ay anong ligaya nilang ihandog

sa lalaking s’yang tangi lamang may karapatan

na sumiping sa kanilang laman at kaluluwa.

Ano ba naman kasi ang aasahan ng mga gaya ni Bobong at Buting

sa lipunang mas madali pa ang mamatay kaysa mabuhay,

sa lipunang ang pinakamadaling lapitan at asahan

ay ang gaya ni Tang Pedring na ‘sang albularyo

o Manang Lita na partera,

‘di ang mga gaya ni Franciso Duque o Janette Garin,

mga doktor na nagpakadalubhasa sa malayong ibayo

kaso, daang libo naman ang serbisyo.

Sa kaso ng mga pobreng gaya ni Bobong at Buting

sinadya ng mga paham

na ‘di para sa kanila ang mundong ito

kaya’t kailangan na nilang agawain ang mundo

sa anumang paraan

sa anumang paraan

bago pa mahuli ang lahat.

 

Hulyo 13, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Zaragosa ni Rene Boy Abiva

Zaragosa
ni Rene Boy Abiva

Lumuha ng dugo ang Birheng Niebe at Batang Kristo
nang mabuwal sa kanilang harapan ang alay na kordero.
Umagos at dumayukdok ang mga butil ng dugo
sa paanan ng kulay puti at gintong pulpito,
mula sa tatlong butas ng punglong
idinuldol sa kanyang bungo.

Nagapas ang kanyang hininga
‘di dahil sa talim ng espada, glotina o kutsilyo
o pagkakapako sa krus gaya sa Bundok Kalbaryo
na ugali ni Ceasar at ng buong bayan ng mga Romano.
Kundi sa paraang pataksil, duwag at barbaro
sa ‘sang pisil ng manhid at bayarang hintuturo
sa kalawanging bakal na gatilyo.

Ilang araw na nagdilim ang langit
ilang gabing ang uyaying nagpatahan sa mga umiiyak na sanggol
ay ang alulong ng magkasiping na luksa at hapis.
Sa bigat ng danas,
ay waring mabibiyak ang mga kumikislap na marmol
sa mga altar at ataul.

At sa pagka-ulila ng buong bayan ng mga magsasaka,
sisibol mula sa lupang binulidan ng mapula’t malapot n’yang dugo
ang nag-aalsa’t lumalagitik na mga dagitab
mula sa nag-isang puso at dalumat
ng mga nagsitindig na mga mananampalataya.

Dinggin ang gitaw ng mga dahon at palay sa bukirin t’wing dapit-hapon
na waring lumagitik na pakpak ng anghel .
Gumising at magbangon sa matagal na pagkakahimbing t’wing bukang-liwayway
at hayaang ang sanlaksang silahis ay waring dila ng apoy
na pupuksa sa mga halimaw.

Hunyo 17, 2018
Lunsod ng Queson, Pilipinas

*alay ang tulang ito kay Fr. Richmond Nilo. Martir ng simbahan, martir ng sambayanan.

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Live Show -ni Rene Boy Abiva

Live Show
ni Rene Boy Abiva

” ‘Wag lalaki, may bayad ‘to halik. Handa ka bang makipaghalikan?”
– Presidente Duterte

“ Ganito na lang, halika, halika

‘di ka ba pwede?

alam mo…wala na bang iba?”

‘ika ni Kanor

habang nandudumilat ang kanyang mata

sa kumpol ng mga tao sa kanyang harapan.

Maingay.

Sumulpot sa kanyang likod ang dalawang babae

at agad nagtawanan ang mga tao.

Malakas. Malakas na malakas.

Inilapit ni Kanor ang kanyang bunganga sa mikropono.

“May dalawa dito,

umakyat kayo, kako dito

‘pag hindi you share share ha kayo

wala akong ano.

Guard paki-guide.

Para fair, basahin mo dito

dito mo na lang basahin

maybe after you, give it to her.”

“Yes sir,”sagot ng babaeng kasama ni Bea.

Tatango-tango ang babae

habang si Kanor,

‘di mailayo ang titig sa dalawang babae

lalung-lalo na kay Bea.

Muling nagtawanan ang mga tao nang malakas.

“Dapat… I’ll be sending…” ‘ika ni Kanor.

“Thank you…thank you po.”

“Bigay ko ‘to sa kanya.”

“Thank you po.”

Napayuko at nagkamayan ang tatlo.

“You can finish that in two nights, one night” ‘ika ni Kanor

sabay idinuro ang kanyang hintuturo sa dibdib ni Bea.

‘Di n’ya ‘to napansin.

“Hehehe…ahhh!”sabay talon si Bea.

“Haayyy…ahh,”nang iilad-ilad na si Bea.

“Thank you, thank you sir ah,” sabay mano at halik

sa kamay ni Kanor.

Bonga si Bea.

Nag-ayos pa ng buhok habang napapatalon sa kilig.

Nang paalis na ang dalawang babae’y muli silang tinawag ni Kanor.

“ ‘Wag kang mag-amin-amin ‘dyan. Halika ka dito. Huy!”

Bumalik ang dalawang babae habang hawak ang libro.

Niliyad-liyad ni Bea ang katawan at inayos ang kanyang bangs.

Paglao’y napahagod ang sariling dila sa bibig

at napalunok sa libog si Kanor.

Hinawakan muli ni Kanor ang kamay

ng babaeng kasama ni Bea.

“Alam mo naman ang matanda. Ang beso- beso?”

Liliyad-liyad muli si Bea sa kilig

napa-abante at akmang ipapalapa ang sarili kay Kanor.

Magkahalo ang kanyang kilig, takot at kaba

na waring mapapaihi sa tuwa.

“Beso na po sir, beso!” ‘ika ng kasama ni Bea

sabay haplos sa balikat ni Kanor.

Nagbeso-beso nga sila.

Habang si Bea nama’y halos tumimbuwang sa kilig.

Lumapit si Bea

at idinuldol ni Kanor ang kanyang hintuturo sa kanyang labi.

Anong ligaya ni Bea.

Halos takpan n’ya ang kanyang mukha

gamit ang hawak-hawak na pitakang itim.

Akmang lalapit si Bea kay Kanor.

Nagtilian ang mga tao.

Malakas ang hiyawan.

Malakas na malakas.

“Dalaga pa?” ‘ika ni Kanor.

“Hindi po, meron na po”sabay inayos ni Bea

ang kanyang mahaba at kulot na buhok.

“Andito?”sabay dinuroni Kanor

ang kanyang hintuturo sa libumbon ng mga tao sa kanilang harapan.

“Meron po,meron po,” maikli at nahihiyang sagot ni Bea.

“ ‘Di naman kayo hiwalay?”

“Hi-hindi naman po,” sabay iling ang ulo.

Napatili muli si Bea.

Liliyad-liyad.

“Pero kaya mong sabihin na biro lang?” muling tanong ni Kanor.

“O-opo,” sagot ni Bea sabay tango.

“Pero magkiss tayo?” at muling idinuldol ni Kanor

ang kanyang hintuturo sa kanyang bibig.

Sigawan ang mga tao.

Halos mahiga na si Bea sa sukol langit n’yang ligaya.

Matagal na napatitig si Kanor kay Bea.

Habang si Bea nama’y ‘di malaman ang gagawin

kung hahalik ba o maghuhubad na lamang.

“Sige na paselosin mo na,” ‘ika ni Kanor.

“Bwahhht…” usal nang titilitiling si Bea.

Sasakmalin na s’ya ni Kanor.

Papalapit na ang bibig ni Kanor nang biglang magtakip si Bea ng mukha.

Nagtatantyahan.

Sumesenyas si Kanor gamit ang kanyang nguso.

“Sige na, sige na.”

Napapapikit si Bea.

“Sabay tayo, na maglapit,”hirit ni Kanor.

Pumikit si Bea at nanatili sa kanyang posisyon.

Habang ang ulo ni Kanor nama’y waring ibong Kalaw sa haba.

Dumapo ang kanyang bibig sa bibig ni Bea.

Napapikit si Bea.

Nagsigawan ang mga manonood.

Malakas na malakas.

Habang si Kanor nama’y ngiting diablo

na animo’y ahas na tinutukoy sa Paraiso ni Eden

at pinunasan ang kumapit na lipistik

sa kanyang bibig

gamit ang hintuturo.

“Salamat po Sir,” muling usal ni Bea.

Lumapit si Kanor at agad niyakap si Bea.

Tinapik-tapik ni Kanor ang balikat ni Bea.

Iba ang ligaya ni Kanor

habang ang mga tao’y anong ingay.

Nang makababa na sa entablado si Bea

ay muling napakamot sa ulo si Kanor.

‘Di mailayo ang tingin, ngingiti-ngiti at mukhang kulang sa kanya

ang mga nangyari.

Muling inilapit ni Kanor ang kanyang bibig sa mikropono.

“Sunod balik ko magdala ako ng marami,” ‘ika na anong tamis ang ngiti.

Muling tumili, nagpalakpakan at naghiyawan ang mga tao.

Anong ligaya nilang makapanood ng kahalayan.

Anong ligaya nilang makapanood ng halik ni Kamatayan.

Kinabukasan, naghuhumiyaw ang mga headline sa diaryo,

blah, blah, blah, sealed with a kiss.

Kinagabihan, nagkahamunan ang dalawang persona.

Ang isa’y bumida na sa pelikulang Feng Shui

habang ang isa nama’y kilalang sexy dancer, porn star at advocate ng Kamasutra.

Mahaba ang kanilang bangayan at pinag-usapan ng buong bayan.

“Gusto mo ng kaaway, ako. I am ready anytime, anywhere, harapan,” ‘ika ni Kris.

-Hunyo 8, 2018
Lunsod ng Queson, Pilipinas

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

 

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] T’YAN-SA -ni VIC OBINA

T’YAN-SA
ni VIC OBINA

Hayun ang tambak!

May tyansa na bka may pagpag.

Tuwang-tuwa ang bitukang agad sumalampak

Hinalukay,kinamay, sa tyansang may makain

at sa tiya’y mailagay.

WALA! WALA! WALA!

Walang tyansang tira-tira na sa bituka’y ibabara,

basura ng lipunan ni pispis ng isda’y hindi man lang nagtira…

Humpak na mukha,impis na sikmura,

hindi na ba lolobo at malamnan kahit kaunting taba..?

Ang mga bituka’y nagmumura… Sapagkat ang tiya’y pagod na,

ang buong parte ay sawa na umasa,

sa basura ng estadong kinamkam na nila.

WALA! WALA! WALA!

Walang bulok na tinik na humalo sa hangin,

halimuyak ng iladong manok ay wala din…

SILA lan ang NABUSOG,SILA lang ang LUMUSOG,

laksa-laksang ganid, pati BULOK, NILUNOK…

Kulang ang maghapon,para makaipon.

Kailan ba AAHON,sa GUTOM n PANAHON,

LUWA na ang mata, sa pag-asam ng kita,

SUNTOK LAGI SA BUWAN,

ang pagkain sa lamesa.

TUNGKULIN MO YAN AT KARAPATAN KO YAN,

Sikmurang umaasa,SA kaing kaing n PAG-ASA

Heto ang bituka,sasanayin na lang ba,

sa pagyapos sa tambak, sa gutom at hamak?

HAYUN ANG TAMBAK!

BILIS!!! baka may TYANSA kahit

BILASANG DILIS.

Si Vic Obina ay isang alagad ng sining at teatro. Kasalukuyang Human Rights Education Program staff sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP).

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] “ ‘Ika” -ni Rene Boy E. Abiva

“ ‘Ika”
ni Rene Boy E. Abiva

Noon:

wawakasan ang ENDO
pupuksain ang iligal na droga sa loob ng anim na buwan
itatalaga sa gabinete ang mga kilalang personaheng progresibo
bubuhayin ang natigil na usaping pangkapayapaan
sisipain ang mga empleyado ng pamahalaang kurakot
gagaan ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino
ititirik ang bandila sa Pilipinas sa islang inaagaw ng Tsina
lilikha ng libong nakabubuhay na trabaho
isusubo sa bibig ang matamis na pangako ng demokrasya
rebolusyunaryo at ‘di terorista ang NPA
papalayain ang lahat ng mga bilanggong political
babawasan ang buwis na kinakaltas sa sahod ng mga manggagawa
kikilalanin ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa
aayusin ang sistemang pabahay sa mga syudad
gagawing makatao ang buhay sa loob ng kulungan
‘di gagaya sa yumaong diktador na si Makoy
galit sa mga TRAPO
itataas ang sahod ng mga kawani ng pamahalaan
at Pederalismong para sa mamamayan.

Ngayon:

ginawang ligal ang kontraktwalisasyon
pinahaba ang gera kontra droga
itinalaga ang mga dating Heneral sa gabinete
pinutol ang usaping pangkapayapaan
ang mga naupo’y mga sagad-saring kurakot din naman pala
bumigat lalo ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino
naging tuta ng Tsina ang Pilipinas
‘alang trabahong mapasukan
isinusubo sa bibig ang mapait na katas ng tiranya
ginawang terorista ang NPA
pinaghuhuli’t pinagkukulong ang mga kritiko.
isinabatas ang TRAIN
pinagsesemento ang malalawak na bukirin sa kanayunan
‘ala paring masilungan ang gaya ni Rita
ginawang hayop ang mga bilanggo
mas masahol pa pala sa iniidolong diktador
alipures din pala ng mga Arroyo
itinaas ng doble ang sahod ng Pulis at Militar
at Pederalismong para sa iilang dinastiya sa bansa.

Sus…sus ginoo,
ang mga matamis at magandang salita
ay mga salita lamang din pala
nanatiling mga salita
sapagkat ‘alang gawa
kung may nagawa man
‘yun ang taliwas sa mga sinalita
kaya ‘ala din palang pinagkaiba
‘tong Pangulo ng Pilipinas
sa mga tsismoso at tsismosang
mahilig at lulong
sa ‘ika-ika!
eh may mapapala ba tayo sa ‘ika?
‘ika nitong aking katabi
aba’y sumagot na ‘ala!
eh ano pa nga ba ang ating ginagawa?
‘ika ni Vilma sa kanyang pelikula
‘kung ‘di tayo kikilos, sinong kikilos
kung ‘di ngayon ay kailan?’

Kaya halika!
‘wag sana tayong mabuhay at makuntento sa ‘ika
‘ika ng mga taong pala-isip at pala-gawa
‘ika noon ng aking yumaong Lolo at Lola.

-Mayo 9, 2018
Lunsod ng Queson, Pilipinas

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Right-up] Dildil -ni Von Adlawan

Dildil
Ni Von Adlawan

Di na namamatsahan ang sangkalan
Dama na ng panungulila ang kalan
Namumutiktik ang pitik ng ATM
Namumutla ang mata ng isda
Tumatabang na ang alat ng asin

Sikil na sikil ang dildil ng asin
Punong puno na ang listahan–
Naghalong luma at bagong utang
laging payroll natirang palatandaan
di na pansin ang dumaang bulalakaw

kaltas na kaltas na ang niyaring katas
Manipis na ang kapit ng habi ng hibla
sa tigib na ng kamay sa arawang laba
Nangangalay na ang marka ng matabang
bubuyog sa kupas ng maputlang tela

hindi nasasapatan ang sipsip ng kita
kaltas mo’y sobra sobra ang tangan
Labis- labis ang hampas ng katawan
Sa walaong oras- relasyong patakaran
Binansot ang paggawa ng aliping sahuran

-WAKAS-

Alay para araw ng Manggagawa!

https://bit.ly/2Ha9jHS

Follow Vonn Adlawan @
Blog: https://vonadlawan.wordpress.com/
Facebook: @eastheticsofmargin

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Right-up] Sa mga naglalaway sa dugo ng kapwa – ni Gorio Bituin

Photo from Jenny’s FB

Sa mga naglalaway sa dugo ng kapwa
ni Gorio Bituin

akala nila, makatarungan ang pamamaslang
magiging kriminal naman daw ang sugapang halang
at makakatulog ng mahimbing ang mamamayan
pag wala nang sugapang banta sa kinabukasan

akala nila, bayani sila pag pumapatay
tamang proseso ng batas ay balewalang tunay
“bayani” silang sa dugo ng kapwa’y naglalaway
kapayapaan daw ng bayan ang kanilang alay

akala nila, krimen ay agad nilang napigil
kahit wala pang nagagawa ang sugapang sutil
wala pang krimen, dukha’y tututukan na ng baril
sira na raw ang utak kaya agad kinikitil

akala nila, dapat walang kara-karapatan
dahil daw ang karapatan ay sagabal sa bayan
akala nila, pagpaslang ay tungong kaunlaran
payapa ang negosyo, buhay man ay paglaruan

sino silang basta kukuha ng buhay ng tao?
sino silang naglalaway sa dugo ng kapwa mo?
budhi ba nila’y payapa’t bayani ngang totoo?
para sa bayan nga ba ang pagpaslang ng berdugo?

ang ginagawa nila’y karumal-dumal ding krimen
bayani sa sarili, ngunit sa madla’y salarin
mananagot sila, budhi nila’y mang-uusig din
kriminal din pala sila’y di nila akalain

– gregbituinjr.

Follow Greg Bituin @
Blogsite: http://matangapoy.blogspot.com/
Facebook: https://web.facebook.com/goriobituin

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc

 

[Right-up] Ang pagpepedikab man ay marangal na hanapbuhay -ni Greg Bituin

Ang pagpepedikab man ay
marangal na hanapbuhay

mumo lang kung tutuusin ang kinikita nila
sa paghatid ng pasahero, tanggap nila’y barya
sariling kayod upang makakain ang pamilya
ngayon, kabuhayan nila’y napagdiskitahan pa

ang pagpepedikab ay marangal na hanapbuhay
sa tatlong gulong man, may ngiti silang nasisilay
araw-gabi’y nagsisikap na magtrabahong tunay
ngayon, bakit kabuhayan nila ang niluluray

kung yaong bakal na ibon ay malaking negosyo
natatanggap lang ng mga pipit ay pawang mumo
di naman sila mayang paaapi sa kung sino
o baka maging langay-langayan ang mga ito

may karapatang mabuhay ang mga maralita
hayaan silang marangal na magtrabahong kusa
kahit tatlong gulong ay may hatid na ngiti’t tuwa
pagkat marangal ang ginagawa nila sa madla

– gregbituinjr.

Follow Greg Bituin @
Blogsite: http://matangapoy.blogspot.com/
Facebook: https://web.facebook.com/goriobituin

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc

[Right-up] Pasko na nga Ba? (Alay para sa mga namatay sa sunog sa NCCC Mall DAVAO City) -Ni RVA

Pasko na nga Ba? (Alay para sa mga namatay sa sunog sa NCCC Mall DAVAO City)
Ni RVA

Makulimlim ang kulay ng langit
Nang pasko’y malapit ng sumapit
May lumbay na himig ng mga awit
Nang mga hiyaw ang pumalit
Sa magagandang himig
Nang 37 kaluluwang napiit
Sa gusaling natupok ng init!

Kay sigla sana ng gabi
Kung sila ay nakapiling
Pasko sana ay kay saya
Kung exit route ay kinilala
Ng mga dingding di madinig
Ng huling tawag ng pag-sinta!

Pasko na naman?
Pasko na ng aba?
Ang dagli ng mga araw
Sahod na nagdaan
Tila bagyong nang-iwan
Ang bilis kung dumaan
Ngayon at noon ay pasko
Lagi nalang nagungutang!

Sa may kapit- bahay
Ang maagang pagbati
Merry Christmas sagad lagi
bagong buwis- TRAIN’y naghahari
buti pa ang bilihin- tumaas lagi
sahod ko’y kay tumal ng pagbat!

Ang sanhi nito’y libo-libong
Kita at tubo ng iilan BPOs
Sa libu-libong call center agents
Na naiwang sunog na bangkay
Kung sanay sila ay naririto
Sasabihin nyo kaya ang kataga?
Pasyensya na sa perwesyo?

December 24, 2017

Follow the Margin @
Facebook: @eastheticsofmargin

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc

[Right-Up] Tinokhang na Bagong taon Ni Kalayaan ni Von Adlawan

Tinokhang na Bagong taon Ni Kalayaan
ni Von Adlawan

kalayaan-von-adlawan-blogPanibagong taon’y uudyok sa hugis
ng panibagong hamon ng kasaysayan;
365 araw muli ang bibilangin
makulimlim na kalangitan ay napuno
ng makukulay na desenyo ng fireworks
hahawi sa pagsulpot ng karimlan ng ulap
sa mga tahanan hanap ang sulyap
sa bunsong nag aabang ng ngiti
sa pag dalaw ng katok ni amang
mula sa dekwadradong larawan
tanging pamana at alaalang iniwan

Desyembre 31, desperas ng bagong taon
fireworks sa kalangitan
mga paputok ng bakal sa kalupaan
tila yumanig sa kasayahan
mga panis na noche Buena naiwan
salu – salong nauwi sa huling lamay
mga bilog na prutas nabubulok
inaamag na kasaganahan
mga ipis ang tanging karamay
ng kinabukasan di na malasahan!

Ituro mong lubos sa desperas
ng bagong taon, Please lang!
kung paano gawing masaya
ang huling panalangin sa aba
sa mga nabigong makasama
ang kanilang ama, ina, kapatid!
sa mga bakal na may mantsa
ibinaon sa ulo sa listang husga
sa paglilitis walang pagdinig
sa ngalan ng halimaw na droga!

Isang salu salo hatid sa atin
ng halimaw, kaibigan ng demonyo
na mga absweltong kaanib
may Himalayan mapitagang trono
iginawad ng siyam (9) na husgado
banal na boto, pighati ang dulot nito
sa mga desaparasedong nangingulila
mga bangkay na di na natagpuan
dasal ng nangulila sanay matagpuan
ang mga marka ng torture sa libro
pinunit na pahina ng Martial law!

Ngayon ay bumabalik ang yabag nito
mga bakal na walang tape
mga katawang naka plaster
mga riding in tandem nakalatigo
bubuhayin na muli ab Death Penalty
nakalaya na ang mga tuso
may nagbenta ng prinsipyo
Kaanib na ng hari ng takot
piniling maging myembro ng kulto
iniwan ang mga kampo
inilibing ng buhay ang talino

happy new year mga bes!

Bagong taon bagong pag asa
mga baluktot naging totoo
trolls ang makabagong maligno
sa social media’y trending
makabagong nuno sa punso
ang magsalita laban sa kulto
paparusahan ng demonyo!

Isang bagong taon, puno ng takot
paputok naging usok ng sumabog
Sa kapus palad ang kapalaran
ay sakripisyo sa pangarap ng
mga iilan angkan hagad ay empyerno-
monopolyo ng dambuhalang negosyo
tubo at kita smaliit na sahod mo!

Happy new year.

copyright@2017

The MARGIN Philippines

https://vonadlawan.wordpress.com/2017/01/02/tinokhang-na-bagong-taon-ni-kalayaan/

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally
published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or
change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and
original source/s of information are retained including the URL contained within the
tagline and byline of the articles, news information, photos etc

« Older Entries