[Off-the-shelf] SOLIDAGRO Anto sa yugto ng pandemiko – Tinipon ni RB Abiva

Batid ng lahat na malaganap ngayon sa buong daigdig ang COVID-19.
Hindi na ito bago sa kasaysayan ng daigdig. Noong 1340, sa Europa’y kumalat ang tinatawag na Black Death o Bubonic Plague. Ayon sa mga historyador, halos 400 na taon nanalasa ang nasabing sakit. At hindi rito nagtatapos. Taong 1918, pagkatapos ng Unang Digmaang Mundiyal, ay muling lumaganap ang isang pandemiya na higit na malakas sa Black Death. Ito ang Spanish Plague. Tinatayang noong 1920 ay umabot sa 50-100 milyon katao ang nasawi.
Sa kabilang banda, habang tayo’y nasa yugto ng Enhanced Community Quarantine, minabuti naming tipunin ang aming mga akda. Ang pangkalahatang layo’y maipakita, sa anyo ng tula, ang aming simpatya sa sambayanang Pilipino, sa santinakpan, at sa mga may mabubuting budhi na lingkod-bayan.
Ito ang ibig sabihin ng solidágro, solidaridad, pagbibigkis, o fraternidad.
Isa pang layunin ng kalipunang ito ay mapanatiling buhay ang pagiging malikhain ng mamamayan. Maisasalba lamang ito sa kumunoy ng buryong kung mapapanatili natin ang tradisyon ng pagbabasa, pagsusulat, at pakikisangkot. Kitang-kita naman ang maraming manipestasyon sa social media. Tandaan na mamamayan ang wika nga’y tagapaglikha ng kasaysayan.
Sa koleksiyong ito’y nagsama-sama ang mga makatang mula o nagmula sa magkakaibang istilo, tradisyon, lente, tensiyon, at intensiyon upang bigyan, kahit papaano, ng mukha ang kasalukuyang personal at indibidwal na danas ng bayan at lipunan. Halu-halong kalamay wika nga. Pero ganito naman dapat. Sa yugtong tila nasa harapan na natin ang pintuan ng langit at impiyerno’y wala tayong aasahan kundi ang lakas ng bawat isa.
Mahalagang makita at mabatid sa malikhaing pagtatala na ito hinggil sa kung paano tinugunan o tinutugunan (ng makata) ang tugon ng pamahaalan, ng pribadong sektor, at ng mamamayan ang pandemya.
Nawa’y hindi tayo malulong sa pantasya ng social distancing. Sa panahon ng krisis, higit nating kailangan ang social solidarity. Ang nauna’y walang ibang ibig sabihin kundi ang magkanya-kanya. Habang ang huli’y higit na pagkakaisa. Magkaibang-magkaiba.
Nais kong magpasalamat sa mga Makata ng Bayan na sina Christobal Alipio, Arlan Camba, Ryan Damaso, Joshua Diokno, Juan Ekis, Andyleen Feje, Jenny Linares, Marvin Lobos, John Christopher Lubag, Renz Rosario, at Domingo Santos sapagkat hindi nila binigo ang tawag ng panahon.
Hindi ko na pahahabain pa ang aking litanya. Kayo na ang humusga sa mga obrang naririto kung natugunan ba nito/nila ang pangangailangan ng panahon.
Muli, isang malaya, ligtas, matatag, at puno ng pag-ibig at pananalig sa kapwa na pagbabasa.
Mabuhay ang Sambayanan!
Mabuhay ang Solidágro!
R.B. Abiva
11 ng Abril, 2020
Bayan ng Magbubukid
Pls click the link to read the collection Solidagro-EBook
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.
Maraming Salamat po. Pagtatama Lang po sa aking pangalan, RB Abiva po, Hindi RV Abiva, hehehe. Paki Ayos Na Lang po. Salamat.
RB Abiva
(“,)
>
LikeLike