[Statement] Panawagan ng pagkundena sa pananakot sa Punong Patnugot ng UE Dawn -KATAPAT

Mariing naming kinukundena ang pananakot at tangkang pagbusal sa karapatang magpahayag ng punong patnugot ng University of the East Dawn.
Pinatawag si Joshua Molo sa barangay hall ng San Fernando Sur sa Cabiao, Nueva Ecija matapos niyang ipaabot sa social media ang kaniyang dismaya sa ilan sa kanyang mga dating guro. Ito ay matapos gawing katawa-tawa ng mga nasabing guro ang kanyang naunang post na nagpapahayag ng kaniyang mga saloobin at mga kritisismo sa Administrasyong Duterte. Sapilitan siyang pinagawa ng public apology at tinakot na sasampahan ng kasong libel kung hindi siya humingi ng paumanhin. Ang mas malalay pa ay nared-tag siya’t sinabihan na huhulihin o dadakpin siya ng mga pulis sakaling maulit pa ang kaniyang ginawa.
Ang pananakot at tangkang pagbusal na ito kay Molo ay isang malinaw na paglabag sa kanyang karapatang pantao. Malinaw na pinanindigan lang ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kaniyang administrasyon ang patuloy nitong pag-atake sa mga kritiko ng kaniyang rehimen.
Tinatawagan namin ang lahat na makiisa sa pakikibaka ni Molo, ng kabataan, at ng mamamayang Pilipino para ang ating karapatan sa malayang pagpapahayag. Sa gitna ng krisis, mas kailangan ng mga matang mapagmatyag sa mga barbarismo ng ating pamahalaan.
Laban, Kabataan!