[Statement] Pahayag ng Pagkundena sa Patuloy na Karahasan ng Militar sa mga Katutubong Dumagat-Remontado -STOP Kaliwa Dam Network

Habang ang karamihan ay nakatuon sa isyu ng COVID-19, ang pwersa ng estado sa kabilang banda ay patuloy naman ang pananakot at pangdadahas sa mga Katutubo ng Quezon at Rizal dahil sa Kaliwa Dam.
Matapos ang pananakot sa mga katutubong Dumagat-Remontadong papunta sa isang pagdiriwang ng anibersaryo ng People Power Revolution noong Pebrero 24, may mga pahayag mula sa parehong komunidad na isang kapwa nila katutubo ang dinakip ng yunit ng militar sa General Nakar noong ika-1 ng Marso. Napag-alaman ding binugbog ang nasabing katutubo habang nasa kustodiya ng nasabing elemento ng militar. May mga nakasaksi sa nasabing pagdukot at mga litrato ng binugbog na katutubo.
Mariing kinukundena ng STOP Kaliwa Dam Network ang patuloy na karahasan ng militar sa nasabing katutubong komunidad. Aming kinukundena ang ‘di-makatuwirang paggamit ng dahas, walang basehang pananakot, at panggigipit na ginagawa ng mga puwersang militar.
Gamit ang katuwirang paglaban sa armadong sigalot sa kanilang lugar, naiipit ang mga katutubo sa kabila ng kawalan ng patunay na sangkot sila sa ibinibintang sa kanila. Lumilikha ng klima ng takot ang karahasan ng militar at matinding ginagambala ang kabuhayan at payapang pamumuhay ng mga katutubo sa kanilang mga lupain.
Ang panawagan namin ay kapayapaan. Iginigiit namin sa militar sa nasabing lugar na maging mga tagapagpatupad ng batas at kaayusan, hindi pasimuno ng panggigipit at pang-aabuso. Ang pangunahing tungkulin ng hukbong sandatahan ay pangalagaan ang teritoryo ng bansa at depensahan ang mga mamamayan nito, hindi supilin ang kanilang karapatan, lalo na ang karapatan tumutol sa mapanirang Kaliwa Dam. Karapat-dapat lamang suportahan, hindi dahasin, ang mga katutubo sa kanilang pag-aalaga sa kanilang lupaing ninuno, na buhay at nagbibigay buhay, na hiram lamang sa salinglahi, at bilang paglilingkod sa sambayanan.
Itigil ang karahasan sa mga katutubo!
Panagutin ang mga puwersa ng estado.
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.