[Tula] Sa Panahon Ng Mga Halimaw -ni Rene Boy Abiva

Sa Panahon Ng Mga Halimaw
ni Rene Boy Abiva
H’wag kayong magpapagabi sa daan,
iba na ang panahon ngayon,
‘di gaya noong aming panahon
na kay sarap magtampisaw
sa liwanag ng buwan;
na kay sarap magtago sa dilim
at maglaro ng tagu-taguan;
na kahit abutin ka nang bukang-liwayway
sa kasalan o lamaya’y ayos lang;
na kampante ka pa noong aakyat ng ligaw
sa dalagang pinipintuho ng ‘yong puso,
haharanahin at hahandugan ng tula
habang siya’y nakadungaw
sa bintanang yari sa pinagtapi-tagpi
at hugis kwadradong kapis.
‘Ala kang pangamba sa ‘yong pag-uwi
kahit mag-isa ka.
At kung nais mong sulitin ang mga sandali
ng malamig na gabi,
mainam noo’y sumilip at tumikim ka
ng maliligayang mga sandali sa perya.
Taya dito, taya doon.
Sa malaking bilog na roleta
o sa hila-bloke na may letra.
Kung nais mo namang makatsamba,
sa tumatakbong ilaw ka manaya.
At balita ko’y sa larong ‘yon mo napanalunan
ang plastik mong baril
na ni sa pagtulog ay ‘yong hawak-hawak.
E ngayon, mahirap na ‘tong gawin
at tila totoo ang noo’y kwento ng mga matatanda,
na may panahong ang mga aswang
ay namamahinga sa ilalim ng lupa
at pagkatapos nang mahaba nilang pamamahinga
ay aatake nga sila.
Ayon sa ilang mga nakakita,
may nakasabit kulang pilak na silbato
at tsapa sa dibdib
ng damit nilang magarbo.
Habang sa baywang,
may malaking bilog sa harap ng kanilang sinturon.
Gawa daw ‘to sa tanso
at may dala silang lagi na bakal na sandata.
Nakasapatos ng makintab
animoy tutubi ang mata
at sumasakay sila sa ‘sang bakal na kabayo.
Ganito na ang mga aswang ngayon.
Sabi pa ni Aling Lina,
‘yung maglalako ng galunggong sa malaking pamilihan?
ang bumubuhay daw sa mga halimaw na ito’y
ang Presidente, ang kanyang Sekretaryo,
lupon ng mga tagapayo at si Kongresman.
‘Di pa alam kung pati si Meyor.
Pero kahit nga si Meyor Bote ng Heneral Tinyo,
‘di sinanto.
Inasalto ‘sang gabi at patay
ngayo’y ayun, nasa libingan ng mga patay,
inuuod at kinakain ng lupa.
Gaya na lamang sa nangyari kay Ising,
si Ising na tindera ng isaw sa may paradahan ng dyip
na biyaheng Licab-Talavera,
aba’y nagulantang ang lahat
nang makita ang kanyang katawang ‘alang saplot.
Wakwak ang kanyang susong-dalaga
at mukhang ‘alang kaluluwa ang sumiping sa kanya
sapagkat sa bangis ng pagkarinyo nito’y halos mabunot
ang kulot na buhok ng kanyang hiyas.
Kahit mga binabae’y ‘di na rin sinasanto.
Gaya na lamang ni Shawi,
‘sang bakla na namamasukan sa ‘sang salon
sa San Leonardo,
aba’y kinilabutan na lamang ‘sang umaga
ang mga magsasaka ng nasabing bayan.
Paano ba naman kasi’y isinabit ang kanyang bangkay
sa poste ng kuryente.
‘Ala ding suot na damit pang-itaas ni pang-ibaba.
Masaklap pa’y waring Kristo na sinabitan ng karatula,
“hari ng mga magnanakaw” ang ‘ika.
Tsaka ‘yung ‘sa,
‘yung si Junior,
‘yung nagkukumpuni ng sirang elektrikpan?
Naku, pinatay nung nakaraan.
Nung mismong ‘yong kaarawan!
Sabi sa radyo’y tulak at nanlaban daw
Kaya ayun,
‘sang araw ay pinagpipiyestahan na ng mga bangaw.
Kaya ‘yung plastik mong baril
itago mo, ‘yung ‘kaw lang ang nakaka-alam.
H’wag na h’wag mong ilalabas
at baka pagkamalan ka’t maturingang nanlaban
at malasing mapabilang sa libo-libong
ini-alay kay kamatayan.
Lalabas ka ba ngayong gabi?
Naku, dalhin mo ‘tong agimat ni Lilong mo.
Tuyong bunga ng atis?
Oo!
Bakit?
Basta.
Bakit nga?
Nang may pansagupa ka.
Agosto 10, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija
Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.