[Tula] Oras Na -ni Rene Boy Abiva

Oras Na
ni Rene Boy Abiva
Dinggin mo ang bulong sa bayan na yaon-
ang nakatutulig na iyak ng mga sanggol na gutom at uhaw
ang animo’y kulog na lumagapak na atungal
at alulong ng mga inang balo
habang nakaluhod sa harapan ng mga batong santo at kahoy na krus.
Nawa’y sa pagdampi ng katotohanang ito’y mabuo ang ‘yong pasya
na lipulin ang mga galamay ng Haring Pugita
gayundin ang patuyuin ang bukal ng kanilang ubod nang itim na kaluluwa.
Nawa’y sa pagsanib ng naipong himutok at himagsik sa ‘yong kaibuturan
ay mahanap mo ang ‘yong sarili sa piling ng mga laging api.
At kung mangyari man ‘tong ganap ay oras na
upang ika’y gumising sa dati mong kabaliwan
na ang hangganan ng mundo’y nagtatapos lamang
sa abot-tanaw ng ‘yong hubad na mata.
Oktubre 8, 2018
Lunsod ng Queson, Maynila
Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.