[Statement] Punta Hagdan Declaration. Ang katutubong kababaihan: Pwersa para sa hustisyang pangklima

Ang declaration na ito ay galing sa indigenous women gathering sa Antique, galing sa iba’t ibang komunidad ng Panay Island at Mindoro, na inorganisa ng LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights)

Photo from Lilak

PUNTA HAGDAN DECLARATION
ANG KATUTUBONG KABABAIHAN: PWERSA PARA SA
HUSTISYANG PANGKLIMA

Kaming mga kababaihan na nanggaling sa iba’t ibang katutubong komunidad Iraynon Bukidnon, at Ati, ng Antique; Aklanon Bukidnon ng Aklan; Ati ng Guimaras; Itoman Magahat Bukidnon ng Negros Occidental; Alangan Mangyan, Hanunuo Mangyan, at Buhid Mangyan ng Oriental Mindoro na nagsama-sama para sa isang indigenous women gathering, “ANG KATUTUBONG KABABAIHAN: PWERSA PARA SA HUSTISYANG PANGKLIMA”, na ginanap magmula 18-20 ng Mayo, sa Punta Hagdan, Tobias Fornier, Antique.

LILAK

Naniniwala kami na ang climate change, o pagbabago ng klima, ay dulot ng klase ng kaunlaran na mapanira, nang-aabuso ng kalikasan at walang ibang gamit kundi pagkakitaan.

Ang climate change ay isyu ng lahat – ang pagdalas ng bagyo, at ang paglakas ng mga ito; at ang paghaba at pagtindi ng tag-init.

Ang epekto nito ay kitang-kita namin – ang pag kasira ng aming tanim, o sa ibang pagkakataon, ang pagkalunod sa malalakas na buhos ng ulan, ang pagkatuyo ng aming sapa at ilog, ang pagkatigang ng aming mga lupa.

Ang epekto nito ay ramdam na ramdam namin – mas madalas na kaming gutom dahil sa kahirapang magtanim at magpatubo ng pagkain; ang mga sakit na dumarating na hindi na kaya na aming mga tambal, tila sakit ng mayaman dahil nangangailan ng mga mahal na gamot, na wala naman kaming pambili; ang kawalan ng hanap-buhay na nakatali sa lupa at kalikasan. Kahit ang relasyon sa aming pamilya ay apektado – marami sa amin ay nagkakahiwa-hiwalay – ang ama at batang lalaki ay nagsa-sacada sa ibang probinsya, ang mga nanay at dalagang anak ay namamasukan bilang kasambahay sa ibang mga lugar; ang mga bata ay pinapasok na rin sa mga pakyawang trabaho para may dagdag kita.

Sa mahabang panahon, marami na rin ang mga gawain na nakasira sa ating kalikasan – malawakang paguuling, pagpuputol ng kahoy ng malalaking kompanya; pagmimina; palm oil plantation, at rubber tree plantation.

Naka-abang pa ang banta ng mga bagong proyekto ng pamahalaan at ng malalaking korporasyon – ang mas maraming minahan, mga dam, mga plantasyon, turismo – ang lahat na ito, na nangangako ng kaunlaran para sa aming komunidad. Pero pano kaya mangyayari ito samantalang ang mga ito ay sumasamsam ng sangkaterbang lupa, nagpuputol ng puno, at nagdudumi ng aming katubigan.

Kaya naman kaming mga katutubong kababaihan ay dinadala ang isyu ng climate change.

Kami ay biktima.

Sa amin ang hampas ng malalaking alon. Sa amin ang bagsak ng matitinding bagyo. Sa amin ang tama ng mabagsik na sikat ng araw na sobrang tumutuyo ng aming lupain. Kaya kami ay gutom, may sakit, at naghihirap.

Kami ay biktima. Dahil kami ay babae. Dahil kami ay mahirap. Dahil kami ay katutubo.

Ayon sa aming karanasan, gayon din sa mga pag-aaral ng iba kung saan sinasabi na ang mga kababaihan ay mas mahirap, at mas gutom. Kami ang mas nakararami sa nakatalang bilang na may higit sa 23.7 million na gutom na mga Pilipino.
Hindi nakararating sa amin at sa aming pamilya ang mga batayang serbisyo ng pamahalaan. Hanggang ngayon, marami sa amin ang di pa naabot ng kuryente; walang suportang irigasyon sa aming taniman; walang kalye na magpapadali na aming pagbaba mula sa aming komunidad sa kabundukan; malaking porsyento sa amin ang wala pang water-sealed na toilet, at walang sariling palikuran; napakalayo ng mga health center sa amin, at ang minsan lamang na pagdalaw ng midwife na sa iba ay nagpapabayad pa. Marami sa aming mga anak ay kulang sa timbang o malnourished.

Ito ang realidad ng katayuan ng mga katutubong kababaihan. Malaki ang kontradiksyon nito sa mga ulat na pangekonomiyang pag-unlad ng Pilipinas, kasabay ng pag-unlad daw ng katayuan ng mga kababaihan sa bayan. Tulad na lang sa pinakahuling Gender Gap Index Report na nagbabalita na ang Pilipinas ay pang lima sa listahan ng mga bansa na naitatawid ang kaibahan sa katayuan ng mga lalake sa mga babae. Sinasabi dito ang Pilipinas daw ay isang bansang maganda para sa kababaihan. Hindi namin makita ang aming sarili sa ulat na ito. Malayo ang aming katayuan kumpera sa natalang top 25 richest , na kinabibilangan nina Kris Aquino, Felicidad Tan-Sy, Bea Zobel at Cynthia Villar.

At kapag tumama na ang mga sakuna, mas malaking porsyento sa mga biktima ay kababaihan, na mahirap. Sa nakaraang Yolanda, tinatayang may mahigit na 3.5 million kababaihan at batang babae ang na-apektuhan; 250,000 ay buntis; 169,000 ay nagpapasuso.

Ang malungkot na pangyayaring ito ay totoo sa ibang bahagi ng Asya – 61% sa 2008 Myanmar cyclone; 67% Indian Ocean Tsunami sa Aceh, 95% sa super typhoon sa Bangladesh.
Kaya naman, aming inaako bilang isyu ng mga katutubong kababaihan ang usapin ng pagbabago ng klima o climate change.

Kami ay biktima – dahil napakaliit ng aming kinalaman sa pagkakaganito ng ating mundo. Ang mapanira, marumi at ganid na pamamaraan ng kaunlaran ay hindi nagmumula sa amin. Pero kami ang nakakaranas ng galit at lungkot ng kalikasan.

Nasan ang katarungan dito? Kung ang pinakamahihirap at bulnerableng komunidad ang syang nakakaranas ng pinakamatinding epekto ng climate change, na dulot ng mapanirang kaunlaran.

Kami man ay biktima, kinikilala rin namin na kaming mga katutubong kababaihan ay pwersa sa pagbabago, at pagtutulak ng hustisyang pangklima.

Kaming mga babae ay may mahalagang papel sa tahanan at komunidad sa pagsisiguro ng pang araw-araw na pangangailangan ng pamilya, hanggang sa abot ng makakaya;
Bilang mga katutubo, ang aming pamumuhay ay pakiki-isa sa kalikasan, ang aming malalim at mahigpit na ugnayan sa isa’t isa, ang pagkalinga sa susunod na henerasyon.

May mga kinaugalian kaming mga kaparaanan sa paghahanda sa sakuna, sa pag siguro ng kaligtasan ng aming pamilya; at kritikal ang papel ng kababaihan sa lahat na ito dahil sila ang nangangasiwa sa pagkain, sa mga tuyong damit at kumot, at sa iba pang mga pangunahing pangangailangan.

At bilang katutubong kababaihan, may mga karapatan kami na pinagtitibay ng mga batas – karapatan na maging malaya sa iba’t ibang porma ng karahasan – pisikal, emosyonal at pang-ekonomiya. Maituturing na isang karahasan ang pagiging bulnerable sa epekto ng mga sakuna. Karapatan namin ang maging malaya sa iba’t ibang porma ng diskriminasyon. Halimbawa ng diskriminasyon ang di pagkilala sa aming katutubong kaugalian ng aming paghahanda sa sakuna, at sa aming lokal at tradisyunal na “evacuation center”, tulad ng libaog. Ang libaog ay isang istruktura na tinatayo ng mga Alangan Mangyan sa panahon ng bagyo. Ito ay gawa sa kahoy, na nakalubog lahat sa lupa, mababa ang pagkayari, at may tatlong haligi sa gitna. Sa kasalukuyan, ang libaog, at ang iba pang mga lugar na tinalaga ng aming mga nakatatanda para sa aming paglikas, ay di kinikilala. Ang mga ito ay subok na ligtas para sa aming pamilya. Sa di pagkilala ng mga ito, kami ay di nakakatanggap ng relief at iba pang tulong kapag kami ay dito tumutuloy.

Karapatan din naming makilahok sa iba’t ibang antas ng paggawa ng desisyon at pagpaplano ng aming komunidad. May mga batas din na nagpapatibay ng obligasyon ng pamahalaan sa pagbibigay ng suporta sa amin – ang paglalagay ng day care at VAW desk sa bawat barangay, ang pagkakaroon ng budget na nakalaan para sa disaster preparedness at calamity fund, na dapat ay may pagtukoy sa mga partikular na pangangailangan namin bilang mga katutubong kababaihan – matanda, bata, at may kapansanan.

Kaming mga katutubong kababaihan ay pwersa sa pagbabago. At ang pwersang ito ay amin pang papandayin, palalakasin, at pagsasama-samahin para igiit ang aming mga karapatan. Kami ay makikipag-ugnayan at makilahok sa mas malawak na kilusan na nanawagan ng tunay na solusyon sa climate change.

Kami ay nanawagan para sa sistematikong pagtugon sa usapin ng climate change. Dapat ang mga pangunahing may kagagagawan sa pagkasira ng kalikasan, at sa pag-init ng ating mundo ang syang manguna sa paghahanap at pagsasagawa ng tunay na solusyon. Ang mga mauunlad na bansa ay dapat nang agarang kumilos – bawasan ang kanilang emisyon at pagbubuga ng masasamang hangin; maglaan ng sapat na pondo para tulungan ang ating mga komunidad harapin ang mga pangamba dulot ng pagbabago ng klima. Ito ang ating kailangan – ang hustisyang pangklima or climate justice.

Sa pamahalaang Aquino, dapat lagi nitong isinasa-alang alang at inuuna ang mga bulnerableng mga komunidad, at ang mga katutubong pamayanan. Lalo na sa panahon ng sakuna – magmula sa paghahanda, relief, rehabilitation at recovery. At higit sa lahat, sa pagbubuo ng mga development plans.
Dapat din na bumitiw na ang pamahalang Aquino sa daan ng mapanirang kaunlaran. Itaguyod ang kaunlaran na tunay na sasagot sa pangangailangan ng mamamayan, na buhay ang pinahahalagahan at hindi ganansya ng iilan; kaunlaran na mapagpakalinga, sa tao at kalikasan.

May 20, 2015 / Tobias Fornier, Antique

LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights)

http://www.facebook.com/pages/Lilak-Purple-Action-for-Indigenous-Womens-Rights/446251688730248

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s