[Tula] “Nakamamangha…” | ni Kelvin Vistan


“Nakamamangha…”
Isang tula.
(Binigkas: Nukes Coal-Free Bataan Movement Activity,
February 25, 2022)
Nakamamangha.
Nakamamangha nga namang
Sa pagbagwis ng kamalayan ng sangkatauhan
Ay natanto nyang
kayang
ilibid sa lubid ang kislap
ng pinagbanggang
sangkatining ng sangkatiting ng sangkatiting
at binaligtad ang pagsilang ng bituin,
kalamidad na inamo at nagawang pigain,
nakapagtatakang kayang ipunin,
na ningas at kidlat at kinalikot hanggang
pag-anyuing
dagitab.
Na isusubo sa sibilisasyong
Di maawat sa pag-abante’t pagkonsumo ng daigdig
Kaya madaling alukin ng kasinungalingang
“ligtas” ang mamuhunan sa nukleyar.
Kasinungalingan dahil
maningning na tuklas ay may kakambal
Na gimbal,
May kabakas na dahas.
Hindi simpleng nag-uumpisa
sa kislap ng kisapmatang salpukan
Dahil puhunan ay saling-ilang salinlahi nang
pagtungkab sa dawag ng gubat,
tayog ng bundok, buong pamayanan,
kapalit ng pirapirasong batong sangkap
na gamit sa pagluluto ng putaheng isusubo sa ambuklaw ng
kusinerong halimaw.
Kasinungalingan dahil
Makabagong teknolohiya
Ay may pamanang lagim,
Kasinungalingang bihisang
puti at mabuti,
Hindi natatapos sa sang-iglap na kitib ng liwanag.
Dahil sumasaid ng katubigan para
mahimasmasan ang mga makinang
Gamit sa mga planta.
Dahil naghahasik ng lasong latak na di matakal
Lason na walang hugis o anyong mahawakan
Lason na kapag tumakas sa alapaap ay kayang kumalat
Sa milyong sulok ng sandaigdigan
O kapag kumatas sa tubig o lupa ay di dagli nang
Lalabnaw o tatabang.
Magkakalat ng galamay
hanggang umubos ng buhay
sa kung saan dumapo o umagos
O di kayay makalikha ng mga nilalang
na tauhan ng bangungot,
mga karamdamang minamana ng sanggol,
o pinakamalala, kung sumingaw at kulambuan
ang sinumang kapitan
nang radiation na kayang gawing likido ang laman
loob
o tunawin ang buto.
At sa larangang nukleyar
Kasinungalingang mga sangkatiting
lang ang binibiyak,
Dahil hindi lang ligalig mula sa planta ang nalilikha
Pisika ng nukleyar ay nagsasanga ng dagundong
Ng mga armas pandigma,
Na kung subukan kung may talab ay balat
At laman ng buo-buong isla ang sinisilaban.
At kung makitang kayang bumura ng kalupaan
Ay saka ihahandang gamitin naman sa sangkatauhan.
Sa kasaysayan ng bansa
Ay nagkaroon noon ng makislap na paanyaya
ng pagliwanag ng mga tahanan
gawing tugon sa enerhiyang kailangan
ang plantang nukleyar.
Hindi pumayag ang Bataan.
Sumalunga ang sambayanan.
Dahil hinubaran natin ang
Kasinungalingang alok mula,
Sa nagnais lang namang,
Magsangla,
Ng kaligtasan ng bawat isa,
Kapalit ng kalansing ng kita,
At hindi kalianman mag-gagawad ng pahintulot,
Na tanggapin na lamang ang bukas na bangungot
Ng plantang nukleyar.
Ang halimaw ng Morong kung mabuhay,
Sa pag-gising ay tiyak na may
Malapit na sakunang naghihintay,
Sa dinayang pagkalikha,
Sa ampaw na pangakong tatag,
pinapatsing sira,
lalo kung laban sa hindi masasalag na pagpagpag ng lindol
o di matatakasang halungkatin ng daluyong,
lagim na maaaring masilip na natin sa mga bansa ng Rusya at Hapon.
Hindi pumayag ang Bataan.
Sumalunga ang sambayanan.
Nagsimula din silang sangkatiting,
Nagsimulang kaunti,
Nag-umpisang pirapiraso
ay nagbangga din
Hanggang nagsanib at naging
iisang mukha ng lahat,
Mula sa timawa hanggang sa salat,
Mukha ng mamamayang tutol sa
Pagkaladkad ng ganid sa tao at kalikasan,
Para isalpok tayo sa karimlan.
Laban ng mga Ama at Ina noon na ipinamana sa
Anak.
Laban ng henerasyong may ilang namaalam na
pero nag-iwan,
Ng halimbawa ng katapangan.
At ang mga pinamanahan noon, ngayo’y
nagsasalin na rin sa iba ng habiling
“Plantang Nukleyar sa Bataan – Salot, Talagang Salot, kasalot salutan!”
Panawagang hanggang ngayo’y umaalingawngaw laban sa
Paggising ng halimaw.
At kaisa tayo ng sandaigdigan,
Na pipili ng mas mabuting
Landas para sa paglikha ng kalasag para sa kalikasan,
Magkaisang patuloy na magpapasyang
Ang pag-inog ng buhay at tao
ay parati ng mag-sasaalang-alang,
Ng kabutihang pangkalahatan.
At yun ang mas nakamamangha.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.