[Statement] Ipaglaban ang substansyal na dagdag sahod sa panahon ng krisis sa kalusugan at kabuhayan | BMP

Ipaglaban ang substansyal na dagdag sahod sa panahon ng krisis sa kalusugan at kabuhayan

Ang Bukluran ay nananawagan sa lahat ng mga samahan ng manggagawa na igiit ang substansyal na pagtataas sa minimum na sahod. Ito ay kagyat na kahilingang hindi na makakapaghintay pa sa pagpapalit ng rehimen matapos ang halalan sa Mayo.
Napako ang minimum na sweldo habang patuloy ang pagtaas sa mga batayang pangangailangan ng mga pamilya ng maggagawa. May mga regional wage boards na ang huling kautusan ay noon pang 2018 (see table).
Ang minimum na sahod ay nananatiling malayo sa Konstitusyunal na garantiya para sa living wage. Ito ay kahit pa ang “demand for a living wage” ang numero uno sa dapat na sampung batayan ng wage board sa pagtatakda ng minimum wage, ayon sa RA6727 o Wage Rationalization Act.

Masakit na ngang ituring na kalakal ang manggagawa, ang mas masahol ay ang pagkakapako nito kahit na tumaas ang kanilang mga gastusin para mabuhay at makapagtrabaho. Kung ang karaniwang idinadahilan sa pagtatakda ng presyo ng mga kalakal ay “cost of production plus profit”, hindi ba’t nararapat lang na tumaas ang sweldo kapag tumataas ang “cost of living”?
Habang umiiral ang mga wage boards (at ang mga batayan nito sa pagtatakda ng minimum) sa ilalim ng umiiral na wage-fixing mechanism, hindi makukuha ng manggagawa ang living wage bilang minimum wage. Kung gayon, nananatiling makatuwiran at makatarungan ang kahilingan para sa pagbubuwag nito at ang pasasabatas ng “enabling law” para tunay na ipatupad ang “living wage”, na itinatadhana ng Saligang Batas.
Dahil sa rehiyunal na pagtatakda ng sweldo, lumubha ang di-pagkakapantay-pantay o inekwalidad sa mga rehiyon. Pinakamataas ang pasweldo sa Metro Manila habang mas maliit sa naghihirap na mga probinsya. Dahil mas maliit ang kita, mas mahina ang domestic market, hindi masigla ang pamumuhunan at komersyo. Naghirap, hindi lamang ang minimum wage earner, kundi ang buong rehiyon!
Ganunpaman, bilang KAGYAT na mga kahilingan, at dahil natulog sa pansitan ang mga regional wage baords, dapat diing igiit ang substansyal na umento upang ihabol ang nawalang halaga ng sahod dahil sa pagtaas sa presyo ng mga batayang pangangailangan, at para iahon ang manggagawang mas naghirap dahil sa mga lockdown noong 2020.
Manggagawa magkaisa! Ipaglaban ang substansyal na pagtaas sa minimum wage bilang kagyat na aksyon ng mga regional wage boards. Paigtingin din ang ating karaingan hanggang maobliga ang mga pambansang kandidato na paksain ang makabubuhay na sahod (gaya nang paano napilitang magpahayag ukol sa kontraktwalisasyon ang mga presidentiables noong 2016). Ang ating paggiit sa kahilingang ito ang siya ring maglalatag ng kondisyon para sa laban sa pagrereporma ng wage fixing mechanism sa bagong sesyon ng kongreso’t senado sa unang SONA ng bagong pangulo.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.