[Maikling Kwento] BORIS | ni Rene Boy Abiva

BORIS

ni Rene Boy Abiva           

Aripue’y isang nilalang

Utusa’t ampaw sa katwiran

Kaya tama lang din na walang

Laman ang kanyang utak at tiyan.

Isang araw ay umulan nang hindi gaanong kalakasan. Iyong eksakto lang. Kumbaga’y hindi nakakairita sa pandinig ng tao. Ni hindi ito nakakabagabag. Para itong salidummay na humehele sa mga gutom sa layang malay at katawan ng mga aripuen. Mga aripuennahindi singlaya ng mga pipit, panal, sitsitok, at martines na lumipad at dumagit sa dibdib ng alangaang. Mga aripuenna hindi singlaya ng tubig na ipadama ang kanyang bagsik at lumanay sa pamamagitan ng pagdaloy at pagsalpok sa mga matatalim at dambuhalang bato sa kandungan ng Ilog Magat.

Tama. Hindi nga isang malayang nilalang ang mga aripuen. Mula sa pagputok ng mga silahis sa likod ng Sierra Madre hanggang sa paglubog nito sa likod ng Caraballo ay bihag sila. Paano ba naman kasi’y naturingan silang mga animal.

Naturingang mas mababa sa hayop?

Ano ang tawag kaya rito?

Ang tawag ng mga namamahala sa kural ay walang iba kundi aripuen. At isa nga ako sa mga aripuen. Maging si Boris. Lahat kami sa loob ng kural na ito’y aripuen.

Nang isang araw ngang yaon na umulan nang hindi gaanong kalakasan. Iyong eksakto lang. Kumbaga’y hindi nakakairita sa pandinig ng tao. Sa bandang Hilaga ng Kural Dos, mula sa kinauupuang lata ng biskuwit, ay aking natanaw si Boris. Ewan ko ba kung bakit sinipag ako na igala ang aking paningin noong mga sandaling yaon sa paligid ng kural na kulay abo. Gayong walang angking ganda ang kulay na ito.

Wala.

Kung mayroon ma’y ito ang kulay naming mga aripuen.

Nakita ko nga si Boris na nakaupo sa ibabaw ng kanyang tarima. Nakatanaw sa malayo. Sa labas ng kural. Subalit hindi ko sigurado kung sa kawalan ng walang hanggan o sa dako paroon, sa kabila ng mga bundok na nakatirk sa kanyang harapan.

“May hiwaga kayang itinatago ang nangingitim sa luntiang kagubatan? Sigurado naman akong wala. Nababaliw na siguro ako,” bulong ko sa aking sarili.

Tahimik na aripuen si Boris.

Malamang ay nagmumuni siya nang araw ngang yaon na umulan nang hindi gaanong kalakasan. Iyong eksakto lang. Kumbaga’y hindi nakakairita sa pandinig ng tao. May kapangyarihan ang tunog at lamig na nalilikha ng ulan. Kapayapaan sa hapong kaluluwa, kalooban, at laman.  

Abala ang ibang aripuen sa paglalaro ng sungka at baraha. Ang iba nama’y masayang nagkukuwentuhan ng kung anu-ano. Dati ko nang narinig ang mga ito: buhay sa labas ng kural, buhay sa piling ng kabiyak, mga nakaw na sandali sa piling ng kulasisi, at marami pang iba. Hindi sila nagsasawa. Ang luma marahil ay nanatiling bago sa lunang walang laya. Ganito nga siguro ang buhay ng isang aripuen, naming mga aripuen.

Ang iba nama’y tulog na nakahilata sa ibabaw ng kanilang mga tarima. Ang iba nama’y nasa sahig na sinapinan lamang ng karton. Ito na ang sumasanggalang sa malamig na singaw ng suwelo. Ngunit hindi sa paligid. Ang palibot ng Kural Dos ay parang hubad na katawan ng magbubukid na maaaring masunog sa apoy ng araw.  

Madalas ngang ganito ang siklo ng buhay sa Bantay Rigat kung saan nakatirik ang dambuhalang kural kung saan naroroon, kami, ng mga kapwa ko aripuen.

Dinadalaw ng tag-ulan at tikag. Parang buhay sa labas.

Dito ko napagtantong bahagi rin pala ako, kami, ng dambuhalang bilog na bato na pasan-pasan ni Atlas.

Oo.

Tama.

Sumisikat pa pala ang araw sa likod ng Sierra Madre at nilalamon tuwing takipsilim ng Caraballo. Ang masama, mundo ang nagpahiwatig na tao kami at hindi ng gaya naming mga tao.

Nasa katinuan pa nga ako. Kaya at nagagawa ko pang magmuni. Nagagawa ko pang nguyain ang mga bagabagin sa aking paligid.

Subalit si Boris ay naroon pa rin. Sana’y hindi sa kinatatakutang kawalan.  

“Tulala pa rin si Boris. Nilamon na kaya siya ng ‘di nakikitang banal o karnal na ispirito?” tanong ko sa aking sarili habang pinagmamasdan siya sa ibabaw nga ng kanyang tarima.

Nakatingin sa labas ng aming kural.

Umuulan.

Malamig.

Waring takatak ng orasan ang patak ng ulan.

Sabi ng mga matatandang aripuen,May mga hindi na nakabalik pa sa kanilang sarili. Oo nga’t naging sing laya ng ibon at tubig pero ang kaluluwa’y tuluyan namang nilamon nang kural. Ano pang silbi na lumaya ang templo kung wari na itong pandesal na walang lebadura? Masain mo man ang isang kilo ng harina sa isang timba ng tubig ay hindi iyan makakalikha ng tinapay na sinlaki ng iyong puso at kamao.”

Subalit palagay lang din ito

Ng mga taong minana pa sa naka-abito

Pagkat kung ilalahad ko

Higit pa sila sa amigo.

Sino nga ba si Boris?

Mag-iisang taon nang aripuen si Boris. Isang ama. Isang mabuting asawa. Isang mabait na anak. Isang tapat na magbubukid. Isang anak ng lupa at araw.

Hanggang sa isang araw ay hinuli siya ng mga Konstabularya ng kapitoloyo. Siya raw ay kasapi sa isang lihim na samahan ng mga magbubukid sa hasyendang pagmamay-ari ni Don Quillo. Galit ang nasabing Don sa mga gaya ni Boris, kung totoo man ang balitang ito. Kung hindi ipinabibilanggo’y ipinapapatay nito ang mga bulate sa kanyang hasyenda. Mayroon siyang mga eskirol na handang gumawa nito para sa kanya.

Dahil hindi nakatuntong ng paaralan ay ‘di rin natutunan ni Boris ang sining ng pagbabasa at pagsusulat.

“Ewan ko ba kung bakit bigla na lamang akong napatango at sumama sa mga Konstabularya. Naduwag yata ako,” usal minsan ni Boris.

At noong araw din ngang yao’y iniharap siya sa piskalya, kay Piskal Sakto.

“Inglesero ang mga tao sa loob ng silid na yaon. Mayroong mukha ng Hari sa kulay gatas na pader. May mga umiikot na abaniko sa sala at kisame. Lahat sila ay mukhang gagalangin. Naka-slacks at long sleeve na puti ang karamihan. Ang iba nama’y naka-Amerikana. At amoy sampaga sila. May mga makikinang na diyamante sa mga daliri sa kamay. Naka-pamada pa ang mga kalalakihan. May makinilya sa kanilang harapan. Kay kintab ng kanilang suot na sapatos. Ang mga sandalya naman ng mga kababaihan ay ni ‘di yata nahalikan ng putik at alikabok. Habang ako, amoy anghit. Kagagaling ko ng banos noong mga araw na yaon. Masama ang tingin nila sa akin. Napakasama.”

Basta idiniin niya ang kanyang mga daliri na may tinta sa papel, at pagkatapos ay kural na nga ang kanyang kinabagsakan.

Makakalaya naman siya kung tutuusin.

Kaso, kailangan niyang maglagak ng halagang 12,000 piso sa tresorera sa Munisipyo ng Lipasna. Saan naman siya kukuha ng salaping ganoon?

Sa gaya niyang anakpawis, kahit pa madaing siya sa kagagawa ng gawaing bukid at sa mga banos na ‘di naman kanya’y ‘di niya iyon maiipon sa kadahilanang nakabalabal sa kanyang katawan ang utang na ‘di nababayaran ng kanyang Lolo sa tuhod.

Minsan, sabi ng aripuenna si Asyong sa aki’y kamag-anak daw na buo ni Don Quillo si Piskal Sakto.

“Huwag mo nang asahang makakalabas nang maaga si Boris lalo pa’t balita nga’y kasapi siya ng isang lihim na samahan. Marami ang gaya niya na gaya ko. Dito na tumanda. At mukhang dito na rin aanihin ng karit ni Kamatayan.”

Wika nga’y may bibig at pandinig ang hangin at lupa, nang malaman nga ito ni Boris ay lalong nadagdagan ang kanyang pagiging tahimik. At nakita ko ito.

Hinala tuloy ng ilan ay baka nag-uumpisa na siyang maburyong at kung ganap mang nagapi na ang kanyang kaluluwa’y magiging isa na siyang mauyong. Ito ang kinatatakutan ni Pedro, isa sa mga pinakamatagal na aripuensa aming kural.

“Sa umpisa’y ganyan ang sintomas ng taong maaaring maging mauyong gaya noon ni Tayaban.  Noong una’y nag-umpisang maging tulala. Pagkatapos ay mayroong nakakita na mga taong matagal naman nang namayapa sa mundo.

Hanggang sa ito’y nakakadinig na ng mga iyak at sigaw. Palibhasa’y kuta itong kural noon ng mga Hapon. Hanggang sa tuluyan nga siyang maging mauyong. Sinunog niya ang buong Kural Dos habang tulog ang gaya niyang aripuen gamit ang gaas, barnis, damit, at tsinelas.

Yung mga tsinelas ng mga aripuengtulog ay kanyang inipon at kanyang sinilaban kasama ang kanyang sarili. Pinaliguan niya ang kanyang sarili ng gaas.”

 Nakakakilabot daw noong mga panahong yaon sapagkat ‘di agad nabuksan ng mga Konstabularya ang bakal na pintuan ng kanilang kural.

May mga namatay agad.

Ipinagsisigawan pa raw noon ni Tayaban na “Andiyan na sila! Andiyan na sila! Susunduin na nila tayong mga aripuen. Lalaya na tayo mga hangal na aripuen!”

Hanggang sa kumalat nang kumalat ang nagngangalit na apoy.

Mapula.

Mabaho.

Amoy ang sangsang ng mga sunog at natostang laman at dugo.

Ang mga aripuen nama’y panay ang sigaw nang, “Tulong! Tulong! Tulong!”

Sa sulok naman ng kural ay naroroon ang nagliliwanag na si Tayaban na animo’y Kristo.

Natatawa.

Nagsisisigaw.

“Mga takot pala kayong mamatay?!” at nagbagsakan nga ang mga nangahilo’t nangamatay niyang kapwa aripuen. Habang siya’y masayang nagpalamon sa apoy.

“Mauyong!” wika ng isang aripuen.

“Satanas ka!” wika ng isa pa at hinugot nito ang imuko na nakatago sa kanyang tagiliran.

Sinaksak niya sa tagiliran si Tayaban. Niyakap siya nito at nagawa pang kagatin ang tainga ng nanaksak. Paglao’y sabay din silang nasunog.

“Iyong mga sigaw at iyak na sinasabi ni Tayaban ay para tuloy yung sigaw at iyak nung limang detenidong namatay. Halos matutong sila dahil sa lakas at laki ng apoy. Sadyang nakakakilabot yung pangyayari,” dagdag na paglalarawan ni Pedro.

“Tsaka ang masaklap, walang tulong na natanggap iyong mga namatayan at noong inilabas iyong anim na bangkay sa kural, binalot na lamang sila sa karton at banig. Nakakaawa ang kalunos-lunos nilang sinapit. Iyong isa nga doon ay aking pamangkin, si Oliver,” singit naman ni Tansoy habang nagbibilot ng nganga.

At kaya ko itong panindigan

Ako ma’y ubos-kayang pahirapan

O isilid sa walang-kaparis na libingan.

Seryoso ngang usapin kung sakaling maging ganap na mauyong si Boris.

Sintomas na nga kaya ng pagiging mauyong ang aking nakikita?

Paano ko ito malalaman kung ako’y uupo lamang sa lata ng biskuwit.

Lumapit nga ako sa kanya.

“Boris, kumusta ka? Bakit parang malayo ang iniisip mo?” tanong ko sabay tapik sa kanyang balikat.

“Mayroon kasi akong natanggap na balita kangina nang dumalaw ang kapatid ni Dummay,” mahina niyang tugon.

“Eh baka nais mo itong ibahagi sa akin at baka sakaling mayroon akong maitutulong,” alok bigla ni Mokong na kangina pa pala sa aking likuran.

“Naku, huwag na’t marami din naman kayong mga suliranin sa buhay. Baka makakadagdag pa ako.”

“Heto naman oh para kaming ‘di mo kapwa aripuen na ‘di kayang tumulong sa kapwa aripuen. Dahil yaman at nandito na lamang din tayo sa kural ay tayo-tayo na lamang din ang magtutulungan,” katwiran ni Mokong.

At sa hindi maipaliwanag na dahila’y waring gamugamong nangagsilapit sa apoy ng kingke ang mga kapwa aripuen. O kung bubuyog at paruparo ma’y pansamantala nilang iniwan ang sinisipsip na bulaklak at kanilang dinamayan ang sugatang mga petalo ng rosas.

At nagbukas nga ng pintuan at bintana si Boris.

Malaya niya kaming pinapasok sa kanyang dampa’t kasabay noo’y naging malaya ang kanyang dila at bibig sa pagkuwento.

“Wika nang bisita ni Dummay ay pumanaw na raw ang aking Ina. Sa ngayon ay hindi pa alam ang dahilan ng kanyang kamatayan. Maraming haka sa aming baryo. Nauntog. Nalunod. Ewan ko. Magkasama raw sila sa bukid noong araw na iyon ng kapatid ni Dummay nang bigla na lamang daw nakadama ng hilo si Ina. Pagkuwa’y parang puno ng saging matumba sa gitna ng bukirin. Hindi naman agad nasalo ng kapatid ni Dummay sapagkat hawak niya noon ang pakaw ng kalabaw. Unang sumubsob daw sa putikan ang ulo ni Ina. Paharap. Itinakbo naman daw siya sa pinakamalapit na RHU pero huli na ang lahat. Wala nang buhay si Ina nang marating nila ang pagamutan. Sa ngayon ay nakaburol daw siya sa kamarin ng barangay. Pinaglalamayan ng mga gaya naming magbubukid.”

“Maaaring nabagok siguro ang ulo niya sa kung anumang matigas na bagay siguro,” sabi ni Salaknib.

“Maaari nga pero tingin ko, dapat mag-isip tayo kung paano tayo makapag-aabot ng tulong sapamilya ni Boris. Andito naman si Dummay na maaaring sabihan ang kanyang kapatid na dumalaw sa Linggo. Sa kanya na natin iabot ang ating abuloy,” mungkahi naman ni Blando habang nakasalupakpak sa sahig na pinatungan niya ng karton.

“Tama! Magbibigay tayo ng abuloy sa kanyang pamilya! Sasabihan ko ang mga kapwa aripuen sa lahat ng kural na magbigay kahit na magkano. Pero dito sa ating kural ay kokolektahin ko na ngayon,” muling sagot ni Salaknib.

Sang-ayon ako sa mungkahi ni Salaknib.

Inilabas ni Blando ang kanyang lumang palos at pinaikot sa aming kural.

Ang bawat isa’y nagbigay ng anumang makakayang ibahagi sa naulilang pamilya ni Boris.

Hindi ko inaasahang aabot ang koleksyon ng higit sa anim na libong piso. Malaking tulong na ito.

Ganito ang malasakit ng isang aripuen sa kapwa aripuen.

Hindi nga mahirap kausap ang mga aripuen.

Matino silang kausap.

Likas yatang magkakaugnay maging ang aming pang-unawa sa mga bagay-bagay.

Pagkuwa’y aking napansin na sumilay ang ngiti sa mukha ni Boris. Sing ganda na ito ng mailap na liwanag ng araw kung tag-ulan.  

Hanggang sa ‘di niya nakayang pigilan ang pagkiwal ng kanyang damdamin. Ang batang nilalang ay umiyak.

Ang inaakusahang tao na nais kumalaban kay Don Quillo ay nagpakita at nagpakawala ng kanyang nadarama’t karupukan! Pagmamahal hindi sa kanyang sarili kundi sa kanyang Ina.

Ang mga aripuen naman ay nag-alay ng maaasahang bakal na mga bisig.  

At kahit pa ako’y paliguan ng pusil

Papanindigan kong aripue’y ‘di inutil.

Kinaumagaha’y bumisita nga ang kapatid ni Dummay.

Kanilang ipinadala ang isang supot na naglalaman ng abuloy. Mismong si Boris ang nag-abot. Makailang- ulit nitong sinabi na sabihin sa kanyang ina na mahal na mahal niya ito.

Muli siyang lumuha.

Nakasima ito sa lahat ng tao sa Lugar-Dalawan. Wala siyang pakialam.

Wala.

Wala.

Sapagkat Inay niya’y nawala!

Sadyang mahirap nga naman ang mamatayan ng kamag-anak habang nasa kural. Kailangan pang konsultahin ang abugado upang makagawa ito ng mosyon na kanya naman isusumite sa korte. Nakadepende na sa korte, kay Huwes, ang pasya kung papayagang makabisita ang isang aripuen para sa kanyang kamag-anak na pumanaw.

At kung payagan ma’y dapat hindi lalagpas ng 50 kilometro mula sa kural.

Sa kaso ni Boris, panaginip ito.

Napakalayo mula sa kural ang lugal na pinagburulan sa kanyang Ina.

At ito lamang, na lamang, ang tanging nagawa at magagawa ng mga aripuen. Bukod sa abuloy na nalikom ay alayan sila ng dasal.  

Noong araw ngang iyon na umulan nang hindi gaanong kalakasan. Iyong eksakto lang. Kumbaga’y hindi nakakairita sa pandinig ng tao. Ni hindi ito nakakabagabag. Ang mga aripuen ay nagpasalamat kay Apolaquisapagkat hindi naging isang mauyong si Boris.

               Ang ulang yao’y tanda na marahil nang nakikiisang langit.

Mitsa na rin marahil ng kanyang tapos nang pagluluksa.

Mitsa ng pagtanggap sa isang katotohanan.

Ngunit ‘di na gaya nang dati si Boris. Siya ay maaliwalas na. Pinalis nang ulan ang lahat ng hibla ng kalungkutan at takot. Para siyang bagong sibol na bulaklak ng amorseko.

“Paka-ingatan mo si Ina, Ama.”

Sabay angat niya sa kanyang noo patungong langit.

Huminga siya nang malalim paloob.

Nakadama siya ng kapayapaan at muli siyang isinilang.

Hindi siya isang mauyong. ###

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.