Tag Archives: Rene Boy Abiva

[Maikling Kwento] BORIS | ni Rene Boy Abiva

BORIS

ni Rene Boy Abiva           

Aripue’y isang nilalang

Utusa’t ampaw sa katwiran

Kaya tama lang din na walang

Laman ang kanyang utak at tiyan.

Isang araw ay umulan nang hindi gaanong kalakasan. Iyong eksakto lang. Kumbaga’y hindi nakakairita sa pandinig ng tao. Ni hindi ito nakakabagabag. Para itong salidummay na humehele sa mga gutom sa layang malay at katawan ng mga aripuen. Mga aripuennahindi singlaya ng mga pipit, panal, sitsitok, at martines na lumipad at dumagit sa dibdib ng alangaang. Mga aripuenna hindi singlaya ng tubig na ipadama ang kanyang bagsik at lumanay sa pamamagitan ng pagdaloy at pagsalpok sa mga matatalim at dambuhalang bato sa kandungan ng Ilog Magat.

Tama. Hindi nga isang malayang nilalang ang mga aripuen. Mula sa pagputok ng mga silahis sa likod ng Sierra Madre hanggang sa paglubog nito sa likod ng Caraballo ay bihag sila. Paano ba naman kasi’y naturingan silang mga animal.

Naturingang mas mababa sa hayop?

Ano ang tawag kaya rito?

Read more

[Tula] (AN)ANIB -ni R.B. Abiva

“Pika a maiwekwek iti bakrang/ dayta dilam a naabasan ken napatirad/ kadagiti proberbio nga inka insalsalikad.”- Roy Vadil Aragon, Ukom (2019)

Bago lumagom ang malamig na gabi
at lisanin ng alinsangang mula sa hininga
ng Sol ang ibabaw ng mga pinitak-banos,
isinuot kita nang sa gayo’y makita ko sila
kahit pa sa lalim ng dilim, at kahit pa
nababalutihan sila ng balat ng palaka,
wala silang panama, walang-wala!
Maging ang kanilang mga bala!
Sapagkat suot-suot ko ang kampilan sa paggawa
hindi lamang sa aking laman kundi maging sa
kaibuturan ng aking nagbabagang kaluluwa.

Nobyembre 27, 2019
Lungsod Quezon, Maynila

Mga Tala:
An-anib- iluko ng agimat.
Sol- latin ng araw.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Right-Up] ATANG -ni. R.B. Abiva

Anim na araw nang inaapoy ng lagnat si Bitot. Anim na araw na rin siyang hindi nakakalabas ng kanilang barung-barong na nakatirik sa pasigan ng Estero Dolorosa. Anim na araw na ring aligaga ang kanyang amang si Kulas na kantero sa itinatayong SM gayundin ng ina niyang si Marta na tindera ng sampagita sa Parokya ni San Nikolas ng Tolentino, ang pintakasi ng mga kaluluwa sa purgatoryo. At sa pang-anim ngang araw ng kanyang pagkakasakit, siya’y pinukol ng walang katulad na deliryo.

Napauwi nang wala sa oras si Kulas mula sa konstruksyong pinapasukan gayundin si Marta. Inabutan nilang umiikot-tumitirik ang bola ng mata ni Bitot. Nanginginig at walang ibang usal ang yayat na katawang may tuyong bibig kundi ang ngalan ng kanyang ama at ina.

Kumaripas ng takbo si Kulas palabas ng kanilang tahanan at dagli nitong tinahak ang madilim-masikip-mabahong kalyehon papunta sa bahay ni Kapitan Tiyago. Uutang siya ng kwartang ipampapagamot sa nag-aagaw buhay niyang anak. Noong mga sandaling yao’y abala sa paglalaro ng madyong ang kanyang pakay. Nilapitan niya ito subalit isang malaking pagtanggi ang kanyang natanggap. Lumuhod siya. Nagmakaawa. Subalit uyam at irap pa ang kanyang tinamo. Ano at saan naman daw huhugot ng ipambabayad ng utang ang gaya ni Kulas na isang kahig, isang tuka? Ni Kulas na wala man lang magandang asawa?

Nang mahimasmasang walang mapapala’y nagpasya si Kulas na umuwi na lamang. Pagkarating niya sa bukana ng kanilang barung-barong ay sinalubong siya agad ng mabigat at matalim na alulong at palahaw. Boses iyon ni Marta na isinisigaw ang ngalan ni Bitot. Malakas. Malakas na malakas!

Ano pa’y kinutuban na ng masama si Kulas at pagkabukas niya ng kanilang pintuang yari sa yero, animo’y sinakmal ang kanyang puso’t sumungalngal ito sa kanyang lalamunan. Nanginig ang kanyang laman at animo’y ibinudbod ang kanyang puso sa isang palanggana ng bubog. Laylay-matigas na ang katawan ni Bitoy sa pawisan-luhaang dibdib ng kanyang ina habang tirik-nawalan na ng pusikit ang kamay nitong mahilig kumaway sa tuwing aalis si Kulas.

Balisang nilisan ni Kulas ang gigiray-giray nilang tahanan. Umalis siya sa araw ding yaong napabalitang ipinakain kay Kapitan Tiyago ang mga bola ng madyong. At sa araw ding yao’y natagpuan si Kulas na nakasubsob ang ulo sa kulay lupang mascuvado, may apat na butas sa katawan at dalawa sa ulo.

Oktubre 9, 2019
Lungsod Quezon, Maynila

Tala: Atang- Iloko ng alay.

Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Ang kaniyang mga tula ay nagwagi bilang “9th Human Rights Pinduteros Choice for HR Right-Up” na ginanap nitong -ka-2 ng Disyembre 2019 sa Cocoon Boutique Hotel sa Q.C.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Duguang Langit – ni Rene Boy Abiva

Pagkatapos mananghalia’y
ipinakita ni Sumatra
kay Ayu Putri Wijianti
ang mukha ng hinaharap–
pagkatapos hubaran ng makapal
na usok na sinlaki
ng mga bundok
mula sa nasusunog na
kagubatan– ang mapanlinlang
na bughaw na kalangitan:
nakapangingilabot pala
ang nalalapit na
paniningil ng
mata ng Diyos
na si Kratos!
At maging ang diyus-diyosang
si Widodo
ay tiyak mapupulbos!

Setyembre 24, 2019
Lungsod Quezon, maynila

Kratos- Anak ni Zeus; Diyos ng Digma.

Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

[Tula] Agua de Mayo -ni Rene Boy Abiva

Walang kapaguran ang langit
sa pagbuhos ng ulan.

Nagsimula nang maipon
ang tubig sa kanto kung saan
minsa’y inani ang kaisa-isang buhay
ni Ismael Malay.

Tag-ulan din noon
pero hindi Mayo
pero nakatulos pa rin
na parang kandila
ang mga poste ng kuryente
at ang mga kable
ay umuugoy pa rin
na waring mga bandila
na minsa’y nagbigay pugay
sa kanya.

Bukas,
uulan pa kaya?
Kapwa nananabik din kasi
ang aking katawan at kaluluwa
sa malamig at masarap na dampi
ng ulan kung saan ito
ang huling nadama
ng aking magiliw na kasama
at kaibigan sa pakikibaka.

Mayo 8, 2019
Lungsod Quezon, Maynila

Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Ulan-Dagitab -ni Rene Boy Abiva

Ulan-Dagitab
ni Rene Boy Abiva

Halos araw-araw kung tipunin ng dibdib ng langit
ang sumisilakbong alyenasyon ng bakal na mundo;
halos gabi-gabi’y nais niyang pakawalan
ang mga pumailanlang na tibok ng puso
at hininga na mula sa bunganga ng mga dukha
sa lupit-bangis-lalim ng dilim
na animo’y lalamunan ng nilulumot-inaamag na balon;
at walang sandali na ‘di niya ninais na maging kaisa
ng mga nakakuyumos na kamaong gamundo
ang tangis at paghihimagsik
laban sa kalam ng tiyan at balasik ng puhunan;
at sa sandaling maganap ang hinihintay niyang sandali
-ang tag-ulan-
ay tiyak pakakawalan niya ang malamig na butil ng tubig
na nagkukuta sa bukal ng partenon
at walang kapangimipangimi niya itong ihahandog
sa mga lumang tapayan na siyang magsisilbing kalis
sa sentro ng sabsabang yari sa basura;
habang ang mga alitaptap na may hawak na sulo
ay lilipad-iindayog sa saliw ng kanyang banayad-madulas
ngunit mabigat-puno ng bagwis at pisik
na ganting-salakay.

Marso 29, 2019
Lungsod Quezon, Maynila

Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Support #KarapatDapat na Agenda campaign! Click the video to know more.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Right-up] Hamon Sa Mga Makatang Pugante -ni Rene Boy Abiva

Hamon Sa Mga Makatang Pugante
ni Rene Boy Abiva

Bago ka magsimulang humabi ng mga salitang Victorian
at iputong sa ‘yong ulo ang gintong laurelya
mainam na hubarin mo ang ‘yong sapin sa paa
gayundin ang balanggot ng ‘yong kaluluwa.

Kung tunay kang ‘di pugante
ay bakit ‘di mo gawing isang napakalaki
at napakalapad na papel
ang magaspang, maputik at maalikabok
na kapirasong lupa kung saan ka
nakatayo na waring isang bulaklak na sumibol
sa gitna ng disyerto
ng mga kalansay at bungo?

Bakit ‘di mo gawing bida
ng ‘yong mga obra
silang mga nakadungaw at nakatanghod
sa kulay dagat na langit
silang mga yayat ngunit butete ang tiyan
silang amoy panis na laway at pawis
silang ang mata’y waring sa mata ng uwak
na gutom, gutom na gutom?

Kung tunay kang ‘di pugante
ay bakit ‘di mo damputin ang ‘yong sariling anino
at gamitin ito bilang ‘yong pluma
at iukit mo sa dibdib ng nilalagnat na daigdig
-ang init at kirot ng lipunang wari
sa isang bulkang malapit nang sumabog
at nagpupumiglas na mga atungal
dulot nang labislabis na pagpapagal
sa kalawakan ng kahirapan
at dagling buhay at kamatayan?

Dito ka susukatin at hahatulan
kasama ng ‘yong panitik ng kasaysayan
na madalas mong banggitin, landiin at paglaruan-
kung kaisa mo ba hanggang sa huli
ang mga hinabi mong titik
o likas na hinabi mo lamang sila
upang ika’y makaani ng mga papuri
matapos mong bulagin ang mga ‘di mo kauri?

Kung pugante ka nga’y higit na mainam gawing balot ng iyong kabaong
ang madalas mong sambahing kurtina ng venetian
na naghihiwalay sa ‘yo at sa buong uniberso
ng mga taong tinik na bakal ang korona sa ulo.

Enero 13, 2019
Lunsod ng Quezon, Maynila

*Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Right-Up] Manila -by Rene Boy Abiva

Manila
by Rene Boy Abiva

One afternoon
I felt that
the blood of Christ
fall drop by drop
into my tormented heart
and soul;
the bitterness is full
a the truth that is painful-
temptation of creeping death
is blossoming over
the snares and breast
of the naked and dark
city of the Orient.

February 24, 2019
Quezon City, Manila

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Right-up] Acumen -by Rene Boy Abiva

Acumen
by Rene Boy Abiva

Unshackle us from the yoke of idiocy
and listening to thousand marching feet
of Commoners nestling in the corner
of our tainted and hollowed soul.

Wishing to pull the rope and trigger
spinning the world—
and like two naked lovers
it crave to forge oath and Eros
amidst of light and darkness
in pain and pleasure
warmth and aloofness.

It covet to manifest strength
by clasping thick and sharp dribs of falling rain
that made the blood of the Deity
reddish and sticky
but sweeter than wild honey
to sprout and flourish on the hands
of the dying Jesus Christ
on thick-wooden Roman cross.

That after five, ten and fifty years of captivity
like dove in a bronze crate of the late Caesar
the blistering and boiling fire of resurrection
has fate like a slumbering giant volcano,
a temptation that ruled the heart
of every in rage and great men for centuries
a plea that can make the iron-like roots of Kamagong to arise
and to conquer even the cynical un-holy sky
and pull it back to harsh-stony yet muddy land
and be baptize on a river made of molten gold and rock.

Oh, acumen…
open our eyes, the mirror of our inner being
do not allow it to blink even for a single moment
and fell in deep sleep and dark well of nothingness
so that we can unleash manacled facts and secrets
that is written in the Book of Life—
buried in the Valley of Death
or in the sarcophagus of dead emperors and warlords.

We must fulfill this duty
on numbing and bleeding womb of humanity:
more than fine and gleaming fists made of ivory
more than the virtuous scent of newly cut Pine Trees
on the breathing, moving and milky breast of Sierra Madre,
more than the blazing coal and a warriors victory—
more than the firmness and blade of a Katipuneros bolo
that unchained their subtle neck and waist
against the Queens’ pawns and friars
more than the reaped and offered glory
on dying Motherland,
after countless wars and political turmoil—
The revolutions of masses are more than the ideals
of Rizal’s literature which was paid by fortune
through burning bullets from the long and old barrel
of Spanish Mauser.

November 12, 2018
Quezon City, Manila

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Asukal na Pula (alay sa Sagay 9) -ni Rene Boy Abiva

Asukal na Pula (alay sa Sagay 9)
ni Rene Boy Abiva

Sagay…
sa ibabaw ng lupa mong tiwangwang na wari sa ‘sang ulog
dekada ka nang kaulayaw ng mga pagal na kaluluwa ng mga sakada
at ang maalat-maasim nilang pawis ang tumubog
sa katas ng bawat sangang nakatirik na anong tamis
na sa katas ng bawat sangang nakatirik ay anong pait ang pagka-amis.

Sagay…
sa ibabaw mo’y mayroong munting dampa
dampang yari sa kawaya’t binubungan gamit ang lona
na moog na sanang maituturing ang nakapalibot na haliging yari sa tubo
na kung lumawiswis sa kalagitnaan ng paggawa
ay animo’y uyayi nang ‘di mabilang na ama at inang pinatatahan sa kanilang dibdib
ang pagod na katawan at utak ng mga Anak ng Sakada
na kung umatungal ay waring pagod na baka at kalabaw
na kung mangarap ay nais ding abutin ang lahat ng kanilang tanaw.

Hanggang sa…
pasado alas-nuwebe gabi ng Oktubre beinte
unang gabi ng bungkalan sa Hacienda Nene
sing linaw ng liwanag ng buwan sa ala-ala ni Danilo Canete
kung paano nilasog ng balang wari’y sa machete
ang mga katawan ng sakadang lalaki at babae-
kinse minutos na umulan ng bala
na sa dami’y animo’y mga alitaptap na nabulabog sa kailaliman ng gabi
binalot ng ingay at alingawngaw ang paligid
ng mga pagputok na wari’y mula sa kwitis na sinindihan
upang salubungin ang Bagong Taon,
sa may kalayua’y pipisikpisik ang bunganga ng mga kanyon
na waring sa ‘sang kidlat
nangamoy pulbura at kalburo ang hangin
bumigat at nangamoy dugo
ang dating simoy na mula sa dagta ng tubo,
sumisigaw at manakanaka’y nagtatawanan ang bando ng mga bandido
at ‘di nakuntento at lumapit ang ilan sa kanila
at pinagkakalabit sa ibabaw ng ulo at dibdib ng siyam na sakada
ang bakal na gatilyo ng kwarenta y singko at trenta y otso,
habang sa magarbong palasyo ni Carmen Tolentino at Allan Subinco
naka-upo ang dalawang Panginoong Maylupa sa silyon
tumotongga ng ‘sang bote ng vodka’t puluta’y ubas
habang inaawit ng radyo ang Silent Night.

Sagay…
magpapasko na naman at babaha ng mga putaheng matamis
sana’y sa kada-nguya ng mga panga sa malutong na balat ng letson
o sa manamis-namis na hibla ng ispageti
o sa ‘sang tasa ng mainit na kape,
mayroong maka-alala ni isa sa mga Pilipino
na noong unang gabi ng bungkalan sa Negros
may s’yam na nagbuwis ng buhay
sa ngalan ng pakaasam-asam na kalayaan
laban sa mapaniil na sistemang pyudal
na sa una ngunit ‘di huling pagkakataon
kahit ‘sang saglit
kahit ‘sang saglit
hayaan nating tayo’y gisingin ng pait
ng asukal na pula!

Oktubre 30, 2018
Lunsod ng Queson, Maynila

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Swapang -ni Rene Boy Abiva

Swapang
ni Rene Boy Abiva

Anong manhid at lupit sumuso ng pamahalaan

sa barker ng dyip na si Bobong

at sa gasoline boy na si Buting:

mula sa pandesal na tres pesos ang isa

na s’yang agahan

sa gaya nilang maralita,

na madalas parisan ng kapeng tingi-tingi

sa tindahan ni Aling Lita

na malabnaw sa kulay

o mapakla sa lasa

sapagkat higit na mas madami

ang mainit na tubig

sa kape at asukal,

hanggang sa mangungutang muli

ng ‘sang lata ng sardinas

o boy bawang

na muling ipapares sa tirang kaning-lamig

para sa kanilang hapunan,

na kanila pang pagpapatsi-patsihin

upang muling maka-abot sa bukang-liwayway

nang sa gayo’ y malagyan ng karga

kahit papano ang kanilang sikmura

at makayanan ng kanilang payak

na laman at kalansay

ang maghapong pagtatawag ng mga pasehero

at pagpihit ng gripo ng gasolina

sa may sakayan ng dyip

na rutang Cubao-Antipolo.

At marami ang gaya ni Bobong at Buting

na salat sa kwartang nakakasapat.

Tuldok lamang sila

sa syudad na yari sa basura:

‘alang maayos na patubig,

‘alang maayos na kuryente,

lahat ay matiyagang kumakahig

nang higit pa sa kaya ng makina.

Mula sa pangangalkal ng kalakal

hanggang pagtitinda ng kung anu-anong kalakal sa talipapa

gaya ng tilapya, tahong, bangus,

pitaka, sinturon, relo, tsinelas, sigarilyo,

kakaning malagkit, anting-anting, rosaryo,

lana ng niyog, diyaryo, kendi, cellphone,

pamamalimos ng mga bulag

at nagbubulag-bulagan,

hanggang sa sukdulang pagbebenta ng aliw

ng mga babae

sa mga kabaret

na dama mo agad ang pait

na kanilang nadarama

dahil sa ilaw na pula

na lumagom sa kanilang puring kung sila lamang sana ang masusunod

ay anong ligaya nilang ihandog

sa lalaking s’yang tangi lamang may karapatan

na sumiping sa kanilang laman at kaluluwa.

Ano ba naman kasi ang aasahan ng mga gaya ni Bobong at Buting

sa lipunang mas madali pa ang mamatay kaysa mabuhay,

sa lipunang ang pinakamadaling lapitan at asahan

ay ang gaya ni Tang Pedring na ‘sang albularyo

o Manang Lita na partera,

‘di ang mga gaya ni Franciso Duque o Janette Garin,

mga doktor na nagpakadalubhasa sa malayong ibayo

kaso, daang libo naman ang serbisyo.

Sa kaso ng mga pobreng gaya ni Bobong at Buting

sinadya ng mga paham

na ‘di para sa kanila ang mundong ito

kaya’t kailangan na nilang agawain ang mundo

sa anumang paraan

sa anumang paraan

bago pa mahuli ang lahat.

Hulyo 13, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Zaragosa ni Rene Boy Abiva

Zaragosa
ni Rene Boy Abiva

Lumuha ng dugo ang Birheng Niebe at Batang Kristo
nang mabuwal sa kanilang harapan ang alay na kordero.
Umagos at dumayukdok ang mga butil ng dugo
sa paanan ng kulay puti at gintong pulpito,
mula sa tatlong butas ng punglong
idinuldol sa kanyang bungo.

Nagapas ang kanyang hininga
‘di dahil sa talim ng espada, glotina o kutsilyo
o pagkakapako sa krus gaya sa Bundok Kalbaryo
na ugali ni Ceasar at ng buong bayan ng mga Romano.
Kundi sa paraang pataksil, duwag at barbaro
sa ‘sang pisil ng manhid at bayarang hintuturo
sa kalawanging bakal na gatilyo.

Ilang araw na nagdilim ang langit
ilang gabing ang uyaying nagpatahan sa mga umiiyak na sanggol
ay ang alulong ng magkasiping na luksa at hapis.
Sa bigat ng danas,
ay waring mabibiyak ang mga kumikislap na marmol
sa mga altar at ataul.

At sa pagka-ulila ng buong bayan ng mga magsasaka,
sisibol mula sa lupang binulidan ng mapula’t malapot n’yang dugo
ang nag-aalsa’t lumalagitik na mga dagitab
mula sa nag-isang puso at dalumat
ng mga nagsitindig na mga mananampalataya.

Dinggin ang gitaw ng mga dahon at palay sa bukirin t’wing dapit-hapon
na waring lumagitik na pakpak ng anghel .
Gumising at magbangon sa matagal na pagkakahimbing t’wing bukang-liwayway
at hayaang ang sanlaksang silahis ay waring dila ng apoy
na pupuksa sa mga halimaw.

Hunyo 17, 2018
Lunsod ng Queson, Pilipinas

*alay ang tulang ito kay Fr. Richmond Nilo. Martir ng simbahan, martir ng sambayanan.

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Nutri-Asia -ni Rene Boy E. Abiva

Nutri-Asia
ni Rene Boy E. Abiva

Panay ang pang-eenganyo ng mga imahe sa ‘sang dambuhalang billboard
sa kahabaan ng Edsa at North Luzon Expressway
bitbit nila ang paulit-ulit mong islogan
mula 1996 hanggang ngayon:
“ masarap, masaya ang lutuin
kung hahaluan ng Datu Puti, Silver Swan, UFC,
Mang Tomas, PAPA, Golden Fiesta at Locally.”

Habang sa mga magasin ay panay ang ‘yong pagpapabida
sa mga putaheng mula sa kusina ng mga gitnang-uri
pinoy fried chicken, pork binagoongan, fried porkchop,
inihaw na baboy, tortang giniling, seafood sinigang,
choco peanut brownies at bulalo.

Tsaka mo papalabasin sa kwadradong telebisyon
ng bawat sambahayan si Marian Rivera
na ngiting-ngiti at kikindat-kindat,
habang suot ang kulay gumamela n’yang daster.
Siya’y uupo sa harap ng malinis na hapag kainan
habang magiliw n’yang tutuhugin ang ‘sang hiwa ng karne gamit ang kubyertos.
Anong giliw n’yang isasawsaw ‘to sa ‘sang platito
ng kulay- lupa at malapot na sarsa ng Mang Tomas.
Tsaka n’ya iaangat ang kanyang mala-labanos na kamay
at animoy nang-aakit habang isinusubo at nginunguya ang laman.
Mapapapikit s’ya sa sarap
mapapalunok at mapapahagod ang kanyang mahabang dila
sa kanyang bibig na binalot ng makapal na lipistik.

Tsaka lilitaw ang ilan pang mga pabatid
mula sa kung sinu-sinong bayarang endorser ng alak, gamot at shampu.

At lalabas sina Alden at Maine.
Maghaharutan muna tsaka magsusubuan
ng kung anong putahe sa eksena.
Paglao’y kikiligin ang isa’t-isa
sa t’wing hahagod sa kanilang labi
ang pritong tilapyang ibinulid sa Datu Puti.

At maglalabas ka ng ‘sang artikulo sa ‘sang kilalang tabloyd
“ taste is power, blah, blah, blah,” ‘ika mo.
at sasagutin ka ng ‘sang kilalang anawnser,
“more power, congratulations! blah,blah,blah.”

Kumita ka nang limpak-limpak!
Pinagkakitaan mo kahit ang huling gabi ng mga natigmak.

Hanggang sa ikaw muli ang lamanin ng mga balita
‘ala ka rin palang pinagkaiba sa PLDT at Coca-Cola
na kontra-manggagawa
lapastangan ka!

Hunyo 16, 2018
Lunsod ng Queson, Pilipinas

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Fire Tree -ni Rene Boy Abiva

Fire Tree
ni Rene Boy Abiva

Patapos na ang taglagas at tag-init
at pasibol na ang sunod na siklo’t kabanata ng mundo
nang ako’y ‘yong batiin ‘sang masalimuot na hapon
sa Kalye Dungon
gamit ang mapula’ t manipis mong talulot
na ‘alang pag-aatubiling pinitas ng hanging mula Zaragosa
sa dikta ng magkasiping n’yong katwiran at pag-ibig,
sa syudad kung saan bawat umaga’y ikaw ang aking nasisilayan
sa parihabang bintanang yari sa sala-salabat na ala-ala at kapis.

Nang dumampi sa aking pisngi
ang magaan at malamig na dila ng ‘yong apoy,
waring pinungasan mo ang naipong hapis
sa aking puso’ t dalumat,
waring kinintal ng ‘yong malambot ngunit nanunuot na hipo
ang mga nagsasalibarang guni-guni sa aking bungo
at nakadama ako bigla ng mga titis na nagkakalantugan
sa kaibuturan ng aking pagiging tao.

Wari’y nakuryente ang aking bayag sa pagkakaupo sa ‘yong paanan
at sumungalngal ‘to sa aking tigang na lalamunan.
Napalunok ako.
Napalunok nang higit sa ‘sang segundo
at waring winagwag ng mala-bisig mong mga sanga ang aking leeg.

Ano ba noon ang ginawa mo sa akin?
Hinila mo ang aking dila hanggang sa hangganan nito,
hanggang sa bumuyangyang ang aking sikmura.

Ano ba ‘noon ang pilit idinuldol ng ‘yong talulot
na sing talim at talas ng itak ni Tata Selo sa aking malay?
Ginuitan ng ngipin ng itak ang tanikalang yari sa asero.

Ano ba noon ang ipinukpok mo sa aking ulo na sing bigat ng maso?
‘Sang kapiranggot ng pluma na tinubog at hinulma sa ‘sang palihang ginto.

Ano ba noon ang inihandog mo sa akin?
‘sang piraso ng talulot?
Oo ‘sang piraso ng talulot
na lumikha nang ‘alang kaparis na ligalig.

Ano bang meron sa ‘yong talulot
na s’yang dahilan upang ang aking dugong s’yang bumubuhay
sa aking mga ugat at laman ay umalimbukay?
‘Ala pa namang tigil na sa pag-alimbukay
hanggang sa nangalay noon ang aking kalansay
at ako’y napahandusay.

Pinaalala mo sa aking ‘di pala ako ‘sang manhid.

Napatingin ako sa batuhang lupa
at nanatili kang waring nakapamaywang
na gaya sa ‘sang magiting na ginoo
o mandirigmang Huk noong araw,
paglao’y waring ‘yong sinima ang aking anino
at dagling may gumitaw sa aking kaluluwa.
Nang araw pala na yao’y ang libing ni Padre Nilo sa kripta.
At sa ‘di malamang dahilan, ako’y napatayo
at napatingin sa langit na binalot na ng dagim.

Pinaalala mo sa aking ‘di pala ako ‘sang bulag.

Muli noong umihip nang malakas ang hangin
at sa ‘sang iglap ay nagbagsakan ang marami mo pang talulot.
Dahan-dahan ang kanilang pagbaba sa lupa, dahan-dahan.
At nang dumampi ang unang halik,
anong ligaya ko noong marinig
ang agunyas sa palupo ng mga kumakalansing mong dahon.

Pinaalala mo sa aking ‘di pala ako ‘sang bingi.

At ako nga noo’y nahimasmasan
nang sumabog sa aking harapan
ang tuyo mong bunga.
Nagtalsikan ang mga ito sa lahat ng lupalop
at nawasak ang rahuyo
sa tumpok ng apoy
na matiyagang nag-abang sa dibdib
ng gulis-gulis, magaspang ngunit sumusulak na lansangan
hanggang libingan.

Pinaalala mo sa aking ‘di rin pala ako ‘sang pipi.

Hanggang sa bumulusok ang matutulis na butil ng ulan
at lalong nagliyab ang mga damdamin.

June 15, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Tula] Live Show -ni Rene Boy Abiva

Live Show
ni Rene Boy Abiva

” ‘Wag lalaki, may bayad ‘to halik. Handa ka bang makipaghalikan?”
– Presidente Duterte

“ Ganito na lang, halika, halika

‘di ka ba pwede?

alam mo…wala na bang iba?”

‘ika ni Kanor

habang nandudumilat ang kanyang mata

sa kumpol ng mga tao sa kanyang harapan.

Maingay.

Sumulpot sa kanyang likod ang dalawang babae

at agad nagtawanan ang mga tao.

Malakas. Malakas na malakas.

Inilapit ni Kanor ang kanyang bunganga sa mikropono.

“May dalawa dito,

umakyat kayo, kako dito

‘pag hindi you share share ha kayo

wala akong ano.

Guard paki-guide.

Para fair, basahin mo dito

dito mo na lang basahin

maybe after you, give it to her.”

“Yes sir,”sagot ng babaeng kasama ni Bea.

Tatango-tango ang babae

habang si Kanor,

‘di mailayo ang titig sa dalawang babae

lalung-lalo na kay Bea.

Muling nagtawanan ang mga tao nang malakas.

“Dapat… I’ll be sending…” ‘ika ni Kanor.

“Thank you…thank you po.”

“Bigay ko ‘to sa kanya.”

“Thank you po.”

Napayuko at nagkamayan ang tatlo.

“You can finish that in two nights, one night” ‘ika ni Kanor

sabay idinuro ang kanyang hintuturo sa dibdib ni Bea.

‘Di n’ya ‘to napansin.

“Hehehe…ahhh!”sabay talon si Bea.

“Haayyy…ahh,”nang iilad-ilad na si Bea.

“Thank you, thank you sir ah,” sabay mano at halik

sa kamay ni Kanor.

Bonga si Bea.

Nag-ayos pa ng buhok habang napapatalon sa kilig.

Nang paalis na ang dalawang babae’y muli silang tinawag ni Kanor.

“ ‘Wag kang mag-amin-amin ‘dyan. Halika ka dito. Huy!”

Bumalik ang dalawang babae habang hawak ang libro.

Niliyad-liyad ni Bea ang katawan at inayos ang kanyang bangs.

Paglao’y napahagod ang sariling dila sa bibig

at napalunok sa libog si Kanor.

Hinawakan muli ni Kanor ang kamay

ng babaeng kasama ni Bea.

“Alam mo naman ang matanda. Ang beso- beso?”

Liliyad-liyad muli si Bea sa kilig

napa-abante at akmang ipapalapa ang sarili kay Kanor.

Magkahalo ang kanyang kilig, takot at kaba

na waring mapapaihi sa tuwa.

“Beso na po sir, beso!” ‘ika ng kasama ni Bea

sabay haplos sa balikat ni Kanor.

Nagbeso-beso nga sila.

Habang si Bea nama’y halos tumimbuwang sa kilig.

Lumapit si Bea

at idinuldol ni Kanor ang kanyang hintuturo sa kanyang labi.

Anong ligaya ni Bea.

Halos takpan n’ya ang kanyang mukha

gamit ang hawak-hawak na pitakang itim.

Akmang lalapit si Bea kay Kanor.

Nagtilian ang mga tao.

Malakas ang hiyawan.

Malakas na malakas.

“Dalaga pa?” ‘ika ni Kanor.

“Hindi po, meron na po”sabay inayos ni Bea

ang kanyang mahaba at kulot na buhok.

“Andito?”sabay dinuroni Kanor

ang kanyang hintuturo sa libumbon ng mga tao sa kanilang harapan.

“Meron po,meron po,” maikli at nahihiyang sagot ni Bea.

“ ‘Di naman kayo hiwalay?”

“Hi-hindi naman po,” sabay iling ang ulo.

Napatili muli si Bea.

Liliyad-liyad.

“Pero kaya mong sabihin na biro lang?” muling tanong ni Kanor.

“O-opo,” sagot ni Bea sabay tango.

“Pero magkiss tayo?” at muling idinuldol ni Kanor

ang kanyang hintuturo sa kanyang bibig.

Sigawan ang mga tao.

Halos mahiga na si Bea sa sukol langit n’yang ligaya.

Matagal na napatitig si Kanor kay Bea.

Habang si Bea nama’y ‘di malaman ang gagawin

kung hahalik ba o maghuhubad na lamang.

“Sige na paselosin mo na,” ‘ika ni Kanor.

“Bwahhht…” usal nang titilitiling si Bea.

Sasakmalin na s’ya ni Kanor.

Papalapit na ang bibig ni Kanor nang biglang magtakip si Bea ng mukha.

Nagtatantyahan.

Sumesenyas si Kanor gamit ang kanyang nguso.

“Sige na, sige na.”

Napapapikit si Bea.

“Sabay tayo, na maglapit,”hirit ni Kanor.

Pumikit si Bea at nanatili sa kanyang posisyon.

Habang ang ulo ni Kanor nama’y waring ibong Kalaw sa haba.

Dumapo ang kanyang bibig sa bibig ni Bea.

Napapikit si Bea.

Nagsigawan ang mga manonood.

Malakas na malakas.

Habang si Kanor nama’y ngiting diablo

na animo’y ahas na tinutukoy sa Paraiso ni Eden

at pinunasan ang kumapit na lipistik

sa kanyang bibig

gamit ang hintuturo.

“Salamat po Sir,” muling usal ni Bea.

Lumapit si Kanor at agad niyakap si Bea.

Tinapik-tapik ni Kanor ang balikat ni Bea.

Iba ang ligaya ni Kanor

habang ang mga tao’y anong ingay.

Nang makababa na sa entablado si Bea

ay muling napakamot sa ulo si Kanor.

‘Di mailayo ang tingin, ngingiti-ngiti at mukhang kulang sa kanya

ang mga nangyari.

Muling inilapit ni Kanor ang kanyang bibig sa mikropono.

“Sunod balik ko magdala ako ng marami,” ‘ika na anong tamis ang ngiti.

Muling tumili, nagpalakpakan at naghiyawan ang mga tao.

Anong ligaya nilang makapanood ng kahalayan.

Anong ligaya nilang makapanood ng halik ni Kamatayan.

Kinabukasan, naghuhumiyaw ang mga headline sa diaryo,

blah, blah, blah, sealed with a kiss.

Kinagabihan, nagkahamunan ang dalawang persona.

Ang isa’y bumida na sa pelikulang Feng Shui

habang ang isa nama’y kilalang sexy dancer, porn star at advocate ng Kamasutra.

Mahaba ang kanilang bangayan at pinag-usapan ng buong bayan.

“Gusto mo ng kaaway, ako. I am ready anytime, anywhere, harapan,” ‘ika ni Kris.

-Hunyo 8, 2018