[Statement] Hindi kailangang ibabad sa isang linggong virtual inset ang mga guro | TDC

Ito ang nagtulak sa TDC upang pormal na lumihan sa DepEd noong Marso 9 kung saan ay inihanay natin ang mga sumusunod na hinaing, usapin at katanungan ng mga guro:
- Urgent ba ang INSET na ito?
- Mas mahalaga ba ito kaysa sa makabuluhang mga gawain ng mga guro ngayon?
- Bakit hindi man lang kinunsidera na bigyan ng pahinga ang mga guro?
- Bakit YouTube (ayon sa memo) ang platform ng INSET na ito?
- Bakit ibababad ng walong oras sa loob ng limang araw sa panonood sa YouTube ang mga guro?
- Kumunsulta ba sa mga eksperto sa kalusugan (optical, mental) ang DepEd bago ito ipatupad?
- Mababalewala na ba ang mga paghahandang ginawa ng mga paaralan at dibisyon para sa school-based INSET at tila mas nanaig ang memorandum ng OUA kumpara sa isang kautusang nilagdaan mismo ni Sec. Briones (DO No. 12, s. 2021)?
- Gaano katotoo na ito ay boluntaryo at hindi sapilitan (wala rin ito sa memo ng OUA)?
- Nasaan na ang P300 monthly communication expenses reimbursement mula Marso hanggang Disyembre 2020 na maaari sanang makatulong sa mga guro ngayon?
- Hindi ba’t ang NEAP (National Educators Academy of the Philippines) ang dapat sana’y namamahala sa mga trainings sa DepEd?
Sa sagot ng Central Office sa pamamagitan muli ng isang memorandum mula OUA noong Marso 9 na may pamagat na “TEACHERS DIGNITY COALITION PROPOSAL TO WITHDRAW ONLINE TRAINING PROGRAMS ORGANIZED BY DEPED ICTS-EDTECH” ay ganito ang kanilang sinabi:
“TDC does not take into account that the training programs are being participated on a voluntary basis by the teachers who are interested in enhancing their ability in to deliver lessons more effectively under conditions where face to face classes are not possible.”
Bali-baligtarin man ang naunang memorandum ay wala tayong makikitang ito ay boluntaryo. Patunay ang pagkansela ng mga nakatakda nang mga localized INSET sa mga dibisyon, distrito at paaralan alinsunod sa memo ng OUA. Sinabi lang na boluntaryo ito sapagkat nagkaroon na ng malaking alingasngas ang usapin at sinalubong ito ng mga reaksiyon ng pagtutol.
Nito ngang Lunes, Marso 15 ay sinimulan na ang programa. Mapapansing paulit-ulit ding sinasabi ng mga hosts at maging speakers na ang programa ay streamed live hindi lamang sa YouTube kundi maging sa Facebook at iba pang platform (na wala rin sa naunang memo dahil YouTube link ang iniuutos nilang puntahan ng mga guro). Binabanggit rin ng mga nagpapadaloy ng programa na turned-off umano ang monetization ng kanilang YouTube channel, tugon marahil sa mga duda ng marami na nais pang pagkakitaan ng DepEd ang programang ito (wala ito sa opisyal na mga pahayag ng TDC kundi nasa komento ng mga guro).
Ang naging pahayag ng TDC sa publiko maging sa pormal na liham na ipinadala sa tanggapan ni Kalihim Liling Briones, gayundin sa mga Basic Education Committee ng House at Senate ay isang taus-puso, sinsero at kagyat na apela para sa konsiderasyon. Sapagakat batid nating maraming mas makabuluhang bagay ang dapat pagtuunan ng pansin at oras ng mga guro ngayon kaysa ang panonood sa YouTube. Idagdag pa ang pangangailangang magpahinga o maghanda para sa susunod na markahan.
Ngayong araw, Marso 16 ay naglabas muli ng pahayag ang DepEd. Inulit lamang nila ang litanya na nauna nang binanggit sa mga memorandum at ilang social media posts. Subalit ganoon pa rin, umiwas na sagutin ang mga isyu hinggil sa kapakanan at karapatan ng mga guro at nakatuon lamang sila sa pagmamalaki ng pagiging epektibo umano ng kanilang programa.
Muli na namang ipinakita sa usaping ito na hindi batid ng mga namumuno sa DepEd ang damdamin ng kanilang mga guro. Hindi kasi naging ugali ng pamunuan nito ngayon ang making sa hinaing ng mga guro. Ang kailangan ng mga guro sa kasalukuyan ay pang-unawa sa kanilang sitwasyon at malasakit ng mga namumuno. Bagamat nagsimula na ang programa, uulitin namin ang isa pang tanong, “Ano ba ang mawawala sa DepEd kung hindi itutuloy ang INSET na ito?”#
Para sa mga detalye:
Benjo Basas, Pambansang Tagapangulo
09273356375

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.