[Statement] Kaliwa dam: bangungot ng kaunlaran -STEP-Sierra Madre

Kaliwa dam: bangungot ng kaunlaran

Pinipilit ipatanggap sa atin ang Kaliwa Dam. Ginagamit na dahilan ang diumanoý krisis sa tubig sa Kamaynilaan. Sa biglang tingin, parang okay naman. Pero kapag sinuring mabuti ang proyekto, lilitaw ang maraming katanungan na senyales ng nakatagong malaking problema at kapahamakan.

Dumaan ba sa tamang proseso ang proyekto? Mahalagang suriin kung dumaan sa tamang proseso ang anumang proyekto dahil ito ang hakbang para magarantiyang ligtas ito at magsisilbi sa kapakanan ng mamamayan. Sa kaso ng Kaliwa Dam, mapagpasya ang mulat at malayang pagsang-ayon ng mga kapatid nating Katutubong Dumagat-Remontados, gayundin ang pagsang-ayon ng lahat ng LGU na apektado nito gaya ng mga bayan ng Infanta, Real at Nakar. Gayunman, ang konsultasyong isinagawa ng MWSS sa mga Katutubong Dumagat-Remontados noong Disyembre 2019 ay batbat ng kontrobersiya. Gayundin sa pamamagitan ng Board Resolution, ang bayan ng Infanta ay nananatiling tutol sa Kaliwa Dam. Gayunman sa kabila ng mga problemang ito, agresibo ang MWSS na maitayo ang Kaliwa Dam. Sa katunayan, kahit sa gitna ng pandemya kung saan limitado ang mobilidad natin sa sarili nating bayan dahil sa community quarantine ay malayang nakakalabas-pasok sa Kaliwa Dam site ang mga Intsik at nagtutuluy-tuloy ang DPWH sa konstruksyon ng access road sa Kaliwa Dam kahit sa alituntunin ng IATF ay tigil muna ang mga gawaing konstruksyon. Ngayon, halos patapos na ang access road.

Ligtas at epesyente ba ang impra-istruktura ng Kaliwa Dam? Una, ang contractor ng proyekto ay ang China Energy Engineering Co. (CEEC) Ltd. na ayon mismo sa Commission on Audit (COA) ay hindi nakapagsumite sa MWSS ng kumpletong rekisitos sa tamang panahon. Ang kompanyang ito rin ay na-ban ng World Bank noong 2019 sa kasong pamemeke ng mga credentials sa proyekto nila sa Republika ng Zambia. Maging ang dam na ginawa nito sa bansang Ecuador ay pinatigil din dahil sa nakitang 2 libong crack nito na maaaring maging sanhi ng pagbulas gaya ng nangyari sa isang dam sa bansang Brazil. Ikalawa ang lokasyon at disenyo ng itatayong Kaliwa Dam ay mapanganib. Ayon sa mga eksperto ang lokasyon ng pagtatayuan ng dam ay malapit sa faultline, kung kaya delikado ito sa mga paglindol. Ang sukat at taas ng dam ay lubhang malaki at mataas na maglulubog sa ilang bayan at komunidad kahit wala pang kalamidad, at papatay sa mga ilog na magdudulot ng pagkawala ng pangisdaan at tagtuyot sa mga sakahan. Ang laki ng dam ay sapat para maulit ng higit na mas matinding trahedyang inabot natin noong bagyong Winnie kung ito ay umapaw , lalo na kung ito’y mabulas.

May krisis nga ba sa tubig sa kamaynilaan? Ayon sa mga eksperto, kung tubig-inumin lamang, sapat ang kasalukuyang suplay na tubig sa Kamaynilaan. Ngunit kung ito’y para sa lumalaking demand ng urbanisasyon na kinatatangian ng malalaking mga malls, subdibisyon kung saan halos lahat ng bahay ay may swimming pool at nagpaparamihan ng mga kotse at sasakyan, at mga naglalakihang hotel at restaurant, kakapusin nga ang Angat Dam. Malinaw kung gayon na ang Kaliwa Dam ay hindi para sa tubig ng mamamayan kundi para sa layaw at tubo ng iilang mayayamang negosyante’t kapitalista. Sila ang makikinabang, tayo naman ang mapapahamak.

Malinaw kung gayon na hindi kaunlaran ang hatid sa atin ng Kaliwa Dam kundi pasakit at kapahamakan. Wawasakin nito ang kalikasan; palalayasin nito ang mga katutubo sa kanilang lupang ninuno; pagkakaitan nito ng mayamang tubig-ilog mula sa Agos River ang mga lupaing agrikultural at tatanggalan din ng pagkukunan ng pagkain ang mamamayang nakaasa dito; at higit sa lahat, isusuong tayo nito sa matinding panganib.

Ang Sierra Madre ay kabuhayan at pananggalang natin. Ang pagkawasak nito ay nangangahulugan din ng pagkawasak ng ating kabuhayan at kaligtasan. Sisirain ng Kaliwa Dam ang Sierra Madre. Ito pa lamang ay matibay ng dahilan para tutulan natin ito. Hindi natin kailangan ang Kaliwa Dam. Ang kailangan natin ay malusog na Sierra Madre. Wag tayong magpalinlang o maglaway sa panandaliang pakinabang na ilang milyong pisong Royalty Fee dahil ang katumbas naman nito ay ang ating kaligtasan at kabuhayan.

Pahayag mula sa Southern Tagalog for Environmental Development and Protection of Sierra Madre (STEP-Sierra Madre) at Ugnayan ng Mamamayan laban sa Mapaminsalang Dam (UMALMA DAM)

Setyembre 26, 2020
#PadyakParasaKalikasan
#SierraMadreDayAyawNaminsaKaliwaDam
#PadyakLabansaKaliwaDam
#NotoKaliwaDam
#WeOpposeKaliwaDam
#WeMakeSTEPSaveSierraMadre

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.