[Press Release] Universalisation ang sagot sa kaguluhan sa anti-covid social amelioration program -PM

Hindi pili (targeted) kundi panglahatan o yaong tinatawag na universal system ang dapat ipatupad bilang solusyon sa malawak na diskontento at kaguluhang nagaganap ngayon sa mga barangay kaugnay ng social amelioration program for COVID-19 .
Ito ang binigyang diin ni Ka Rene Magtubo, Tagapangulo ng Partido Manggagawa (PM) sa harap ng kalituhan at kaguluhang nagaganap ngayon sa ipinatutupad na social amelioration program for covid-19 sa buong Luzon at sa malaking bahagi ng bansa na ngayon ay pumapasok na sa ika-apat na lingo ng lockdown.
Kabilang ang PM sa Nagkaisa! labor coalition na nagtutulak ng nasabing kahilingan.
Ayon kay Magtubo, “Kakambal na problema ng targeted system ang trapik at inekwalidad dahil inuuri-uri muna ang benepisyaryo bago isakay sa ibat-ibang programa kung saan sila qualified. Kung universal ang sistema, lahat ng manggagawang apektado ng lockdown, pormal man o impormal ang hanapbuhay, kabilang ang OFW o kanyang pamilya ay dapat makinabang. ”
Ang mga bulnerableng sektor naman umano tulad ng senior citizen, PWD, solo parent at iba pa, ay may sarili nang listahan at programang sumasaklaw mula sa DSWD.
Ipinaliwanag pa ni Magtubo na sa ilalim ng umiiral na guidelines ay nakalista kung sinu-sino ang qualified na kung susumahin sa dulo ay lahat ng mahirap ay qualified. Pero dahil may exemption at maksimum na halaga lamang ang makukuha ng bawat household , may malaking bilang talaga ng mamamayan na maiiwanan.
Sa universal na sistema, ang exemption ay maari na lamang ikonsiderang ipataw sa mga VIP at mayayaman.
Naniniwala ang PM na kahit ma-extend ang lockdown ay kakayanin sa 2020 budget ang mas malaking halaga na kakailanganin para maging panglahatan (universal) ang ayuda dahil may kapangyarihan na ang Pangulong Duterte na galawin ang budget sa ilalim ng Bayanihan Act. Maari ding magpataw ng mas malaking tax sa kayamanan ng pinakamayayaman.
Ang P200B para kasalukuyang social amelioration ay katumbas lamang umano ng 4.8% ng P4.1 trilyon na national budget para sa 2020 kaya’t malaking bahagi ay maari pang ilaan sa ayudang panglahatan.
Sinabi pa ni Magtubo na mahalagang magkaroon na ng sistemang universal sa ganitong uri ng social assistance dahil ang istabildad ng ekonomiya sa panahon ng krisis ay nakabatay sa kapasidad ng manggagawa at mamamayan na makabili ng batayang pangangailangan.
“Ibig sabihin, ang ayudang panglahatan ay dapat mas mahaba rin kaysa sa itinakdang kalendaryo ng lockdown dahil ang economic recovery ay maaring umabot sa puntong imposible kapag nawalan ng trabaho at purchasing power ang mamamayan. ###
#AyudaParaSaLahat
#AyudaForAll
#WeHealAsOne
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.