[Tula] SIYANAWA, SANTA CORONA -ni R.B. Abiva

Oh dinggin mo nawa
Ang laman ng mga trompa
Ang dasal ng Papa
Maging ng kaniyang mga Kura,
Madre, Jakuno, at Jakunesa
Oh tanawin mo nawa
Ang kalagayang kay aba
Nilang walang-wala
Ni mumo ng biyaya
Sa butas-kupasing bulsa
Oh dinggin din nawa
Itong aming apela
Sa bansang Alemanya
Na ilabas na sana
Ang iyong relikya
Siyanawa
At siyanawa
Itong iparada sa mga abenida
At nang itong pandemya
Ay magapi nawa
Na siyanawa
Ay mapawi na
Itong sakit na buhat pa sa Tsina
Na ngayo’y walang-awa
Kung umaani ng buhay sa Italya,
Espanya, Bulgaria, at Amerika
Oh Santa Corona
Na pinatay sa dalawang puno ng palma
Sa nasasakupang lupa
Ni Marcus Aurelius ng Roma-Syria
Dinggin mo nawa
Ang pagsamo ng mga kawawa
Ang pagsamo ng mga kaluluwa
Siyanawa
Siyanawa
Pahabol mahal na Santa Corona
Nawa’y ang mga lingkod-bayang alibugha
Na walang ibang minahal kundi pera,
Kapangyarihan, at pagsasamantala,
Nawa’y magtapos na
Ang paghahari nila
Siyanawa
Siyanawa
Siyanawa
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.