[Statement] Kababaihan, pinakamatinding tinatamaan sa krisis ng COVID19, GAD budgets, ilabas at direktang gamitin para sa kalusugan, kaligtasan at kabuhayan ng kababaihan -KAISA KA

Nasa interes ng buong sangkatauhan ang pagsugpo sa COVID 19. Bukod sa nakamamatay ay napakalaki na ang epekto at pinsalang dala nito sa ekonomya at lipunan sa daigdig.
Bago pa ang krisis ng COVID19 ay patong-patong na ang pahirap na dinaranas ng kababaihan— kawalan ng regular na trabaho, nakasadlak sa para-paraang trabaho, “unpaid family work”, kulang sa serbisyong medikal at sa iba pang batayang serbisyo, karahasan sa gitna ng gyera sa droga, at ang araw-
araw na diskriminasyon sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay sa loob at labas ng tahanan; hanggang sa araw-araw na pambabastos at karahasan sa kanyang kasarian mula mismo sa Estado.
Sa gitna ng public health emergency, higit na peligro ang tama ng COVID19 sa kababaihan:
– Ang Pilipinas ang Top Exporter ng health workers, lalo na ng mga nurses at caregivers sa buong mundo. Mayorya nito ay mga kababaihan. Kung kayat sa pandaigdigang krisis na ito, naka-expose ang mga kababaihang Filipino healthworkers sa COVID19.
– Nuong 2017, 93,000 na Flipino nurses ang lumabas ng bansa na ang karamihan ay kababaihan,
– Sa buong mundo, ang ratio ng bilang ng Nurse to Patient ay 1:12. Ngunit sa Pilipinas, ang isang nurse natin ay nag-aalaga ng 60 pasyente sa mga hospitals (1:60). Samantala, sa Doktor, ang “ideal” na ratio ay 1:1000 populasyon; pero sa Pilipinas, mayroon lang tayong isang doctor sa bawat 33,000 na bilang ng mamayan.
– 11-14 na buntis ang namamatay dahil sa kawalang serbisyong-medikal. At pababa na ng pababa ang edad ng babaeng nabubuntis, sing-bata ng 11 taon, dahil sa kakulangan sa serbisyo sa reproduktibong pangkalusugan. Higit na mataas ang risk ng mga babaeng buntis dahil sa “physiological changes” na nangyayari sa panahon ng pagbubuntis, dagdag pa ang problema sa “mobility, emotional and psychological” na problemang nararanasa ng babae sa gitna ng pagbubutis.
– Samantala, sa usapin ng kabuhayan, 62% ng “unpaid family work” ay ginagampanan ng kababaihan; 70% naman ng gawain sa agrikultura sa kanayunan ay ginagampanan ng kababaihan; sa kalunsuran naman mayorya ng para-paraang trabaho ang kinasadlakan ng kababaihan dahil sa kakulangan ng ng industriyang magbibigay ng regular at nakabubuhay na sahod;
– At dahil sa laganap na kaisipang-patriyarkal, nasa balikat pa rin ng kababaihan ang pangangasiwa sa gawaing bahay at pangngalaga sa anak at kasamang may-edad.
Sa ganitong kalagayang panlipunan ng kababaihan at dahil sa ang babae ay nasa lahat ng sektor at pangunahing nakaharap sa buhay pakikibaka ng komunidad, kapag babae ang naapektuhan, magiging higit ang pagbilis ng “transmission” nito sa loob at labas ng kanyang tahanan.
Tunay na banta ang COVID-19 sa kalusugan at sa mismong buhay ng mamamayan, lalot nasa antas na ito ng community transmission. At nasa gitna nito ang masang anak-pawis kung saan pangunahin ang kababaihan.
Bagamat ang lahat ay pwedeng tamaan, mas malupit ang tama ng COVID19 sa kababaihang mahirap dahil sa kakulangan sa kapasidad at kakayahan na ingatan
ang kanyang kalusugann at kaligtasan: kahit anong gawin ng mahihirap sa squatters area, sa loob ng barong-barong, wala syang maiikutan o magagalawan ng hindi nya mababangga ang mismong kasama sa bahay; mahahawakan at mahahawakan nya ang lahat ng gamit; at ang maraming kabataan na mismong kalye ang tahanan, ang buo nyang pagkatao ay naka-expose na sa COVID19.
Kung kayat hindi magiging epektibo ang anumang solusyon sa pagpigil ng krisis ng COVID19 kung mula sa plano ng programa hanggang sa implementasyon ay walang- pagsasa-alang-alang sa napakahalagang papel ng kababaihan sa lipunan.
Upang mapatigil ang paglaganap ng COVID19, mapigil ang “community transmission” kailangan ang tiyak na mga hakbang para sa kalusugan, kaligtasan at kabuhayan ng ang kababaihan:
– I-prioritize ang mga kababaihan sa mahirap na komunidad sa pagbibigay ng “covid testing” lalo na ang mga matatanda, may-sakit at buntis;
– Agarang ilabas at gamitin sa pangangailangan at suporta sa kababaihan ang lahat ng GAD budgets;
o Bigyan ng financial assistance ang mga kababaihang nasa “informal work”; mga solo mothers at buntis.
o Tiyakin ang supply “personal hygiene” needs ng kababaihan;
– Agarang ilabas ang 4Ps allowance
– Tiyakin ang pagkain ng bawat pamilya sa “urban poor communities”, lalo na ang mga informal settlers at mga may sakit.
– Ayuda sa mga mamamayang magpopositibo sa COVID, magpapa-ospital man o mag-self quarantine tulad ng akses sa Philhealth lalo na’t naipasa na ang Universal Health Law.
KAISA TAYO SA PAGBAKA SA KRISIS NG COVID19!
PIGILIN ANG PAGLAGANAP NG COVID19.
TIYAKIN ANG KALUSUGAN, KALIGTASAN AT KABUHAYAN NG KABABAIHAN!
ATTY, VIRGINIA LACSA
Taga-Pangulo-Kaisa Ka
(Pagkakaisa ng Kababaihan para sa Kalayaan)
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.