[Statement] “Ipagpatuloy ang Rebolusyon ni Oriang tungo sa Paglaya ng Kababaihan at ng Lipunan!” -Oriang

Sinusundan natin ang yapak ni Gregoria de Jesus, kilala bilang Oriang, dahil sinusundan din tayo ng dipa tapos na laban sa mga mapang-api sa lipunan. Bahagi si Oriang sa himagsikan laban sa pagmamalupit ng mga dayuhang mananakop, laban sa di makatarungang pagkakahati-hati ng yaman, laban sa diskriminasyon, lalo na sa kababaihan.
Ipaglaban ang Kabuhayan, Karapatan, Kalayaan at Sariling Kapasyahan! Ito ang nananataling daing at sigaw ng Kababaihan at ng masang anak pawis.
Kalayaan mula sa Kahirapan at Diskriminasyon sa Trabaho Kabuhayan bang maituturing ang P500 sahod kada araw? Sa patuloy na tumataas na bilihin, pamasahe at gamot, gayundin ang bayad sa kuryente, tubig at renta sa bahay, ano nga ba ang matitira pa sa limang daan. Sa mga sumasahod, sinasabing ang kita ng lalaki ay mataas ng 23-30% sa kita ng babae. Kadalasan, ang mga trabahong inilalaaan para sa mga kababaihan ay yung gawaing impormal, walang proteksyon, at pang serbisyo.
Ang kalakarang Kontraktwalisasyon ay patuloy na nagdudulot ng kawalang seguridad sa ating mga manggagawa. Marami sa ating manggagawa, karamihan ay kababaihan, ang minamarapat na makipag sapalaran nalang sa ibang bansa kung saan iba-ibang banta ang kanilang kinakaharap – gyera, pagmamalupit, pang aabuso, rape, sakit gaya ng COVID-19.
Nananatiling nasa 49% lamang ng mga kababaihan ang binibilang sa lakas paggawa, hindi kini kwenta ang gawaing bahay sa pag bilang dito. Subalit sa tuwing kulang ang kita sa pamilya, ang kababaihan pa rin ang pumapasan ng kung saan kukuha ng pang tapal. Nariyang kailangang rumaket at mamasukan, tipirin ang gastusing bahay, mangutang, at kadalasan ay isakripisyo ang sariling pangangailangan.
Kasarinlan sa Yaman at Pagkain
Pasanin ng mga kababaihan ang kaseguruhan sa pagkain. Sa mahirap na tahanan, halos 60% ng kita ay napupunta sa pagkain, ibig sabihin ito ang lubos na pinag babadyetan. Dahil nga itinatali ng lipunan ang kababaihan sa gawaing pagluluto at pamamalengke, laking pasakit ang mataas na presyo ng bigas sa nagdaang panahon. Bilang tugon, minarapat ng kasalukuyang administrasyon at sa pangunguna ni Senator Cynthia Villar na isabatas ang Rice Tariffication Law o RTL. Malaya nitong pinapapasok ang imported na bigas, remedyo daw sa mataas na presyo ng bigas. Kabaligtaran ang resulta. Mataas ang presyo ng local na bigas dahil na rin sa mataas na gastos sa produksyon, na walang gaanong suporta mula sa pamahalaan.
Matapos ang isang taon, hindi pa rin magaan sa badyet ang presyo ng bigas sa merkado. Ang malupit pa, nilunod ng imported na bigas ang local na produksyon. Bumulusok sa halos P7-9 ang kilo ng palay at tuluyang nalugi ang mga magsasaka. Sa pagpapatuloy nito, tiyak na hindi na gaganahan ang ating mga magsasaka na magpatuloy pang magtanim, maaring mapalitan ng gamit ang lupa, at darating ang panahon na mawawalan tayo ng kasarinlan sa pagkain.
Kalayaan mula sa Inhustisya
Ang di pagkakapantay-pantay ay nararamdaman lalo na sa pang-araw-araw na buhay. Higit na dama ng kababaihan na siyang nagbabadyet sa kakarampot na kita, ang biglang sirit sa mga bilihin at bayarin dahil sa dagdag na BUWIS dulot ng TRAIN Law. Sa porma ng E-VAT at excise tax sa langis, naipapasa pa rin ng mga kumpanya ang pananagutan sa buwis sa mga mamimimili. Samantala, di naman dama ng mamamayan na bumabalik ang kanilang buwis sa porma ng serbisyo. Bagkus ang kalakhan ng buwis na makakalap ay inilalaan sa programang BUILD, BUILD, BUILD na mismong banta sa mga lugar tirahan ng mga naghihirap. Inhustisya ding maituturing ang magdusa sa epekto ng pagbabago sa klima, gayong hindi naman tayo, bagkus ang mga industriyalisadong bansa, ang pangunahing nagdulot nito. Kaya dapat bigyang pansin ang mga bansang nanganganib sa mga kalamidad dulot ng climate change, at bigyang pagkakataon at lakas ang mga kababaihang mamuno sa mga climate change at disaster response actions; at sa pagkitil sa sanhi ng climate change, tulad ng pag wakas sa pag gamit ng maruming enerhiya dala ng mga coal-fired power plants.
Kalayaan sa Panunupil at Pagpatay
Ang mataas na bilang ng extrajudicial killings kaugnay sa gyera sa droga, ang kaliwa’t kanang pag patay sa mga abogado, lider manggagawa, lider magsasaka, taga pagtanggol ng kalikasan – lahat ito ay senyales ng isang mapanganib at di-malayang bayan.
Lalo pang itinanim ang takot sa mamamayan sa pamamagitan ng ng EO 70 ng Malacanang at Memorandum Order #32 ng DILG, kung saan lahat ng antas ng gobyerno – ang military, kapulisan at lahat ng ahensya at mga LGUs ay ginawang bahagi ng counter-insurgency. Ilang reports narin ang nakarating mula sa mga lehitimong people’s organizations na nagsasabing, tumaas ang insidente ng pagmamanman sa kanilang mga kilos at pag-interrogate sa kanilang mga lider, lalo na kung tukoy na kritiko sa mga kasalukuyang polisiya. Taliwas sa isang demokrasyang bansa, pinaiiral nito ang takot at pananahimik ng kanyang mamamayan.
Gobyerno ng Masa hindi ng mga Elitista
Hindi tumitigil ang gobyernong Duterte sa pagtutulak ng ChaCha. Nasa pang ilang salang nang borador para dito. Ang nakasalang ngayon sa Kongreso ay listahan ng mga amyenda sa batas na higit na magpapalaki ng pandarambong ng mga dayuhan sa rekurso at ekonomiya ng bansa. At ang tahasang pagpapalawig pa ng termino ng mga trapong politico sa gobyerno.
Samantala, abot-abot ang sikuhan at tikisan sa pagitan ng mga oligarkiya pawang nag-aagawan sa mga kontrata at prangkisa mula sa gobyerno ni Duterte. Saksi tayo sa pagpapalit ng mga crony ng dating administrador ng gobyernong mga makabagong crony ng gobyernong Duterte.
Kalayaan sa Diskriminasyon at Karahasan
Sa nag daang mga taon sa Administrasyong Duterte ay bitbit ng gobyerno ang temang – We Make Change Work for Women – subalit kung meron mang hindi mabago-bago ay ang patuloy na pagiging bastos at kontra-kababaihan ng Pangulo mismo. Lalong sinesemento ni pangulong Duterte ang di pantay na trato sa kababaihan sa tuwing sya ay magjo-joke, magbabalewala o di maglalaan ng sapat na rekurso para sa gender equality. Naisabatas ang Safe Spaces Act o ang RA 11313 upang maproteksyonan ang lahat mula sa pambabastos. Paano kung ang bastos ay nasa loob mismo ng mga institusyong dapat mag protekta sa atin?
Tumaas ang insidente ng VAW. Isa sa bawat 4 na babaeng edad 15-49 ang nakakaranas ng karahasan. Inuugnay ang pang-aabuso sa tumataas din naming kaso ng teenage pregnancy. Ngayon ay 1 sa 10 babae edad 15-19 ay buntis na sa unang pagkakataon. May pagtaya na 15-26% ng mga nabubuntis na kabataan ay nakaranas ng pang-aabuso.
Sinasabi naming magandang pagbabago na ang pag expand sa maternity leave sa 105 days at ang pagtataas ng benepisyo. Subalit hindi pa naman lubusang pinag-uusapan kung may control nga ba ang mga kababaihan sa kanilang sekswalidad at pagbubuntis. Sa ilang datos, sinasabing nasa halos 60% ng kababaihan ang hindi na tutugunan ang pangangailangan para sa pagpaplano ng pamilya o pag-aanak. Sa dulo, ipinaglalaban pa rin nating mga Ka-Oriang ang mismong kalayaan sa ating katawan.
May 124 taon nang nagdaan mula nang isinulong nila Ka Oriang at Ka Andres Bonifacio, sampu ng masang anakpawis ng Katipunan, ang Rebolusyong Pilipino para sa Kalayaan at Kasarinlan laban sa mga mananakop na Kastila. Nananatiling mailap ang adhikaing paglaya at kaginhawaan ng masang Pilipino, lalo ng kababaihan. Tulad nila Ka Oriang, kinikilala natin na wala tayong aasahan na manunubos para makamit
ito, kundi ang sarili nating pagkilos.
Puspusin ang Rebolusyon ni Ka Oriang sa Paglaya ng Kababaihan at ng Lipunan!
Ipaglaban ang Kabuhayan, Karapatan, Kalayaan at Sariling Kapasyahan!
Gobyerno ng Masa, Hindi ng Elitista!
#OriangLumalaban
#WorldWomenMonth
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.