[Right-Up] ATANG -ni. R.B. Abiva

Anim na araw nang inaapoy ng lagnat si Bitot. Anim na araw na rin siyang hindi nakakalabas ng kanilang barung-barong na nakatirik sa pasigan ng Estero Dolorosa. Anim na araw na ring aligaga ang kanyang amang si Kulas na kantero sa itinatayong SM gayundin ng ina niyang si Marta na tindera ng sampagita sa Parokya ni San Nikolas ng Tolentino, ang pintakasi ng mga kaluluwa sa purgatoryo. At sa pang-anim ngang araw ng kanyang pagkakasakit, siya’y pinukol ng walang katulad na deliryo.

Napauwi nang wala sa oras si Kulas mula sa konstruksyong pinapasukan gayundin si Marta. Inabutan nilang umiikot-tumitirik ang bola ng mata ni Bitot. Nanginginig at walang ibang usal ang yayat na katawang may tuyong bibig kundi ang ngalan ng kanyang ama at ina.

Kumaripas ng takbo si Kulas palabas ng kanilang tahanan at dagli nitong tinahak ang madilim-masikip-mabahong kalyehon papunta sa bahay ni Kapitan Tiyago. Uutang siya ng kwartang ipampapagamot sa nag-aagaw buhay niyang anak. Noong mga sandaling yao’y abala sa paglalaro ng madyong ang kanyang pakay. Nilapitan niya ito subalit isang malaking pagtanggi ang kanyang natanggap. Lumuhod siya. Nagmakaawa. Subalit uyam at irap pa ang kanyang tinamo. Ano at saan naman daw huhugot ng ipambabayad ng utang ang gaya ni Kulas na isang kahig, isang tuka? Ni Kulas na wala man lang magandang asawa?

Nang mahimasmasang walang mapapala’y nagpasya si Kulas na umuwi na lamang. Pagkarating niya sa bukana ng kanilang barung-barong ay sinalubong siya agad ng mabigat at matalim na alulong at palahaw. Boses iyon ni Marta na isinisigaw ang ngalan ni Bitot. Malakas. Malakas na malakas!

Ano pa’y kinutuban na ng masama si Kulas at pagkabukas niya ng kanilang pintuang yari sa yero, animo’y sinakmal ang kanyang puso’t sumungalngal ito sa kanyang lalamunan. Nanginig ang kanyang laman at animo’y ibinudbod ang kanyang puso sa isang palanggana ng bubog. Laylay-matigas na ang katawan ni Bitoy sa pawisan-luhaang dibdib ng kanyang ina habang tirik-nawalan na ng pusikit ang kamay nitong mahilig kumaway sa tuwing aalis si Kulas.

Balisang nilisan ni Kulas ang gigiray-giray nilang tahanan. Umalis siya sa araw ding yaong napabalitang ipinakain kay Kapitan Tiyago ang mga bola ng madyong. At sa araw ding yao’y natagpuan si Kulas na nakasubsob ang ulo sa kulay lupang mascuvado, may apat na butas sa katawan at dalawa sa ulo.

Oktubre 9, 2019
Lungsod Quezon, Maynila

Tala: Atang- Iloko ng alay.

Itinanghal ng makata sa ginanap na ika-49 anibersaryo ng First Quarter Storm (1970) na may temang SIGWA: Pambansang Pista ng Sining at Panitikang Bayan. Naganap ito sa College of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Ang kaniyang mga tula ay nagwagi bilang “9th Human Rights Pinduteros Choice for HR Right-Up” na ginanap nitong -ka-2 ng Disyembre 2019 sa Cocoon Boutique Hotel sa Q.C.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.