[Tula] Asukal na Pula (alay sa Sagay 9) -ni Rene Boy Abiva

Asukal na Pula (alay sa Sagay 9)
ni Rene Boy Abiva

Sagay…
sa ibabaw ng lupa mong tiwangwang na wari sa ‘sang ulog
dekada ka nang kaulayaw ng mga pagal na kaluluwa ng mga sakada
at ang maalat-maasim nilang pawis ang tumubog
sa katas ng bawat sangang nakatirik na anong tamis
na sa katas ng bawat sangang nakatirik ay anong pait ang pagka-amis.

Sagay…
sa ibabaw mo’y mayroong munting dampa
dampang yari sa kawaya’t binubungan gamit ang lona
na moog na sanang maituturing ang nakapalibot na haliging yari sa tubo
na kung lumawiswis sa kalagitnaan ng paggawa
ay animo’y uyayi nang ‘di mabilang na ama at inang pinatatahan sa kanilang dibdib
ang pagod na katawan at utak ng mga Anak ng Sakada
na kung umatungal ay waring pagod na baka at kalabaw
na kung mangarap ay nais ding abutin ang lahat ng kanilang tanaw.

Hanggang sa…
pasado alas-nuwebe gabi ng Oktubre beinte
unang gabi ng bungkalan sa Hacienda Nene
sing linaw ng liwanag ng buwan sa ala-ala ni Danilo Canete
kung paano nilasog ng balang wari’y sa machete
ang mga katawan ng sakadang lalaki at babae-
kinse minutos na umulan ng bala
na sa dami’y animo’y mga alitaptap na nabulabog sa kailaliman ng gabi
binalot ng ingay at alingawngaw ang paligid
ng mga pagputok na wari’y mula sa kwitis na sinindihan
upang salubungin ang Bagong Taon,
sa may kalayua’y pipisikpisik ang bunganga ng mga kanyon
na waring sa ‘sang kidlat
nangamoy pulbura at kalburo ang hangin
bumigat at nangamoy dugo
ang dating simoy na mula sa dagta ng tubo,
sumisigaw at manakanaka’y nagtatawanan ang bando ng mga bandido
at ‘di nakuntento at lumapit ang ilan sa kanila
at pinagkakalabit sa ibabaw ng ulo at dibdib ng siyam na sakada
ang bakal na gatilyo ng kwarenta y singko at trenta y otso,
habang sa magarbong palasyo ni Carmen Tolentino at Allan Subinco
naka-upo ang dalawang Panginoong Maylupa sa silyon
tumotongga ng ‘sang bote ng vodka’t puluta’y ubas
habang inaawit ng radyo ang Silent Night.

Sagay…
magpapasko na naman at babaha ng mga putaheng matamis
sana’y sa kada-nguya ng mga panga sa malutong na balat ng letson
o sa manamis-namis na hibla ng ispageti
o sa ‘sang tasa ng mainit na kape,
mayroong maka-alala ni isa sa mga Pilipino
na noong unang gabi ng bungkalan sa Negros
may s’yam na nagbuwis ng buhay
sa ngalan ng pakaasam-asam na kalayaan
laban sa mapaniil na sistemang pyudal
na sa una ngunit ‘di huling pagkakataon
kahit ‘sang saglit
kahit ‘sang saglit
hayaan nating tayo’y gisingin ng pait
ng asukal na pula!

Oktubre 30, 2018
Lunsod ng Queson, Maynila

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s