[Tula] Fire Tree -ni Rene Boy Abiva

Fire Tree
ni Rene Boy Abiva

Patapos na ang taglagas at tag-init
at pasibol na ang sunod na siklo’t kabanata ng mundo
nang ako’y ‘yong batiin ‘sang masalimuot na hapon
sa Kalye Dungon
gamit ang mapula’ t manipis mong talulot
na ‘alang pag-aatubiling pinitas ng hanging mula Zaragosa
sa dikta ng magkasiping n’yong katwiran at pag-ibig,
sa syudad kung saan bawat umaga’y ikaw ang aking nasisilayan
sa parihabang bintanang yari sa sala-salabat na ala-ala at kapis.

Nang dumampi sa aking pisngi
ang magaan at malamig na dila ng ‘yong apoy,
waring pinungasan mo ang naipong hapis
sa aking puso’ t dalumat,
waring kinintal ng ‘yong malambot ngunit nanunuot na hipo
ang mga nagsasalibarang guni-guni sa aking bungo
at nakadama ako bigla ng mga titis na nagkakalantugan
sa kaibuturan ng aking pagiging tao.

Wari’y nakuryente ang aking bayag sa pagkakaupo sa ‘yong paanan
at sumungalngal ‘to sa aking tigang na lalamunan.
Napalunok ako.
Napalunok nang higit sa ‘sang segundo
at waring winagwag ng mala-bisig mong mga sanga ang aking leeg.

Ano ba noon ang ginawa mo sa akin?
Hinila mo ang aking dila hanggang sa hangganan nito,
hanggang sa bumuyangyang ang aking sikmura.

Ano ba ‘noon ang pilit idinuldol ng ‘yong talulot
na sing talim at talas ng itak ni Tata Selo sa aking malay?
Ginuitan ng ngipin ng itak ang tanikalang yari sa asero.

Ano ba noon ang ipinukpok mo sa aking ulo na sing bigat ng maso?
‘Sang kapiranggot ng pluma na tinubog at hinulma sa ‘sang palihang ginto.

Ano ba noon ang inihandog mo sa akin?
‘sang piraso ng talulot?
Oo ‘sang piraso ng talulot
na lumikha nang ‘alang kaparis na ligalig.

Ano bang meron sa ‘yong talulot
na s’yang dahilan upang ang aking dugong s’yang bumubuhay
sa aking mga ugat at laman ay umalimbukay?
‘Ala pa namang tigil na sa pag-alimbukay
hanggang sa nangalay noon ang aking kalansay
at ako’y napahandusay.

Pinaalala mo sa aking ‘di pala ako ‘sang manhid.

Napatingin ako sa batuhang lupa
at nanatili kang waring nakapamaywang
na gaya sa ‘sang magiting na ginoo
o mandirigmang Huk noong araw,
paglao’y waring ‘yong sinima ang aking anino
at dagling may gumitaw sa aking kaluluwa.
Nang araw pala na yao’y ang libing ni Padre Nilo sa kripta.
At sa ‘di malamang dahilan, ako’y napatayo
at napatingin sa langit na binalot na ng dagim.

Pinaalala mo sa aking ‘di pala ako ‘sang bulag.

Muli noong umihip nang malakas ang hangin
at sa ‘sang iglap ay nagbagsakan ang marami mo pang talulot.
Dahan-dahan ang kanilang pagbaba sa lupa, dahan-dahan.
At nang dumampi ang unang halik,
anong ligaya ko noong marinig
ang agunyas sa palupo ng mga kumakalansing mong dahon.

Pinaalala mo sa aking ‘di pala ako ‘sang bingi.

At ako nga noo’y nahimasmasan
nang sumabog sa aking harapan
ang tuyo mong bunga.
Nagtalsikan ang mga ito sa lahat ng lupalop
at nawasak ang rahuyo
sa tumpok ng apoy
na matiyagang nag-abang sa dibdib
ng gulis-gulis, magaspang ngunit sumusulak na lansangan
hanggang libingan.

Pinaalala mo sa aking ‘di rin pala ako ‘sang pipi.

Hanggang sa bumulusok ang matutulis na butil ng ulan
at lalong nagliyab ang mga damdamin.

June 15, 2018
Lunsod ng Kabanatuan, Nueva Ecija

Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s