[Tula] Patag Na Ngunit ‘Di Panatag Ang Nayon -ni Rene Boy E. Abiva

Patag Na Ngunit ‘Di Panatag Ang Nayon
ni Rene Boy E. Abiva
PATAG NA, PATAG NA
PINATAG NA ANG NAYON!
Unti-unti’y naglalaho na ang bukiring ipininta ni Amorsolo
New Clark City na daw ang uso ngayon
a city that is truly smart, clean and green
a city that is truly smart, clean and green
syudad na halaw sa mga bundok ng gusali
syudad na wawasak nang ‘alang pasubali.
Tinagpas na ng mga makinang pantabas
ang matatayog na puno ng niyog
ang akasyang daantao’ t maituturing na haligi ng kasaysayan
ang balangay ng mga saging na kakaway-kaway sa mga manlalakbay
at ang kawayang madalas i-ugoy ng hangin t’wing dapit-hapon.
Inukilkil ng tigatig at tigalgal
ang batalyon ng mga pipit, maya, tagak at kwago
na ngayo’y mga nangagsipaglayasan
na dati’y waring nakikisayaw sa palupo ng ginintuang palay
o nakikipagtagisan sa ibabaw ng mga palaisdaan
at pilit hinahamon ang mga tilapya, hito at dalag
na subukang lumipad nang makita nila ang ganda
ng buong nayon at daigdig.
Lumagitik ang buto ng mga nangagsipagtakbuhang kalabaw at kambing
nang kugkogin sila ng buldoser na animo’y pugita,
nagmatapang ang ilan at sama-samang inasalto ang dambuhala
hanggang sa mabalot ng kulay-lupang alikabok ang paligid
at paglao’y humugong ang alulong ng batang kalabaw at kambing
tumimbuwang ang kanilang ina nang pukpukin ng bakal na galamay,
lumangoy sila sa sarili nilang dugo at nangisay
kawawang mga paslit, kay bata-bata pa’y naulila na.
PATAG NA, PATAG NA
PINATAG NA ANG NAYON!
Tuyong-tuyo na ang dati’y sanga-sangang batis
animo’y ibinulid sa impiyerno ang noo’y rumarapido at malamig na ilog
mainit at marumi na ang likido nito
na parang laba na iwiniwisik minsan
ng noo’y nag-alburutong Bulkang Pinatubo.
Hinalinhan na ng tolda ang mga bahay-kubo at sawali,
dito nagsisiksikan ang mga mangagawang kumapit sa patalim
na pandayin ang daan tungong New Clark City
sa sentro’y nakatayo at nakapamaywang ang ‘sang Intsik
na lawit na lawit ang tiyan habang naka-tuksido
habang hawak ng kanan n’yang kamay
ang mahabang kadenang kumakalembang
na sa dulo’y nakakagat ang tutang askal
sa mga buto ng tao
kakahol-kahol ‘to at akmang ngangabngabin
ang sinumang magnanais bawiin
ang lupa sa kanyang tanawin.
Nalason na ang mga dati’y mabubuti’t kapanalig na bertud
laglag na ang kanilang diwa at panga
sa kwartang isinungalngal sa kanilang bunganga’t ispirito
at idinuldol sa kanilang manhid ng pusong yari sa marmol.
‘Ala na ang masigla at malusog na nayon,
‘ala na, ‘ala na…
mistula na ‘tong ‘sang malawak na sementeryo at disyerto
ni dagim ay iniwan na ‘to
sapagkat paano pa makalilikha ng ulap ang langit
kung ‘ala ng puno, damo, hayop at tao na sana’y kasiping ng himpapawid
sa pagbuo ng ulap ng mga pangarap?
NGUNIT ‘DI PANATAG ANG PINATAG NA NAYON
‘DI PANATAG, ‘DI PANATAG!
May natitirang ganda pa ang nayon
may natitira pa…
naka-ukit ‘to sa ala-ala ng mga magsasakang gaya ni Buscayno
ni Crispin, ni Dayang-Dayang, ni Saro, ni Roger,
ni Jacob, ni Rasul at Cadano
larawan na higit pa sa ipininta noon ni Amorsolo
o ng ibinabanderang syudad ng mga kapitalistang kuno’y pamoso
tama si Ka Daning sa pagsasabing ‘may bukas pa’
nakatindig pa si Arayat na s’yang kuta ng mga salamisim
na puno ng himagsik
o si Pinatubo na kaharian ni Apo Namalyari
na ubod ng bagsik,
na kada hapo’y sinusungkit ang langit
at umaasang sa bawat pagbuhos ng ulan,
ay sisibol mula sa mga guho
ang binhi ng mga taong mangangahas pihitin at kintalin ang kasaysayan
nang maganap ang hinihintay na paghuhukom.
Umaasa pa si Arayat at Pinatubo
na balang araw ay sasabog ang mga dagitab at bubuntong-hininga ang lupa
nang sa gayo’y magising sa kaululan ang buong nayon at bayan
lagi’t lagi’y dalangin nila
na sana’y magkalantugan ang karit, maso, pana at sibat
at dadayukdok ang himagsik sa mga nayon
nang madiligan ng dugo’t pawis ang mga natitirang sakahan
at sa pagpisik ng kidlat!
at sa pagpisik ng kidlat!
at sa pagpisik ng kidlat!
hahayaan nilang dilaan ng apoy ang pangkating taksil at tampalasan
na naroroon, nagtatago at nagkukuta sa Malakanyang!
SA GANITO MAPAPANATAG ANG NAYON
SA GANITO MAPAPANATAG ANG MGA NAYON.
Ang may akda ay dating bilanggong politikal, awtor ng Tuligsa at iba pang mga tula at National Fellow ng Palihang Rogelio Sicat para sa kategoryang Maikling Kwento.
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.