[Blog] Ang Kahalagahang ng Desisyon ng BOR ng UDM upang isama sa kanilang Kurikulum ang Kursong Andres Bonifacio ni Jose Mario De Vega

Vote for this article for the 5th HR Pinduteros’ choice awards.

Ang Kahalagahang-Pangkasaysayan ng Desisyon ng Board of Regents ng Pamantasang Unibersidad de Manila upang isama sa kanilang Kurikulum ang Kursong Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan
Ni Jose Mario Dolor De Vega[1]

Sa araw na ito, Hunyo a-uno, ng kasalukuyang taon ay ang unang araw kung saan pormal ng sinimulang ituro nang mga guro’t propesor sa Unibersidad de Manila (UDM) sa kanilang mga mag-aaral ang SOC 106[2] o mas higit na kilala bilang asignaturang Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan.

Mario De Vega

Kalabisan ng sabihin, ngunit tunay na makasaysayan at lubhang makabuluhan ang araw na ito para sa mga tunay na Anak ng Bayan!

Tingnan at suriin po natin ang mga sumusunod na mahahalagang usaping pangkasaysayan sa ibaba:

1. Ang pasya ng Board of Regents (BOR) ng Unibersidad de Manila (UDM) na gawing bahagi nang Kurikulum at maging isang indepenyenteng asignatura ang Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan.

2. Ang UDM — bilang kauna-unahang paaralang gumawa ng ganitong hakbang-pagkilala para sa Supremo at sa mga Maghihimagsik na Katipunero

3. Ang Kurso/Asignaturang Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan — bilang kauna-unahang sa buong Kasaysayan (ng Edukasyon) sa Pilipinas

Komentaryo:

Ang pasya nang BOR ng UDM ay masasabi natin ng walang pasubali na isang tunay na makasaysayan.

Makasaysayan, sapagkat inunahan pa nang makabuluhang pasyang ito ng UDM ang Kongreso ng Pilipinas[3] na ituro na bilang hiwalay at indepenyenteng asignatura ang Buhay, Nagawa at mga Sulatin ni Gat Andres Bonifacio at gayundin ang pag-aaral sa Kilusang Katipunan.

Maipagmamalaki ng UDM na sa kanilang ginawa ay nakaukit at nakaguhit sila nang napakahalagang pahina sa kasaysayan ng ating bansa, sapagkat sila ang kauna-unahang paaralan na nagpasya’t gumawa nito.

Ibig sabihin, ang hamak at maliit na UDM na nasa ilalim lamang ng pamahalaang-lungsod ng Maynila at umaasa lamang sa pondo nito ang —kauna-unahang institusyong pang-edukasyon na nagbigay-pugay, dangal, pagkilala at katarungang-historikal sa Supremo!

Hindi maitatatwa na dahil sa mabuti, banal at dalisay na pasyang ito na ginawa at isinakatuparan nang nasabing eskuwelahan na ito ay naungusan, naunahan at nalagpasan din nila sa Karangalan at Pagkilala ang mga naglalakihan at dambuhalang mga paaralan tulad ng Pey Ups, Arteneo, PUP, La sail, Uste at iba pa, na may higit na pasilidad at malaking pondo; ngunit silang lahat ay dinaig ng isang bulilit na paaralan.

Maliit nga kung titingnan ang UDM, ngunit masasabi natin ng tuwiran at deretsahan na ang paaralang ito ay higit na mapagpasya, mapanghamon at may lakas ng loob na gawin ang nararapat para sa interes ng Supremo at ng kanyang Kilusang itinatag at pinamunuan, alalalong baga’y ang Dakilang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Sa kontekstong ito ay masasabi din natin ng walang alinlangan at walang pasubali na ang desisyon ng BOR ng UDM ay tunay na isang napakalaking paghakbang at pag-igpaw para sa mga indibidwal, mga tao, mga samahan at mga kilusang nagpapalagay, tumataya ng lubos at tunay na naninindigan na dapat na si Gat Andres Bonifacio ang matuwid at karapat-dapat na legal at pormal na ideklara nang mga kinauukulan o nang pamahalang sentral mismo — bilang opisyal, moral at legal na Unang Pangulo ng Bayang ito.[4]

Ito ang nasusulat at ito ang Katotohanan!

Ibig ko ding idiin at salungguhitan na ang Kursong Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan ay kauna-unahan din sa ating kasaysayan na itinuturo sa UDM.

Kung gayon, marapat lamang na kilalanin ng buong balana’t publiko ang UDM, bilang kauna-unahang paaralan kung saan may asignatura o kursong gaya nito at ito ay kauna-unahan din sa buong kasaysayan ng bansang ito.

Mabuti at kapuri-puri ang mga bagay na ito, ngunit marahil ay itatanong ng mga siniko’t kritiko[5] ang ganito:

Mabuti at mahusay ang inyong programa’t ginagawa, ngunit: eh ano ngayon?

May implikasyon ba o anong signipikansya ng pasya nang inyong paaralan sa ating mga mamamayan at sa bayan?

Ngayong naabot na ninyo ang isa o bahagi ng inyong layunin, — masaya na ba kayo?

Ano ba ang kabuluhan o saysay ng ipinagmamalaki at ipinaglaban ninyong kurso na iyan?

Tugon:

Naniniwala kaming mga mag-aaral, tagasunod at tagapagbandila sa mga kaisipan ng Supremo at lubos naming pinanghahawakan na may malaking epekto at di-masusukat na implikasyon ang magiting na pasyang ginawa ng UDM sa ating mga mamamayan at sa buong lipunan.

Sa unang pagkakataon ay mag-aaral ang ating mga kabataan ng buhay, mga nagawa at sinulat ni Gat Andres Bonifacio.

Hindi na kailangang maging “squatter” o makipagsiksikan ni Bonifacio at mga Katipunero sa kursong Rizal[6] o dili kaya ay sa asignaturang Kasaysayan ng Pilipinas, sapagkat isang buong asignatura o kurso ang nakalaan para sa pag-aaral ng mga Anak ng Bayan.

Nananalig kami na dahil sa ganitong pangyayari ay maipapaliwanag na nang husto kung sino ba talaga si Maypagasa[7], ano o sino ang Haring Bayang Katagalugan at ano ba talaga sa esensya ang silbi’t saysay ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan?

Sa Kursong ito rin ay maituturo at maipapaliwanag namin ng buong laya at may sapat na panahon ang kaibahan ng Kaisipan at Posisyon ni Dr. Rizal sa Kaisipan at Ipinaglaban ni Bonifacio at ng Bayan!

Ilan sa mga bagay na dapat ilinaw at ituro ng buong husay ay ang mga sumusunod:

Ano ang kaibahan ng Heroe sa Bayani?

Ano ang kaibahan ng La Liga Filipina sa Katipunan?

Ano ang kaibahan ng Nacion sa Bayan?

Ano ang kaibahan ng Rebolusyon sa Himagsikan?

Gayundin, at isa sa pinakamahalaga sa aking paningin, sa pamamagitan ng kursong ito ay nilalayon naming ituwid, itama’t iwasto ang mga kalapastanganan, ang mga kasinungalingan at paninirang-puri[8] ng mga punyetang ilustrado’t traydor[9] sa bayan at sa Himagsikan laban sa Ama ng Himagsikan mismo.

Umaasa ang may akda, na sa ginawang determinado at mapagpasyang hakbang na ito ng UDM ay maangtig nito ang damdaming makabayan at mapukaw ang kamalayang mapaghimagsik/mapagpalaya ng iba’t-ibang paaralan at pamantasan, hindi lamang sa Kamaynilaan, kundi sa buong Kapuluan nang sa gayon sila ay magsisunod na isa-isa o mas mabuting lahat na, sa halimbawang isinagawa ng maliit, ngunit mabuting paaralang ito!

Naniniwala ako na isangdaang taon mula ngayon ay tatanaw at lilingon ang mga bagong Pilipino, sa pangunguna ng kanilang mga Tunay na Mananalaysay at Lehitimong Historyador[10] sa araw ng Hunyo a-uno, taong 2015 at gayundin sa pamantasan ng Unibersidad de Manila upang ito ay bigyang pugay at ipagbunyi!

Ito ang aking nakikibakang pananalig!

Ito ang aking mapagpasyang paniniwala at mapaghimagsik na pagtataya!

Mabuhay si Gat Andres Bonifacio!

Mabuhay ang Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan!

Mabuhay at Ituloy ang Himagsikang 1896!

MAYPAGASA!!!
Jose Mario Dolor De Vega
(Ang RadikaL, Anak ng Bayan, KKK)

Associate Professorial Lecturer IV
Humanities and Social Sciences Department
University College
Unibersidad de Manila
[1] Ang may-akda ay propesor sa Unibersidad de Manila at nagtuturo ng mga asignaturang Pilosopiya at Agham-Panlipunan. Isa siya sa mga pinalad na mga guro doon na unang-unang magtuturo ng Kursong Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan.

[2] Ang may-akda bilang guro sa UDM at kinatawan ng Departamento Humanidades at Agham-Panlipunan ang siyang naging tagapamagitan at tagapag-ugnay ng nasabing paaralan upang sumangguni at humingi ng tulong, payo at suhestiyon kay Dr. Zeus A. Salazar na kinikilalang Ama ng Bagong Historyagrapiyang-Pilipino, tagapagtatag at pangunahing tagapagsulong ng Pantayong Pananaw at kinikilalang puno ng Bagong Kasaysayan. Sa ngalan ng aming paaralan at Departamento ay ibig kong magpasalamat sa kanya at sampu ng aming mga kasama’t kapatid sa Bagong Kasaysayan sa lahat ng kanilang tulong at ambag! Marapat lamang na malaman ng buong balana’t publiko na si Dr. Salazar ang siyang nagwasto’t nagtuwid ng unang Borador ng Descripsyon ng Kurso (Course Description) at gayundin, isinaayos at iwinasto niya ang Syllabus ng nasabing Kurso! Marami pong salamat sa inyo, Mahal na Dr. Salazar at Mabuhay po kayo!

[3] Ang Panukalang Batas Andres Bonifacio Act of 2011 o House Bill 4353 hanggang sa ngayon ay nakabinbin pa din sa Tongreso o Babuyang Pambansa at patuloy na kumakain ng alikabok.

[4] Tingnan ang “Andres Bonifacio and the 1896 Revolution” nina Propesor Milagros C. Guerrero, Emmanuel N. Encarnacion at Ramon N. Villegas na mula sa Sulyap Kultura na publikasyon ng National Commission for Culture and the Arts.

[5] Ito ang mga punyetang nilalang na mga makabagong ilustrado’t burgesya na tutol at laban sa lahat ng mga ginawa ng Supremo.

[6] Republic Act 1425 o Batas Rizal.

[7] Isa sa Sagisag-Panulat na ginamit ng Supremo. Ang isa pa ay Agapito Bagumbayan.

[8] Kabilang dito ang puna na si Andres Bonifacio daw ay mainitin ang ulo, mangmang, walang naipanalo ni isang laban noong Himagsikan at iba pang kasinungalingan at paninirang-puri.

[9] Numero uno na dapat tukuyin, pagbayarin at singilin sa mga kahayupan, kabuktutan, kasinungalingan at paninirang-puring ito ay walang iba kundi ang pekeng unang pangulo dawn g Pilipinas na walang iba kundi ang traydor, mamamatay-tao, takbuhin, duwag at oportunistang si Emilio Aguinaldo sampu ng mga hangal at dayukdok niyang Magdalong mga taksil sa Bayan at sa Himagsikan.

[10] Sandamakmak ang mga peke at nagpapanggap na “Historyador” daw. Yaong iba ay nagsusulat pa nga sa mga peryodiko, samantalang ang iba ay nakapag-aral lamang sa ibang bansa at pag-uwi dito ay nagsusulat diumano ng kasaysayan ng bansa, ngunit malayo naman sa kaluluwa o kalinangan ng bayan ang kanilang mga isinusulat! Bakit? Paano ba naman, pa-wers-wers lamang ang alam at hindi kayang magsulat gamit ang wika at lengguahe ng bayan mismo. Paano magsusulat ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga gagong ito, gayong hindi naman nila kayang magsalita at magsulat gamit ang wika at lengguahe ng Bayan? Sa isang salita: mga peke, panggap, trying-hard at self-proclaimed so-called “historians” ang mga kupal na mga eng-eng na mga ito!

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.