Tag Archives: Andrés Bonifacio

[Right-up] Isang Bukas na Liham para sa so-called Executive Director Daw ng National Historical Book Selling Commission of the Felipins -Ni Jose Mario De Vega

Isang Bukas na Liham para sa so-called Executive Director Daw ng National Historical Book Selling Commission of the Felipins
Ika-12, ng Hunyo 2015

Vote for this article for the 5th HR Pinduteros’ choice awards…

“Senor” Badoy,

Maligayang bati nang huwad na kalayaan ng inyong “republika Filipina”.[1]

Ang bukas na liham kong ito sa inyong tanggapan na walang pondo ay mariin kong tugon at pagtutol ko naman sa inyong tugon sa aking sulat sa inyo na may petsang Hunyo a-dos na ayon sa inyong elektronikong mensahe ay sinagot ninyo noong a-kuwatro, ngunit natanggap ko lamang sa pamamagitan ng aking email address noong (gabi nang) a-diyes.

Mario De Vega

Hindi ko maintindihan kung bakit sa kabila nang pamamayani at malayakang kaganapan ng teknolohiya ay bakit huli pa din ang inyong pagsagot?

Bakit kailangan ninyong lagyan ng petsang a-kuwatro ang sulat ninyo sa akin, gayong a-diyes lamang ninyo ipinadala?

Ano pong nangyari?

Masyado po ba kayong abala sa inyong mga gawain sa inyong ahensya (tulad ng pagbebenta ng mga libro?) na wala namang pondo (kaya kayo nagbebenta ng mga aklat?) at ni wala kayong panahon upang maipadala sa akin ang inyong tugon batay sa petsa na inyong itinala sa inyong sulat?

May burukrasya din ba sa paggamit ng teknolohiya sa inyong tanggapan na wala namang pondo?

Para sa kabatiran ng buong Bayan ay sisipiin ko nang buong-buo, parehas ang dalawang sulat na aking tinutukoy.

Narito ang kopya ng aking sulat sa NHCP (o mas marapat na tawaging National Historical Book Selling Commission of the Felipins [NHBSCFuck]):

Ika-2, ng Hunyo 2015

Aklatang (Resource Center) NHCP

Ginoong Ludovico Badoy

Executive Director
National Historical Commission of the Phils.

Mahal na Ginoong Badoy,

Magandang araw po! Ako po si Propesor Jose Mario De Vega mula sa Unibersidad de Manila.

Ako po ay nagtungo ngayon sa inyong tanggapan upang ipagbigay-alam sa inyo na kami po ang kauna-unahang paaralan at kauna-unahan sa ating kasaysayan na magtuturo ng asignatura tungkol kay Gat Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan.

Hinggil po sa bagay na ito ay magalang ko pong hinihiling ang inyong tulong at suporta.

Maaari po ba akong makahingi sa inyo ng ilang aklat hinggil sa buhay ng Supremo at ng Katipunan?

Ikalawa, humihingi din po kami nang tulong sa inyo sa Nobyembre a-trenta, sapagkat balak po naming magsagawa ng isang Komperensya o Seminar upang ipagdiwang ang ika-152 taong kaarawan ni Lolo Boni.

Maraming salamat po at Mabuhay!

#MAYPAGASA!!!

Lubos pong gumagalang,

Jose Mario Dolor De Vega

Ito naman ang tugon ni Mr. Badoy na may petsang a-kuwatro ngunit natanggap ko lamang sa pamamagitan ng email noong a-diyes:

Ika. 4 ng Hunyo 2015

G. JOSE MARIO DE VEGA

Assoc Professorial Lecturer V[2]
mario_the_radical@yahoo.com

Mahal na G. De Vega,

Ito ay kaugnay ng inyong liham na aming natanggap noong Hunyo 2, 2015 kung saan kayo ay humihiling ng mga aklat tungkol sa buhay ng bayaning si Andres Bonifacio at Katipunan at tulong plnansyal sa inyong isasagawa na komperensya.

Ikinalulungkot naming ipabatid na ang mga aklat ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ay ipinagbibili at ang listahan ng presyo ay kalakip ng sulat na ito, Gayundin. hindi makapaghihigay ng tulong pinansyal ang aming komisyon sapagkat hindi sapat ang aming pondo upang suportahan ang nasabing komperensya.

LUDOVlCO D. BADOY

PatnugotTagapagpaganap
NHCP

Komentaryo:

Mr. Baboy, este Badoy[3] pala, una sa lahat, ibig kong ilinaw na hindi ako lumapit sa inyong ‘institusyon’ para humingi ng tulong pinansyal.

Malinaw naman ang lahat sa aking liham, ngunit ibig kong muling ipahayag na ang layon ko ay dalawa:

Una, sa personal, ako ay humihingi ng ilang mga aklat ukol kay Gat Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan, at

Ikalawa, balak sana naming sa aming paaralan na magdaos ng isang Komperensya o Seminar sa Nobyembre a-trenta, upang ipagdiwang ang ika-152 Taong Anibersaryo ng Dakilang Araw ng Kapanganakan ng Supremo.

Ang tulong na aming hinihingi ay ang pagkakaloob ninyo sana ng mga aklat-pangkasaysayan na ibibigay naming regalo para sana doon sa mga panauhing magsisipagsalita.

Wala tayong pinag-uusapang pera o pinansya dito! Aklat at libro ang aking hinihingi!

Muli, hindi ko alam kung lasing o gutom o bangag o bingi ang inyong empleado (na wala sa kanyang sarili’t katinuan) na aking nakausap at gayundin ang mismong personal ninyong kalihim!

Ang aking posisyon at kontra-tugon hinggil sa inyong tugon sa aking liham ukol sa unang kahilingan:

Hindi ko alam kung anong uri kaya nang pangkasaysayang kaisipan (ka o) kayo mayroon, kung mayroon man?

Hindi ko nadama ang inyong kamalayang makabayan sa inyong tugon sa aking liham.

Ang aking nadama at nakita nang mabasa ko ang inyong sulat ay: merkantilismo, komersyalismo, materyalismo, oportunismo at kapitalismo.

Hindi ko alam kung bakit parang wala lamang sa inyo ang makasaysayan, napapanahon at makabuluhang pasyang isinagawa nang aming paaralan.

Bakit parang walang dating sa inyo at sa inyong ahensya ang balita at kaganapang ito?

Wala bang silbi o saysay sa inyo ang Supremo at ang Katipunan???

Bakit ni hindi ninyo nahipo o tinalakay man lamang ang puso’t kaluluwa ng aking liham?

Muli, para sa kabatiran at kapakinabangan ng ating mga mamamayan at mga kababayan, ibig kong mariing salugguhitan at masidhing idin na:

Kami sa Unibersidad de Manila ang kauna-unahang paaralan na nagkaroon ng asignaturang Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan at ang bagay o pangyayaring na ito ay kauna-unahan din sa buong kasaysayan (ng edukasyon) sa Pilipinas[4].

Hindi ko alam kung bakit hindi man lamang ninyo nakita at nadama ang moral at mapagpalayang implikasyon ng napakabuluhang bagay na ito at gayundin, hindi ba kayo naantig man lamang sa kahalagahang-pangkasaysayan ng pasyang ito ng UDM?

Lumapit ako sa inyo, sa paniniwalang ako ay katulad ninyong nagmamahal at sumisinta sa Supremo at sa Dakilang Katipunan, ngunit wala sa aking hinagap na ako pala ay labis na magkamali ng pagkilala’t pagtingin sa inyong ahensya.

Gawa nang kahindik-hindik at kasumpa-sumpang Katotohanan na ito ay mas nauunawaan ko na ngayon kung bakit hanggang sa ngayon ay marami pa din sa ating mga kababayan ang nasa dilim, ang mga hindi nakakakilala sa Supremo at malaking bilang din sa ating mga kababayan ang hindi nakakaunawa at walang pang-unawa kung sino ba talaga siya at kung ano ang tunay niyang isinakripisyo’t ipinaglaban.

Iniisip ko din, ano pa ang silbi ng inyong tanggapan, gayong wala naman kayong pondo sa pagbibigay o pamamahagi nang mga aklat at babasahin hinggil sa ating kasaysayan?

Ano ang saysay ng inyong opisina? Bakit hindi pa kayo magsara? Iminumingkahi kong tapatan nyo na lamang, full time ang National Bookstore at karirin nyo na din ang pagbebenta ng mga libro.

Karima-rimarim ang programa nang inyong ahensya. Hindi kayo namamahagi ng mga aklat, ngunit kayo ay nagbebenta nito?

Nasaan ang inyong mga puri’t dangal? Nasaan ang inyong katwiran at bait?

Wow! History (books) for Sale! Maaari po bang malaman, ano po ang kaibahan ninyo sa BOOK SALE?

Ang marapat na ngalan ng inyong tanggapan ay: National Historical Book Selling Commission of the Felipins (NHBSCFuck)!

Iyon ang karapat-dapat, sapagkat iyon lamang naman ang inyong silbi, gawa ng kawalan ninyo ng pondo!

Ang pinakamalaki kong pagkakamali bilang isang radikal na akademiko at matapat na tagasunod sa mga Kaisipan at Aral ni Gat Andres Bonifacio at ng Kilusang Katipunan ay noong ako ay lumapit at sumulat sa inyo — para manghingi ng ilang aklat hinggil sa buhay ng Supremo at ng Katipunan, sapagkat maliwanag at hindi mapapasubalian batay sa inyong tugon, gawi at programa na kayo ay walang ni anumang pagtingin o paglingap sa Ama ng Himagsikan o sa Dakilang Katipunan!

Ang masakit na Katotohanan, wala kayong pakialam sa Katipunan, sa mga Anak ng Bayan at maging sa Himagsikang kanilang pinasimulan at ipinaglaban.

Nais kong malaman ninyo, Saksi ang ating mga mamamayan at ang Buong Inang-Bayan, na aking isinusumpa — na kailanman ay hindi na ako lalapit pang muli o susulat o hihingi ng tulong o aklat sa inyong tanggapan; sapagkat bukod sa kayo ay walang pondo para sa mga dakilang bagay na ito ay nakita ko din ang kagimbal-gimbal na Katotohanang ang sinasabi ninyong pagdakila sa Supremo ng Kataas-tasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o Katipunan ay hanggang sa antas lamang ng salita o bunganga o daldal at epal!

Gayundin, wala kayong nauunawaan o nagagagap o nadadalumat ni ganggamunggo sa mga Banal at Dakilang Aral ng Kartilya ng Katipunan!!!

Ipapakalat ko’t ipapamudmod (kahit na wala akong pondo) sa Buong Baya’t balana, sa mga kaparangan, sa mga lungsod, kanayuna’t lahat ng sulok ng kapuluang ito ang kalatas o pahayag na ito — upang malaman at mabatid ng lahat at ng buong mundo kung anong uri ng uri kayo at anong saysay at silbi nang inyong tanggapan.

Nasusulat:

“Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon nang dapat nating ipakilala n tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin y tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.

“Kaya, O mga kababayan, ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayan tinubuan[5].”

Dikdikin at Itakwil tayo ng Langit!!!

Hatulan nawa tayo ng Bayan!!!

Sumpain tayo ng Kasaysayan!!!

Labis-labis na masakit at nagngingitngit ang aking kalooban at tunay na naghihimagsik ang aking kaluluwa’t diwa;

TULOY ANG HIMAGSIKAN,

Jose Mario Dolor De Vega

(Ang Radikal, Anak ng Bayan, KKK)

AB Political Science (1999)
Masters in Philosophy (2004)
LlB (2007)

Associate Professorial Lecturer IV
Unibersidad de Manila

[1] Ipinagdiriwang ninyo ang pekeng araw na ito, ibig sabihin ay kinikilala nyo din si satanistang emilio aguinaldo na siyang numero unong kriminal at mamamatay-tao sa ating kasaysayan! Ipinapatay ng hayop na yan ang magkapatid na Ciriaco, Procopio at Andrés Bonifacio, gayundin si Heneral Antonio Luna! Samantalang si Apolinario Mabini ay pinantod na, ngunit sinipa pa sa puwesto! Hayok at ganid sa kapangyarihan ang hayop na dayukdok na yan!!!

Bukod sa mga kahayupang iyan ay ibinenta din ng hangal na tarantadong yan ang bansang ito sa Biak-na-Bato at siya at nakipagkutchabahan sa mga kupal na Kano! Noong Ikalawang Digmaang-Pandaigdig ay sa mga abusadong Japok namman siya nakipagtsupaan!

Ngayon, kinikilala nyo ang hayop na lapastangan, duwag, takbuhin, traydor, bentador at mamamatay-taong hayop na yan? Bilang unang pang-gulo at nagdeklara ng inyong “kalayaan”?
Dapat kayong sumpain na lahat!

Itinatakwil ko na kayo ay kasama ko sa bansang ito at hindi ko matatanggap na kayo ay aking mga kababayan!

Si Gat Andres Bonifacio ang kinikilala naming Tunay na Unang Pangulo ng Bayang ito!
Hindi ko kinikilala ang inyong pekeng hunyo a-dose, sapagkat ang sa amin ay Agosto 24, 1896!
Hindi ko kinikilala ang inyong bandila, sapagkat ang aming watawat ay ang watawat ng Katipunan!
Hindi ko kinikilala ang inyong pambansang awit, sapagkat ang sa amin ay tinatawag na Marangal na Dalit ng Katagalugan!

Hindi ko kinikilala ang inyong bansa, sapagkat ang bayan ko ay ang Haring Bayang Katagalugan!!!
SUMPAIN TAYO NG LANGIT!

HATULAN NAWA TAYO NG KASAYSAYAN!!!!
‪#‎MAYPAGASA!!!!

[2] Ako ay Associate Professorial Lecturer IV at hindi Associate Professorial Lecturer V.

[3] Hindi ko alam kung lasing o gutom o bangag o bingi ang inyong empleado (na wala sa kanyang sarili’t katinuan) na aking nakausap at gayundin ang mismong personal ninyong kalihim! Maliwanag ang aking sinabi, humihingi ako ng ilang mga aklat na personal kong gagamitin at gayundin, humihingi ako ng mga aklat na aming ipagkakaloob sa mga panauhing magsasalita para sana sa Komperensya o Seminar sa Nobyembre a-trenta!

[4] Para sa malawakan at komprehensibong diskusyon hinggil sa bagay na ito ay iniimbitahan ko ang ating mga kababayan na tingnan ang munting sanaysay ng may-akda na may titulong: “Ang Kahalagahang ng Desisyon ng BOR ng UDM upang isama sa kanilang Kurikulum ang Kursong Andres Bonifacio”, Human Rights Online Philippines, June 11, 2015

[5] “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”, Andres Bonifacio/Maypagasa

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Blog] Ang Kahalagahang ng Desisyon ng BOR ng UDM upang isama sa kanilang Kurikulum ang Kursong Andres Bonifacio ni Jose Mario De Vega

Vote for this article for the 5th HR Pinduteros’ choice awards.

Ang Kahalagahang-Pangkasaysayan ng Desisyon ng Board of Regents ng Pamantasang Unibersidad de Manila upang isama sa kanilang Kurikulum ang Kursong Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan
Ni Jose Mario Dolor De Vega[1]

Sa araw na ito, Hunyo a-uno, ng kasalukuyang taon ay ang unang araw kung saan pormal ng sinimulang ituro nang mga guro’t propesor sa Unibersidad de Manila (UDM) sa kanilang mga mag-aaral ang SOC 106[2] o mas higit na kilala bilang asignaturang Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan.

Mario De Vega

Kalabisan ng sabihin, ngunit tunay na makasaysayan at lubhang makabuluhan ang araw na ito para sa mga tunay na Anak ng Bayan!

Tingnan at suriin po natin ang mga sumusunod na mahahalagang usaping pangkasaysayan sa ibaba:

1. Ang pasya ng Board of Regents (BOR) ng Unibersidad de Manila (UDM) na gawing bahagi nang Kurikulum at maging isang indepenyenteng asignatura ang Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan.

2. Ang UDM — bilang kauna-unahang paaralang gumawa ng ganitong hakbang-pagkilala para sa Supremo at sa mga Maghihimagsik na Katipunero

3. Ang Kurso/Asignaturang Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan — bilang kauna-unahang sa buong Kasaysayan (ng Edukasyon) sa Pilipinas

Komentaryo:

Ang pasya nang BOR ng UDM ay masasabi natin ng walang pasubali na isang tunay na makasaysayan.

Makasaysayan, sapagkat inunahan pa nang makabuluhang pasyang ito ng UDM ang Kongreso ng Pilipinas[3] na ituro na bilang hiwalay at indepenyenteng asignatura ang Buhay, Nagawa at mga Sulatin ni Gat Andres Bonifacio at gayundin ang pag-aaral sa Kilusang Katipunan.

Maipagmamalaki ng UDM na sa kanilang ginawa ay nakaukit at nakaguhit sila nang napakahalagang pahina sa kasaysayan ng ating bansa, sapagkat sila ang kauna-unahang paaralan na nagpasya’t gumawa nito.

Ibig sabihin, ang hamak at maliit na UDM na nasa ilalim lamang ng pamahalaang-lungsod ng Maynila at umaasa lamang sa pondo nito ang —kauna-unahang institusyong pang-edukasyon na nagbigay-pugay, dangal, pagkilala at katarungang-historikal sa Supremo!

Hindi maitatatwa na dahil sa mabuti, banal at dalisay na pasyang ito na ginawa at isinakatuparan nang nasabing eskuwelahan na ito ay naungusan, naunahan at nalagpasan din nila sa Karangalan at Pagkilala ang mga naglalakihan at dambuhalang mga paaralan tulad ng Pey Ups, Arteneo, PUP, La sail, Uste at iba pa, na may higit na pasilidad at malaking pondo; ngunit silang lahat ay dinaig ng isang bulilit na paaralan.

Maliit nga kung titingnan ang UDM, ngunit masasabi natin ng tuwiran at deretsahan na ang paaralang ito ay higit na mapagpasya, mapanghamon at may lakas ng loob na gawin ang nararapat para sa interes ng Supremo at ng kanyang Kilusang itinatag at pinamunuan, alalalong baga’y ang Dakilang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Sa kontekstong ito ay masasabi din natin ng walang alinlangan at walang pasubali na ang desisyon ng BOR ng UDM ay tunay na isang napakalaking paghakbang at pag-igpaw para sa mga indibidwal, mga tao, mga samahan at mga kilusang nagpapalagay, tumataya ng lubos at tunay na naninindigan na dapat na si Gat Andres Bonifacio ang matuwid at karapat-dapat na legal at pormal na ideklara nang mga kinauukulan o nang pamahalang sentral mismo — bilang opisyal, moral at legal na Unang Pangulo ng Bayang ito.[4]

Ito ang nasusulat at ito ang Katotohanan!

Ibig ko ding idiin at salungguhitan na ang Kursong Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan ay kauna-unahan din sa ating kasaysayan na itinuturo sa UDM.

Kung gayon, marapat lamang na kilalanin ng buong balana’t publiko ang UDM, bilang kauna-unahang paaralan kung saan may asignatura o kursong gaya nito at ito ay kauna-unahan din sa buong kasaysayan ng bansang ito.

Mabuti at kapuri-puri ang mga bagay na ito, ngunit marahil ay itatanong ng mga siniko’t kritiko[5] ang ganito:

Mabuti at mahusay ang inyong programa’t ginagawa, ngunit: eh ano ngayon?

May implikasyon ba o anong signipikansya ng pasya nang inyong paaralan sa ating mga mamamayan at sa bayan?

Ngayong naabot na ninyo ang isa o bahagi ng inyong layunin, — masaya na ba kayo?

Ano ba ang kabuluhan o saysay ng ipinagmamalaki at ipinaglaban ninyong kurso na iyan?

Tugon:

Naniniwala kaming mga mag-aaral, tagasunod at tagapagbandila sa mga kaisipan ng Supremo at lubos naming pinanghahawakan na may malaking epekto at di-masusukat na implikasyon ang magiting na pasyang ginawa ng UDM sa ating mga mamamayan at sa buong lipunan.

Sa unang pagkakataon ay mag-aaral ang ating mga kabataan ng buhay, mga nagawa at sinulat ni Gat Andres Bonifacio.

Hindi na kailangang maging “squatter” o makipagsiksikan ni Bonifacio at mga Katipunero sa kursong Rizal[6] o dili kaya ay sa asignaturang Kasaysayan ng Pilipinas, sapagkat isang buong asignatura o kurso ang nakalaan para sa pag-aaral ng mga Anak ng Bayan.

Nananalig kami na dahil sa ganitong pangyayari ay maipapaliwanag na nang husto kung sino ba talaga si Maypagasa[7], ano o sino ang Haring Bayang Katagalugan at ano ba talaga sa esensya ang silbi’t saysay ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan?

Sa Kursong ito rin ay maituturo at maipapaliwanag namin ng buong laya at may sapat na panahon ang kaibahan ng Kaisipan at Posisyon ni Dr. Rizal sa Kaisipan at Ipinaglaban ni Bonifacio at ng Bayan!

Ilan sa mga bagay na dapat ilinaw at ituro ng buong husay ay ang mga sumusunod:

Ano ang kaibahan ng Heroe sa Bayani?

Ano ang kaibahan ng La Liga Filipina sa Katipunan?

Ano ang kaibahan ng Nacion sa Bayan?

Ano ang kaibahan ng Rebolusyon sa Himagsikan?

Gayundin, at isa sa pinakamahalaga sa aking paningin, sa pamamagitan ng kursong ito ay nilalayon naming ituwid, itama’t iwasto ang mga kalapastanganan, ang mga kasinungalingan at paninirang-puri[8] ng mga punyetang ilustrado’t traydor[9] sa bayan at sa Himagsikan laban sa Ama ng Himagsikan mismo.

Umaasa ang may akda, na sa ginawang determinado at mapagpasyang hakbang na ito ng UDM ay maangtig nito ang damdaming makabayan at mapukaw ang kamalayang mapaghimagsik/mapagpalaya ng iba’t-ibang paaralan at pamantasan, hindi lamang sa Kamaynilaan, kundi sa buong Kapuluan nang sa gayon sila ay magsisunod na isa-isa o mas mabuting lahat na, sa halimbawang isinagawa ng maliit, ngunit mabuting paaralang ito!

Naniniwala ako na isangdaang taon mula ngayon ay tatanaw at lilingon ang mga bagong Pilipino, sa pangunguna ng kanilang mga Tunay na Mananalaysay at Lehitimong Historyador[10] sa araw ng Hunyo a-uno, taong 2015 at gayundin sa pamantasan ng Unibersidad de Manila upang ito ay bigyang pugay at ipagbunyi!

Ito ang aking nakikibakang pananalig!

Ito ang aking mapagpasyang paniniwala at mapaghimagsik na pagtataya!

Mabuhay si Gat Andres Bonifacio!

Mabuhay ang Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan!

Mabuhay at Ituloy ang Himagsikang 1896!

MAYPAGASA!!!
Jose Mario Dolor De Vega
(Ang RadikaL, Anak ng Bayan, KKK)

Associate Professorial Lecturer IV
Humanities and Social Sciences Department
University College
Unibersidad de Manila
[1] Ang may-akda ay propesor sa Unibersidad de Manila at nagtuturo ng mga asignaturang Pilosopiya at Agham-Panlipunan. Isa siya sa mga pinalad na mga guro doon na unang-unang magtuturo ng Kursong Andres Bonifacio at ang Kilusang Katipunan.

[2] Ang may-akda bilang guro sa UDM at kinatawan ng Departamento Humanidades at Agham-Panlipunan ang siyang naging tagapamagitan at tagapag-ugnay ng nasabing paaralan upang sumangguni at humingi ng tulong, payo at suhestiyon kay Dr. Zeus A. Salazar na kinikilalang Ama ng Bagong Historyagrapiyang-Pilipino, tagapagtatag at pangunahing tagapagsulong ng Pantayong Pananaw at kinikilalang puno ng Bagong Kasaysayan. Sa ngalan ng aming paaralan at Departamento ay ibig kong magpasalamat sa kanya at sampu ng aming mga kasama’t kapatid sa Bagong Kasaysayan sa lahat ng kanilang tulong at ambag! Marapat lamang na malaman ng buong balana’t publiko na si Dr. Salazar ang siyang nagwasto’t nagtuwid ng unang Borador ng Descripsyon ng Kurso (Course Description) at gayundin, isinaayos at iwinasto niya ang Syllabus ng nasabing Kurso! Marami pong salamat sa inyo, Mahal na Dr. Salazar at Mabuhay po kayo!

[3] Ang Panukalang Batas Andres Bonifacio Act of 2011 o House Bill 4353 hanggang sa ngayon ay nakabinbin pa din sa Tongreso o Babuyang Pambansa at patuloy na kumakain ng alikabok.

[4] Tingnan ang “Andres Bonifacio and the 1896 Revolution” nina Propesor Milagros C. Guerrero, Emmanuel N. Encarnacion at Ramon N. Villegas na mula sa Sulyap Kultura na publikasyon ng National Commission for Culture and the Arts.

[5] Ito ang mga punyetang nilalang na mga makabagong ilustrado’t burgesya na tutol at laban sa lahat ng mga ginawa ng Supremo.

[6] Republic Act 1425 o Batas Rizal.

[7] Isa sa Sagisag-Panulat na ginamit ng Supremo. Ang isa pa ay Agapito Bagumbayan.

[8] Kabilang dito ang puna na si Andres Bonifacio daw ay mainitin ang ulo, mangmang, walang naipanalo ni isang laban noong Himagsikan at iba pang kasinungalingan at paninirang-puri.

[9] Numero uno na dapat tukuyin, pagbayarin at singilin sa mga kahayupan, kabuktutan, kasinungalingan at paninirang-puring ito ay walang iba kundi ang pekeng unang pangulo dawn g Pilipinas na walang iba kundi ang traydor, mamamatay-tao, takbuhin, duwag at oportunistang si Emilio Aguinaldo sampu ng mga hangal at dayukdok niyang Magdalong mga taksil sa Bayan at sa Himagsikan.

[10] Sandamakmak ang mga peke at nagpapanggap na “Historyador” daw. Yaong iba ay nagsusulat pa nga sa mga peryodiko, samantalang ang iba ay nakapag-aral lamang sa ibang bansa at pag-uwi dito ay nagsusulat diumano ng kasaysayan ng bansa, ngunit malayo naman sa kaluluwa o kalinangan ng bayan ang kanilang mga isinusulat! Bakit? Paano ba naman, pa-wers-wers lamang ang alam at hindi kayang magsulat gamit ang wika at lengguahe ng bayan mismo. Paano magsusulat ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga gagong ito, gayong hindi naman nila kayang magsalita at magsulat gamit ang wika at lengguahe ng Bayan? Sa isang salita: mga peke, panggap, trying-hard at self-proclaimed so-called “historians” ang mga kupal na mga eng-eng na mga ito!

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Featured post] Bonifacio, indeed, Ang Unang Pangulo by Angelica Carballo

Bonifacio, indeed, Ang Unang Pangulo by Angelica Carballo

Vote for this article for the 5th HR Pinduteros’ choice awards…

Finally, after days of planning and scheming how to get an extra nanny to help us babysit the kids (Leica, Boris, and Boni), my mother came over last Sunday so Buck and I wasted no time and went to Greenhills pronto to watch Bonifacio: Ang Unang Pangulo. Here’s our take on the film.

featured post

The movie was almost what we need to relive and finally give justice to a great hero. It was almost epic, it almost achieved greatness, it almost justified Andres Bonifacio. Almost.

There are many high points. Robin Padilla is the perfect Andres Bonifacio, given his real-life grit and passion, his flame and fervor which gave his portrayal a flavor you can almost taste. I like it that he was not insecure about his scars, and a true revolutionary is proud of his scars. The problem is the director and the script.

Teka, high points muna: My personal favorite was the Tejeros Convention. I almost cheered when Robin/Andres stood up and challenged the frightened Tirona to a duel. I wished he pulled that trigger on Tirona’s head. Yes, Robin was effective in that scene.

High point: from a feminist perspective, Vina’s Oryang deserves accolades. Out of all the Bonifacio movies I’ve watched, this movie gave her the depiction she rightfully deserves: Oryang was not just  Andres’ wife, Oryang was a partner that equals his courage, leadership, and vision for a free and better country. Vina also grew as an actress, and I never anticipated that I will like her in this movie. At some point, Vina’s portrayal of Oryang made me want to be like her. This is one of the movie’s victory, and dito pa lang, sulit ang pinambili ko ng ticket.

Read full article @akcarballo.wordpress.com

via Bonifacio, indeed, Ang Unang Pangulo.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[Statement] Sa ika-150 taon ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio: MAY PAG-ASA Laban sa Inutil na Pangulo at Palpak na Elitistang Gobyerno -BMP/SANLAKAS/PLM

Sa ika-150 taon ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio: MAY PAG-ASA Laban sa Inutil na Pangulo at Palpak na Elitistang Gobyerno

MAYPAG-ASA. Ito ang alyas o koda noon ni Andres Bonifacio, supremo ng Katipunan at lider manggagawang namuno sa laban ng bayan sa kolonyalismong Espanyol.

bmplogo

Isa’t kalahating siglo na mula nang isilang si “Maypag-asa” – ang dapat tanghaling unang pangulo ng republika ng Pilipinas. Ngunit napapanahon pa ring tanungin ng bawat Pilipino: “May pag-asa pa ba ang ating Inang Bayan”?

Makabuluhan ang tanong na ito laluna sa panahong tayo ay humaharap sa kaliwa’t kanang mga
pagsubok bunga ng kalamidad at mga kontrobersyang pampulitika. Laluna sa yugtong ito na tila
nalulukuban ang buong bansa ng kawalang pag-asa.

Tahasan nating idinedeklara: “May pag-asa pa!” Subalit hindi ito grasyang magmumula “sa itaas”.
Hindi ito manggagaling sa mga elitistang may-kontrol sa ating ekonomiya’t pulitika. Hindi magsisimula sa matataas na mga opisyal ng gobyerno na sinasamantala ang mismong kahirapan at pagdarahop ng masang Pilipino.

Ang gobyernong Aquino ay para sa malalaking kapitalista. Sa nakaraang SONA, ipinagmalaki ni Noynoy ang “inclusive growth”. Aniya ang nais raw ng rehimen ay pag-unlad na para sa lahat ng Pilipino. Subalit sino lamang ang nakinabang sa ipinagmamalaking GNP/GDP growth? Ang pinakamayamang 40 pamilya na lumago ang yaman ng 37.9% noong 2011.

Ang gobyernong Aquino ay para sa political dynasty. Ang mismong pangulo ay nagmula sa pampulitikang angkan. Ito ang mga pamilyang nagpapasasa sa kaban ng bayan at hindi inuuna ang kapakanan ng nakararami at ang totoong pambansang pag-unlad. Hanggang ngayon, hindi pa rin naisasabatas ang enabling law sa Konstitusyonal na probisyon laban sa mga political dynasty.
Ang gobyernong Aquino ay para sa pork barrel. Naluklok sa poder si Noynoy at partido Liberal sa islogang “kung walang korap, walang mahirap” at “daang matuwid”. Pero hindi niya tinanggal (bagkus ay dinoble pa nga!) ang PDAF ng mambabatas na matagal nang pinupuna bilang isa sa mga mekanismo ng korapsyon sa bansa. Bukod sa PDAF, mayroong P1.3 Trilyon na presidential pork na ginagamit – hindi sa lahatang-panig na pag-unlad – kundi sa pagpapanatili ng “utang
na loob” ng mga lokal na opisyal at kanilang mga botante.

AT HIGIT SA LAHAT, ang gobyernong Aquino ay palpak sa pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad. Ang sunodsunod na kalamidad sa Visayas – mula sa lindol hanggang sa kamakailan lang na bagyong Yolanda – ang nagbulgar sa kapalpakan ng elitistang paghahari. Lumipas muna ang isang linggo bago opisyal na nasimulan ang pag-ayuda ng gobyerno sa Leyte’t Samar, partikular sa Tacloban. Ito ang INUTIL na administrasyong mas inuuna ang imahe bago ang pagtulong sa taumbayan. Hanggang ngayon, maraming lugar pa rin ang hindi nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Kung wala sa inutil na pangulo at elitistang gobyerno, nasaan matatagpuan ang pag-asa ng bayan? Nasa taumbayan mismo. Nasa ating sama-samang pagkilos. Nasa ating kapatiran at pagdadamayan. Nasa ating pagkakaisa’t paglaban.

Makikita ito sa pagtulong ng milyon-milyong ordinaryong mamamayang hindi na naghintay sa anumang anunsyo ng gobyerno ngunit agad na tumulong sa mga nasalanta ng nakaraang mga sakuna.

Mas pa, sapagkat ang sama-samang pagkilos “mula sa ibaba” ay nagkamit, kamakailan lang, ng sumusunod na mga tagumpay:
Una, ang pagdeklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang PDAF ng mga mambabatas at iligal ang lumpsum appropriation sa pondo ng gobyerno at absolutong kontrol ng Malakanyang sa paggamit nito ng Malampaya fund (na dapat ay inilalaan sa paglikha ng enerhiya at elektripikasyon ng bansa). Hindi pa nagtatapos ang laban. Tinanggal lamang ang “pork barrel” ng mga mambabatas ngunit nananatili ng presidential pork. Hindi pa rin nailalagay ang partisipasyon ng taumbayan sa pagbabadyet ng gobyerno. Ganunpaman, makasaysayan ang naging hatol ng Korte. Maari na itong gawing batayan sa lahat ng susunod na kaso tungkol sa kabuuang “pork barrel”. Ito ang bunga ng tuloy-tuloy na pagkilos ng taumbayan na nasimulan sa Million People March sa Luneta noong Agosto 26.

Ikalawa, ang pagbabalik sa mga tinanggal bilang regular ng mga empleyado ng Philippine Airlines, sa pamumuno ng PALEA. Palagiang kinampihan ng gobyerno – mula sa Malakanyang hanggang sa Court of Appeals – ang outsourcing ni Lucio Tan para mapalitan ng mga kaswal ang mga regular at durugin ang unyong PALEA. Sa loob ng dalawang taon, lumaban ang unyon – sa tulong at suporta ng kilusang mamamayan at kilusang paggawa. Nang ibenta ang PAL sa San Miguel group, unang pumostura laban sa reinstatement ang bagong management. Subalit hindi natinag ang unyon bagamat umabot na ng dalawang taon mula nang i-lockout ni Lucio Tan ang PAL. Noong Nobyembre 16, dahil sa pangangailangan din ng PAL ng mga manggagawang mas may kasanayan sa trabaho, pumayag ang bagong may-ari na bumalik bilang regular ang mga kasapi ng PALEA.

Mga kababayan! May pag-asa pa. Ang ating katubusan ay nasa ating mga kamay. Sa sama-samang pagkilos, naging iligal ang PDAF at nakabalik ang PALEA. Sa pagkakaisa’t pakikibaka, may lakas at tagumpay ang mamamayang Pilipino.

Mga kamanggagawa! Si Gat Andres ay manggagawa. Gaya rin nating sahurang alipin. Subalit pinangibabawan niya ang kahirapan. Nagkusang mag-aral at magtiyaga. Inisip ang kapakanan ng buong bayan, hindi lang ng sarili o sariling pamilya. Hanggang sa naging lider ng bayan. Sa okasyong ito ng ika-150 taon ng kapanganakan ni Bonifacio, tanggapin natin ang tungkuling pangunahan ang laban ng bayan sa elitista’t trapong paghahari. Higit sa anumang sektor sa lipunan, ang nagkakaisang pagkilos ng manggagawa, ng milyon-milyong walang pag-aari kundi ang kanilang lakas,
talino at oras – ang siyang tunay na pag-asa ng bayan. Palpak na gobyerno, inutil na pangulo, itakwil!

BMP–PLM–SANLAKAS
Nobyembre 30, 2013

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

[From the web] Ika-115 Anibersaryo ng Kamatayan ni Andres Bonifacio, Ginunita ng mga Militanteng Grupo

Ika-115 Anibersaryo ng Kamatayan ni Andres Bonifacio, Ginunita ng mga Militanteng Grupo

Ginunita ng mga militanteng grupo ang ika-115 anibersaryo ng kamatayan ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio ngayong Mayo 10 sa isinagawa nilang sa Mehan Garden sa Maynila. Ayon sa kasaysayan, pinaslang si Bonifacio, kasama ang kanyang kapatid na si Procopio, sa utos ni Hen. Emilio Aguinaldo, noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite.

Ito’y pinangunahan ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-NCRR), Sanlakas, at iba pa. Nag-alay sila ng bulaklak, nagkaroon ng maikling programa, at nagsagawa ng munting pagsasadula sa naganap na pagkapaslang sa bayani.

“Ginugunita natin ang kamatayan ni Rizal tuwing Disyembre 30 at Ninoy Aquino tuwing Agosto 21, pero bakit ang ginugunita natin ay ang kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio tuwing Nobyembre 30? Dahil nais itago ang isang kahindi-hindik na pangyayari sa kasaysayan, ang pagpaslang ng mga ilustrado sa itinuturing nilang hindi nila kauri, kay Bonifacio.” Ito ang mariing sinabi ni Ka Leody de Guzman, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Dagdag pa niya, “Sa ngayon, patuloy pa ang pagpatay ng naghaharing uri sa mga maliliit, lalo na sa hindi nila kauri, tulad ng mga manggagawa’t maralita. Patuloy pa ang pananalanta ng salot na kontraktwalisasyon, patuloy ang pagtataboy sa mga maralita sa kanilang tirahan upang tayuan ng mga negosyo tulad ng SM, patuloy na nagtataasan ang mga bilihin, tubig, kuryente, tuition fee, langis, na ang nakikinabang lamang ay ang mga kapitalista, ang mga naghaharing uri sa lipunan. Kayrami na ring napaslang na mga lider ng masa at marami ring dinukot na naging mga desaparesidos.”

Ayon kay Ojie Tan ng PMT, “Matagal nang itinago ng mga naghaharing uri ang pagkapaslang kay Bonifacio ng kapwa niya lider-rebolusyonaryo. Ayaw ng mga naghaharing uri na gunitain natin ito, dahil mamumulat ang mga Pilipino sa mga ginawa nilang katrayduran sa mga mahihirap nating kababayan. Takot ang burgesya na mamulat ang sambayanan sa tunggalian ng uring umiral at patuloy na umiiral sa lipunan. Ngunit kailangan natin itong gunitain upang hanguan ng aral at ipaalala sa mga susunod na henerasyon na ang nangyaring ito’y paglapastangan sa ating bayani at sa buong bayan.”

Sinabi naman ni Victor Briz, bise-presidente ng Partido Lakas ng Masa (PLM), ”Napakahalagang gunitain natin ang araw ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio bilang paalala sa atin at sa mga susunod pang henerasyon na hindi natutulog ang kanilang mga ninuno, na ang mga aral ng nakaraan ay hindi natin ibinabaon sa limot. Ang pagbabalik-gunita natin sa nangyaring pagpaslang kay Ka Andres noong Mayo 10, 1897 ay isang mahalagang aral sa atin na hangga’t may tunggalian ng uri sa lipunan, magpapatuloy ang mga ganitong pagpatay, pang-aapi at pagsasamantala ng mga naghaharing uri sa mga maliliit. Dapat talagang baguhin natin ang lipunan kung saan wala nang mga naghaharing uri’t elitistang mapagsamantala sa maliliit. ”.

Ayon naman kay Greg Bituin Jr., ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)-NCRR, at kasapi ng history group na Kamalaysayan, “Pinapakita ng pagkapaslang kay Bonifacio ang tunggalian ng uri noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Bagamat parehong mga rebolusyonaryo na nagnanais ng pagpapalaya ng bayan mula sa kamay ng mananakop, magkakaiba pa rin sila ng kalagayan sa lipunan. Nangibabaw ang uring ilustrado sa uring anakpawis, tulad din ngayon na patuloy na nagsasamantala ang uring elitista laban sa mahihirap, ang uring kapitalista laban sa uring manggagawa, ang burgesya laban sa taumbayan, ang gobyernong kapitalista laban sa masa ng sambayanan. Panahon nang ilantad ang ganitong bulok na sistema upang mas madaling maunawaan ng masa na dapat silang mag-alsa laban sa bulok na sistemang patuloy na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao. Ituloy natin ang laban ni Bonifacio. Rebolusyon para sa pagbabago!”

Ipinahayag ng mga militanteng grupo na ang nasimulang paggunita ngayong Mayo 10 ay magiging taunang gawain para sa uring anakpawis na tulad din ng pagbibigay halaga ng paggunita sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio tuwing Nobyembre 30.

http://kilusangmasa.blogspot.com/2012/05/ika-115-anibersaryo-ng-kamatayan-ni.html