[Statement] Proteksiyunan ang mga Guro -TDC

Proteksiyunan ang mga Guro
Nanumbalik na naman ang masamang bisyo ng mga bandido sa Zamboanga Peninsula. Nitong bago mag-Pasko, Disyembre 18 ay isang guro ang dinukot ng mga armadong lalaki sa Zambaonga City.
Ang kaawa-awang guro ay si Ms Cathy Mae Casipong, 23 taong gulang at guro sa Sibugtoc Elementary School sa nasabing lungsod. Nag-Pasko na’t nag-Bagong Taon si Teacher Cathy na malayo sa kanyang pamilya. Bumalik na ang klase noong Lunes ay naroon pa rin siya kamay ng mga kindnaper.
Hindi bago ang balitang ito. Hindi si Teacher Cathy ang unang biktima ng kidnapping sa Zambonaga Peninsula at sa Mindanao.
Enero 23, 2009 nang dukutin din ng mga bandido ang mga gurong sina Freires Quizon, Janette de los Reyes, at Rafael Mayonado, habang nakasakay sa bangka malapit sa Siacol Island sa Zamboanga City. Sila ay nakatalaga bilang mga guro sa Landang Gua Elementary School. Mayo 27 na nang taong ding yaon nang sila ay mapalaya.
Agad itong nasundan noong Marso 13, 2009 sa kalapit na lalawigan ng Zambonaga Sibugay kung saan ang mga guro sa Bangkaw-bangkaw Elementary School na sina Noemi Mandi, Jocelyn Inion at Jocelyn Enriquez ay dinukot rin ng mga bandido. Nakalaya ang mga pobreng guro Setyembre 23, 2009 na o mahigit anim na buwan.
Masasabing mapalad pa ang anim na gurong nabanggit, sapagkat noong Oktubre 19, 2009 din, ay kinidnap naman si Gabriel Canizares, principal ng Kanague Elementary School sa Sulu. Isa siyang Kristiyanong nakatalaga sa komunidad ng mga Muslim. Hindi naging mapalad ang kinalabasan ng kanyang istorya sapagkat noong Nobyembre 9, 2009, ang kanyang bangkay na pinugutan ng ulo ay natagpuan sa Jolo. Ito’y matapos umanong mabigong magbayad ng ransom ang kanyang pmailya. Isang napakalupit na kamatayan para sa isang taong walang ginawa kundi ang maglingkod ng tapat sa mga kabataang Bangsamoro at matiyak na sila ay matuto at mabigyan ng edukasyon.
Ang mga pagdukot na ito sa mga guro hindi lamang sa Zamboanga, Sulu at Basilan nagaganap. Maging sa ibang bahagi ng Mindanao ay may mga ganitong kaso. Katulad noong Disyembre, 2009, kung saan ay umaabot sa 75 katao ang dinukot ng armadong mga kasapi ng Ondo Perez Group mula sa isang paaralan sa Prosperidad, Agusan Del Sur. Noong Pebrero 2011 ay naulit iton sa parehong lalawigan kung saan, 16 katao naman ang dinukot. Marami sa mga biktima sa dalawang insidenteng ito ay mga batang mag-aaral at ang kanilang mga guro.
Isa lamang ito sa mga peligrong hinaharap ng mga guro sa araw-araw na buhay. Maliban diyan ay may palagiang panganib rin na hinaharap ang mga guro sa mga liblib na lugar, lalo na yaong mga nasa lugar ng labanan ng mga puwersa ng rebelde at pamahalaan. Hidid man kasali sa aktuwal na giyera ay lagi nang naiipit sa digmaan ang ating mga guro. Laging may nakaambang panganib sa kanilang kaligtasan at buhay.
Sapat na dahilan ito upang bigyan ng hazard pay ang ating mga guro na nasa ganitong sitwasyon. Ito naman ay naayon na rin sa batas at ginagarantiyahan ng Magna Carta for Public School Teachers na naisabatas noon pang 1966.
Upang mabigyan ng proteksiyon ang mga bata at ang edukasyon, dapat munang matiyak na protektado ang mga guro. #
Reference: Benjo Basas, National Chairperson 0920-5740241/ 3853437
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.