
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Mayorya ng Kongreso, pati na si P-Noy, nais kilalaning bayani si dating Pangulong Marcos. Hindi tayo dapat pumayag. Maraming nakulong, namatay, naulila, sa panahon ng kanyang diktadura. Nagalit ang taumbayan na nagresulta ng people power 1 at pinatalsik si Marcos. Insulto ito sa henerasyon namin – mga kabataang namulat sa pulitika nang tinanggal ni Marcos ang Voltes V na kinagiliwan namin noon, isang kwento ng kabayanihan, isang kwento ng kolektibong pagtutulungan ng magkakasama para gapiin ang kaaway, isang kwentong tinanggal ni Marcos dahil daw tinuturuan ang mga kabataang magrebelde laban sa kanyang diktadura.
Gayunman, simula lang ang Voltes V sa pagkamulat namin. Sa pagdaan ng panahon, nakita naming higit pa kay Voltes V ang naranasan ng masang Pilipino sa ilalim ng diktadura. Maraming kabataan ang nagbuwis ng buhay, maraming dinukot at pinaslang, ang iba’y di na makita ang kanilang katawan. At ngayon, binubuhay muli ang isang multong dapat nang ibaon sa limot. Bayani nga ba si Marcos? Bayani nga ba ang nagtanggal kay Voltes V? Bayani nga ba ang diktador na nagbaba ng martial law at nanupil sa sarili niyang mamamayan? Bayani nga ba ang isang pangulo kung ang iniwan nitong bakas ng pamumuno ay duguan, maraming napaslang, at maraming desaparecidos na hindi pa nakikita hanggang ngayon? Hindi ba’t maraming pinaslang na aktibista sa panahon niya? Hindi ba’t maraming dyornalista ang pinatay sa ilalim ng kanyang diktadura?
Hindi ba’t mas dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang mga martir ng martial law, ang mga nagtanggol sa bayan laban sa diktadura, ang mga pinaslang na aktibistang ang tanging kasalanan ay nangarap ng magandang lipunang hindi sumusupil ng karapatan?
Nais ng mga kongresistang baguhin ang kasaysayan. Yaong nararapat na mailibing sa Libingan ng mga Bayani, tulad ng mga aktibistang nagsakripisyo para ipagtanggol ang karapatang pantao, ay hindi doon inililibing. At ang nais pang ilibing doon ay yaong diktador na dahilan ng kamatayan ng marami.
Mga kasama, niyuyurakan nila ang dangal at pagkatao natin. Hindi tayo dapat pumayag. Hindi bayani ang diktador na si Marcos!
http://asinsasugat.blogspot.com/2008/08/namulat-laban-kay-marcos-dahil-kina.html

NAMULAT LABAN KAY MARCOS DAHIL KINA VOLTES V AT MAZINGER Z
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isang aktibista ako ngayon. Aktibistang manunulat. Aktibistang makata. Nagsusulat sa mga publikasyon ng manggagawa’t maralita. Ngunit paano ba ako namulat bilang aktibista? Dahil ba ako’y nayaya, o dahil may mga pangyayari sa buhay ko na nagmulat sa akin?
Isa sa mga nagmulat sa akin nuong aking kabataan upang maging aktibista sa kasalukuyan ay ang ginawang pagtanggal ng palabas na cartoons na Mazinger Z at Voltes V sa telebisyon. Ang dalawang ito ang pinakapopular na palabas para sa mga kabataan nuong aking kapanahunan. Panahon iyon ni Marcos. At isa ako sa mga nagalit sa pagtanggal niya ng mga palabas na iyon.
Tuwang tuwa kaming mga bata sa kalyeng iyon sa Balic-Balic sa lugar ng Sampaloc sa Maynila, at nagkakakwentuhan lagi kung paano ba dinurog nina Mazinger Z at Voltes V ang kani-kanilang kalaban. Uso pa nga noon ang text (di yung text ngayon sa cellphone) na pulos cards na nakadrowing sina Voltes V at Mazinger Z.
Basta’t tuwing Miyerkules ng hapon, inaabangan na namin ang Mazinger Z, habang tuwing Biyernes naman ang Voltes V. Kahit ang awitin ng Voltes V ay kabisado namin noon, bagamat di naman patok ang theme song ng Mazinger Z. Parehong robot na bakal ang bidang sina Mazinger Z at Voltes V. Ang layunin nila’y depensahan ang sangkatauhan laban sa mga pwersa ng mga masasamang nilalang.
Ang nagpapagalaw sa Mazinger Z ay si Koji Kabuto. Ang Voltes V naman naman na pinamumunuan ni Steve Armstrong, ay pinagdugtong-dugtong na sasakyang panghimpapawid ng limang katao, na pag nag-volt-in ay magiging malaking robot, si Voltes V. Ang lima ay sina Steve Armstrong, Big Bert, Little John, Mark at ang nag-iisang babae ay si Jamie.
Ang panlaban ni Mazinger Z ay ang mata nitong pantunaw ng kalaban (o laser beam), at ang rocket punch nito, na natatanggal ang kamay bilang rocket, at ang dibdib nito’y ginagawang laser sa kalaban (melting rays). Kasama ni Mazinger Z si Aphrodite A sa ilang yugto ng palabas.
Ang panlaban naman ni Voltes V ay Bazooka, mga shuriken, at ang pantapos niya ng kalaban ay ang laser sword, na hinihiwa ang katawan ng mga kalabang robot o halimaw sa pormang V. Ang pangunahin nilang kalaban ay si Prince Zardos.
Ilang linggo na ang nakalilipas nang biglang ito’y mawala sa ere at di na namin napanood. Ang sabi sa balita, tinanggal daw ito ni Marcos na ang idinadahilan ay tinuturuan daw ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, upang magrebelde. Bata pa ako noon, at nagtataka ako kung bakit ganito ang dahilan nila. Gayong para sa amin, magaganda silang panoorin. Syempre, cartoons eh. At tagapangtanggol pa ng mga inaapi.
May galit na namuo sa akin nung panahong iyon. Tinanggal ang kinagigiliwan naming cartoons. Mula noon, galit na ako sa namumunong nagtanggal ng palabas na iyon – kay Marcos. Di lang ako, kundi marami pang kabataan ang may ganitong pakiramdam, nagalit sa pamahalaan, at naging aktibista. Marami kaming kabataan ang namulat sa kalagayan ng bayan dahil sa pagkakatanggal ng mga palabas na iyon. Isa nga ako doon.
Bahagi na ng aking kabataan at pagkamulat bilang tibak sina Mazinger Z at Voltes V. Huli nang ipinalabas sina Daimos (at ang pag-ibig niya kay Erica), Mekanda Robot, Voltron, atbp.
Anim o pitong taon makalipas, nakasama ako ng aking ama, kasama ang kanyang grupong Holy Name Society, sa pamimigay ng pagkain sa mga taong nagtipon sa Edsa. Ilang araw lamang, lumayas na si Marcos sa Pilipinas.
Ilang taon na rin akong kumikilos bilang aktibista. Halos magdadalawang dekada na. At natutuwa akong gunitain na hindi pa dahil sa martial law, kundi dahil tinanggal ni Marcos ang mga paborito naming cartoons, kaya namulat ako sa kalagayan ng bansa.


![[People] No more safe spaces for journalists in Gaza | by Fr. Shay Cullen](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/unnamed.jpg?w=800)
![[Statement] TDC Statement on the bill to repeal CPD LAW](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/tdc-on-cpd-law.png?w=1024)
![[From the web] CONSUMER SAFETY ALERT: Food-Like Plastic Toys May Pose Serious Health Risks to Children | BAN Toxics](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/2.png?w=1024)
![[From the web] EcoWaste Coalition Calls for Stronger Measures to Stop Lead Paint Imports](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/laboratory-tests-confirm-the-presence-of-lead-a-toxic-chemical-banned-in-paints-and-similar-surface-coatings-at-levels-exceeding-the-legal-limit-of-90-ppm.jpg?w=1024)
Leave a reply to Lexux Cancel reply