[Blogger] Voltes V generations, UNITE! Marcos is not a hero!

 

danivandanoe.blogspot.com

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mayorya ng Kongreso, pati na si P-Noy, nais kilalaning bayani si dating Pangulong Marcos. Hindi tayo dapat pumayag. Maraming nakulong, namatay, naulila, sa panahon ng kanyang diktadura. Nagalit ang taumbayan na nagresulta ng people power 1 at pinatalsik si Marcos. Insulto ito sa henerasyon namin – mga kabataang namulat sa pulitika nang tinanggal ni Marcos ang Voltes V na kinagiliwan namin noon, isang kwento ng kabayanihan, isang kwento ng kolektibong pagtutulungan ng magkakasama para gapiin ang kaaway, isang kwentong tinanggal ni Marcos dahil daw tinuturuan ang mga kabataang magrebelde laban sa kanyang diktadura.

Gayunman, simula lang ang Voltes V sa pagkamulat namin. Sa pagdaan ng panahon, nakita naming higit pa kay Voltes V ang naranasan ng masang Pilipino sa ilalim ng diktadura. Maraming kabataan ang nagbuwis ng buhay, maraming dinukot at pinaslang, ang iba’y di na makita ang kanilang katawan. At ngayon, binubuhay muli ang isang multong dapat nang ibaon sa limot. Bayani nga ba si Marcos? Bayani nga ba ang nagtanggal kay Voltes V? Bayani nga ba ang diktador na nagbaba ng martial law at nanupil sa sarili niyang mamamayan? Bayani nga ba ang isang pangulo kung ang iniwan nitong bakas ng pamumuno ay duguan, maraming napaslang, at maraming desaparecidos na hindi pa nakikita hanggang ngayon? Hindi ba’t maraming pinaslang na aktibista sa panahon niya? Hindi ba’t maraming dyornalista ang pinatay sa ilalim ng kanyang diktadura?

Hindi ba’t mas dapat ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang mga martir ng martial law, ang mga nagtanggol sa bayan laban sa diktadura, ang mga pinaslang na aktibistang ang tanging kasalanan ay nangarap ng magandang lipunang hindi sumusupil ng karapatan?

Nais ng mga kongresistang baguhin ang kasaysayan. Yaong nararapat na mailibing sa Libingan ng mga Bayani, tulad ng mga aktibistang nagsakripisyo para ipagtanggol ang karapatang pantao, ay hindi doon inililibing. At ang nais pang ilibing doon ay yaong diktador na dahilan ng kamatayan ng marami.

Mga kasama, niyuyurakan nila ang dangal at pagkatao natin. Hindi tayo dapat pumayag. Hindi bayani ang diktador na si Marcos!

http://asinsasugat.blogspot.com/2008/08/namulat-laban-kay-marcos-dahil-kina.html

 

asinsasugat.blospot.com

NAMULAT LABAN KAY MARCOS DAHIL KINA VOLTES V AT MAZINGER Z

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang aktibista ako ngayon. Aktibistang manunulat. Aktibistang makata. Nagsusulat sa mga publikasyon ng manggagawa’t maralita. Ngunit paano ba ako namulat bilang aktibista? Dahil ba ako’y nayaya, o dahil may mga pangyayari sa buhay ko na nagmulat sa akin?

Isa sa mga nagmulat sa akin nuong aking kabataan upang maging aktibista sa kasalukuyan ay ang ginawang pagtanggal ng palabas na cartoons na Mazinger Z at Voltes V sa telebisyon. Ang dalawang ito ang pinakapopular na palabas para sa mga kabataan nuong aking kapanahunan. Panahon iyon ni Marcos. At isa ako sa mga nagalit sa pagtanggal niya ng mga palabas na iyon.

Tuwang tuwa kaming mga bata sa kalyeng iyon sa Balic-Balic sa lugar ng Sampaloc sa Maynila, at nagkakakwentuhan lagi kung paano ba dinurog nina Mazinger Z at Voltes V ang kani-kanilang kalaban. Uso pa nga noon ang text (di yung text ngayon sa cellphone) na pulos cards na nakadrowing sina Voltes V at Mazinger Z.

Basta’t tuwing Miyerkules ng hapon, inaabangan na namin ang Mazinger Z, habang tuwing Biyernes naman ang Voltes V. Kahit ang awitin ng Voltes V ay kabisado namin noon, bagamat di naman patok ang theme song ng Mazinger Z. Parehong robot na bakal ang bidang sina Mazinger Z at Voltes V. Ang layunin nila’y depensahan ang sangkatauhan laban sa mga pwersa ng mga masasamang nilalang.

Ang nagpapagalaw sa Mazinger Z ay si Koji Kabuto. Ang Voltes V naman naman na pinamumunuan ni Steve Armstrong, ay pinagdugtong-dugtong na sasakyang panghimpapawid ng limang katao, na pag nag-volt-in ay magiging malaking robot, si Voltes V. Ang lima ay sina Steve Armstrong, Big Bert, Little John, Mark at ang nag-iisang babae ay si Jamie.

Ang panlaban ni Mazinger Z ay ang mata nitong pantunaw ng kalaban (o laser beam), at ang rocket punch nito, na natatanggal ang kamay bilang rocket, at ang dibdib nito’y ginagawang laser sa kalaban (melting rays). Kasama ni Mazinger Z si Aphrodite A sa ilang yugto ng palabas.

Ang panlaban naman ni Voltes V ay Bazooka, mga shuriken, at ang pantapos niya ng kalaban ay ang laser sword, na hinihiwa ang katawan ng mga kalabang robot o halimaw sa pormang V. Ang pangunahin nilang kalaban ay si Prince Zardos.

Ilang linggo na ang nakalilipas nang biglang ito’y mawala sa ere at di na namin napanood. Ang sabi sa balita, tinanggal daw ito ni Marcos na ang idinadahilan ay tinuturuan daw ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, upang magrebelde. Bata pa ako noon, at nagtataka ako kung bakit ganito ang dahilan nila. Gayong para sa amin, magaganda silang panoorin. Syempre, cartoons eh. At tagapangtanggol pa ng mga inaapi.

May galit na namuo sa akin nung panahong iyon. Tinanggal ang kinagigiliwan naming cartoons. Mula noon, galit na ako sa namumunong nagtanggal ng palabas na iyon – kay Marcos. Di lang ako, kundi marami pang kabataan ang may ganitong pakiramdam, nagalit sa pamahalaan, at naging aktibista. Marami kaming kabataan ang namulat sa kalagayan ng bayan dahil sa pagkakatanggal ng mga palabas na iyon. Isa nga ako doon.

Bahagi na ng aking kabataan at pagkamulat bilang tibak sina Mazinger Z at Voltes V. Huli nang ipinalabas sina Daimos (at ang pag-ibig niya kay Erica), Mekanda Robot, Voltron, atbp.

Anim o pitong taon makalipas, nakasama ako ng aking ama, kasama ang kanyang grupong Holy Name Society, sa pamimigay ng pagkain sa mga taong nagtipon sa Edsa. Ilang araw lamang, lumayas na si Marcos sa Pilipinas.

Ilang taon na rin akong kumikilos bilang aktibista. Halos magdadalawang dekada na. At natutuwa akong gunitain na hindi pa dahil sa martial law, kundi dahil tinanggal ni Marcos ang mga paborito naming cartoons, kaya namulat ako sa kalagayan ng bansa.

Advertisements

4 thoughts on “[Blogger] Voltes V generations, UNITE! Marcos is not a hero!

  1. Pingback: HRonlinePH’s Readers Pick Awards for top blogger’s post. Vote Now! | Human Rights Online Philippines

  2. Pingback: HRonlinePH’s Readers Pick Awards for top blogger’s post. Vote Now! | Human Rights Online Philippines

  3. Respeto ko’y sa’yo. Ang pangulo, bago maging pangulo ay may kaukulang pagsusuri at dapat pumasa at maging kuwalipikado ayon sa pamantayan ng pagiging pangulo ng isang bansa. Alam ni P.Noy ang dahilan kung bakit nya ginawa ang paghirang na bayani kay Dating Pangulong Marcos. May mga sinuri syang dahilan hindi lamang sa sariling pananaw nya. Mas maraming nagawang kaayusan sa ating bansa noong diktatura ni Dating Pangulong Marcos. Nangunguna ang isang malaking bagay na marahil wala na sa ating mga Pilipino, and disiplina. Tingnan din nating ang magandang naidulot ng naturang sangkot. Sa aking nalalalaman, noong hindi pa napapatupad ang diktaturyal noong panahon nyu po ay halos walang namamatay kagaya ng nasabi nyu po sa inyong akda. Alam natin ang higpit ng kamay-na-bakal. Maraming tumaligsa kaya nagkaroon ng pagdalak ng dugo. Ang mga aspetong kanyang nakita ang nagtulak marahil sa nasasakdal na gumawa ng ganoong hakbang. Ako’y lubos na nakakuha ng maraming impormasyon batay sa inyong akda at ako’y lubos na gumagalang sa inyo pong pananaw.
    Sa kabilang dako, mali ang pagpatay, na isang dakilang turo ng ating Simbahang Katolika at ayon sa karapatang pantao.

    Ito lamang po ay aking kuro-kuro sa naturang akda bilang isang mag-aaral. Godbless us.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s