[Press Release] Pagpapapirma ng bagong kontrata, tinututulan ng mga manggagawa! Job security at trabahong regular, dinipensahan! -AMBA BALA

#HumanRights #JobSecurity
Pagpapapirma ng bagong kontrata, tinututulan ng mga manggagawa! Job security at trabahong regular, dinipensahan!

‘Pinabalik, pinag-antay, pinaasa at ngayon ay minamaniobra ng kapitalista ng Desktop ang mga manggagawa!’ galit na pahayag ng DEA o Desktop Enployees’ Association, habang nag-aabang sa labas ng pasilidad ng Desktop Bags Company sa loob ng Freeport Area of Bataan (FAB) ang higit-kumulang sa isangdaan (100) manggagawa, at naghihintay na kausapin sila ng mga kinatawan ng management o HR ng Desktop company ngayong araw ng Lunes, Ika-1 ng Pebrero, 2021. Ang Desktop Bags ay isa sa mga gumagawa ng mga high end fashion bags sa loob ng AFAB.
Matatandaan na nito lamang Enero 22, 2021 ay nagpatawag ng General Assembly ang management ng kumpanya na kung saan ay binanggit ang pansamantalang pagsasara ng Desktop subalit sisiguruhin na ang kumpanya ay aalinsunod sa mga batas ng paggawa at pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa.
‘Kabaligtaran ang mga sinasabi ng kumpanya sa mga hakbang na ginagawa nito, nitong Enero 29, 2021, pinapipirma kaming mga manggagawa ng Temporary Employment Contract na nagsasaad ng limang (5) buwang pagtatrabaho sa DLX na sister-company ng Desktop’, ani ni Rosita Canoza, manggawa ng Desktop at kasapi ng DEA. “Ang ibig sabihin bagong hired kami simula Enero hanggang Mayo sa DLX. Bakit kailangan pa kaming papirmahin gayong inilipat lang kami sa sarili din nitong kumpanya? Nung itinayo ang DLX nung 2016, may mga manggagawa sa Desktop na inilipat sa DLX pero nagpatuloy lang sa kanilang length of service. Ganito din ang nangyari ngayon, bakit kailangan naming pumirma sa bagong kontrata na gagawin kaming kontraktwal? Mga regular na manggagawa kami kaya hindi dapat na tinuturing kaming bagong empleyado nang iisang kumpanya.”, turan pa ni Rosita, DEA member.
Ang pagpirma sa bagong kontrata ay mangangahulugan na may bagong kumpanya o employer ang mga manggagawa at ang katayuan nito ay contractual.
“Nagmamaniobra ang kumpanya, tinatakasan nito ang obligasyon niya sa mga manggagawang regular. Dapat lamang na kilalanin ang continuity ng length of service ng manggagawa kung inilipat lang naman sa sarili din nitong kumpanya DLX. Security of tenure at ang length of service na matagal na pinagtrabahuan ng manggagawa ang nais putulin ng kumpanya na lumalabag sa karapatan ng manggagawa bilang regular. Masakit pa ay ginagamit na panakot ang hindi pagpirma sa bagong kontrata upang patawan ng forced leave at hindi bibigyan ng pink pass upang hindi makapasok sa loob ng AFAB,” ani ni Elpidio Avellanoza, Secretary ng DEA.
“Ang tanging nais ng manggagawa ay makabalik sa trabaho na nawala dahil sa pandemya. Pero hindi tama na samantalahin ng kumpanya ang krisis na ito upang ipatupad ang mga hakbang na labag sa karapatan ng manggagawa tulad ng pagiging regular at magkaroon ng mga benepisyo sa ilalim ng CBA”, sambit pa ni Elpidio Avellanoza.
“Habang marami pa ring manggagawa ng DLX company na parehong gumagawa ng bags at sister company ng Desktop na parehong nasa ilalim ng Luen Thai Group (LNT Group of Companies), ang hindi pinababalik sa trabaho, tapos, mag-eemploy ito ng manggagawang contractual? Anong pagmamaniobra ito ng kumpanya? Inuunawa natin na dumaan din sila sa krisis pero hindi tama na pabayaan nating labagin ang karapatan ng manggagawa”, mariing sambit pa ni Elpidio.
Sa kasalukuyan ay naghihintay pa rin ang mga manggagawa ng tugon mula sa management ng Desktop kaugnay sa sitwasyong kinakaharap ng mga manggagawa.
Press release
Reference: Elpidio Avellanoza
Secretary, Desktop Employees Association (DEA) / AMBA-WPL
Contact Numbers: 09481893528

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.