[Press Release] SSS at PhilHealth premium hikes, dagdag pahirap sa mga manggagawa – EILER

#HumanRights #PhilHealth #Workers
SSS at PhilHealth premium hikes, dagdag pahirap sa mga manggagawa – EILER

Dagdag pahirap ang Philhealth at SSS sa mga manggagawa at mamamayan sa plano nilang pagtataas ng premium para diumano hindi masaid ang kanilang pondo, ayon sa isang labor NGO.
Giit ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), maraming mga manggagawa ang nawalan ng trabaho at nabawasan ang kita dahil sa pandemya at iba pang kalamidad na naranasan ng mamamayan sa 2020. Bukod pa dito, hanggang ngayon ay hindi pa nakakasuhan ang mga dapat managot sa bilyong pondo na diumano’y ibinulsa ng mga dating opisyales ng Philhealth.
“Matatandaan din natin noong 2018, ayon sa Commission on Audit (CoA) ay may P14.3 bilyon na kwestyonableng high risk investment na pinasok ang Philhealth sa iba’t-ibang pribadong kompanya. Pero patuloy pang tumataas ang pondo para dito na umaabot na sa P132 bilyon noong Hunyo 2020 at higit na mataas ng P52 bilyon kumpara sa benefit claims ng mga miyembro,” ayon kay EILER Executive Director, Rochelle Porras.
Dagdag pa niya, “Ganoon din ang SSS, umabot sa P300 bilyon ang kanilang investment noong 2019. Bahagi nito ang mga condominiums, lote sa mga subdivisions at memorial lots na minsan ng tinagurian noon na idle assets ng CoA at nagkakahalaga ng hindi bababa sa P3 bilyon.”
Ayon sa institusyon ay dapat pigilan ni Pangulong Duterte ang pagtaas ng premium ng SSS katulad ng sa PhilHealth. Dapat ring pigilan ang bagong pahirap na programa nitong Workers Investment and Savings Program, lalo na sa panahong labis ang paghihirap ng mga manggagawa.
“Kung magagamit lamang ng maayos ang pondo ng PhilHealth at SSS, at kung lubos na inilalaan ito para sa kapakanan ng mga manggagawa, kailanman ay hindi ito masasaid,” dagdag pa ni Porras.
NEWS RELEASE
10 January 2021
Reference: Ms. Rochelle Porras, EILER Executive Director, +63 920 127 6491

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.
All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.