[Statement] Dapat maresolba ang mga problema sa modular learning at self-learning modules bago pa ito paggugulan ng malaking pondo -TDC

Dapat maresolba ang mga problema sa modular learning at self-learning modules bago pa ito paggugulan ng malaking pondo
Kamakailan ay sinabi ni Secretary Liling Briones ng DepEd, “May implikasyon ang dependence sa modular learning dahil baka uubusin natin ang mga puno natin sa kaka-produce. ‘Yung demand for paper… malaki ang effect sa environment. In the long run, modular is really expensive.”
Mahihinuha sa pahayag na ito na mayroon talagang malaking suliraning kinakaharap ang modular approach, ang nakatakdang pamamaraang gagamitin sa pagtuturo ng mga guro simula ngayong Oktubre 5.
Nauna na nating inihayag ang mga sumusunod na usapin hinggil dito:
1. Hindi matukoy sa field kung sino ba talaga ang magsusulat ng modules;
2. Mayroong ilang sets na ng modules na ginawa sa ilang distrito at dibisyon maliban pa yaong magmumula sa Central Office;
3. Hindi naglaan ng sapat na badyet para sa produksiyon ng modules na nagtulak sa mga guro para maglunsad ng fund-raising at solicitation;
4. Walang inilaang manpower at ang mga guro ang inaasahang mag-reproduce, mag-sort/stapler at mag-distribute ng modules;
5. May ilang paaralan na magiging salitan ang paggamit ng modules (Set A/Set B) na patunay ng kakulangan nito;
6. May posibilidad na maging carrier ng virus ang modules na ito;
7. Sobrang laking gastos (9 bilyong piso) na ang inilaan ng DepEd subalit hindi pa rin ito kumpleto;
8. May ilang kongresista na ang pumuna sa paraang ito ng DepEd;
9. Ano ang gagawin sa modules na ito kung sakaling sa second quarter ay maaari nang isagawa ang limited face to face class o magbalik na sa normal ang sitwasyon (harinawa);
10. Maaari namang gamitin ang mga libro na mayroon na tayo ngayon (i-produce na lang ang wala pa) at gumawa na lamang ng mga ilang pahinang guide sa mga mag-aaral na nakabatay sa MELC na tiyak na mas matipid. Mabilis at ligtas.
Malapit na ang Oktubre 5 at sa ganang amin, nais na rin naming maituloy ang pagbubukas ng klase subalit nananatili ang aming pakiusap sa pamunuan ng DepEd na ikonsidera na ang mga puntong ito at iba pang mga usaping may kinalaman sa school year 2020-2021.
Muli, kung talagang gusto ng DepEd na magabayan sa mga polisiyang nais nilang ipatupad, sana ay kabilang ang hanay ng mga guro sa kanilang kinakausap. Yaong mga gurong maaaring magsabi ng tapat at mga katotohanang nagaganap sa ibaba. Malaki ang maaaring maiambag ng mga simpleng guro sa pagbalangkas, lalo sa pagpapatupad ng mga polisiya, kaya marapat lamang na kunin ang kanilang opinyon at damdamin hinggil sa mga isyu at huwag ituring na lamang na mga tagapagpatupad na ang tanging gagawin ay sumunod.
Sapagkat sa bandang huli, ang anumang pagkukulang sa mga polisiya, sa badyet at sa pagpapatupad ng lahat ng plano, ang pobreng guro ang magpupuno. #
-Teachers’ Dignity Coalition (TDC)
Setyembre 15, 2020
Reference:
Benjo Basas, National Chair
09272256375/09230818750
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc