[Statement] Isakatuparan ang karapatan ng mga mamamayan at kamtin ang makatarungan at mapayapang lipunan! -AMKP

Isakatuparan ang karapatan ng mga mamamayan at kamtin ang makatarungan at mapayapang lipunan!

Pakikiisa sa paggunita ng araw na ito (Agosto 21, 2020) – ang pagpaslang sa dating Senador Ninoy Aquino II (1983) na kilalang pigura ng oposisyon, masugid na kritiko ng diktaduryang rehimen at nagsasalita laban sa karahasan ng diktadurya at panunupil sa karapatang pantao. Ang pagpaslang na ito ang siyang mas nagpalakas sa pagsusulong ng karapatan at paglaban sa panunupil hanggang sa mapatalsik ang diktaduryang rehimeng Marcos.

Kasabay sa pagtindig sa ipinaglaban noon ng dating Senador Ninoy at mga martir ng Martial Law ay ang pinakamataas na antas na PAGKONDENA ng Alyansa ng mga Mamamayan para sa Karapatang Pantao sa pagpasa ng Batas Kontra-Terorismo (Anti-Terrorism Law 2020 o Republic Act 11479) at ipinapanawagan ang pagsawalang-bisa nito!

Kung bakit kailangang ibasura ang batas na ito?

Nilalabag nito ang Saligang Batas ng Pilipinas 1987! Aabusuhin nito ang Saligang Karapatan ng Mamamayan!

Nakasaad sa Section 29 ng batas na pinapayagan ang mga pulis at militar na ARESTUHIN AT IKULONG (kahit walang judicial warrant of arrest o kaso) batay sa “SUSPETSA” pa lang na gumawa, nagpaplanong gumawa, at nakikipagsabwatang gumawa ng terorismo ng hanggang 24 na araw, na maari pang pahabain ng 10 araw pa. Mas malala ito sa probisyon ng suspensyon ng writ of habeas corpus (Article VII, Section 18 ng 1987 Constitution), kung saan dapat pakawalan ang sinumang inaresto sa loob ng tatlong araw kung hindi makakasuhan ang suspek. Dagdag pa dito ay ang kawalang pananagutan ng mga humuli kung walang katibayang ang suspetsado na terorista o sangkot sa gawaing terorismo. Tinanggal ang probisyon ng Human Security Act of 2007 na nagbibigay ng P500,000 na damyos kung mapatutunayang inosente ang pinaghinalaan.

Ang sinumang pinaghihinalaang terorista ay maaaring tiktikan o i-surveillance na o i-wiretap na pasikreto sa loob ng 60 araw at maari pang palawigin ng dagdag na 30 araw. Ito ay hayag na pang-aabuso ng karapatan sa privacy.

Ayon sa Section 25 ng batas, ang Anti-Terror Council (ATC) ang binigyang kapangyarihan na magtalaga at magsabi kung sino ang mga terorista at iutos ang pag-aresto at detensyon ng mga ito. Sa ulat ng United Nations High Commission for Human Rights sa kasalukuyang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas ay nakasaad na “ang red-tagging—o pagbansag sa mga indibidwal o grupo (kabilang ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at mga personahe ng non government organization) bilang komunista at terorista—ay malaking banta sa civil society at sa malayang pagpapahayag.”

Dagdag pa sa kalabuan ng depinasyon na gawaing terorismo ay maaaring maituturing na banta sa pang-ekonomiyang kapanatagan at pambansang panseguridad ang mga pagtutol at paglaban ng mga organisasyon at komunidad sa anumang proyekto o polisiyang ipapatupad ng pamahalaan o korporasyon sa loob ng mga Ancestral Domains, Pagawaan, Komunidad. Karanasan na sa kasalukuyan ng mga komunidad na Moro at Lumad na pagbintangang mga rebelde o membro ng mga teroristang grupo sa tuwing sila ay umaayaw sa mga plantasyon, mina at iba pang mga proyekto at polisiya ng pamahalaan na sa tingin nila ay makakasira sa kanilang mga pamayanan.

Dito rin nauugnay ang paglabag sa karapatan sa malayang pamamahayag na maaring iinterpreta na “inciting” o panghihikayat ng gawaing terorismo ayon sa batas. Dahil ayon sa batas isang krimen ang pag-uudyok ng gawaing terorismo (inciting to commit terrorism). Ang malawak na pagpapakahulugang ito ay maaaring abusuhin ng mga nasa kapangyarihan at gamitin laban sa mga tumutuligsa at tumututol sa polisiya ng pamahalaan o mga kritiko’t oposisyon.

Ayon sa karanasan ng Mindanao at buong mundo, ang pananakot, pamamaslang at panunupil kailanman ay di naging epektibong tugon sa pagtigil ng karahasan at terorismo. Ang pagsupil ng karahasan at mga paghihimagsik ay marapat na nakaugat sa mga demokratikong kahilingan ng mga mamamayan at komunidad.

Ang batas na ito ay mas lalong magbubukas ng pang-aabuso sa mga mamamayan, susupil ng kanilang kalayaa’t karapatan, at lalo pang magtutulak sa mga abusadong nasa kapangyarihan na arestuhin at ikulong ang mga mamamayan base lamang sa hinala o suspetsa. Ito ay sa kabila ng krisis pangkalusugan sa bansa dulot ng pandemyag CoVID-19 na pataas nang pataas pa ang mga kaso ng naiimpeksyon at namamatay bunga na rin ng hindi organisado at militaristang balangkas na pagtugon ng pamahalaan.

Mas maging mapagmatyag at mulat pa tayo dahil ang Anti-Terrorism Law ay isa lamang sa mga hakbangin ng pamahalaan sa pag-institusyonalisa ng karahasan at pang-aatake sa demokrasya at karapatan ng mga mamamayan sa bansa at palakasin pa ang mga mekanismong pagtatanggol sa anumang banta at pandarahas.

Inuulit namin ang panawagan sa Korte Suprema ng Pilipinas, KATIGAN AT IPAGTANGGOL ANG DEMOKRASYA AT 1987 NA KONSTITUSYON NG PILIPINAS AT IDEKLARANG UNCONSTITUTIONAL ANG ANTI-TERRORISM LAW!

Magkatuwang na labanan ang COVID-19 pandemic mula tahanan hanggang sa mga komunidad!

Sambayanan, Ibasura ang Anti-Terror Law at Ipagtanggol ang Karapatan!

Alyansa ng mga Mamamayan para sa Karapatang Pantao
amkpsecretariat@gmail.com
Agosto 21, 2020

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.