[Statement] Ika-5 SONA sa ilalim ng mas malupit na Protocol Hugas-Kamay, Facemask, Distansyang Pisikal -Kilusan

Ika-5 SONA sa ilalim ng mas malupit na Protocol Hugas-Kamay, Facemask, Distansyang Pisikal

Pabigat na sa bayan, kapangyarihang diktador, hindi pagpigil sa virus ang prayoridad ng gobyernong Duterte sa gitna ng pandemya

Mula nang ipataw ang lockdown, Marso 16, 2020, apat na buwan na nating kabisado ang minimum health protocols. Pero habang nagsasanga ang virus at nakakahawa ang kapalpakan ng gubyerno sa pagharap dito, lumilinaw ang tunay na kahulugan ng mga protocols na ito—paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng facemask at physical distancing— sa buhay ng mamamayang Pilipino.

Hugas-kamay—para sa gobyernong gustong gawing perpekto ang paglilinis sa mga sablay at kabalbalan— na sa totoo ay mga bakas at talsik ng dugo sa kamay na bakal ng tiranikong kapangyarihan.

Nang paspasang isabatas ang Anti-Terrorism Law of 2020 (ATL), naghugas-kamay ang palasyo. Palusot nito, “sertipikadong pinamadali” man ng Malakanyang, “kongreso ang nagpasa nito at may safeguards naman ang batas”. “Terorista lang ang takot sa Anti-Terrorism Law,” korus ng mga tagasuporta nito.

Nang ibasura ng Kongreso ang prangkisa ng ABS CBN na tahasang pagkitil sa kalayaang mamahayag, at pumaslang sa 11,000 trabaho sa gitna ng pandemya, hugas kamay ang palasyo, “neutral sa isyung ito ang pangulo,” kahit ilang beses nagbanta si Duterte na hindi na makakamit ng ABS-CBN ang bagong prangkisa, at sinabihan itong “ibenta na lang sa iba.” Kahit nauna nang napwersang ibenta ang Philippine Daily Inquirer dahil sa panggigipit ng palasyo; kahit patuloy ang paggiba sa mga organisasyon ng midya gaya ng Rappler na kritikal sa war on drugs at iba pang patakaran ng pangulo.

Nang lumobo ang dami ng kaso ng covid 19, araw-araw na humihiyaw ang palasyo, “Pasaway na mga Pilipino, walang dapat sisihin kundi kayo!” Lalong humigpit ang militaristang paraan ng lokal na kwarentenas kasama ang armored personnel carriers (APCs) ng PNP at AFP. Pinasidhi pa ang pangingibabaw ng pananakot kaysa sa syensya sa pagharap sa pandemya.

Mahuhugasan kaya, o lalong mababalot sa dugo ang kamay na bakal ng rehimen? Ngayong pinatunayang higit sa pagharap sa krisis sa kalusugan, mas mahalaga dito na ipagpatuloy ang pagkakamal ng kapangyarihang diktador ng pangulo. Ito ang prioridad ng rehimen kahit kinukundena ng lahat ng sektor ng mamamayang Pilipino, mga organisasasyon ng United Nations, European Union at mga miyembro ng Kongreso ng US na magsasapanganib ito sa mga karapatan at kalusugan ng mamamayan.

Magsuot ng facemask. Takpan ang ilong at bibig upang mapigilang kumalat ang virus. Tama.
Ngunit higit sa pagtatakip ng bibig at ilong, ang pagkarambola sa datos ng naiimpeksyon ng Covid-19, paglilingid sa tunay na lagay ng pampublikong kalusugan at implikasyon nito sa ekonomya ay lumilikha ng paniniwala na wala nang magagawa sa pagsugpo sa covid-19 at mga “pasaway” ang dapat sisihin. Na walang kinalaman ang gubyerno sa 7 milyong nawalan ng trabaho, sa libu-libong empresang nagsara at mga nasa bingit ng pagkabangkarote. Inililihis sa atensyon ng mamamayan ang mga kapalpakan at kurapsyon ng administrasyong Duterte, hindi lamang sa P1.22 trilyong pondo para sa COVID-19 na mula sa utang sa loob at labas ng bansa at donasyon ng pribadong korporasyon, kundi maging sa pondo ng mga nahintong proyektong “Build, Build, Build.” Gustong patahimikin ang puna at batikos sa overpricing ng PPEs at test kits. Sinusupil ang pagsisiwalat ng mga nars, duktor at iba pang health workers sa mga publikong hospital sa kakapusan sa PPEs, mababang suweldo at kawalan ng regular na hazard pay.

Butas na maskara ang piring ng hustisya. Nakikita lamang nitong may kasalanan ang mga maralita at walang kapangyarihan. Abswelto ang mga nasa kapangyarihan kahit lantarang lumabag sa batas. Muli, mang-aaresto na naman ang NBI dahil pinasama ng ilang netizens ang loob ni Sen Bong Go, kahit na kinondena na ng mamamayan ang kanilang iligal na pag-aresto sa isang guro, isang nawalan ng trabaho at ilan pang manggagawa na nagpahayag ng galit kay Duterte sa social media.

Walang pa ring tigil ang pagpatay sa mga suspek na adik at tulak ng illegal na gamot, kahit pa patuloy ang iba’t-ibang organisasyon sa pagkondena dito at sa iba pang paglabag sa karapatang pantao. Himutok ni Sen. Bato, “Kung wala kayong tiwala sa PNP, lusawin na ang PNP, kung wala kayong tiwala sa gobyerno, tanggalin na ang gobyerno.” Magtatakip na lang ba tayo ng mata at bibig? Ano na ba ang kaibhan ng mga maskarang ito sa masking tape na ibinabalot ng mga salarin sa mga biktima ng tokhang?

Sa panahon ng pandemya, wastong dumistansya para hindi mahawa o makahawa.

Subalit ang nililikhang distansya ng rehimen ay mga dipang pagitan sa soberanya at dayuhang pangangamkam. Sa panahon ng pandemya, lalong nalayo sa Pilipinas ang karapatan nitong angkinin ang WPS. Nagprotesta ang DFA laban sa Tsina. Pero nanahimik din nang magsalita na si Xi Jing Ping.

Sa chacha sa pandemya, ilalayo sa kontrol ng mga Pilipino ang mga importanteng industriya sa pagpapatumba sa konstitusyunal na probisyon na 60-40 pagmamayari, pabor sa mga Pilipino. Nagpapahiwatig na rin si Speaker Alan Cayetano na pasisirkuhin nila ang term limits ng mga opisyal dahil ito raw ang sanhi ng dinastiya. Papalayo na ito sa tunay na diwa ng Konstitusyon na—pananagutan at katapatan sa bayan.

Sa gitna ng mapait na kalagayang ito, bawat pagkibo ng mamamayan laban sa paniniil ay sinasalubong ng mga bayarang trolls ng administrasyon, nagbubuga ng malalansa at mabahong fake news na layong guluhin ang mamamayan para hindi makabuo ng iisang tindig sa mga isyung kanilang kinakaharap.

At ano pa nga bang higit na paglalayo ang maikukumpara sa pagkukulong sa mga lumalabag sa kwarentena at sa patuloy na pamamaslang sa ilalim ng oplan tokhang at double barrel sa mga maralitang komunidad? May bagong utos pa si Duterte, “Arestuhin ang walang facemasks!”

Trace, test, treat din ang tamang sagot ng mamamayan. Trace: hanapin natin sa ating puso ang layon ng demokrasya at pagtatanggol sa kalayaang sibil; test: mamahayag tayo. Kumilos. Subukin ang tatag ng ating pagkakaisa. Harapin ang mabangis na tirano; at treat, busbusin natin ang malalang mga sakit ng lipunan, kabilang ang pagpawi sa veerus na nagmumula sa Malakanyang.

Dalawang taon na lamang si Duterte. Taglay ang kapangyarihan ng diktador, nakatakdang manalasa ito sa karapatan ng mamamayan kahit sa lambong ng ligalig ng pandemya makapanatili lamang siya at mga kampon sa poder. Hindi natuto sa nakaraan, matatatak sa kanyang legacy o mauukit sa lapida niya ang kamangmangan sa paglutas sa mga suliranin ng bayan at pagkopya sa karahasan ni Marcos, na hinusgahan na ng kasaysayan, na hindi na mapapabango kailanman ng sanitasyon sa nakaraan.

Nasa kamay ng sambayanang Pilipino ang dakilang pasya at kapangyarihan na maghuhubog sa kahihinatnan ng bayang ito. Dapat na nitong palayain ang sarili sa pagkasiil at pagkaapi. Sa gitna man ng pandemya, Tuloy ang laban! #ResistTyranny

Kilusan sa Pambansang Demokrasya (KILUSAN)
Hulyo 27, 2020

https://www.facebook.com/notes/kilusan-para-sa-pambansang-demokrasya/pahayag-ika-5-sona-sa-ilalim-ng-mas-malupit-na-protocol-hugas-kamay-facemask-dis/3450851184969796/

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc

One comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.