[From the web] Mga guro ikinatuwa ang pahayag ng deped na walang saysay ang mga ‘waiver’ at hindi sapilitan ang physical reporting -TDC

Mga guro ikinatuwa ang pahayag ng deped na walang saysay ang mga ‘waiver’ at hindi sapilitan ang physical reporting
Ikinatuwa ng mga guro ang naging pahayag ng Department of Education (DepEd) ukol sa isyu ng mga ‘waiver’ na sa naunang ulat ng TDC ay pinapipirmahan sa mga gurong pinapapasok sa mga paaralan.
“Minsan pa ay muling sinabi ng DepEd na mali ang sapilitang pagpapasok sa mga guro sa panahong ito ng pandemya kung saan ay nasasailalim pa sa iba’t ibang kategorya ng community quarantine ang buong bansa,” ayon kay Emmlayn Policarpio ang Secretary-General ng grupo. “Ito ang dahilan kung bakit namin hinihiling na na maglabas ng paglilinaw ang DepEd Central Office upang hindi na magkaroon pa ng pagtatalo at iba-ibang interpretasyon sa field,” dagdag pa niya.
Noong Hunyo 15 ay lumiham si Policarpio sa DepEd upang hilingin na ipag-utos na hindi muna dapat na magpatupad ng physical reporting sa mga paaralan noong Lunes, Hunyo 22 dahilan sa pagtaas ng kaso ng COVID at kawalan ng pampublikong transportasyon.
“Nakarating sa aming tanggapan ang ilang report tungkol sa mga guro at mga kawani ng DepEd na pinapipirma ng waiver upang sila ay pumasok sa opisina o paaralan. Ipinaaalala ng DepEd na ayon sa DO 11, s. 2020, ang physical reporting ay hindi mandatory at kinakailangang ikonsulta sa empleyado.” Ito ang mababasa sa pahayag ng DepEd sa kanilang opisyal na Facebook Page ngayong gabi na kalakip ang DM-PHROD-2020-00203 ukol sa Advisory on Executing Employee Waiver as a Requirement Upon Return to Work during the Period of State of National Emergency due to CoVID-19 Pandemic na nilagdaan ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo.
Malinaw ding sinabi sa pahayag na “Ang mga waiver na nag-a-authorize sa DepEd personnel at mga guro na pumasok ay walang legal effect.”
Kamakalawa ay pinuna ng TDC CALABARZON Chapter ang pagpapirma ng waiver sa isang paaralan sa Calamba City, Laguna kung saan ay naging viral dahilan sa pinalalabas na boluntaryo umanong pumasok ang guro sa paaralan kahit batid niyang maaari siyang mahawaan ng kinatatakutang corona virus. Subalit ayon naman sa DepEd Calamba, iyon daw ay health declaration form bagamat may titulong ‘waiver.’
“Waiver man o health declaration form, ang ganitong uri ng dokumento na pinapipirmahan sa guro ay hindi kinakailangan at isang kalabisan. Hindi maaaring piliting mag-ulat sa paaralan ang isang guro habang inaaalis ng tanggapan o paaralan ang kanyang pananagutan. Kailangang maimbestigahan ito ng DepEd pati na ang mga katulad na kaso sa iba pang mga dibisyon at rehiyon. Bakit kasi sa kabila ng utos ng kagawaran na hindi dapat magkaroon ng physical reporting at ang work from home arrangement ang dapat gamitin ay napakarami pa ring paaralan ang nagpapapasok sa kanilang mga guro,” ayon kay Richie Salubre, pangulo ng TDC CALABARZON, ang regional chapter ng TDC.
Samantala, idinagdag din ng DepEd sa huling pahayag nito na “Ang pagpasok sa opisina o paaralan ay ikokonsidera lamang kung ang task o function ay hindi maaaring gawin sa pamamagitan ng alternative at remote work arrangements.”
Ibinahagi naman ni Policarpio na hindi lamang sa CALABARZON mayroong mga kaso ng pagpapapirma ng waiver kundi maging sa iba pang rehiyon kabilang na ang Central Luzon at National Capital Region (NCR). “Siguro naman ay malinaw na ngayon ang lahat, na ang waiver ay walang saysay at hindi kinikilala ng DepEd at ng batas at ang pisikal na pag-uulat sa paaralan ay hindi dapat isinasagawa.” Pagtatapos ni Policarpio. #
For details:
Emmalyn Policarpio, TDC Secretary-General, 0926-3143106
Richie Salubre, TDC CALABARZON President, 0921-3880309
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address, and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc