[From the web] Gutom o Pakikiisa? -The GUILDS

Kung masakit na ang mamatay sa epidemyang wala pang lunas hanggang sa ngayon, mas masakit ang makitang mamatay sa gutom ang sariling pamilya dahil kailangang “sumunod na lang.”

Sa gitna ng lumalala at dumarami pang kaso ng COVID-19 sa bansa, masasalamin ang tunay na kalagayan ng bawat mamamayang Pilipinong nakikipagsapalaran sa labas ng kanilang mga tahanan. Sa ganitong sitwasyon, maituturing bang katigasan ng ulo ang paghahanap-buhay upang may maipanglaman sa kumakalam na sikmura?

Ang pagpapaigting ng ‘quarantine’ sa buong Luzon ay mananatiling para sa mga nasa itaas kung hindi aamyendahan at pagplaplanuhang mabuti ng pamahalaan ang kanilang mga hakbang. Itutulak lamang nito sa bangin ng kagutuman ang mga nasa laylayan.

Matatandaang inihayag sa press conference ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong Martes, Marso 18 ang nasabing pagpapaigting na may direktibang nagbabawal sa pagbiyahe ng mga public transportation, at operasyon ng mga kumpanyang hindi saklaw ng nasabing utos mula sa Pangulo —mga kumpanyang may libu-libong manggagawa na kung hindi kakayod ay walang maiuuwi sa kani-kanilang mga pamilya.

Kung hihimayin sa mas detalyadong larawan, hindi lamang ang mga manggagawang Pilipino kung tutuusin ang higit na pumapasan sa epekto ng krisis pangkalusugan. Tandaang hindi lamang tayo ang mamamayan at Pilipinong naninirahan sa bansa. Nariyan din ang mga kababayan nating walang mauwiang tahanan —silang tinabingan ng naglalakihang gusali ng kalakhang Metro Manila at iba pang panig ng bansa. Silang halos hindi na nakikita ng mga nasa itaas.

Hindi rin naman lingid sa atin ang daing ng mga kababayan nating naiipit sa mga checkpoint nang maging ganap na epektibo ang naging mandatong nakapaloob sa ‘enhanced community quarantine’ —muli, hindi naging malinaw ang pagbababa ng mga polisiya gayong mayroong naunang direktiba ukol sa pagpapasok ng mga residente na may maipapakitang ID bilang patunay na sila nga ay lehitimong residente o kaya’y manggagawa ng mga kumpanyang nakabase sa loob ng Metro Manila.

Oo nga’t may aksyon ngunit hindi tiyak kung ang tinatahak bang daan ay patungo sa mas progresibo at epektibong pamamaraan.

Walang mali sa pagpapaulan ng papuri sa mga bayaning walang pagdadalawang isip na sinusuong ang panganib na hatid ng COVID-19. Nararapat lamang ito bilang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo maibigay lamang ang kalidad na serbisyo para sa kapwa nating mga Pilipino.

Ngunit, hindi rin siguro mali na kilalanin natin ang sakripisyo ng mga manggagawa at mga kababayan nating pilit itinatago ng gobyerno sa mapagbalat-kayong mukha ng pag-unlad dahil gaya ng ating mga frontliners, buhay rin ang itinataya nila mapunan lamang ang kumakalam na sikmura ng kanilang mga pamilya. Bukod sa mga bayani nating healthworkers, maituturing din silang bayani ng kanilang mga pamilya.

Kung kaya’t marapat lamang na gawin ng mga lokal na pamahalaan nang mabilis at wasto ang kanilang mga hakbang upang tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong walang kakayahang mabuhay nang hindi nagbabanat ng buto sa loob sa isang buwan, o ‘di kaya’y maski sa isang araw.

Nararapat lamang na kung mananatili ang mga polisiya ng nasabing quarantine ay malapatan ng sapat na solusyon ang mga taong direktang apektado nito. Nararapat na maigayak sa lalong madaling panahon ang mga dapat na ipantugon upang hindi na ito magdulot ng mas lalong kapahamakan.

Totoong pagkakaisa ang kailangan sa panahon ng krisis. Ngunit para sa mga mamamayan nating maralita at walang kakayahang mag-imbak ng makakain na sasapat hanggang sa pagtatapos ng nasabing quarantine, at bagaman naroon ang matinding pagnanais na makiisa, hindi rin nila masisikmurang panoorin ang pamilyang mamatay kung hindi man sa epidemya, ay sa kumakalam naman na sikmura.

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.