[Tula] Konsiyerto ng mga bagani ng lupa -ni Fr. Edu Gariguez

Sa dapit-hapon ng karimlan
At pag-aagaw dilim ng takipsilim
Iniaalay awit ng pag-asam
Dalangin sa bagong pag-asa ng bukang liwayway
Sama-samang nangangarap, umaasam
Sagipin ang naghihingalong mundo, naghahatid buhay
Panumbalikin ang luntiang kabundukan
Sa pag-usbong ng samut-saring buhay
At muling pagdaloy ng tubig sa bukal
Ang mga natitirang agila’y muling magliparan
Saan hahantong ang ating kilos, pagtataya at pangarap?
Halina at sa sabayan ang katutubong pagdiriwang
Gisingin ang mga espiritung nakikipanahan
At ang susunod na salin-lahi ay awitan
Ng pag-asang sumisikat sa mapagmalasakit na kamalayan
Sulong at halina mga bagani ng lupa!
Sagipin ang nanganganib na Inang Kalikasan
Laban sa di mapigilang tulak ng kasakiman
Na isinasakripisyo ang mga yamang buhay
Sa altar ng limpak na perang kinakalakal
Habang pinupuno ang kabang-yaman ng makapangyarihang iilan
Sukli ay pagkasira at hindi mapigilang kapahamakan
Sa mga pamayaang nananangis, nagmamaka-awa, sumisigaw:
. . . sa pamiminsalang dulot ng malawakang minahan
. . . sa paglalaho ng mga puno sa dating malagong kagubatan
. . . sa katubigang patuloy na nalalason sa polusyon
. . . sa kalawakang langit na sinasalanta ng krisis ng klima
. . . sa kaparangang nadarang sa init, nagkait ng bunga
. . . sa delubyong baha, nang ang langit at marahas na lumuha!
Habang ang madla y tumatahimik at kibit-balikat na naunuod
Tulog ang kamalayan, marami ang manhid at walang pakiaalam
Habang ang mga taong inaasahang mamahala at magmalasakit
Ay nananatiling bingi sa daing at panangis
Sinasamba ang kaunlarang huwad at mapangwasak
Lumuluhod sa damdana ng mga korporasyon
Dahil ang tanging batayang lohiko’t katuwiran
Ay magkamal ng pera hangga’t di na kayang mabilang!
Habang ang pinagsasamantalahan
Ay ang kahirapan ng mga mamayan
Nagsasaya sa karampot na kabahaging naiwan
Itinuring na biyaya ang pabuyang mapanlinlang
At tinawag daw itong kaunlaran!
Ngayo’y nangingibabaw ang tinig ng bagong kamalayan!
Huhubugin ng susunod na henerasyon ang kinabukasan
Magtaya, ipagtanggol ang ating iisang tahanan
Tao, kalikasan at mundo: magkatuwang ang kahihinatnan!
Ang pagbubukangliwayway, salubungin ng awitan!
Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com
Include your full name, e-mail address and contact number.All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.
Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.