[Statement] P10, 000 ang pangakong idaragdag, kaya hindi 21% ng DBM ang dapat ipatupad! -TDC

(Pahayag ng TDC sa naganap na Technical Working Group meeting sa Senado nuong Oktubre 8)

Kahapon ay lumahok tayong muli sa isang pulong ng technical working group (TWG) ng Senate Committee on Government Service and Reorganization para talakayin ang mga panukalang umento sa sahod ng mga guro. Nasa siyam na mga panukala ang nakatakda sanang talakayin kabilang na ang mga panukalang P10, 000 across-the-board na siyang itinutulak ng TDC at mayroon ngayong apat na bersiyon sa Senado. Gayunman, ang ginawang working draft ay ang panukalang umento sa sahod na iniakda ni Sen. Sherwin Gatchalian, ang SB No. 178 na naglalayong i-upgrade ang position ng Teachers I, II at III sa Salary Grades 13, 14 at 15, ayon sa pagkakasunud-sunod.

Kalahok sa nasabing pulong ang mga kinatawan ng DepEd at DBM gayundin ang iba’t ibang samahan ng mga guro at kawani ng pamahalaan. Sa posisyon ng DBM, makikita na hindi nila kailanman papaboran ang mga panukalang across-the-board at salary upgrading na may mas maraming bersiyon sa Senado. Bagkus ang tinutumbok ng kanilang pagtalakay ay ang pagpapatuloy lamang ng salary standardization law (SSL).

Nauna na nating ipinahayag na ang SSL kailanman ay hindi naging makatarungan at patas sa mga guro at pumapabor lamang sa mga may matataas na posisyon sa gobyerno. Ito rin ang dahilan kung bakit karagdagang P10, 000 umento ang ating hinihingi anuman ang itakdang umento sa ilalim ng SSL. Ito’y bilang pagkilala rin sa mga pagkukulang ng pamahalaan sa matagal na panahong pagpapabaya nito sa mga guro at pagbabalewala sa mga tadhana ng Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) na naisabatas noon pang 1966. Ang Magna Carta ang dapat gamiting batayan sa sistema ng pasahod sa mga guro at hindi ang SSL dahil ito ay isang special law na ginawa para sa kapakanan ng mga guro- katulad din iyan ng natatanging polisiya para sa military and uniformed personnel na hindi sakop ng SSL (na sa katunayan noong nakaraang taon lamang ay binigyan ng 100% na umento na walang tranches).

Gayunman, ayon sa DBM ay sapat na umano ang sahod na tinatanggap ngayon ng mga guro at ang umento ay dapat lamang na kasabay ng umento sa lahat ng mga empleyado ng gobyerno sa ilalim ng SSL. Sa opisyal na pahayag ng DBM ay sinabi rin nila na bukod umano sa sahod at iba pang benepisyo para sa mga kawai, may mga benepisyo pa tayong natatanggap na ekslusibo o tanging sa atin lamang gaya ng mga sumusunod:
1. Honoraria for teaching overload for every hour of actual classroom teaching in excess of six (6) hours per day or 30 hours per week;
2. Special Hardship Allowance, which shall not exceed 25% of the annual basic salary, for those teachers and school administrators who are assigned in hardship post;
3. World Teachers’ Day Incentive Benefit of P1, 000 per teacher to be granted during the annual World Teachers’ Day celebration;
4. Proportional Vacation Pay during the Christmas break and the summer vacation; and
5. One (1) SG increase to take effect on the last day of the service of the retiring public school teacher.

Sinagot natin isa-isa ang pahayag na ito ng DBM kasabay ng paggigiit na ipatupad ang lahat ng welfare provisions ng Magna Carta at gamitin ang batas na ito bilang batayan ng iskema ng ating sahod. Tungkol sa mga binanggit ng DBM ay narito ang ating tugon:
1. Mula 1966 ay walang ‘honoraria for teaching overload’ sa mga guro at bagamat sa unang pagkakataon ay naglaan ng budget para dito noong 2018, walang lumabas na guidelines ang DepEd upang ipatupad ito. Sa madaling salita, may overtime work ang maraming guro, pero walang overtime pay;
2. Malinaw sa tadhana ng Magna Carta na ang special hardship allowance ay katumbas ng hindi bababa sa 25% ng basic salary ng mga guro, pero sa pagpapatupad ng DBM, ginawa nilang maximum ang 25% at yon daw ang sinasabi ng circular. Ito’y isa na namang paglabag sapagkat hindi maaaring baguhin ng isang budget circular ang tadhana ng Magna Carta;
3. Ang WTD incentive bonus ay ngayon lamang naman ibinigay, P1,000 rin lamang ang halaga nito at bagamat ipinagpapasalamat natin ito, masakit naman sa atin na isama pa ito sa justification para sabihinng sufficient na ang sahod at benepisyo natin;
4. Ang PVP tuwing summer at Pasko ay isa ring justification, may sahod raw tayo kahit wala tayong trabaho sa mga panahong iyon. Ang hindi alam ng DBM, halos wala namang bakasyon ang mga guro sapagkat tuluy-tuloy ang reading ng forms, accomplishments ng napakaraming reports, INSET, Brigada Eskwela, Balik-Eskwela at kung anu-ano pang gawain tuwing ‘bakasyon.’ At isa pa, dapat maalala ng DBM na ang mga guro ay walang sick at vacation leave na binibigay sa lahat ng empleyado at manggagawa, pribado man o publiko; at
5. Ang “One Salary Grade Higher” provision ng Magna Carta ay hindi rin ipinatutupad. Samantalang malinaw na sinasabing ito dapat ang gagawing batayan sa computation ng retirement benefits, hindi ito naipatutupad. Ayon sa DBM, ang GSIS umano ang dapat tanungin.

Sa panig naman ng DepEd, kung pagbabatayan ang mga nauna nang pahayag ng Kalihim Liling Briones, mapapansin natin na umaayon ang DepEd sa mga pahayag ng DBM. Sa katunayan, halos magkapareho ang mga pahayag ng DepEd at ang opisyal na nakasulat na posisyon ng DBM. Gayunman, idinagdag rin ng kinatawan ng DepEd sa pulong na si Miss Cecille Anyayahan na inaayos na ng kagawaran ang career progression ng mga guro at magkakaroon umano ng karagdagang posisyon upang mapunan ang malaking puwang mula sa Teacher III hanggang Master Teacher I. Ipinapanukala ng DepEd ang pagbubuo ng mga posisyong Teachr IV, V, VI at VII na itatakda sa salary grade 14, 15, 16 at 17.

Bago magtapos ang pulong tinanong ng komite ang DBM kung magkano ang nakatakdang umento sa mga guro or at least sa entry-level na Teacher I. Ayon sa kinatawan ng DBM na si Asst. Secretary Myrna Chua, ang kanilang isusumite para sa approval ng pangulo ay aabot sa 21% ang umento. Gayunman, hahatiin pa ito sa tatlong tranches kaya ang umentong P4,358 halimbawa para sa Teacher I kung ibibigay ng tatlong hulugan ay katumbas lamang ng P1,452 buwanang umento para sa mga taong 2020, 2021 at 2022. Malayung-malayo ito sa mga pahayag noon ng pangulo na P10, 000 across-the-board o minsan sa ibang pahayag ay doble umano ng basic pay. Malayo rin ito sa sinabi ng pangulo kamakailan na ‘35’ bagamat hindi malinaw kung 35% o P35, 000 ang tinutukoy.

Mga kapatid na guro, sa panahong ito na tila mababalewala na naman ang ating pagsisikap na marinig at katigan ng gobyerno ang ating karaingan para sa makatarungang pasahod, mas kailangan nating mag-ingay at kumilos. Mas kailangan nating palakasin ang ating hanay at igiit ang wasto at makatarungan para sa atin. Sa maghigit limang dekada ay binalewala ang Magna Carta, kaya may malaking utang sa atin ang gobyerno mula noong 1966 hanggang sa kasalukuyan.

Kung itutuloy man ng pamahalaan ang kakarampot na umento sa ilalim ng SSL, dapat din nating ipagpatuloy na igiit ang katamaan ng P10, 000 acros-the-board increase at ang ganap na pagpapatupad sa Magna Carta for Public School Teachers.

Ihanda po natin ang ating mga sarili sa mga darating na araw at linggo para sa mas maiingay, mas malalaki at mas mapagpasyang pagkilos!

Maraming salamat mga kapatid na guro at mabuhay tayong lahat!

-Teachers’ Dignity Coalition (TDC)
Oktubre 9, 2019

Reference: Benjo Basas, National Chairperson 0927-3356375
TEACHERS’ DIGNITY COALITION (TDC)Telephone No: (02) 6920-296/ 0917-11383364443 BCL Homes, Independence St., Gen.T. De Leon, Valenzuela City

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s