[Statement] Sa muling pagbubukas ng klase, tuloy ang ating laban para sa karapatan at dignidad -TDC

Sa muling pagbubukas ng klase, tuloy ang ating laban para sa karapatan at dignidad

Muli na namang magbubukas ang mga paaralan sa araw ng Lunes, Hunyo 5. Isang kapana-panabik na araw ito para sa ating mga mag-aaral. Isa na namang simula na naghuhudyat ng bagong pag-asa.

Kasabay sa pagbubukas ng taong-pampaaralan 2017-2018 ay ang mga pangyayaring naganap at patuloy na nagaganap sa ating bansa. Nasa estado ng Batas Militar ang Mindanao. Patuloy ang bakbakan sa Marawi kasunod ng paglusob ng mga armadong grupo sa lungsod. Hindi bababa sa libong katao pa ang nananatiling bihag o naiipit sa nagaganap na sagupaan, ilan sa kanila ay mga kapatid natin sa propesyon. Tuluy-tuloy rin ang sagupaan sa iba pang bahagi ng Mindanao maging Luzon at Visayas sa pagitan ng iba pang mga aramadong grupo at mga kawal ng pamahalaan. Kamakailan ay isang pag-atake rin ang naganap sa Resorts World Manila kung saan ay hindi bababa sa 36 katao ang kumpirmadong namatay.

Nasa gitna ng ganitong sitwasyon ang pagbubukas ng klase para sa taong ito. Isang sitwasyong lubos na nakababahala. Sitwasyong higit sa mga usaping sektoral ng mga guro at edukasyon ay dapat tayong maging mulat at makiisa sa sambayanang Pilipino sa panalangin at pagkilos sa hangaring magkaroon ng kapayapaan, kaayusan at katarungang panlipunan sa ating bansa.

Ito rin ang dahilan kung bakit sa unang pagkakataon mula noong itinatag ang TDC taong 2006, hindi tayo lalabas sa kalsada at hihingi ng mga demand sa pamahalaan at sa DepEd. Sapagkat nais nating makiisa, makisimpatiya at makiramay sa lahat ng mga naapektuhan at patuloy na naaapektuhan sa mga nagaganap na kaguluhan sa ating bansa. Ngayong araw lamang ay isang misa ang inialay natin sa St. Peter’s Church sa Commonwealth para sa panalangin na bigyan tayo ng talino at lakas sa pagharap sa mga hamon sa parating na school year, gayundin sa ganap na kapayapaan sa Katimugang bahagi ng bansa.

Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang isinusuko na natin ang mga makatarungang kahilingan ng mga guro sa ating pamahalaan. Patuloy nating ipaaalala sa ating Pangulong Duterte ang pagtupad sa pangakong Sampung Libong umento sa ating sahod. Muli nating kokomprotantahin ang DBM sa pagharang nito sa karagdagang “chalk allowance” at ang pagkakatanggal ng ayuda sa mga guro mula sa special education fund (SEF). Igigiit natin na patuloy nang iatras ng PRC ang kanilang balaking pagpapatupad ng unit system sa public school teachers sa ilalim ng continuing professional development (CPD) law.

Kakalampagin natin ang pamunuan ng DepEd upang ipatupad ang mga probisyon ng 51-anyos na Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) partikular ang pagpapatupad sa buong bansa ng ‘six-hour workday’ na naipanalo na natin noon pang taong 2008. Hihilingin din natin na kagyat nang alisin ang mga gawaing lubos na nakapagpapahirap sa mga guro kagaya ng kumplikadong DLL/DLP, RPMS/IPCRF, LIS, accomplishments ng sangkaterbang school forms at iba pang mga clerical tasks na wala naman sa kalikasan ng Gawain ng mga guro. Ang lahat ng ito ay hindi nakakatulong, bagkus nakakasama pa sa kalidad ng ating pagtuturo. Idagdag pa ang kabi-kabilang pa-seminar ng DepEd kahit bakasyon at weekend. Kinukuha ng mga ito ang oras natin na sana ay nagagamit sa patuloy na pagpapaunlad sa ating pagtuturo.

Papasok na tayo bukas, subalit napatunayang hindi sapat ang Brigada Eskuwela upang ayusin ang ating mga klasrumm at buong paaralan. Kulang pa rin ang mga kagamitan sa maraming paaralan sa bansa. Maraming guro pa rin ang obligadong pumasan ng mabigat na trabaho dahil sa mga kakulangang ito.

Pasukan na naman, subalit ang mga gamit natin sa pagtuturo ay hindi pa rin naibibigay ng ating kagawaran. Hanggang ngayon ay kulang-kulang ang learner’s materials (LMs), teachers’ guide (TG) at curriculum guide (CGs) na esensiyal na pangangailanagn natin sa ating paguturo. Kung mayroon man, ito ay kailangan pa nating i-download at i-rpint o i-reproduce gamit ang sarili nating pera.

Nakalulungkot man, subalit halos isang taon mula nang naupo bilang kalihim si Sec. Liling Briones at nauna na nating naidulog sa kanyang tanggapan ang mga nabanggit na usapin ay patuloy itong hindi nareresolba. Hanggang ngayon ay wala pa ring dayalogo sa pagitan natin at ng mahal na kalihim upang matalakay nang mabuti ang mga usaping ito.

Mga kapatid na guro, tayo ang pinakamahalagang salik sa sistema ng edukasyon at ang pamahalaan ay may obligasyon na igalang ang ating karapatan at ibigay ang mga nararapat na benepisyo sa atin sa ilalim ng batas. Patuloy natin itong igiit at mulat na ipaglaban!

At sa lahat ng mga guro na hindi sumusuko sa kabila ng napakaraming hamon sa ating propesyon, sumainyo ang aming mataas na pagpupugay!

MABUHAY ANG MGA GURO!
Teachers’ Dignity Coalition (TDC)
Hunyo 4, 2017

TEACHERS’ DIGNITY COALITION (TDC)
Tel: (02) 444-6564 Mobile: 0916-6126739
Email Ad. teachersdignity@yahoo.com.ph
4012 A, Door F, Gen. T. De Leon Rd. cor.Diam St., Gen.T. De Leon, Valenzuela City

PUBLIC STATEMENT
June 4, 2017
Reference:
Benjo Basas, National Chairperson
09273356375

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally
published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or
change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and
original source/s of information are retained including the URL contained within the
tagline and byline of the articles, news information, photos etc

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s