[People] Lupa at Hustisya para sa mga Magsasaka: Mensahe ni Walden Bello sa paglulunsad ng Martsa ng Magsasaka

Lupa at Hustisya para sa mga Magsasaka: Mensahe ni Walden Bello sa paglulunsad ng Martsa ng Magsasaka
12 April 2016

Walden Bello word.world-citizenship.orgIsang maalab na pagbati sa inyong lahat. Narito tayo ngayon sa Sariaya upang ilunsad ang isang martsa na naglalayong kalampagin at gisingin ang ating gobyerno. Gobyernong patuloy na isinasawalang bahala ang sunod-sunod na dagok na naglulugmok sa sektor agraryo sa gutom, kawalan ng katarungan, at pagkait sa karapatan sa lupa.

Nagulantang ang bansa sa bangis na ipinakita ng pamahalaan sa mga kapatid nating magbubukid na nagprotesta sa Kidapawan. Nakalulungkot na kailangan pang humantong sa ganitong uri ng karahasan bago mapansin ng buong bayan ang krisis na kinasasangkutan ng mga magsasaka—hindi lang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas.

Dito lang sa Sariaya, nakaamba ang pagkabawi ng Certificate of Land Ownership (CLOA) na sumasakop sa 4,800 ektarya. Halos apat na libong pamilya ang mawawalan ng lupang binubungkal kapag maisapinal ang pagkansela ng kanilang CLOA. Sa Leyte naman, hindi pa rin hawak ng labing apat na libong magbubukid ang mahigit labindalawang libong CLOA na dapat ay naipamahagi nila, at naiulat na ng DAR na accomplished land distribution. Dahil wala sa kanila ang kanilang CLOA, hindi makatanggap ng tulong ang mga magbubukid nang nasalanta sila ng bagyong Yolanda. Walang habas pa rin ang kumbersyon ng lupa at kakulangan sa suportang serbisyo na ilang dekada na ring pinapasan ninyong magsasaka. At hindi pa rin umuusad ang ipinangakong pagsasakumpleto sa implementasyon ng repormang agraryo sa bisa ng CARPER. At tulad ng nakita natin sa Kidapawan, hindi lang karapatang agraryo kundi pati karapatang pantao ng mga magsasaka ang niyuyarakan ng mga puwersa ng pamahalaan. Nang may 300 pamilya ng magsasaka ang napalayas sa Hacienda Dolores, Porac, Pampanga noong 2014, dalawa ang pinatay, habang ikinulong at hindi pa nakakalaya hanggang ngayon ang pinuno nila.

Kaisa at kaagapay ninyo ako sa inyong pakikibaka. Batid ninyo na sa aking panunungkulan sa Kongreso, repormang agraryo at rural development ang isa sa mga naging pangunahing tutok ko. Kung palaring mahalal sa Senado ngayong Mayo, maaasahan ninyo ang patuloy kong pagkakampeon sa inyong interes. Ngunit hindi lang ako ang tumatakbo, at hindi lang Senado ang ating ihahalal ngayong Mayo. Kailangan nating usigin at usisain ang lahat ng mga tumatakbo—lalo na para sa pagka-Pangulo—kung ano ang maitutugon nila, hindi lamang sa karahasan at kawalan ng katarungang nagaganap laban sa inyong ranggo ngayon. Kailangan din nilang ipahayag kung ano ang posisyon nila ukol sa kapalaran ng CARPER at ng coco levy funds (kasama na ang 20% San Miguel Corporation shares na iginawad kay Danding Cojuangco ng Korte Suprema). Tandaan din natin na ang susunod na Pangulo ay mag-aappoint ng hanggang 10 Supreme Court justices sa loob ng kanyang termino. Marapat lang nating matamo ngayon pa lang ang kanilang panata at commitment upang masingil natin ang sinumang mahalal.

Sa ganang akin, manalo man ako o matalo, hindi ako titigil sa pagtataguyod sa minimithi nating lahat—repormang pansakahan, seguridad sa pagkain, at masagana at maunlad na kita at kabuhayan para sa ating mga magsasaka. Mabuhay ang martsa ng magsasaka! Alam kong simula pa lang ito ng tuloy-tuloy na pagkilos ng lahat ng batayang sektor, kasama na ang ating mga kapatid na manggagawa sa darating na Mayo Uno. Sa maigting na pakikibaka ng ating pinagakaisang puwersa, matatamo rin natin ang dignidad sa kanayunan at sa buong bayan. Mabuhay tayong lahat!

 

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s