[Blog] Pamantayan, Pag-iisip at Pagkatuto ni Jose Mario De Vega

Pamantayan, Pag-iisip at Pagkatuto[1]
ni Jose Mario De Vega

Vote for this article for the 5th HR Pinduteros’ choice awards…

Isang Pagtatangkang Pag-aaral at Anotasyon sa Papel ni Dr. Zosimo E. Lee: Unang Bahagi[2]

1. Paano natin masasabi na tayo ay malaya?

Kinakailangang may pamantayan upang masabi natin na tayo ay malaya.

Ang pamantayang tinutukoy dito ay nagsisilbing pundasyon o alituntunin o maaaring tukuyin na mas mataas na uri nang pamantayan.

Maaari ding sabihin na ang pamantayan o alituntuning ito ay tanglaw o gabay. Ito rin ay isang tagumpay mula sa isang pagsisikhay sa ating patuloy na pakikibaka’t pakikihamok sa buhay.

Mario De Vega

Kinakailangan ng sukdulang kaganapan, upang masabi at matukoy natin ng walang pasubali’t alinlangan na tayo nga ay umabot na sa isang punto o yugto na kung saan ay masasabi nating tayo nga ay tunay na malaya o ganap na!

Ang kalayaang ito ay nagtataglay ng dalawang aspeto o bahagi: ito ay isang proseso bukod pa sa isang ultimong kaganapan.

Ano ba ang ibig sabihin ng isang proseso na ito ay malaya?

Nangangahulugan ba na tayo ay malaya kung tayo ay kumikilos o gumagampan ng malaya at walang sagka?

O, masasabi ba natin na tayo nga ay malaya kung tayo ay nakakakilos ng malaya patungo sa isang layunin at mithiin?

May kinalaman o epekto ba ang kalayaang ating sinasabi sa nasabing proseso (kalayaang lumikha o maging malikhain, halimbawa) sa magiging bunga o produkto nang nasabing akto’t gawi?

Ano ba ang ibig sabihin ng kalayaang lumikha o maging malikhain?

Ano ba ang ibig sabihin ng kalayaan ng isang tao na magdesisyon o magpasya sa kanyang ganang sarili?

2. Ano ang kaibahan sa pagitan ng mga sumusunod: ‘matuwid’, ‘perpekto’ at ‘makatwiran’?

Ang pagiging matuwid, perpekto at makatwiran ay hindi lamang mga pamantayan, ang mga ito din ay mga punto o yugto ng kasukdulan at mga pagsusumikap na umabot sa kaganapan.

Ano ba ang ibig sabihin ng paggawa o pag-akto ng matuwid?

Kailan natin masasabi na ang isang akto o pagganap ay makatwiran?

Ano ang ibig sabihin ng paggawa o pag-akto na dalisay, lantay at perpekto?

Kailan natin masasabi na ang isang gawa ay hindi lamang mahusay kundi — perpekto nga?

Kailan natin masasabi na tayo ay gumagalaw, kumikilos at gumagampan ng makatwiran, patas, makabuluhan at parehas?

Ang tatlong birtud o katangian na tinukoy ko sa itaas ay mga pamantayan o sukatan ng mga halagahan.

Ang mga katangiang ito ay mga pamantayan nga, sapagkat sila ay ating ginagamit na kasangkapan bilang panukat o barometro upang bigyang-halaga o timbangin ang kalidad, sustansya at tunay na halaga, hindi lamang ang resulta o inabot ng ating mga pagkilos, programa at polisiya; manapa ay tinitingnan at sinusuri din natin mismo ang ating mga naging pagkilos, pag-akto at pagtalima…

Ang mga ito ay mga pamantayan, sapagkat tayo din ay kumikilos, humahatol at nagpapasya batay sa ating mga pagsusuri at pagtalima sa kanila.

Ang usapin ng Paghatol at Pagpapasya

Ginagamit natin ang pamantayan bilang basehan o salalayan para sa ating pagpapasya — bago tayo tuluyang magpasya.
Ginagawa natin ito nang sa gayon ay umabot tayo sa isang konklusyong risonable, alalaong baga ay matuwid at makatwiran.

Halimbawa, gamit ang ating pang-unawa nang pamantayan ng pagiging ‘matuwid’, hindi ba’t hindi mapapasubalian na tayo ay makakapagbigay ng ating opinion at kuru-kuro sa isang partikular na akto, gawi at pagkilos?

Gayundin, gamit pa din ang nasabing pamantayan, hindi ba’t nakakapagpahayag (at makakapagpasya) din tayo kung sa ating paningin ay makatwiran ba o hindi ang isang akto o gawi o kung ang nasabing pagkilos ay tila ba hindi matuwid o tiyak na hindi makatwiran.

Kapag tayo ay tinanong hinggil sa bagay na ito ay masasabi natin ng direkta na tayo ay umabot na sa nasabing pagpapasya o hatol gawa o gamit o bunsod ng pamantayan ng pagiging ‘matuwid’ at/o ‘makatwiran’.

Ang pagpapasya o paghatol na ito ay produkto nang ating personal na deliberasyon, pagninilay, paglilimi-limi’t pagdidili-dili batay sa interrelasyon at kapuri-puring ugnayan ng mga pamantayan, sa mga katangian at mga birtud at gayundin ng ating sariling mga pagtingin, pagtataya, pang-unawa at apresasyon ng lahat ng mga elementong nagsasalimbayan sa ultimong kabuuan nito…

Muli, ibig kong ihayag na ang pagiging matuwid, lantay at/o dalisay at pagkamakatwiran ay mga layunin din at manapa ay mga tagumpay na layunin, hangarin at mithiin!

Ang konsepto nang mga ‘pivots’[3] o pagbaling

Ang ‘pivots’ o pagbaling ay nagaganap sa ating pagpihit o pagbago nang ating galaw.[4]

O, maaari din marahil sabihin na kaya tayo nagbago ng ating galaw ay dahilan sa pangangailangan nating bumaling o pumihit — ayon o gawa nang pangangailangang hinihingi ng panahon at/o pagkakataon.[5]

Marahil, ito ay nagaganap din sa isang kadahilanang pekulyar at espesyal bunga ng actor na gumaganap sa nasabing sitwasyon o partikular na kondisyon.

Maaari din naman na nagaganap ang pangangailangan na ito batay o bunga nang sirkumstansya at iba pang mga karakter at elemento na nakapaloob sa nasabing pangyayari o karanasan…

Ang pagbaling ay nagdudulot din at nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magbago nang posisyon (at paniniwala? prinsipyo?) na umakto’t pumihit sa higit na mas tamang akto’t-pagpapasya.[6]

Marahil, maaari ding ipagpalagay na kaya tayo bumiling o pumihit ay gawa nang pagpagkakataon na bunga ng nasabing panahon.

Kung gayon, masasabi natin ng tuwiran at hindi maitatanggi na ang ating pagbiling ay ang punto o yugto kung saan tayo pumihit upang magbago ng ating galaw at pasya.

Maaari nating tukuyin na may tatlong posibleng uri o tipo nang pagpihit. Sila ang mga sumusunod:

Kaganapan o instrumental, pamamaraan at katapusan at panghuli, bahagi at kabuuan…

Ang kaganapan ay ang punto o yugto nang pag-abot sa minimithi o inaasam na katuparan ng tagumpay, samantalang ang instrumental ay maaaring maging tulay o susi patungong kaganapan ng tagumpay; kahit pa nga ang instrumental ay hindi siyang kaganapan.

Ang pares naman ng pamamaraan at katapusan ay medyo kakaiba o naiiba ng kaunti, sapagkat maaari nating bigyang kahulugan ang rasyonalidad, halimbawa sa aspeto o mga katanungang tulad ng: ano ang pinakamagaling, pinakamabisa, pinakaepisyente o pinakaepektibong pamamaraan patungo sa isang partukular na katapusan?

Kung gayon, walang pagdududa na ang pamamaraan at katapusan ay may relasyon sa isa’t-isa na masasabi natin na isang uri nang relasyon o ugnayan na depenitibo o tiyak, sapagkat ang kanilang relasyon ay organiko o likas o alalaong baga ay natural sa isa’t-isa.

Gawa niyon, masasabi natin na ang pamamaraan ay nagagawang maimpluwensyahan ang mga magaganap o nagaganap na kaganapan, sa katotohanan na ang kalidad ng nasabing pamamaraan ang maaaring maging susi o magtakda o magdetermina nang kalidad ng kaganapang hinahangad.

Samantalang ang kasukdulan ay maaaring tumayo ng mag-isa, ang instrumental naman ay hindi nangangahulugan na ito ay maaaring umabot sa yugtong ibig natin; sapagkat maaari na ito ay tumungo o mapadpad sa kung saan na masasabi nating mainam at kapaki-pakinabang, ngunit kakatwa na naabot nito ang isang yugto o layon o destinasyon na hindi natin inakala, plinano o itinakda.

Tila ba ito ay nagkaroon na nang sarili niyang direksyon, layon at buhay — na kakatwa, ngunit mainam, sapagkat tulad ng naturan na — nagawa nitong umabot sa isang yugto na hindi naman natin orihinal na itinakda.

Ang bahagi at kabuuan ay mga pagbaling din at ito ay mapapatunayan natin sa ating pagtingin kung paano sila nakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang entidad.

Halimbawa: Ang silid na ito ay parte ng isang gusali, ang gusali na ito naman ay matatagpuan o nakatayo sa isang tiyak na lokasyon, sa isang tiyak na lugar at ang nasabing pook na ito naman ay bahagi nang mas malaking kapookan.

Kaya naman, kung ibig nating maunawaan ng lubusan sa pangkalahatan ang konsepto ng bahagi, kinakailangan nating isaalang-alang ang kabuuan sapagkat silang dalawa ay magkabahagi o kabahagi at magkasanib ng isang kakaibang uri nang mas mataas na antas ng pananaw at mas malawak na tipo nang perspektiba.

Lumalago at lumalawak ang ating pagtingin at pang-unawa sa tuwing tayo ay titingin o sisipat mula sa pananaw o perspektiba nang kabuuan at gayundin naman ng mga bahagi nito. Sa ganitong kaparaanan ay matutunghayan natin ang pagbubuo o pagsasalikop at pagsasanib ng mga bahagi patungo sa isang kabuuang buo at ganap.

Gayon pa man, ibig ko ding ipahayag na may mga ibang uri o tipo nang mga kabahagian na maaaring magbuo o sumapi o sumanib sa ibang uri o antas ng ibang mga kabuuan.

Nakatutuwa na sa oras na ito ay ating mabanaag, makita, mabatid at maranasan ay magugulat tayo na binabago nang pangyayari o penomenolohiyang ito an gating pananaw at perkspektiba, iyon ay kung magagawa nga natin na tingnan o sipatin ang mga kakaibang uri ng mga bahagi na ito mula sa perspektiba o pananaw ng iba’t-ibang uri ng mga kabuuan.

Iba’t-iba ang pagtingin sa tao ng iba’t-ibang mga Disiplina at Batis ng Kaalaman, mula sa Pisiyolohikal na Anatomiya, sa Anthropolohiyang Kultural, sa Sosyolohiyang Politikal, Pang-ekonomiyang-gawi at pag-uugali, sa Sikolohiyang Moral at iba pa.

Gawa o bunsod ng kabuuang pangyayari o manapa ay isang masalimuot na prosesong ito ay pinasusulpot nito’t nahahayag ang iba’t-ibang uri ng dimension at ito ay nagiging katanggap-tanggap, risonable at makabuluhan…

4. Ang Pagsasaalang-alang ng mga Bagay-Bagay

Ang isa sa pinakamakatuturang elemento o pmamamaraan sa usapin ng wastong pagtugon at paglutas ng problema o suliranin ay ang pagsasaalang-alang ng kung ano ba ang marapat at kinakailangan ikunsidera.

Marapat na tayo ay tumingin sa buong larawan ng isang partikular na suliranin, upang makita natin sa kabuuan ang lawak at hangganan nito.

Mahalaga ang proseso o pamamaraang ito upang makita din natin ang solusyon o posibleng mga lunas o tugon sa nasabing suliranin.

Sa pamamagitan din ng ganitong pagtingin at pagkilala sa suliranin natin maaapuhap ang mga kasagutan at ito nama’y magtutulak sa atin sa wastong pagtitimbang at pagsasaalang-alang ng lahat ng mga elemento, posibilidad, ibang uri ng pamamaraan at pagtugon at gayundin, ang ultimong pagtingin sa lahat ng maaaring mga katugunan.

Sa gayon, mapipili natin, marahil ang pinakamabisa, pinakamabuti at pinakawastong kasagutan sa nasabing suliraning ating kinahaharap!

Ito ay isang komprehensibong pagdamulat at paggagap, hindi lamang ng ating pag-akto’t pagganap, kundi pati na sa buong sitwasyon, tulad ng nasabi na, ng problema sa kabuuan nito at ng pinakamabisang lunas, matapos maisakatuparan at maisaalang-alang ang lahat ng mga mahahalagang mga bagay-bagay at elemento.

Sapagkat, ang mabuting pagkaunawa at pulidong pagkagagap sa konteksto ng nasabing problema ay nangangahulugan na tayo ay seryoso at matamang nag-iisip hinggil sa mga mapagpasya at importanteng elemento na kaabibat at gumagampan sa loob ng masalimuot na sitwasyong ating kinapapalooban at kinakaharap!

Kalabisan ng sabihin pa na ang isang problematikong sitwasyon ay kinakailangan ng isang masusi at masinop na solusyon, upang makita ito sa kabuuan kung ano ba talaga ang maituturing na sitwasyon o kondisyon sa pinakakabuuan nito.

Hindi po naman sinasabi na tanging ang kabuuan lamang ang mahalaga at mapagpasya, sapagkat ang katotohanan, hindi mabubuo ang imahe o konsepto o larawan natin ng kabuuan kung hindi din natin sinuri, tiningnan o isinaalang-alang ang iba’t-ibang mga bahagi nito!

Muli, nais kong ipahayag na kalabisan ng sabihin na sa anumang pagtingin sa anumang suliranin, hindi maitatawa na kinakailangan ding ikunsidera ang mga salik o iba’t-ibang bahagi nito; sapagkat hindi tayo makabubuo ng kabuuan, kung hindi tayo tumingin o titingin sa mga bahagi nito at gayon din naman, ang mga bahagi ay mapagpasyang sangkap, haligi o elemento ng isang kabuuan…

Ang pamantayang ng pagiging mabusisi at masinop, halimbawa ay nag-aatas sa atin na hindi lamang dapat maging maingat at metikuloso sa ating pagtingin at pag-aaral ng mga suliranin, manapa tayo ay inuutusan din ng nasabing panuntunan na maging mas bukas at kritikal ang isip, mapangahas, magkaroon ng malawak na pagn-unawa’t pananaw ng sagayon ay magtagumpay tayo na ugatin, tukuyin, madumatin at solusyunan ang nasabing suliranin sa isang komprehensibong pamamaraan…
[1] Papel na binasa ni Dr. Zosimo E. Lee sa Benitez Theater bilang isa sa mga pangunahing tagapagsalita sa Forum na inorganisa ng University of the Philippines-Diliman College of Education at Educational Foundations (EDFD341) Graduate Class na may temang: “Philosophy of Philippine Education: Challenges and Directions Amidst Globalization” noong ika-2 ng Mayo, 2015.

[2] Si Jose Mario De Vega ay Associate Professorial Lecturer IV sa Unibersidad de Manila at nagtuturo ng mga asignaturang Pilosopiya at Agham-Panlipunan. Dati niyang guro si Dr. Zosimo E. Lee sa Departamento ng Pilosopiya.

[3] Sa kanyang lektura, tinukoy o ginamit ni Dr. Lee bilang analohiya ang larong basketball upang ilarawan sa kanyang ilustrasyon ang gamit o konsepto niya ng “pivots” o pagbaling sa aking personal na pagbasa’t pagturing.
Sumasang-ayon ako sa aking guro sa halimbawang kanyang ginamit, ngunit ibig ko sanang dagdagan ang diskusyon hinggil sa bagay na ito.
Sa larong basketball, naipapamalas ng isang manlalaro ang kanyang galling at kasanayan sa nasabing laro sa pagpapakita niya ng maayos at kaiga-igayang paggamit ng kanyang pivot foot.
Ginagamit ang pivot foot ng isang manlalaro sa mga susmusunod na sitwasyon:
Una, upang makaiwas sa dumedepensa o bumabantay sa kanya;
Ikalawa, ginagamit din itong sorpresa o panlilinlang (tinatawag na “nakaw play” sa termino ng mga basketbolista;
Ikatlo, ginagamit din ito bilang pagtatago (hiding the ball) o pagdepensa sa bola laban sa kalaban o sa nagbabantay (nagaganap ito kapag nag-uubos na ng oras ang koponang lamang sa bilang); at
Ikaapat at pinakamahalaga, upang makaiskor o makapuntos ng hindi gayon kahirap.
Halimbawa, ang isang manlalaro na bihasa at dalubhasa sa paggamit ng kanyang pivot foot at maaaring pumihit o bumaling sa kaliwa (turning or spinning to the left) o kanan (turning or spinning to the right) o palayo sa depensa (ito ay tinatawag na fade away shot) o maaari din ang turn around shot (na maaaring turning or spinning either to the left or right) depende sa anggulo ng busluan (basket) at puwesto ng depensa.
Gayon pa man, anuman ang uri o tipo ng tira na gamitin ng nasabing manlalaro, hindi niya maaaring iangat o ihakbang ang kanyang pivot foot na ginamit, sapagkat ito ay paglabag sa alituntunin ng nasabing palakasan o laro. Tinawag itong “traveling” o “walking” o “dribbling without the ball”!
Kung kaya naman, muli, makikita natin ang kagalingan at kahusayan ng isang manlalaro na makaiwas sa depensa at makatira ng maayos (o “luwag” sa termimo ng mga basketbolista at makabuslo’t makapuntos — ng hindi lumalabag sa regal o panuntunan ng nasabing paligsahan.

[4] Ang ating pag-pivot o pagbaling ay nakadepende din sa kinakaharap nating sitwasyon. Halimbawa, batay sa ilustrasyong ginamit natin sa talibaba bilang tatlo, nasa plano ng isang manlalaro na gagamitin niyang pivot o pagbaling ang kanyang kaliwang paa, ngunit nakareact o nabasa ng depensa ng kalabang koponan ang ibig mangyari ng nasabing manlalaro na may hawak ng bola; kung kaya naman sapagkat “tukoy” o “basa” o kita na ang ibig niyang mangyari ay kailangan niyang umakto at isaalang-alang ang nasabing pangyayari.
Ang kanyang mga opsyon ay ang mga sumusunod:
Maaari niyang ipasa ang bola sa iba niyang kasapi o kamanlalaro
Maaari niyang pwersahin ang sitwasyon (ngunit ito ay maaaring mauwi sa isang pagkakamali o paglabag [traveling] sa alituntunin ng nasabing laro
O, maaari niyang baguhin ang kanyang plano na sa halip na gamitin ang kaliwa ay lumipat sa kanan ng hindi lumalabag sa reglamento ng paligsahan.
Ipinapakita sa partikular na sitwasyong ito hindi lamang ang kagalingan ng isang manlalaro kundi pati ang kanyang kakayahang basahin ang buong sitwasyon.
Gayundin, nagpapakita din ito ng pagiging malikhain ng nasabing atleta!
Pinanghahawakan kong ganito rin dapat ang ating pagtingin sa batas ng buhay. Kinakailangan nating iangkop at iugnay an gating mga plano, layunin at mithiin batay sa hinihingi ng mga panahon at pagkakataon.
Sa Sikolohiya, ito ay ang tinatawag na “adaptation to the situation” o “survival instinct”, sa Pilosopiya naman ay angkop dito ang konsepto ng Kairos na maaaring tukuyin bilang “pivotal play”, “crucial moment” o alalaong-baga ay “momentous event or the moment of the decision” at sa Siyensya-Militar naman ay tinatawag itong “rerouting of the war plan”.
Halimbawa, batay sa huli, kung hindi maaaring i-out-flank ang kalabang hukbo sa kanan nito ay kailangan o maaaring magpasya ang hukbong sumalakay o kumukubkob nito na umatake halimbawa kaya sa kaliwang bahagi o gitnang posisyon ng kalabang hukbo.

[5] Halimbawa, plano natin na magtungo ngayong araw na ito sa PUP gamit ang ruta mula sa Sucat hanggang Sta. Mesa gamit ang PNR train, ngunit sa kasamaang-palad ay napag-alaman natin na gawa ng aksidente noong nakaraang Linggo ay hindi pa gawa ang mga riles na nasira kung kaya naman, hanggang ngayon ay wala pang operasyon o byahe ang nasabing moda ng transportasyon. Wala tayong magagawa, kundi ang bumaling o pumihit pabalik kung saan tayo nagmula kanina lamang! Ibig sabihin, sapagkat walang tran na bumubiyahe ay mapipilitan tayong magbago ng ating direksyon o paraan ng pagpunta sa Sta. Mesa.

[6] Pumapasok dito ang konsepto ng pagbabago din naman ng ating paniniwala o pasya (change of mind? change of heart?) bunga o dulot ng ating realisasyon (realization) ng buong pangyayari at sitwasyon sa kabuuan nito. Nagbibigay din ito sa atin ng karampatang pagkakataon na magwasto ng ating inaakalang tamang posisyon na ipinakita sa atin ng pagkakataon na tila mali o baliko. Kung gayon, ito ang pinakamahalagang salik o aspeto ng pagbaling: ang pagbibigay sa atin ng pagkakataon na magwasto at magtuwid ng ating mga pananaw, prinsipyo’t paniniwala!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s