[Blog] Utak Pulburang Rasista ni Jose Mario De Vega

Utak Pulburang Rasista
ni Jose Mario De Vega

Vote for this article for the 5th HR Pinduteros’ choice awards…

Ang akdang ito ay tugon hinggil sa artikulong “‘Binay: Kulay-mahirap, asal-mahirap’—Trillanes” ni Rigoberto Tiglao na lumabas sa The Manila Times noong ika-28 ng Oktubre, na may kinalaman sa balahura at magaspang na pananalitang binitawan ni Senador Trillanes laban kay Bise Presidente Binay.

Mario De Vega

Sang-ayon ako kay Ginoong Tiglao ng kanyang sinabi na:

“There’s nothing like a man’s huge ego pricked for him to reveal his true colors. Trillanes was so livid he blurted out his repressed world-view. He was mad waiting outside the gates of an agro-tourism park he was insisting was Vice President Jejomar Binay’s, and barked: “Kulay-mahirap si Binay, asal-mahirap.”

“Those terms are really a bit difficult to translate in its nuances, and the best I could do would be:

“He’s got not only a poor-man’s skin color, but a poor-man’s behavior.”

“Translated, that’s certainly shocking. If Trillanes were in some other nation and said a similar thing, he’d be booted out of office in a week’s time for a racist, bigoted remark.”

Anyare?

Ayun, binira ng ating mga kababayan ang senador na ito sa social media!

Una sa lahat, ibig kong ipahayag sa ating mga kababayan na ang manunulat na ito ay hindi tagasuporta ni Binay. Katunayan, direkta kong sinasabi na sa aking paningin ay pareho lamang na payaso at ungas sina Trillanes at Binay.

Sang-ayon ako sa ginagawang hakbang ng Senado, particular ng Blue Ribbon Committee (at ng sub-committee nito) sa kanilang pag-iimbestiga nang mga katiwaliang kinasasangkutan ng angkang Binay.

Ngunit, pinanghahawakan ko din na upang maipakita na ito ay totoo at sinsero, magalang kong iminumungkahi sa nasabing komite na dapat ay imbestigahan nila lahat ng mga nilalang at personalidad na damay at sangkot sa korapsyon at katiwalian sa buong pamahalaan — kung sino man sila, maging sino man sila, sila man ay alyado o hindi at maging sila man ay taga-administrasyon o taga-oposisyon.

Ang ultimong layunin ng munting sanaysay na ito ay upang kondenahin ang diskriminasyon at bangkaroteng salita ni Trillanes na sinabi niya sa nasabing panayam.

Ano ang ibig niyang sabihin sa pagiging asal-mahirap?

Ano ang kaibahan nito sa asal-mayaman?

Ano ang kaibahan ng mga ito sa asal-hayop?

Ibig ko ding direktang itanong, sa “butihing” senador: ano ang pakahulugan nya sa tinuran niyang kulay-mahirap?

Komentaryo:

Bilang isang pilosopo, akademiko at humanista, pinanghahawakan kong hindi lamang salaula, kundi lantarang kalapastanganan ang kahulugan ng mga magagaspang na pananalitang namutawi sa mabahong bunganga ng nasabing “mambabatas”.

Pinanghahawakan kong salaula ang nasabing mga kataga, sapagkat sa aking paningin, akala mo ba kung siya ay mangusap ay galing siya sa mayaman at pamosong angkan. Akala mo siya ay kabilang sa mga alta de sosyedad, gayong batid naman ng buong bayan na siya ay nagmula sa isa lamang payak na pamilya.

Bigla ko tuloy naalala ang matabil na personalidad at matapobreng karakter ni Donya De De Victorina!

Kahit sabihin pa na siya halimbawa ay galing sa nakaririwasang angkan — matuwid at makatwiran ba na bitawan niya ang gayong mga pananalita?

Isang malaking hindi! Sa aking paningin, mga bobo’t-mangmang lamang ang sasagot ng oo.

Ang nasabing senador ay isang utak-pulburang rasista!

Siya ay isang matapobreng nilalang na wala namang karapatang magmataas.

Marahil ay nalilimutan niya na siya ay isa lamang na lingkod-bayan at utang niya ang lahat ng kung anuman siya sa ngayon sa ating mga mamamayan at kababayan — na ang napakalaking bahagi o bahagdan ay nagmula sa mga mahihirap, mga naghihikahos at mga maralita!

Kung siya ay nag-iisip, naiisip kaya niya ngayon ang isipin, sintimyento at saloobin ng ating mga kababayan?

Sa usapin ng kulay-mahirap

Kung makapagsalita ang senador na ito, akala mo ba siya ay isang ilustradong burgis na mestisong bangus, gayong ang totoo ay lumamang lamang siya ng isang ligo sa taong kanyang pinatutungkulan!

Ang mga patutsada at pautot ng mokong na ito ay mga salitang nakabatay sa diskriminasyon at rasismo!

Kasumpa-sumpa at karima-rimarim!

Totoo na si Binay ay maitim, ngunit hindi ba’t si Trillanes ay “luminaw” o pumusyaw lamang ng bahagya gawa ng siya ay kayumanggi?

Kung tawaging ko kaya siyang senador kopiko (with creamer) o bansagang senator Brownie; ano kaya ang kanyang mararamdaman?

Dapat ko pa bang ipaalala sa senador na ito na ang ating mga ninuno, ang ating lahi ay nagmula sa mga Ita, Negrito at Baluga?

Tugisin natin lahat ng mga magnanakaw, dayukdok at walang-hiya sa ating lipunan at sa buong pamahalaan, ngunit tukuyin natin ang mga hayop na mga ito hindi batay sa kulay ng kanilang mga balat o kasarian o estado sa katatayuan sa buhay, kundi batay sa kanilang kawalanghiyaan o kawalang karakter!

Ang isang masamang tao ay masama, hindi batay sa mga bagay na ito, kundi dahil sa kawalan nila ng katwiran, rasyonalidad at dignidad — walang kinalaman dito ang kulay ng kanilang mga balat!

Ang magnanakaw ay magnanakaw hindi dahil sa siya ay negro o tisoy, kundi ang hayop na ito ay magnanakaw dahil sa siya ay masama, walang-hiya, walang-modo, itim ang buto at walang kaluluwa!

IBAGSAK ANG RASISMO AT LAHAT NG URI NG DISKRIMINASYON!

TUGUSIN, TUKUYIN AT PAGBAYARIN LAHAT NG MGA MASASAMA (SILA MAN AY MAITIM O MAPUTI O KAYUMANGGI) AT MAGNANAKAW (SILA MAN AY MAYAMAN O MAHIRAP/ASAL-HAYOP O NAGPAPANGGAP NA TAO) SA PAMAHALAAN!!!

Jose Mario Dolor De Vega

Propesor ng Pilosopiya at Agham-Panlipunan
Unibersidad de Manila

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.