[Statement] Labanan ang Gutom at kahirapan! Ipaglaban at Isulong ang Produksyon ng Pagkain ng Bayan! (Pahayag sa World Food Day) October 16, 2014 -Kilusan

Labanan ang Gutom at kahirapan! Ipaglaban at Isulong ang Produksyon ng Pagkain ng Bayan! (Pahayag sa World Food Day)
October 16, 2014

Hungkag ang World Food Day sa Oktubre 16. Dumaranas ng matinding gutom ang mahigit 800 milyong tao o 12% ng populasyon ng mundo anumang araw. Nasa kanayunan, kung saan ang produksyon ng pagkain, ang 75% ng dumaranas ng gutom. Ayon mismo ito sa United Nations. Sa Pilipinas, dumaranas ng gutom ang 16.3% o 3.6 milyong pamilya o halos 20 milyong tao, ayon sa sarbey ng Social Weather Station noong Hulyo.

kpd logo

Nagpapakita ang halos 1 bilyong dumaranas ng gutom na atrasado ang produksyon at salat ang kita ng maraming mamamayan. Indikasyon ito na hindi abot-kaya ng marami ang presyo ng pagkain. Palatandaan itong natitiwangwang ang malalawak na lupain at nasisira ang kapaligiran sa walang pakundangang pagbubungkal ng mga dambuhalang korporasyong agri-business at mining para magkamal ng kita at tubo.

Malaking pinsala sa buhay, paghahanapbuhay at kapaligiran ang dulot ng di-matapus-tapos at papalaganap na mga imperyalistang digma ng pananalakay at interbensyon sa di-iilang bansa sa mundo. Bukod pa ang epekto ng hambalos ng mga likas na kalamidad.

Nakalulungkot na 1 bilyong nagugutom sa kabila ng inabot na antas ng pag-unlad sa siyensya at teknolohiya sa produksyon ng pagkain at iba pang pangangailangan ng tao. Hindi pa kasali rito ang bilyong di-sapat ang kinakain sa bawat araw. At sa kabilang dulo, nagtatamasa ang may di-aabot sa 2,000 bilyonaryo sa halaga at yamang likha ng masang anakpawis ng mundo.

Kawalang seguridad sa pagkain

Mariing insulto sa mamamayan, laluna sa mga magsasaka ng isang bayang agrikultural ang kawalan ng seguridad sa pagkain. Para punuan ang kakapusan ng lokal na produksyon, malaon nang importer ng bigas at iba pang pagkain ang Pilipinas. Ang kahulugan nito: walang soberanya ang bansa, di-lamang sa pagkain kundi sa ekonomya.

Malaking kabalintunaan ito. Narito ang International Rice Research Institute (IRRI) at University of the Philippines sa Los Banos (UPLB) kung saan nagtapos ang marami sa mga agrikultor ng Thailand at Vietnam. Pero eksporter ang dalawang bansang ito ng bigas sa Pilipinas. Sa hanayang pandaigdig, pangwalo (8th) ang Pilipinas sa pinakamalalaking importer ng bigas sa nakalipas na taon. Kung isasama ang smuggled rice, aangat sa mas mataas na pwesto ang bansa.

Nababagabag ang mamamayan dahil mananatiling pangarap ang kasapatan-sa-bigas (rice self-sufficiency) ng bayan. Aminado ang administrasyon ni Presidente Noynoy Aquino (PNoy) na iaatras nang 3 taon, o sa 2016, ang ambisyong maging sapat sa bigas ang bansa. Tiyak na mag-iimport ng daan-daang libong metriko toneladang bigas sa 2015 at 1.7M metriko tonelada ngayong taon, ayon kay Sec. Kiko Pangilinan, Presidential Adviser on Food Security and Agricultural Modernization.

Nagagalak sa balitang ito ang mga importer at ismagler ng bigas. Patuloy silang tatabo ng limpak-limpak na kita at tubo. Patuloy nilang malalaro ang suplay at presyo ng bigas sa Pilipinas.
Bigas pa lamang ito, hindi pa kasama ang seguridad sa iba pang pagkain at seguridad ng local producers nito. Babala ang nakaraang krisis sa suplay at presyo ng ultimong bawang. Kayang pagdusahin ang mamamayan, laluna ang magtatanim ng bawang at sibuyas, ng kapangyarihan ng mga importer at ismagler. Nahaharap sa matinding kumpetisyon ang lokal na produksyon ng gulay; poultry, livestock and dairy; isda at iba pang pagkaing dagat dulot ng deregulated na importasyon at di-masawatang smuggling. Bukod pa, nalilimitahan ito ng mataas na gastos sa produksyon

Insentibo sa mga dayuhan, kamatayan sa local producers
Ngunit sa halip na itaguyod ng gubyerno ang lokal na agrikultura at industriya, mas hinihikayat nito ang mga dayuhan na magnegosyo sa Pilipinas. Ipinagkakaloob sa kanila ang maraming insentiba na katumbas ng kalayaang limasin sa bansa ang limpak-limpak na kita at tubo kasama na ang likas na yaman ng bansa. Salungat ito sa retorikang “inclusive growth” ng administrasyong PNOy!

Isa sa mga dayuhang korporasyong binigyan ng malaking insentiba sa negosyo nito sa Pilipinas ang Charoen Phokpand Foods Philippines Corp. (CPFPC). May 10 taon na sa bansa ang CPFPC na 100% pag-aari ng higanteng multinational-transnational na Charoen Pokphand Foods PCL na nakabase sa Thailand. Ginawaran ng administrasyong PNoy ang isa sa bagong negosyo ng CPFPC ng katayuang “pioneer” noong 2012.

Nangangahulugan ang katayuang “pioneer” na iginawad sa integrated broiler-poultry production ng CPFPC na ito’y “libre sa buwis” sa loob ng 6 na taon. May insentiba ang bawat isa sa iba pang negosyo ng CPFPC na tig-4 na taong “libre sa buwis”. Maliwanag na katibayan ito na pabor sa dayuhan at mapaminsala sa local producers ang mga batas at patakaran sa pamumuhunan, laluna ang Omnibus Investment Code of 1987 at Investments Priority Plan (IPP) ng administrasyong PNoy.
Sa pag-uuna ng gubyerno sa interes ng mga dayuhang kapitalista, lalo nitong isinasadlak ang mamamayan at bansa sa kumunoy ng kawalang seguridad sa kabuhayan at pagkain.

Magkaisa, ipaglaban ang soberanya sa ekonomya at pagkain
Gabundok ang mga balakid na dapat alisin para makamit ng bayan ang soberanya sa ekonomya at pagkain. Nangunguna ang patakarang nagbubukas sa bansa para dambungin ng malalaking kapitalista, laluna mga dayuhan. Kaugnay nito ang paghikayat sa malalaking korporasyon sa pagmimina, coal-fired power plants at turismo na pumipinsala sa lupa,nagkakalat ng dumi sa tubig at hangin at tuwirang nagkukompromiso sa produksyon ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan.

Malaking suliranin ding prayoridad sa agrikultura ang produksyon ng export crops gaya ng niyog, oil palm, tubo at saging kaysa batayang pagkain tulad ng palay, mais at gulay. Gayong kapuluan ang Pilipinas, atrasado ang sistema at paraan sa pangingisda kumpara sa mga Japanese, Chinese at Taiwanese na nakakapangisda sa karagatan ng Pilipinas.

Samakatuwid, kailangang nagkakaisang tutulan ng mamamayan at ipaglaban para ibasura ang mga batas, programa at patakarang nag-uuna sa interes ng mga dayuhan sa bansa. Dapat tutulan ang pagpapahintulot sa mga dayuhang korporasyong agri-business na pasukin ang agrikultura ng bansa sa kapahamakan ng mamamayan, laluna ng local producers. Kaugnay nito, ipaglaban na bawiin na ang permiso at mga insentiba na ibinigay sa mga dayuhang korporasyong agri-business gaya ng CPFPC at kagyat na ipatigil ang malawakang pagmimina laluna ang mapaminsalang open pit at strip mining.

Kaugnay pa rin nito, buong sigasig nating tutulan ang niluluto sa Kongreso na pagbabago sa Konstitusyon para buksan sa mga dayuhang kapitalista ang lahat ng larangan at linya ng ekonomya ng bansa!

Kilusan sa Pambansang Demokrasya (Kilusan)

Oktubre 10, 2014

All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s