[Statement] P597 milyon pa lang nahahanap, nasaan ang kabuoan ng mahigit P10 bilyong kinurakot? -FDC

P597 milyon pa lang nahahanap,
nasaan ang kabuoan ng mahigit P10 bilyong kinurakot?
Kalayaan Mula sa Kahirapan, Kurapsyon at Utang!

Ngayong ika-12 ng Hunyo 2014, paiigtingin ng sambayanang Pilipino ang laban tungo sa ganap na kalayaan: mula sa kahirapan na lalong pinalalala ng sistemang bukas sa pandarambong sa pampublikong pondong inutang na, kinurakot pa.

FDC

Kasama ang Kilusang Kontra TRAPO at Kontra PORK (KonTRAPOrk), patuloy na lilikha ng ingay at aksyon ang Freedom from Coalition (FDC) hanggang sa tuluyang mabulabog at tumayo mula sa kampanteng pagkakaluklok ang mga nasa Palasyo ng Malacañang at Konggreso. Dinggin ang atas ng mamamayan:

· Ikulong ang LAHAT ng mga nagnakaw sa kaban ng bayan!
· Ibasura ang LAHAT ng uri ng pork barrel!
· Wakasan ang kontrol ng mga TRAPO sa pananalapi ng taumbayan!

Higit pa sa dramang pagsasampa ng kaso laban kay Pogi, Sexy at Tanda ang gamot sa kanser ng kurapsyong lumulukob sa Pilipinas. Mas malaki pa ang halagang kailangang tuntunin sa bulsa ng mga nakinabang sa pamamagitan ni Napoles at sa Disbursement Acceleration Program (DAP) ni PNoy. At ang mga ito ay sintomas lamang ng mga kasalukuyang polisiyang patuloy na ipinipilit ng gobyerno sa bawat batang hindi makapag-aral, manggagawang may kakarampot na trabaho at sweldo, OFW na nagtitiis mawalay sa pamilya, ina na kandakuba sa paghahanap ng paraan upang itawid sa gutom ang mga anak, at biktima ng bagyong Yolanda na umaasa sa pangakong tila tinangay na ng hangin.

Ayon sa imbestigasyon ng Ombudsman, umaabot sa P242 milyon ang kickback ni Revilla, P183 milyon naman kay Estrada at P172 million kay Enrile. Sumatotal: 597 milyon. Nasaan ang mas malaking bahagi ng 40 hanggang 60 porsyentong kinulimbat mula sa bilyun-bilyong pisong Napoles scam?
Sa pagiging inutil ng gobyerno sa pag-ampat ng kurapsyon sa kaban ng bayan, paulit-ulit ang panloloko sa mamamayan: hindi na nga napakinabangan ang mga proyektong pinondohan ng utang, awtomatiko pang binabayaran ang mga utang na ninakaw.

Kasabay ng pagtunton sa ibinulsa ng mga magnanakaw sa gobyerno, nararapat din na alamin ng taumbayan ang mga inutang ng pamahalaan para sa taunang pambansang budget na nagtakda ng pondo para sa mga proyektong napasama sa pandarambong. Nararapat din na busisiin ang mga batas na nagbibibigay ng tanging kapangyarihan sa Pangulo upang mangutang sa ngalan ng Pilipinas at ang awtomatikong paglalaan ng pondo para sa mga utang na ito.

Matagal nang isinusulong ng FDC ang panawagan para sa isang komprehensibong pagtutuos o audit ng utang ng Pilipinas at ang pagkakansela sa mga inutang na mapapatunayang nabahiran ng kurapsyon. Ngunit nagbibingi-bingihan ang mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon. Ngayong 2014, aabot sa 8.8 bilyong dolyar ang nakatakdang pambayad-utang ng Pilipinas, kasama ang mga hindi pinakinabangan ng mamamayan.

At katawa-tawang patuloy na ipinagyayabang ng administrasyong Aquino ang “paglago” ng ekonomiya. Ang katotohanan, lumaki ang utang ng Pilipinas ng 20.41 porsyento sa loob ng tatlong taong panunungkulan ni PNoy. Mula sa 4.71 trilyong pisong utang ng pambansang gobyerno, umaabot na ito 5.44 trilyong piso. Hindi pa kasama rito ang utang ng mga lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno.

Ang ipinagmamalaking paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ay nakasampa sa likod ng 25 bilyong dolyar na padala taun-taon ng mga OFW. Samantala, tinitipid pa rin ang mga serbisyong pampubliko at kulang ang trabaho. Kaya nga, siksikan sa mga silid-aralan, marami pa ang hindi makapag-aral, dinadagsa ang mga call center dahil halos dito lang maaring kumita nang malaki, at milyun-milyong Pilipino ang nangingibang-bansa sa gitna ng kakulangan sa proteksyon laban sa pang-aabuso at illegal recruitment.

Wakasan na ang panloloko. Kung hindi kikilos ang gobyerno, kikilos ang masang Pilipino. At ngayong ika-12 ng Hunyo 2014, sa pagsasama-sama ng mga naghahangad sa tunay na kalayaan at demokrasya, ipapaalala natin sa Pangulo at sa Konggreso kung sino ang tunay na may kapangyarihan at ito ang atas ng mamamayan:

Ikulong ang LAHAT ng mga nagnakaw sa kaban ng bayan!
Ibasura ang LAHAT ng uri ng pork barrel!
Wakasan ang kontrol ng mga TRAPO sa pananalapi ng taumbayan!

PAHAYAG – 12 Hunyo 2014
Freedom from Debt Coalition
11 Matimpiin St. Bgy. Pinyahan, Quezon City, Philippines
(+63.2) 921.1985; (+63.2) 924.6399 | http://www.fdc.ph

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos etc.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.