[Literary/Tula] Himutok ng dalawang inang nawalan ng anak – matangapoy.blogspot.com

HIMUTOK NG DALAWANG INANG NAWALAN NG ANAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

http://matangapoy.blogspot.com

(Alay sa International Week of the Disappeared mula Mayo 29 hanggang Hunyo 4, 2011. Pinangunahan ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) at ng Asian Federation Against Involuntary Disappearances (AFAD) ang paggunita sa isang aktibidad sa PeaceBell, QC Memorial Circle, Mayo 29, 2011.)

minsan nagkausap ang dalawang nanay
hinggil sa kanilang malungkot na buhay
sabi ng isa, “ang anak ko’y pinatay
ng mga salarin sa harap ng bahay”

“tinadtad ng bala ang kanyang katawan
tulala akong gagawi’y di malaman
hanggang sila’y tumakas ng tuluyan
habang anak ko’y walang buhay, duguan”

“takot, pangamba, paghihiganti, galit
katawan ko’y nanginig, ngipi’y nagngalit
karanasan naming mag-ina’y kaypait
bakit ba ang buhay sa mundo’y kaylupit?”

“maswerte po kayo,” ang sagot ng isa
natigagal siya kaya’t natanong nya
“namatayan ako’y bakit maswerte pa?
gayong anak ko’y tuluyang nawala na?”

at napaisip siya sa katugunan:
“nakita mo ang anak mo ng pinaslang
maayos na libing, siya pa’y nabigyan
at puntod niya’y alam mo kung nasaan”

“ngunit kami, kami’y di kasimpalad mo
kaytagal nang nawawala ng anak ko
di na makita kahit kanyang anino
anak ko’y isa nang desaparesido”

“anak ko’y nawawala pa hanggang ngayon
pinaslang ba siya, saan itinapon
inilibing ba siyang walang kabaong?
sadyang kailangan po namin ng tulong”

“di namin alam kung siya ba’y nasaan
sa pagkawala’y sinong may kagagawan
nasaan na kaya ang kanyang katawan
paghahanap ba’y wala nang katapusan?”

sadyang kaysakit para sa mga ina
na mawalang tuluyan ang anak nila
ang isa’y pinaslang, bangkay ay nakita
hinahanap pa kung nasaan ang isa

dalawang inang sadyang kahabag-habag
karapatan ng anak nila’y nilabag
sa dalawang krimen, sinong magbubunyag?
hustisya ba’y kailan mababanaag?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.