
Mailap pa rin ang tunay na kalayaan para sa milyun-milyong manggagawang Pilipino dahil sa makadayuhang dominasyon sa ekonomiya, patakarang neoliberal, at lumalalang kalagayan sa paggawa, ayon sa isang makamanggagawang NGO.
Giit ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), nananatiling neoliberal ang mga patakarang pang-ekonomiya ng bansa, na siyang nagbibigay-laya sa mga malalaking korporasyon na isagawa ang sistematikong pandarambong ng likas na yaman ng bansa, at ipako sa napakababang antas ang sahod ng mga manggagawa.
“Ang pagpapatuloy ng Wage Rationalization Act, Value-Added Tax (VAT) sa mga batayang serbisyo at produkto, pribatisasyon, pleksibilisasyon ng paggawa, at paglahok ng gobyerno sa mga anti-mamamayang polisiya ng US tulad ng Pax Silica, ay pagprayoritisa sa interes ng tubo ng mga malalaking negosyo kaysa sa kapakanan ng mga manggagawa,” ayon kay Rochelle Porras, punong direktor ng EILER.
Binibigyang-diin din ng EILER na hindi kailanman natugunan ng deka-dekadang neoliberalisasyon ang matagal nang problema ng mga manggagawa. Sa kabila ng mga pangakong paglago at pag-unlad ng ekonomiya mula sa patuloy na pag-akit ng dayuhang pamumuhunan at labis-labis na utang, nanatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa, lumaganap ang kontraktwalisasyon, at nagpapatuloy din ang mga atake sa karapatan sa pag-uunyon. Dagdag pa ay nanatiling hindi sapat ang suporta para lokal na industriya.
“Ang tunay na kalayaan ay ganap na kalayaan mula sa imposisyon ng mga polisiyang neoliberal na pumapabor lamang sa tubo, monopolyo, at dayuhang pamumuhunan,” dagdag ni Porras.
Para sa EILER, ang tunay na kalayaan ay pagkakaroon isang ekonomiya na nakatitindig sa sarili, at nakabatay sa mithiin ng mamamayan. Upang maisakatuparan ito, nangangailangan ito ng pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo, ibayong pagtataguyod ng karapatan ng mga manggagawa, pagpapatupad ng nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho, at demokratikong kontrol sa likas-yaman at ekonomiya ng bansa.
“Kaisa ang mga manggagawa, inaalaala natin ang Araw ng Kalayaan bilang tanda na nagpapatuloy ang pakikibaka ng mamamayan para pambansang patrimonya, karapatan ng mga manggagawa, at makamamamayang pag-unlad,” pagtatapos ni Porras. ###
Tungkol sa EILER
Ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) ay isang makamanggagawang institusyon sa Pilipinas na pormal na itinatag noong 1981. Sa mahigit apat na dekada ng pag-iral nito, patuloy na pinalalawak ng EILER ang ugnayan at pakikipagtulungan nito sa mga unyon ng mga manggagawa, mga independyenteng samahan, at mga organisasyon sa mga komunidad.
Layunin ng EILER na makatulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagtataguyod ng dignidad ng paggawa at kalayaan sa pag-oorganisa. Kabilang sa mga serbisyo nito ang pananaliksik sa kalagayan ng paggawa, pagbabahagi ng kaalaman, at pagsasanay para sa mga edukador at mga tagapag-organisa ng unyon.
Read: https://www.facebook.com/share/p/1GDfvdUWjK/



![[Press Release] Bataan org slams Aboitiz coal plant as worker dies during ops | PMCJ | NFBM](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2026/06/fb_img_1781843275541.jpg?w=1024)
![[In the News] Mindanao earthquake highlights risks of congested campuses, teachers warn | TDC](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2026/06/fb_img_1781842509957.jpg?w=982)
![[Press Release] Health Advocates Call for Stricter and Expanded Regulation of Endocrine-Disrupting Phtalates and Bisphenols | EcoWaste Coalition](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2026/06/endocrine-disrupting-chemicals-edcs-can-mimic-block-or-alter-hormonal-signals-disrupting-natural-functions-and-contributing-to-abnormalities-and-diseases.jpg?w=1024)
Leave a comment