
Abril 7, International Day of Peasant Struggle
DAGDAG NA PASAKIT AT KRISIS DULOT NG EL NIÑO, IBAYONG PASANIN PARA SA KABABAIHAN SA KANAYUNAN. Sa ganito maisusuma ang pahayag ng mga kababaihang magsasaka, mangingisda, manggagawang rural, katutubong kababaihan na kasapi ng Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK). Ginanap ang talakayan via zoom nitong ika-16 ng Abril 2024, at dinaluhan ng 35 kababaihang kinatawan mula Luzon, Visayas, at Mindanao.
EPEKTO SA KABUHAYAN. Nararamdaman na ang pagkawala ng 30-40% ng produksyon sa mga sakahan, paunti nang paunti ang nahuhuli sa dagat, apektado na rin ang mga alagang hayop na wala ring makain sa paligid. Dahil sa kawalan ng pagkakakitaan, naghahanap na ng ibang pagkakakitaan ang mga kababaihan, nariyang mamasukan sa mga kapitbahay o karatig na lugar para manilbihan. Ang iba naman ay nag-uuling at may dala ring peligro sa kalikasan. Mas matinding pasakit ang nararanasan ng mga komunidad na naapektuhan na nga ng pagbaha nitong Disyembre at Enero dahil sa shearline, tapos sinundan pa ng matinding init ng mga sumunod na buwan. Sa Governor Generoso, Davao Oriental ay may ilang kabahayan ang natangay ng baha at ngayon ay wala pa ring disenteng tirahan ang mga apektadong pamilya.
EPEKTO SA NUTRISYON AT KALUSUGAN. Malaking problema ang pagkain sa araw-araw, dahil gaya ng maraming tanim, apektado na rin ang mga gulay, prutas at root crops. Samantala ay patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin at gasolina. Sa ilang katutubong komunidad ng Maguindanao, namigay na rin ng bigas ang tanggapan ni MP Froilyn T. Mendoza dahil sa kagutuman. Lumabas din ang iba-ibang klase ng sakit, mula sa simpleng ubo-sipon, hanggang sa iba pang malalang kalagayan dulot ng tag-init gaya ng LBM, UTI, altapresyon, heat stroke at iba pa. Higit na apektado ang mga may pangangailangang pangkalusugan gaya ng mga may-karamdaman, matatanda, bata, sanggol, at mga buntis.
EPEKTO SA GAWAING PANGANGALAGA. Sa mga komunidad na talagang hirap sa pinagkukunan ng tubig, nadagdagan pa lalo ang oras ng pag-iipon ng tubig dahil naiiga na ang mga balon at bukal. Sa komunidad sa Ragay, Camarines Sur, inaabot ng kalahating oras bago makapuno ng isang container ng tubig. Nadadagdag din sa oras ang paglalakad tungo sa ilog para sa paglalaba at panliligo. Dahil sa matinding init ay may mga eskwelahang nagpostpone ng klase, kung kaya nabaling muli sa Nanay ang pag-aalaga sa mga batang di pumapasok.
EPEKTO SA SEGURIDAD. Tumataas din ang mga ulat ng kriminalidad sa panahong ito ng El Nino at kawalan ng pagkakakitaan. Nariyan ang nakawan ng mga alagang hayop at iba pang gamit sa bahay. Dahil mataas ang tensyong dulot ng kawalan ng kita, hindi rin malayong mangyari ang pagtaas ng insidente ng domestic violence, trafficking at prostitusyon.
MGA PANAWAGAN
Nananawagan ang Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK) ng kagyat na solusyon para maibsan ang pasakit at pasanin ng mga kababaihan. Ilan sa mga ito ang sumusunod:
PAKIKIPAG-UGNAYAN SA LGU para sa datos ng climate change at El Nino monitoring, pagsasagawa ng rapid assessment kung hindi pa nasisimulan, pagtatatag ng Early Warning System (kung wala pa) na nakabatay sa forecast at syang pwedeng batayan ng aksyon para matugunan ang mga risgo, gayundin para mai-akma ang mga kailangang subsidyo at serbisyong pangkalamidad
SUPORTA PARA SA PAGTATAGUYOD ng Crop Diversification at ibang pagkakakitaan
DONASYON sa mga naapektuhan ng Mindanao flooding sa Davao Oriental at kasalukuyan naman ngayong naaapektuhan ng El Nino.
PAG OORGANISA NG MGA SELF-HELP GROUPS bilang porma ng kahandaan at social protection sa panahon ng krisis
Sa pangmatagalang solusyon, nilalayon din ng PKKK ang sumusunod:
WATERSHED PROTECTION Bill na magseseguro ng proteksyon sa 143 watershed supporting irrigation systems. Kailangang rebyuhin ang mungkahing batas at magsagawa ng study session, sumulat sa DENR (FMB) at buhayin ang technical working group para dito.
PAGPAPATIGIL sa mga gawaing lalong nagpapalala ng pagkasira ng kalikasan gaya ng pagmimina, kumbersyon ng mga lupang sakahan, at pagsira sa mga bakawan at baybayin.
PANGANGALAGA NG BINHI na salalayan ng ating kasarinlan sa pagkain at pangangalaga ng ating kabundukan.
PARTISIPASYON NG KABABAIHAN sa lahat ng usaping klima at pagkain, gaya ng ginagarantiya ng Magna Carta of Women.




![[People] No more safe spaces for journalists in Gaza | by Fr. Shay Cullen](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/unnamed.jpg?w=800)
![[Statement] TDC Statement on the bill to repeal CPD LAW](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/tdc-on-cpd-law.png?w=1024)
![[From the web] CONSUMER SAFETY ALERT: Food-Like Plastic Toys May Pose Serious Health Risks to Children | BAN Toxics](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/2.png?w=1024)
![[From the web] EcoWaste Coalition Calls for Stronger Measures to Stop Lead Paint Imports](https://hronlineph.com/wp-content/uploads/2025/09/laboratory-tests-confirm-the-presence-of-lead-a-toxic-chemical-banned-in-paints-and-similar-surface-coatings-at-levels-exceeding-the-legal-limit-of-90-ppm.jpg?w=1024)
Leave a comment