[Statement] Pahayag ng FIND para sa Kalbaryo ng Kawalan ng Katarungan 2024

Photo from FIND FB page

Hindi Cha-Cha ang tutugon sa isyu ng sapilitang pagwala! Implementasyon ng Anti-Disappearance Act of 2012, palakasin! Tumindig para sa hustisya ng desaparecidos!

Patuloy na hinahamon ang mga pamilya ng mga desaparecido na ituloy ang laban para sa hustisya para sa mga biktima ng sapilitang pagwala. Walang katarungang nakamit hinggil sa nagdaang mga kaso ng sapilitang pagwala mula pa noong panahon ng diktador na si Marcos hanggang sa mga sumunod na administrasyon, sa kasalukuyan ay meron na namang mga panibagong insidente ng sapilitang pagwala na naghahatid ng takot at pangamba sa mga pamilya ng mga biktima.

Sa kasalukuyan, higit 30 na ang kaso ng sapilitang pagwala ang naitala ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) mula nang maupo ang Pangulong Marcos Jr. Ilang araw lang ang nakalipas, dalawa na namang enviromental activists, sina Eco Dangla III at Jak Tiong ang dinukot, at hanggang sa kasalukuyan ay di alam kung nasaan na sila at ano na ang nangyari sa kanila. Patunay ito na nagpapatuloy ang krimen ng sapilitang pagwala, nagpapatuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao, at nagpapatuloy ang pag-iral ng isang mapanupil na sistema ng lipunang hindi nirerespeto ang dignidad ng mga mamamayan.

Sa gitna ng mga ito, abalang-abala ang ating mga mambabatas sa pagsusulong ng Charter Change. Marami nang mga pahayag tungkol sa pagtutol sa Charter Change at sapat na ang mga iyon upang maunawaan na hindi ito ang kailangan ng ating bayan. Ang kailangan ng mamamayan ay isang gobyernong nagmamalasakit sa kanilang kapakanan, gumagawa ng paraan upang maiangat ang kanilang kalagayan sa buhay, at tapat na gumagalang, nagpoprotekta, at tumutupad sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng pagsusulong ng Cha Cha.

Kaya naman ngayong Miyerkules Santo, sa paggunita ng mga pamilya ng desaparecidos sa Kalbaryo ng Kawalan ng Katarungan, muli kaming nananawagan ng hustisya para sa mga desaparecido at kanilang mga pamilya. Nanawagan kami sa gobyerno na lubusang ipatupad ang mga probisyon ng Republic Act No. 10353 o ang Anti-Disappearance Act of 2012. Kasama sa panawagang ito ang tuluyang pagtigil sa sapilitang pagwala. Hinahamon namin ang administrasyong Marcos Jr, na ipakita ang kanyang sinseridad sa pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pampublikong pahayag na ipatigil na ang sapilitang pagwala.
Hustisya para sa mga desaparecido at kanilang mga pamilya!

Ipatupad ang Anti-Disappearance Act of 2012!
Hindi Cha-Cha ang tugon sa isyu ng sapilitang pagwala!

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com Include your full name, e-mail address, and contact number. All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit the submission in a way that does not alter or change the original material. Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.