#HumanRights #Farmers

Mariing kinokondena ng KATARUNGAN ang karumal-dumal na pagpatay kay William Quimada, lider-magsasaka at Chairman ng Paglaom sa Mangunguma sa Negros Oriental (PAMANO) ng Siaton, Negros Oriental, noong ika-6 ng Enero ngayong taon.

Si William ay binaril sa harap ng kanyang limang taong gulang na anak ng hindi pa nakikilalang “riding-in-tandem”. Si William ay pangunahing testigo sa isa pang kaso ng pagpatay sa isang lider-magsasaka sa Siaton na didinggin sana noong ika-11 ng Enero. Ayon sa pamilya ng biktima, gabi bago ang pamamaslang ay nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng biktima at mga armadong kalalakihang layuning magtayo ng bagong bunker sa lupang dapat ay nasa kamay at kontrol na ng mga magsasaka.

Matatandaan na noong ika-8 ng Hunyo 2023, binaril at pinatay din si Jemboy Yunzon, ang Vice Chairman ng PAMANO, habang ito ay papunta sa korte upang daluhan ang pagdinig sa kasong forcible entry at malicious mischief na isinampa laban sa mga aktwal na nakapusisyon sa Cabrera Estate na matatagpuan sa Brgy. Napacao, Siaton, Negros Oriental. Ang PAMANO ang organisasyon na nagbunyag ng anomalya sa higit 600 na ektaryang lupang diumano ay naipamahagi na subalit ang mga benepisyaryo ay mga “dummies” lamang at hindi naman aktwal na nagbubungkal ng lupa. Noon pa man ay ipinapanawagan na ng PAMANO ang seryosong pag-iimbestiga sa anomalya sa pagpapatupad ng repormang agraryo sa nasabing lugar upang maipamigay sa karapat-dapat na mga magsasaka ang nasabing lupain. Sa katunayan, ang inaangking lupa ng pamilya Cabrera ay naisama na sa agrarian reform coverage sa ngalan ng Philippine National Oil Corporation.

Sa panahon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang bilihin, napakahalaga ng papel ng magsasaka upang tugunan ang problema sa pagkain ng bansa. Hindi katanggap-tanggap ang patuloy na pagyurak sa karapatang pantao ng mga magsasaka na ang hangad lamang naman ay magkaroon ng matiwasay na pamumuhay sa pamamagitan ng repormang agraryo.

Sa ganitong kalagayan, ang KATARUNGAN ay nanawagan sa pamahalaan lalo’t higit kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (BBM), Commission on Human Rights, at Department of Justice na seryosong maimbestigahan at mabigyan ng hustisya ang pagpaslang kay William at Jemboy. Nanawagan din kami sa Department of Agrarian Reform upang resolbahin sa lalong madaling panahon ang maanomalyang pagpapatupad ng repormang agraryo sa nasabing lupain.

Wakasan ang pandarahas at pagpatay sa mga magsasaka sa buong bansa!

Submit your contribution online through HRonlinePH@gmail.com Include your full name, e-mail address, and contact number. All submissions are republished and redistributed in the same way that it was originally published online and sent to us. We may edit the submission in a way that does not alter or change the original material.

Human Rights Online Philippines does not hold copyright over these materials. Author/s and original source/s of information are retained including the URL contained within the tagline and byline of the articles, news information, photos, etc.

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Trending

Discover more from Human Rights Online Philippines

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading